Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 9/8 p. 3-7
  • Ano ba ang “Greenhouse Effect”?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ba ang “Greenhouse Effect”?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pangglobong “Greenhouse”
  • Pagpapainit sa Pangglobong Temperatura
  • Ang Komperensiya sa Toronto
  • Inihulang Pangglobong Pagbaha
  • Nakalilitong Lagay ng Panahon
    Gumising!—1998
  • Ano Na ang Nangyayari sa Lagay ng Panahon?
    Gumising!—2003
  • Nanganganib ba Talaga ang Planetang Lupa?
    Gumising!—2008
  • Ano ang Maaaring Gawin?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 9/8 p. 3-7

Ano ba ang “Greenhouse Effect”?

Nauunawaan mo ba ang huwaran sa mga rekord ng panahon sa lupa? Nauunawaan ito ni Dr. James E. Hansen, direktor ng Goddard Institute for Space Studies, isang sentro ng pananaliksik na pinamamahalaan ng U.S. space agency, ang NASA (National Aeronautics and Space Administration). Noong Hunyo 1988, sinabi ni Dr. Hansen na ang lahat ng init na ito ay hindi nagkataon lamang. Pagkatapos ng madulang patotoo sa harap ng Senado ng E.U., sinabi niya: “Panahon na upang huminto sa kasasatsat at sabihin na napakalakas ng katibayan na naririto na nga ang greenhouse effect.”

ANG greenhouse effect. Malamang na madalas mo nang narinig ang katagang iyan. Hindi, hindi ito tumutukoy sa isang greenhouse na hardin. Inilalarawan nito ang pag-init ng atmospera na ikinatatakot ng maraming siyentipiko na naaapektuhan na ang buong planeta. Subalit hanggang noong patotoo ni Dr. Hansen, ayaw itong sabihin ng mga dalubhasa sa publiko. “Kinailangan pa ang isang miting ng Gobyerno noong panahon ng tagtuyot at isang napakainit na panahon (heat wave) at isang siyentipiko na may lakas ng loob na magsabi, ‘Oo, wari ngang nagsimula na ito [ang greenhouse effect] at napansin namin ito,’” sabi ng siyentipiko sa atmospera na si Michael Oppenheimer tungkol sa patotoo ni Dr. Hansen. “Naginhawahan siya sa pagsasabi nang malinaw at malakas sa kung ano ang personal na sinasabi ng iba.”

Ang Pangglobong “Greenhouse”

Nasubukan mo na bang iparada ang iyong kotse isang mainit na tag-araw na ang lahat ng bintana ay nakasara? Nang ikaw ay bumalik, natikman mo ang greenhouse effect. Ang liwanag ng sikat ng araw ay tagusan sa mga salamin ng iyong kotse, na mabilis na iniinit ang loob ng kotse. Subalit ang mainit na hangin sa loob ng kotse ay hindi makalabas, at hindi rin makalabas ang init mismo. Bakit hindi? Sapagkat ang init ay inilalabas sa anyo ng mga infrared rays, na di-nakikita ng mata subalit madarama ng balat, halimbawa, kapag ikaw ay nakatayo na malapit sa apoy. Ang salamin ding iyon na nagpapapasok sa nakikitang liwanag ang siya ring humahadlang sa karamihan ng di-nakikitang infrared na radyasyon na makabalik. Kaya ang temperatura sa loob ng iyong kotse ay umiinit nang umiinit.

Ang atmospera ng lupa ay katulad ng salamin sa bintana ng iyong kotse. Tinatanggap nito ang nakikitang liwanag subalit hinahadlangan nito ang maraming di-nakikitang radyasyon, kabilang dito ang liwanag na infrared at ultraviolet, gayundin ang X rays. Sa pangkalahatan, ang paghadlang na ito ay mabuti. Ang liwanag na ultraviolet at X rays ay lubhang mapanganib at pinaniniwalaang sanhi ng kanser. Subalit bakit kailangang hadlangan ang infrared?

Kapag tinatanggap ng atmospera ang infrared na radyasyon, ito’y kumikilos na parang isang blangket sa palibot ng ating planeta. Kung minsan nakakalimutan natin na ang lupa ay napalilibutan ng malamig, hungkag na espasyo. Kahit na iniinit ng araw ang lupa, kung wala ang ating greenhouse na “blangket,” ang init na iyon ay mabilis na tatakas, at ang temperatura sa ibabaw ay magiging 40 digris Celsius na mas malamig kaysa kasalukuyan. Magyeyelo ang karagatan!

Ang problema sa greenhouse effect ay na maaari itong maging napakabuting bagay. Ang di-mapigil na greenhouse effect ay maaaring mangahulugan ng lansakang taggutom habang ang mga dakong pinagtatamnan ng mga binutil ay nagiging mga disyerto. Mangangahulugan din ito ng mamamatay-taong mga unos dahil sa sobrang init na mga karagatan, tumataas na mga karagatan anupa’t binabaha ang mga dako sa tabi ng dagat, palasak na kanser sa balat dala ng naaagnas na ozone layer, at katakut-takot na hirap sa tao.

Pagpapainit sa Pangglobong Temperatura

Marahil ay natutuhan mo sa paaralan na ang atmospera ay halos 99 porsiyentong oksiheno at nitroheno. Gayunman, ang mga gas na ito ay hindi humahadlang sa mga sinag ng infrared. Ang ilang mga gas na bumubuo sa natitirang 1 porsiyento, pati na ang singaw, ay balintunang kapuwa nagliligtas sa ating planeta mula sa matinding pagyeyelo at pinagbabantaan na initin ito nang labis.

Karamihan ng mga siyentipiko ay sumasang-ayon na ang pagdami ng greenhouse gases sa hangin ay magtataas sa pangglobong temperatura, bagaman walang isa man ang nakatitiyak kung paano ito mangyayari. Maihahambing mo ang mga gas na ito sa isang pangglobong thermostat. Sa loob ng mahigit na isang daang taon, wari bang patuloy na iniinit ng tao ang pangglobong thermostat. “Ang pagsusunog ng gatong na fossil (pati na ang iba pang mga gawaing pang-industriya at pang-agrikultura) ay nagpangyari na lubhang dumami ang carbon dioxide sa atmospera ng mga 25 porsiyento sapol noong 1860,” sabi ni Irving M. Mintzer ng World Resources Institute. “Ang pinagsamang pagdami ng carbon dioxide at ng iba pang greenhouse gases sa atmospera sapol noong 1860 ay ipinalalagay na nasa ibaba na ng Lupa upang initin humigit-kumulang ng 0.5° hanggang 1.5° C na higit sa katamtamang pangglobong temperatura ng panahon bago pumasok ang industriya.”

Totoo na ang isa o dalawang digris ay hindi gaanong malaki, subalit, sa katunayan, kinakatawan nito ang napakaraming init. “Upang maunawaan,” susog ni Mintzer, “ang isang pagbabago sa katamtamang pangglobong temperatura ng 1° C lamang ay maghihiwalay sa kasalukuyang klima sa Hilagang Amerika at Europa mula sa Munting Panahon ng Yelo ng ika-13 hanggang ika-17 Siglo.” Isa pa, walang dahilang mag-akala na ang ekstrang init ay pantay-pantay na ikakalat. Ang ekstrang init sa loob ng isang taon ay maaaring dumating sa anyo ng maraming karagdagang init sa panahon ng pinakamainit na mga buwan ng tag-araw, na may nakapipinsalang mga epekto.

Ang Komperensiya sa Toronto

Habang patuloy na iniinit ng matinding tag-araw ng 1988 ang Hilagang Amerika, mahigit na 300 mga delegado buhat sa 48 mga bansa ang dumalo sa Internasyonal na Komperensiya Tungkol sa Nagbabagong Atmospera, na ginanap sa Toronto, Canada. Sa isang report tungkol sa komprerensiya, binanggit ng Manchester Guardian Weekly ang sumusunod na malagim na hula tungkol sa mga kahihinatnan ng pag-init ng globo:

“Ang pagtaas ng pangglobong temperatura ay hindi magiging pantay. Ang matataas na mga latitud ay mas mabilis na iinit kaysa ekwador. Ito’y mangangahulugan ng pagkawala ng halumigmig sa lupa sa mga kalagitnaang latitud ng hilagang hemispero, kung saan itinatanim ang mga binutil ng daigdig.” Sa ibang salita, isang resipi para sa pangglobong taggutom.

Inihulang Pangglobong Pagbaha

Isa pang malaking problema ay ang epekto ng mas mataas na temperatura sa antas ng mga karagatan. Iniuugnay ng karamihan ng mga tao ang pagtaas ng antas ng dagat sa pagtunaw ng mga glacier at mga niyebe sa tuktok ng bundok, subalit sa katunayan ang karagatan ay maaaring tumaas na lubha kahit na hindi matunaw ang mga niyebe sa anumang polo. Paano? Ang tinatawag na thermal expansion​—iyon ding palatandaang nagpapataas sa asoge sa iyong termometro sa isang mainit na araw. “Kung tayong lahat ay gagawa ng pantanging pagsisikap upang pabagalin ang pag-init ng lupa, maaaring ihinto natin ang antas ng pagtaas ng dagat sa isa hanggang dalawang metro, at iyan ang pinakamabuting maaasahan natin,” sang-ayon sa siyentipiko ng Lawrence Livermore National Laboratory na si Robert Buddemeier.

Ang ganito kalaking pagtaas ng antas ng dagat ay pumukaw ng pagkabahala sa buong daigdig. “Ang pagtaas ng wala pang 0.6 metro sa antas ng dagat ay maaaring apawan ang 27 porsiyento ng Bangladesh, alisin ang 25 milyon katao,” ulat ng U.N. Chronicle. “Ang Ehipto ay mawawalan ng 20 porsiyento ng mabungang lupa nito, ang Estados Unidos, ito’y mawawalan sa pagitan ng 50 at 80 porsiyento ng mga lupa nito sa tabing-dagat. Maaaring pawiin ng 2-metrong pagtaas ng antas ng dagat ang 1,190-islang kapuluan ng Maldives.”

Ang nabanggit na mga hula ay kainaman lamang. Isaalang-alang ang ilan sa mas malalang mga hula ngayon: “Ang taon ay 2035,” sabi ng isa sa mga ito. “Ang Holland ay lubog sa tubig. Ang Bangladesh ay hindi na umiiral. Ang malalakas na ulan at tumataas na mga dagat ay pumatay ng ilang milyon katao at ang natitirang populasyon ay napilitang tumira sa pansamantalang mga kampo ng mga takas sa mas mataas na dako sa Pakistan at India. Sa gitnang Europa at sa Gitnang-kanluran ng Amerika, ang dating matabang sinasakang lupa ay naging tigang na mga disyerto dahil sa mga dekada ng tagtuyot.”​—Jeremy Rifkin, sa Manchester Guardian Weekly.

Ito bang talaga ang kinabukasan ng ating planeta?

[Kahon sa pahina 5]

Hindi lahat ng siyentipiko ay nakatitiyak na ang pagdami ng greenhouse gases ang nagpangyari ng pag-init ng globo. Si Stephen H. Schneider, isang climate modeler sa U.S. National Center for Atmospheric Research ay nagbababala: “Hindi mo masasabi na dahil sa ang isang dekada ay uminit na ito ay dahil sa greenhouse effect. Subalit kapag dalawang dekada na ang pag-init, iyan ay hindi na pangkaraniwan. At kung ito ay patuloy na magtala ng pinakamataas na rekord sa taun-taon, kung gayon sa palagay ko ang mga taong nagdududa ay sasang-ayon na mayroon ngang greenhouse effect.”​—Science News, Tomo 135, Abril 8, 1989

[Kahon sa pahina 6]

Kung Bakit Mahirap Hulaan ang “Greenhouse Effect”

Ang panlahat ng klima ng daigdig ay isang pagkasali-salimuot na sistema, at malayang inaamin ng mga siyentipiko na may mga hangganan sa kung ano ang maaari nilang hulaan. Narito ang ilang mga salik na maaaring lubhang makaimpluwensiya sa kasalukuyang mga modelo ng computer ng klima sa hinaharap.

NATUTUNAW NA NIYEBE AT YELO: Ipinababanaag ng yelo at niyebe ang 40 hanggang 60 porsiyento ng pumapasok na mga sinag ng araw. Pinalalamig nito ang planeta. Subalit habang tinutunaw ng tumataas na temperatura ang yelo at niyebe, ang mas madilim na lupa o tubig sa ilalim ay tatanggap ng higit na init. Maaari nitong patindihin ang greenhouse effect, marahil ng 10 hanggang 20 porsiyento.

ULAP: Ang mas mainit na lupa ay dapat mangahulugan ng mas mataas na pangglobong kahalumigmigan​—mas maraming ulap. “Ang cloud feedback ay isa sa pinakamalaking pinagmumulan ng kawalang-katiyakan sa teoriya ng pagbabago ng klima,” sabi ng dalubhasa sa klima na si V. Ramanathan ng University of Chicago. Gayunman, inaakalang palalamigin ng mas maraming ulap ang mga bagay sa pamamagitan ng pagpaparami sa pagpapabanaag ng enerhiya buhat sa araw.

Sa kabilang dako, bagaman ipinababanaag na malayo ng mga ulap ang ilang enerhiya buhat sa araw, ang mga ito rin ay kumikilos bilang mga blangket upang siluin ang radyasyon na mula sa ibabaw ng lupa. Kaya mahirap hulaan kung aling epekto ang mangingibabaw sa isang mas mainit, maulap na daigdig.

ANG KARAGATAN: Ang tubig ay isang ekselenteng tagatanggap ng init, at waring ang mga karagatan ay nakapag-iimbak ng sapat na init upang iantala ang ganap na pagsisimula ng greenhouse effect ng mga ilang dekada. Kung gaano katagal ang pag-antala ay mahirap hulaan ng mga siyentipiko.

MGA BULKAN: Iniinit ng mga ulap na gawa ng bulkan ang stratosphere at pinalalamig ang ibabaw ng lupa sa isang masalimuot na paraan. Sa pangkalahatan, malamang na bawasan ng mga bulkan ang greenhouse effect, subalit walang makapagsasabi kung kailan puputok ang isang malaking bulkan.

MGA SIKLO NG ARAW: Salungat sa iniisip ng maraming tao, ang inilalabas ng araw ay hindi lubusang walang pagbabago. Ang kaliwanagan nito ay nabawasan ng halos 0.1 porsiyento sa pagitan ng 1979 at 1984. Ginagawa nitong lalong uminit ang pangglobong temperatura sa yugto ng panahong iyon na lalo pang nagbabanta ng masama.

[Kahon/Dayagram sa pahina 7]

Ang mga Gas na Sanhi ng “Greenhouse Effect”

SINGAW: Ang dami ng singaw sa hangin ay karaniwan nang depende sa temperatura. Ang mainit na hangin ay maaaring mag-imbak ng higit na halumigmig kaysa maiimbak ng malamig na hangin. Napakabisang sinisipsip ng singaw ang init, subalit sa ganang sarili ay hindi ito ang pinagmumulan ng greenhouse effect. Ang singaw ay karaniwang nagsisilbi upang palakasin ang mga epekto ng iba pang mga gas.

CARBON DIOXIDE (CO2): Ito ang pinakakaraniwan sa mga gas na sumisilo-ng-init at mahalaga sa lahat ng buhay sa lupa sapagkat kailangan ito ng mga halaman upang mabuhay. Ang dami ng carbon dioxide sa atmospera ay kasalukuyang dumarami ng kalahating porsiyento sa isang taon. Iyan ay maaaring magtinging hindi malaki, subalit ito nangangahulugan na halos isang tonelada ng karbón para sa bawat lalaki, babae, at bata sa planeta ay inilalagay sa atmospera taun-taon mula sa pagsunog ng mga gatong na fossil, gaya ng karbón at langis​—5,000,000,000 tonelada ng karbón sa bawat taon! Halos kalahati ng karbón na iyan ay sa wakas ginagamit ng mga halaman o sinisipsip ng karagatan, subalit ang iba pa ay nananatili sa hangin.

METHANE (CH4): Ito ang pangunahing sangkap ng natural na gas. Gaya ng carbon dioxide, ito’y naglalaman ng carbon. Dalawang ulit itong dumarami na gaya ng carbon dioxide sa atmospera, o halos 1 porsiyento sa bawat taon. Mayroon nang dobleng methane sa hangin kaysa noong panahon bago nagkaroon ng mga industriya. Nababahala ang mga siyentipiko na lalo lamang pahihirapan ng dumaraming methane sa atmospera na paghiwa-hiwalayin ang iba pang mga gas na sanhi ng greenhouse effect, gaya ng napakasamang mga CFC (Chlorofluorocarbon).

CFCs: Ang nagtatagal na mga kemikal na ito ay sumisira sa ozone pagkatapos na ang mga ito ay nagtutungo sa stratosphere. Subalit ang mga ito ay malakas na mga gas na sanhi ng greenhouse samantalang nasa mas mababang atmospera. Sa katunayan, molekula por molekula, ito ay halos sampung libong beses na mabisa na gaya ng carbon dioxide pagdating sa pagsipsip ng mga sinag na infrared!

NITROUS OXIDE (N2O): Kapag ginagamit ito ng iyong dentista, maaaring tinatawag niya itong tumatawang gas, subalit ang epekto nito sa atmospera ay hindi nakakatawa. Ito ang kakambal na produkto ng pagsusunog ng mga gatong na fossil at lubhang pirmihan. Minsang mapasama ito sa atmospera, nananatili ito roon sa katamtamang 150 taon. Sa panahong iyan, sinisipsip nito ang init samantalang nasa mas mababang bahagi ng atmospera, tinatawag na troposphere, subalit maaari rin itong tumaas tungo sa stratosphere, kung saan sinisira nito ang ozone. Ang kasalukuyang pagdami nito ay 0.25 porsiyento sa bawat taon.

OZONE (O3): Ang kahulihan ay ang ozone. Sa stratosphere, ang ozone ay kapaki-pakinabang sapagkat sinisipsip nito ang mapanganib na radyasyong ultraviolet na maaaring pagmulan ng kanser sa balat kung ito’y makarating sa ibabaw ng lupa. Subalit sa mas mababang atmospera, ang ozone ay isang peligro. Ang ozone ay kakambal na produkto ng combustion, lalo na sa mga kotse at eruplanong jet.

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang “Greenhouse Effect”: Gaya ng salamin ng isang greenhouse, sinisilo ng atmospera ng lupa ang init ng araw. Iniinit ng liwanag ng araw ang lupa, subalit ang init na likha nito​—na dala ng infrared na radyasyon​—ay hindi madaling makatakas sa atmospera sapagkat hinahadlangan ng greenhouse gases ang radyasyon at ibinabalik ang ilan dito sa lupa, sa gayo’y nakadaragdag sa init ng ibabaw ng lupa

Tumatakas na radyasyon

Nasilong infrared na radyasyon

Mga gas na sanhi ng greenhouse effect

Lupa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share