Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Napakahirap Manatiling Magkaibigan?
ISANG batang babae ang hindi na nakikipag-usap kay Sabina dahilan lamang sa siya ay hindi nakagawa ng isang home run sa isang laro ng baseball sa paaralan. Isa pang babae ang pinutol na ang kanilang pagkakaibigan sapagkat ayaw siyang tulungan ni Sabina na mandaya sa isang pagsusulit. Ang ikatlong babae ay laging pinipintasan at iniinsulto si Sabina sa harap ng iba. Kaya natutuhan ni Sabina ang kadalasa’y masakit na katotohanan: Ang pagpapanatili ng pagkakaibigan ay hindi laging madali.
‘Hindi niya iningatan ang aking lihim!’ ‘Hindi niya ako pinapansin!’ ‘Pinagtatawanan niya ako sa likuran ko!’ ‘Para akong sinasakal.’ Maraming malapit na pagkakaibigan ang nasira sa ilalim ng katulad na mga reklamo.
Marupok na Pagkakaibigan
Bakit kadalasang nagiging marupok ang pagkakaibigan? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Dahil sa di-kasakdalan, hindi lamang tayo madaling magkamali kundi tayo ay hindi rin makasuwato ng Diyos at ng ating kapuwa. Tayo ay pinahihirapan ng mga damdamin ng pagkakasala at kawalang-kasiguruhan, madaling magalit, madaling matakot. Yamang maaari rin tayong magalit, sumpungin, mayamot, at magselos—iba pang palatandaan ng di-kasakdalan—mas malamang na tayo’y “magpahamak sa isa’t isa” kaysa panatilihin ang buklod ng pagkakaibigan.—Kawikaan 18:24.
Kaya ang pagkakaibigan ng mga tin-edyer ay maaaring maging marupok. Sa isang bagay, ang gayong kaugnayan (lalo na sa gitna ng mga batang babae) ay kadalasang lubhang malapit. At bagaman ang pagkakaroon ng isang kaibigan na mapagsasabihan mo ng bawat laman ng isip at ng bawat damdamin ay maaaring may mga pakinabang, mayroon din naman itong mga disbentaha. Pansinin ang sabi ng Sobyet na mga mananaliksik na si Kon at Losenkov: “Ang matinding pangangailangan para sa mapagsasabihan ng mga lihim ay maaaring maging isang potensiyal na pinagmumulan ng hindi pagkakaunawaan at mga away.”
Ang emosyonal na paglaki na nagaganap sa mga taon ng tin-edyer ay maaaring makasira rin sa pagkakaibigan. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat, bago maging tin-edyer “ang ating mga personalidad ay hindi gaanong malinaw, ang ating mga interes at mga tunguhin ay hindi gaanong maliwanag; hindi pa natin gaanong kilala ang ating sarili.” Subalit habang papalapit tayo sa ating mga huling taon bilang mga tin-edyer, “tayo ay nagiging higit na maygulang, mga indibiduwal na may sariling mga tunguhin at mga huwaran at mga interes. Ito . . . ay maaaring gumawa ritong mahirap na manatiling malapit sa dating mga kaibigan na nagiging iba na rin. Kaya hindi maiiwasan ang paglayo sa isa’t isa.”
Sa wakas, ang ilang pagkakaibigan ay higit na nasasalig sa kasakiman kaysa pag-ibig sa isa’t isa, higit sa pagnanais na tumanggap kaysa pagkukusang magbigay. Ang karanasan ni Sabina (na binanggit sa simula) ay naglalarawan kung gaano kadali na ang gayong pagkakaibigan ay maaaring maglaho kapag ang masakim na mga inaasahan ay hindi natugunan. Ano, kung gayon, ang magagawa mo kung ang isang itinatangi mong pakikipagkaibigan ay masira?
Maging Matapat
Pinagkatiwalaan ni Joanna ang isa niyang kaibigan ng isang lihim—isang personal na bagay anupa’t hiniling niyang huwag itong sasabihin sa kaninuman. Pagkaraan ng ilang araw, natuklasan niya na nalalaman ng iba pa ang tungkol dito. Natatalos na ipinagkanulo siya ng kaniyang kaibigan, sinabi ni Joanna: “Pinatatawad ko siya, subalit hinding-hindi ko na siya mapagkakatiwalaan pang muli. Ang aming pagkakaibigan ay hindi na muling magiging gaya ng dati.” Ang katapatan ay tiyak na isang mahalagang bahagi ng pagkakaibigan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na sina David at Jonathan ay gumawa pa nga ng isang panata ng katapatan sa isa’t isa! (1 Samuel 20:15-17) Subalit kung ihahayag ng isang kaibigan ang isang lihim, tapos na ba ang pagkakaibigang iyon?
Hindi naman. Totoo, ang pagbubunyag ng isang lihim ay hindi maaaring kunsintihin. Ngunit maaari kayang sabihin na hindi katalinuhan sa iyong bahagi na pabigatan mo ang iyong kaibigan sa pagsasabi ng impormasyong iyon? “Ang naghahatid-dumapit ay hindi kailanman nag-iingat ng lihim,” babala ng kawikaan. “Lumayo ka sa mga taong masalita.” (Kawikaan 20:19, Today’s English Version) Ang mga kabataan ay karaniwang hindi nagtataglay ng katangian ng maygulang na tao na nag-iingat ng lihim. Si Dr. Jane Anderson, saykayatris ng mga adolesente, ay nagpapaalaala pa sa atin: “Kahit na ang isang mabuting kaibigan ay maaaring matukso paminsan-minsan na isiwalat ang isang lihim kung ito ay magbibigay [sa kaniya] ng ilang atensiyon at katayuan. Hindi naman ito gumagawa [sa kaniya] na isang masamang tao—isa lamang hindi maygulang na tao.” Ang lunas ay na magtapat ka sa isang maygulang na tao kapag ikaw ay may seryosong problema.
Kumusta naman kung ikaw ay pinagkatiwalaan ng isang personal na bagay? Maging matapat at “huwag mong ihayag ang lihim ng iba, baka siyang nakakarinig ay umalipusta sa iyo at ang iyong pagkadusta ay hindi maalis.”—Kawikaan 25:9, 10, The New English Bible.
‘Para Akong Sinasakal’
Kailanma’t gusto ni Joe na makasama ng iba—o basta masiyahan sa pag-iisa—ang kaibigan ni Joe ay nababalisa. Bunga nito, nadarama ni Joe na para ba siyang naiipit at bigo.
Ang pagtrato sa isang kaibigan na para bang siya’y iyong pantanging pag-aari ay maaaring sumakal sa pagkakaibigan. Oo, natural lamang na masaktan at makadama ng walang-kasiguruhan kapag ang isang malapit na kaibigan ay makisama sa iba. Subalit bubuti ba ang kalagayan sa pagiging labis-labis na mapang-angkin? Hindi sang-ayon sa Kawikaan 25:17 (NEB), na nagsasabi: “Maging madalang ka sa pagdalaw sa bahay ng iyong kapuwa, kung madalas ka niyang makita, kaiinisan ka niya.”
Si Jesu-Kristo ay lubhang malapit sa kaniyang alagad na si Juan. (Juan 13:23) Gayunman, hindi niya ipinuwera ang iba pa kundi sinabi niya ang ganito tungkol sa lahat niyang mga alagad: “Kayo ay aking mga kaibigan.” (Juan 15:14) Sa gayunding paraan, mayroon pang lugar kahit na sa pinakamatalik na pagkakaibigan para sa iba pang mga kaugnayan. Oo, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na “palawakin” ang kanilang pagkakaibigan.—2 Corinto 6:13.
Ano kung ikaw ang sinasakal ng isang mapang-angkin na kaibigan? Kung gayon “ipaglaban mo ang iyong usap sa iyong kapuwa,” at ipaalam mo sa iyong kaibigan kung ano ang iyong nadarama. (Kawikaan 25:9) Ang pagkakaroon mo ng interes sa ibang tao at sa iba pang mga bagay ay maaaring maging lubhang masakit sa iyong kaibigan. Maaaring ikinatatakot niya na ito na ang tanda ng wakas ng inyong pagkakaibigan. Tiyakin mo sa iyong kaibigan na hindi iyan totoo at na nais mo lamang magkaroon ng higit na kalayaan sa inyong kaugnayan.
Kawalang-galang
Nasumpungan ng mga mananaliksik na sina Youniss at Smollar na ang “mga gawang kawalang-galang” ay kabilang sa pinakakaraniwang sanhi ng mga away sa mga pagkakaibigan ng mga tin-edyer. Ang mga reklamong ‘inalimura niya ako!’ o na ‘ipinahihiya niya ako sa harap ng iba!’ ay karaniwan. Ipagpalagay na, masakit na ikaw ay pakitunguhan nang walang-kabaitan ng isa na mahal natin. Gayunman, ang paraan ng pagtrato sa atin ay kadalasang nagpapabanaag kung paano natin tinatrato ang iba. Sabi ni Jesus: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, ganoon din ang gawin ninyo sa kanila.” Hindi kaya kailangang ikapit mo ang Ginintuang Tuntunin nang higit pa sa iyong pagkakaibigan?—Mateo 7:2, 12.
Ang isa pang tanong na maaari mong isaalang-alang ay kung baga ginagawa mo ang iyong sarili na isang tudlaan ng paglibak—marahil sa pamamagitan ng labis-labis o mangmang na pagsasalita. (Kawikaan 15:2) Kung gayon, kailangan mong magbago. Nang si Jesus ay nasa lupa, siya ay iginagalang kahit na ng kaniyang mga kaaway. Subalit iyan ay hindi dahilan sa hiniling ni Jesus na pakitunguhan siya ng mga tao na gayon. Hindi, siya’y gumawi sa paraan na igagalang siya ng iba. Sa pagpapakita ng isang maygulang na Kristiyanong halimbawa ‘sa pagsasalita at sa paggawi,’ magagawa mo rin ang gayon.—1 Timoteo 4:12.
Gayunman, ano naman kung ang walang-galang na pagtrato ay lubhang hindi makatuwiran? Minsan pa, panahon ito upang magsalita. ‘Ang pagbibigay ng kabilang pisngi’ ay hindi naman nangangahulugan ng tahimik na pagtitiis ng hindi makatuwirang pagtrato. (Mateo 5:39; ihambing ang 2 Corinto 11:20.) Kaya bakit hindi “magsalita ng katotohanan” sa iyong kaibigan, at ipaalam mo sa kaniya kung paano ka naaapektuhan ng kaniyang mga pagkilos? (Efeso 4:25) Lutasin ang bagay na ito nang mahinahon, taglay ang motibo na ayusin ang inyong pagkakaibigan—hindi upang maghiganti.
“Iwasang sabihin ang gaya ng: ‘Tinatrato mo ako na parang dumi!’” mungkahi ng isang artikulo sa magasing ’Teen. “Sa halip, ituon ang pansin sa kung ano ang iyong nadarama: ‘Ako’y nasasaktan at napapahiya kapag ako’y tinutukso o hindi pinapansin sa harap ng iba pang mga babae. Para bang bale wala ako sa iyo. Puwede ba nating pag-usapan ito?”
Si Samantha ay napilitang seryosong makipag-usap sa isang kaibigan. Natuklasan niya na sinisiraan siya ng kaniyang kaibigan sa likuran niya. Ipinasiya ni Samantha na ipakipag-usap ito sa kaniya. “Sa simula ako ay nininerbiyos,” gunita niya, “subalit sulit naman ito.” Nalaman ni Samantha na may ilang hindi pagkakaunawaang nasasangkot at na ang mga sinasabi ng kaniyang kaibigan ay hindi naman kasinsama na gaya ng iniulat. (Kawikaan 15:22) “Ngayon mas mabuti kaming magkaibigan,” sabi ni Samantha.
Sabihin pa, hindi lahat ng away sa pagitan ng mga kaibigan ay may gayong maligayang kinalabasan. At kung ang iyong kaibigan ay ayaw gumawa ng mga pagbabago o talagang mapag-imbot, hindi makonsiderasyon, o hindi interesado sa iyong mga damdamin, kung gayon baka panahon nang humanap ng kasama sa ibang dako. (Kawikaan 17:17) Gayunman, karaniwan nang taglay ang determinasyon at paggawa sa bahagi ninyong dalawa, ang pagkakaibigan ay maaaring iligtas. At kapag pinag-iisipan mo ang matinding kagalakan at kasiyahan na dulot ng isang mabuting pagkakaibigan, hindi ba sulit ang gayong pagsisikap?—Kawikaan 27:9.
[Larawan sa pahina 26]
Ang taong mapang-angkin ay tinatrato ang isang kaibigan na parang isang piraso ng personal na pag-aari