Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ako Nawawalan ng mga Kaibigan?
“Kami ng kaibigan ko ay magkapareho sa maraming hilig at gawain; gustung-gusto naming magkasama. Pero biglang-bigla, lumamig nang lumamig ang aming pagkakaibigan. Iyan ang talagang nagpalumo sa akin.”—Maria.
SA WAKAS ay nasumpungan mo ang isang kaibigan, isa na nakauunawa sa iyo at hindi humuhusga sa iyo. Pagkatapos, walang anu-ano, ang inyong pagkakaibigan ay unti-unting naglalaho. Sinikap mong sagipin ito, subalit hindi nagtagumpay.
Ang isang matapat na kaibigan ay hindi matutumbasan ang halaga. (Kawikaan 18:24) At ang mawalan ng isang kaibigan ay totoong isang masaklap na karanasan. Sinasabi sa atin ng Bibliya na nang iwan si Job ng kaniyang mga kaibigan, siya’y naghinagpis ng ganito: “Ang aking matatalik na kaibigan ay nagsilayo, at nilimot ako niyaong mga kilala ko mismo.” (Job 19:14) Baka gayundin ang nadarama mong pamimighati kung sumamâ kamakailan ang iyong pagkakaibigan. Gaya ng sabi ng kabataang si Patrick, “para bang namatayan ka ng isang mahal sa buhay.” Subalit ano kung halos lahat ng iyong pagkakaibigan ay nauwi sa kabiguan?
Marupok na mga Pagkakaibigan
Sinasabi ng aklat na Adolescence ni Eastwood Atwater na ang mga pagkakaibigan ng tin-edyer ay “malamang na uminit at lumamig, na may bigla, malaking mga pagbabago at mga hinanakit kapag ang magkakaibigan ay nagkahiwalay.” Ano ang nagpapangyari sa pagkakaibigan ng mga tin-edyer na maging napakarupok? Ang isang dahilan ay na habang nagkakaedad ka, ang iyong damdamin, mga pangmalas, mga tunguhin, at mga hilig ay nagsisimulang magbago. (Ihambing ang 1 Corinto 13:11.) Matutuklasan mo ang iyong sarili na nauuna—o nahuhuli—sa iyong mga kaedad sa ilang bagay.
Kaya kapag lumaki na ang magkakaibigan, kung minsan ay lumalamig sila sa isa’t isa—hindi dahil sa nagkagalit-galit sila, kundi dahil sa nagkaroon sila ng iba’t ibang tunguhin, hilig, at mga bagay na pinahahalagahan. Maaaring pinakamabuti pa nga na magwakas ang pagkakaibigan. Habang ikaw ay nagkakaedad at higit na nagiging seryoso sa espirituwal na mga bagay, matatanto mo na ang ilan sa dati mong mga kaibigan ay hindi mabuting impluwensiya. (1 Corinto 15:33) Nagmamalasakit ka sa kanila, subalit hindi ka nasisiyahan sa pakikisama sa kanila na gaya ng dati.
Mga Bagay na Lumalason sa Pagkakaibigan
Kaya, ano naman kung patuloy kang nawawalan ng mga kaibigan—mga ugnayan na ibig mong mapanatili? Ang totoo, maaaring sabihin nito na may mga kapintasan ang iyong personalidad na dapat daigin. Halimbawa, selos o pananaghili ang lumalason sa pagkakaibigan. Gunigunihin na may kaibigan kang mas mayaman, mas matalino, mas maganda, o mas bantog kaysa iyo. Ikinasasama ba ng loob mo ang higit na atensiyon na tinatanggap niya? “Ang pananaghili ay kabulukan ng mga buto.” (Kawikaan 14:30) “Talagang inggit na inggit ako sa pagiging kilala ng aking kaibigan at lahat ng bagay na taglay niya na wala ako,” ang pag-amin ni Keenon, “at nakaapekto ito sa aming pagkakaibigan.”
Ang pagkamapang-angkin ay isa pang nakasisirang katangian. Ano kung malaman mo na ang isang kaibigan ay gumugugol ng higit at higit na panahon sa iba at paunti nang paunti sa iyo? Ganito ang inamin ng isang kabataan: “Nagseselos ako kahit na kung kausap lamang ng iba ang ilan sa aking mga kaibigan.” Baka ipalagay mo na ang pakikisama ng iyong kaibigan sa iba ay isang pagtataksil.
Ang paghahanap ng kasakdalan ay maaaring makasira rin sa pagkakaibigan. Halimbawa, nalaman mo na siniraan ka nang talikuran ng isang kaibigan, marahil sinabi pa nga ang kompidensiyal na mga bagay. (Kawikaan 20:19) “Hindi ko na siya kailanman muling pagtitiwalaan!” ang pagalit na naibulalas mo.
Pagkakaibigan—Pagtanggap o Pagbibigay?
Kung ang pagseselos, pagiging mapang-angkin, o paghahanap ng kasakdalan ay nakasira sa inyong pagkakaibigan, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang nais ko sa isang pagkakaibigan?’ Iniisip mo ba na ang pagkakaibigan ay ang pagkakaroon ng isang tao na handang tumalima sa anumang utos mo, para bang isang alipin na susunod sa iyong kahilingan? Naghahanap ka ba ng mga kaibigan dahil sa kabantugan, pagiging kilala, o mapapakinabang? Inaasahan mo ba ang bukod-tanging debosyon mula sa isang kaibigan, na walang gaanong pagkakataon para sa iba pang relasyon? Kung gayon kailangan mong baguhin ang iyong pangmalas sa pagkakaibigan.
Mula sa mga turo ng Bibliya natutuhan natin na ang mabuting pakikipag-ugnayan sa iba ay bunga ng, hindi pagtanggap, kundi ng pagbibigay! Sa Mateo 7:12, si Jesu-Kristo mismo ay nagsabi: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” Likas lamang na umasa ng mga bagay mula sa mga kaibigan. Ang aklat na Understanding Relationships ay nagsabi ng ganito: “Karaniwan nang inaasahan natin ang isang kaibigan na maging tapat at prangka, nagpapakita ng pagmamahal, nagsasabi sa atin ng kaniyang mga sekreto at mga problema, tumutulong sa atin kapag kailangan natin ito, nagtitiwala sa atin at gayundin naman . . . ay handang gumawa ng paraan upang malutas ang mga di-pagkakaunawaan.” Gayunman, hindi riyan natatapos ang mga bagay. Ganito pa ang sabi ng aklat: “Ito ang mga bagay na inaasahan ng mga tao sa isang kaibigan na gagawin sa kanila at inaasahan na gagawin naman para sa isang kaibigan.”—Amin ang italiko.
Pansinin kung paano mismo pinakitunguhan ni Jesus ang mga tao na malapít sa kaniya. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Hindi ko na kayo tinatawag na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Subalit tinawag ko na kayong mga kaibigan.” Subalit ang pakikipagkaibigan ba ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay nakasalig sa kung ano ang magagawa nila para sa kaniya? Kabaligtaran. Sinabi niya: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na isuko ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13, 15) Oo, ang tunay na saligan para sa pagkakaibigan ay mapagsakripisyo-sa-sarili na pag-ibig! Kapag pag-ibig ang pundasyon, mababata ng isang relasyon ang mga balakid at mga problema.
Kapag Bumangon ang mga Problema
Halimbawa, ipalagay na ang iyong kaibigan ay nagtataglay ng higit na salapi, talino, o kakayanan kaysa sa iyo. Ang walang-imbot na pag-ibig ang makatutulong sa iyo na makigalak sa iyong kaibigan. Tutal, “ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin,” sabi ng Bibliya.—1 Corinto 13:4.
O ipagpalagay nang may nasabi o nagawa ang iyong kaibigan na nakasakit ng iyong damdamin. Ibig bang sabihin niyan na ang inyong pagkakaibigan ay nagwakas na? Hindi naman. Si apostol Pablo ay totoong nasiphayo nang iwan siya ng kaniyang kaibigan na si Marcos sa isang misyonerong paglalakbay. Gayon na lamang ang pagkasira ng kaniyang loob anupat tinanggihan niyang samahan siya ni Marcos sa kaniyang susunod na paglalakbay! Nakipagpalitan pa nga ng masasakit na salita si Pablo sa pinsan ni Marcos, si Bernabe, hinggil sa bagay na iyon. Subalit, pagkaraan ng mga taon, may pagmamahal na nakipag-usap si Pablo kay Marcos, inanyayahan pa nga si Marcos sa Roma na tumulong sa kaniya. Maliwanag na nalutas nila ang kanilang di-pagkakaunawaan.—Gawa 15:37-39; 2 Timoteo 4:11.
Bakit hindi sikaping gayundin ang gawin kapag bumangon ang mga problema sa inyong pagkakaibigan? Huwag hayaang lumala ang mga bagay. (Efeso 4:26) Bago ka magsalita nang patapos o pagalit na mag-akusa, pakinggan ang panig ng iyong kaibigan. (Kawikaan 18:13; 25:8, 9) Marahil nagkaroon ng mga di-pagkakaunawaan. Subalit ano kung ang iyong kaibigan ay talagang nagpakita ng mahinang pag-unawa? Tandaan na ang iyong kaibigan ay tao lamang. (Awit 51:5; 1 Juan 1:10) At lahat tayo ay nagkakasala sa salita at gawa ng mga bagay na sa dakong huli’y pinagsisisihan natin.—Ihambing ang Eclesiastes 7:21, 22.
Gayunman, maaari mong buksan ang iyong dibdib kung gaano ka nasaktan sa mga ikinilos ng iyong kaibigan. Baka mapakilos niyan ang iyong kaibigan na humingi ng paumanhin nang taimtim. Yamang ang pag-ibig ay “hindi nagbibilang ng pinsala,” marahil maaaring ipagwalang-bahala mo na lamang ang nangyari. (1 Corinto 13:5) Ginugunita ang nawalang pagkakaibigan, sinabi ng kabataang si Keenon: “Kung maibabalik ko lamang ang nakaraan, hindi sana ako umasa ng kasakdalan sa aming pagkakaibigan. Sana’y pinakinggan ko siya nang higit at tinulungan siya at hindi ko tiningnan nang husto ang kaniyang mga pagkakamali. Nauunawaan ko ngayon na ang bagay na nagpapangyaring magtagumpay ang pagkakaibigan ay pagharap sa mga pagsubok at mga hamon.”
Subalit ano kung ang iyong kaibigan ay hindi na gaanong gumugugol ng panahon sa iyo gaya ng dati o haba ng panahon na ibig mo sana? Hindi kaya ikaw ay naging labis na makasarili sa panahon at atensiyon ng iyong kaibigan? Maaari itong makasakal sa isang relasyon. Ang mga taong may matagumpay na mga relasyon ay nagbibigay ng sapat na kalayaan para sa isa’t isa. (Ihambing ang Kawikaan 25:17.) Pinahihintulutan nila ang malaking dako para sa kasiyahan ng ibang tao! Tutal, hinihimok ng Bibliya ang mga Kristiyano na “magpalawak” sa kanilang mga pakikipagkaibigan. (2 Corinto 6:13) Kaya kapag ginawa ito ng isang kaibigan, hindi kinakailangang siya’y malasin na isang taksil.
Ang totoo, hindi mabuting kaisipan na maging labis na nakadepende sa sinumang tao sa anumang paraan. (Awit 146:3) Makabubuting linangin ang iba’t ibang pakikipagkaibigan bukod pa sa iyong mga kaedad, gaya sa iyong mga magulang, mga elder, at iba pang nagmamalasakit, responsableng mga taong nasa hustong gulang. Magiliw na inilalahad ni Ana ang ganito: “Ang aking nanay ang pinakamatalik kong kaibigan. Nagagawa kong ipakipag-usap sa kaniya ang anumang bagay at lahat ng bagay.”
Maaaring Tamasahin ang Namamalaging Pagkakaibigan!
Ganito ang sinasabi ng Bibliya sa 1 Pedro 3:8: “Sa katapus-tapusan, kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng damdaming pakikipagkapuwa, na may pagmamahal na pangkapatid, madamayin sa magiliw na paraan, mapagpakumbaba sa pag-iisip.” Oo, magpakita ng kabaitan, pagkamadamayin, matapat na ugali, at tunay na pagmamalasakit sa iba, at lagi kang makaaakit ng mga kaibigan! Sabihin pa, ang nagtatagal na pagkakaibigan ay nangangailangan ng pagsisikap at determinasyon. Subalit ang mga gantimpala nito ay sulit naman sa pagsisikap.
Kapansin-pansin, isinasalaysay ng Bibliya ang tungkol kay David at kay Jonathan. Tinamasa nila ang namumukod-tanging pagkakaibigan. (1 Samuel 18:1) Nadaig nila ang mumunting pananaghili at mga kapintasan sa personalidad. Ito’y naging posible dahil inuna kapuwa nina David at Jonathan ang pakikipagkaibigan at katapatan sa Diyos na Jehova higit sa anumang bagay. Gayundin ang gawin mo, at hindi ka gaanong magkakaroon ng suliranin sa pagpapanatili ng mga kaibigang may takot sa Diyos!
[Mga larawan sa pahina 26
Kalimitang nasisira ang pagkakaibigan kapag nadarama ng isa na isang kataksilan na magkaroon ng iba pang mga kaibigan