Maaari Kang Magtamasa ng Tumatagal na Pagkakaibigan
MAY mga hadlang sa pagkakaibigan. Sa katunayan, inihula ng Bibliya na sa “mga huling araw” na ito ay magkakaroon ng kasalatan sa pag-ibig, sa likas na pagmamahal, at katapatan. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:12) Ang mga kalagayang ito ang sanhi ng walang-katulad na salot ng kalungkutan. Ganito ang sabi ng isang tao: “Parang daong ni Noe sa aming lugar. Kung hindi kayo mag-asawa, hindi kayo makakasakay.” Ang lahat ng ito ay hindi naman maaaring isisi sa bawat taong malungkot. Sa ilang panig ng daigdig, kasali sa mga hamon sa tumatagal na pagkakaibigan ay yaong mga bagay tulad ng madalas na paglipat ng mga tao, paghihiwalay ng mga pamilya, di-palakaibigan at mapanganib na mga lunsod, at kapuna-punang pagkaunti ng libreng panahon.
Maaaring makasalamuha ng isang naninirahan sa modernong lunsod ang mas maraming tao sa isang linggo kaysa sa nakilalang tao ng isang ika-18 siglong taganayon sa loob ng isang taon o maging sa buong buhay niya! Subalit, ang mga ugnayan sa ngayon ay malimit na panlabas lamang. Marami ang umuubos ng panahon sa madalas na pakikisalamuha at mga pagtatangkang makipagkasiyahan. Gayunman, dapat nating aminin na ang walang-kabuluhang katuwaan sa piling ng di-mabubuting kasama ay gaya ng paggamit ng mga tinik bilang panggatong. Ganito ang sabi ng Eclesiastes 7:5, 6: “Mas mainam na marinig ang saway ng isang taong pantas kaysa sa maging isang taong nakikinig sa awit ng mga mangmang. Sapagkat gaya ng tunog ng mga tinik sa ilalim ng palayok, gayon ang halakhak ng mangmang; at ito man ay walang kabuluhan.” Ang mga tinik ay sandaling makagagawa ng maliwanag at maingay na ningas ng apoy, pero hindi sapat iyon para makapagbigay sa atin ng init. Gayundin naman, maaari tayong pansamantalang malibang sa maiingay, naghahalakhakang mga kasama, pero hindi nila mapapawi ang lahat ng kalungkutan at masasapatan ang ating pangangailangan ng tunay na mga kaibigan.
Ang pag-iisa ay naiiba sa kalungkutan. May pag-iisa na kailangan natin upang paginhawahin ang ating sarili at sa gayo’y may higit na maipagkaloob bilang isang kaibigan. Kapag nalulungkot, marami ang agad bumabaling sa isang anyo ng elektronikong libangan. Natuklasan sa isang pag-aaral na ang isa sa pinakakaraniwang reaksiyon sa kalungkutan ay ang panonood ng telebisyon. Gayunman, naipasiya ng mga mananaliksik na ang matagalang panonood ng telebisyon ay isa sa pinakamasasamang bagay na magagawa natin kapag tayo’y nalulungkot. Pinasisidhi lamang nito ang kawalang-ginagawa, pagkabagot, at guniguni, anupat nagiging isang mahinang kahalili sa tuwirang pakikipag-ugnayan sa ibang tao.
Ang totoo, ang pag-iisa ay maaaring maging napakahalaga kung ginagamit natin sa kapaki-pakinabang na paraan ang ating panahon sa pag-iisa. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagbabasa, pagsulat ng mga liham, paggawa ng mga bagay-bagay, at pamamahinga. Kasali sa kapaki-pakinabang na pag-iisa ang pananalangin sa Diyos, pag-aaral ng Bibliya, at pagbubulay-bulay nito. (Awit 63:6) Ito ang mga paraan upang lalong mapalapit sa Diyos na Jehova, ang isa na magiging ating pinakadakilang Kaibigan.
Maka-Kasulatang mga Halimbawa ng Pakikipagkaibigan
Bagaman mabuti na maging palakaibigan sa maraming tao, ipinaaalaala sa atin ng Bibliya na “may kaibigan na mahigit pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Lahat tayo ay nangangailangan ng ilang matalik na kaibigan na totoong nagmamalasakit sa atin, na ang pakikipagkaibigan ay nagdudulot sa atin ng kagalakan, lakas, at kapayapaan. Samantalang ang gayong tunay na mga kaibigan ay maaaring di-pangkaraniwan sa ngayon, ang ilang sinaunang halimbawa ay pantanging itinala sa Bibliya. Halimbawa, nariyan ang natatanging pagkakaibigan nina David at Jonathan. Ano ang matututuhan natin mula roon? Bakit tumagal ang kanilang pagiging magkaibigan?
Una, parehong interesado sina David at Jonathan sa mahahalagang bagay. Higit sa lahat, pareho silang nakadarama ng taimtim na debosyon sa Diyos na Jehova. Nang mapansin ang pananampalataya ni David sa Diyos at ang kaniyang mga pagkilos bilang pagtatanggol sa bayan ni Jehova, “ang mismong kaluluwa ni Jonathan ay napalakip sa kaluluwa ni David, at siya’y sinimulang ibigin ni Jonathan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Samuel 18:1) Kung gayon, ang parehong pag-ibig sa Diyos ay nakatutulong upang magkalapit ang magkakaibigan sa isa’t isa.
Sina Jonathan at David ay matatag na mga tao na namuhay ayon sa maka-Diyos na mga simulain. Kaya naman maigagalang nila ang isa’t isa. (1 Samuel 19:1-7; 20:9-14; 24:6) Tayo ay tunay ngang pinagpala kung mayroon tayong maka-Diyos na mga kaibigan na sumusunod sa maka-Kasulatang mga simulain.
May iba pang salik na nakatulong sa pagiging magkaibigan nina David at Jonathan. Tapat at tuwiran ang kanilang ugnayan, at may tiwala sila sa isa’t isa. Buong katapatang inuna ni Jonathan ang kapakanan ni David kaysa sa kaniyang sarili. Hindi siya nanibugho sa bagay na si David ang pinangakuan ng pagkahari; sa halip, sinuportahan ni Jonathan si David sa emosyonal at espirituwal na paraan. At tinanggap naman ni David ang kaniyang tulong. (1 Samuel 23:16-18) Sa mga paraang angkop ayon sa Kasulatan, ipinahayag nina David at Jonathan ang kanilang damdamin para sa isa’t isa. Ang kanilang maka-Diyos na pagkakaibigan ay salig sa tunay na pagpapahalaga at pagmamahal. (1 Samuel 20:41; 2 Samuel 1:26) Hindi iyon nasira sapagkat ang dalawang lalaki ay nanatiling tapat sa Diyos. Ang pagkakapit ng gayong mga simulain ay makatutulong sa atin na magkamit at makapag-ingat ng tunay na mga kaibigan.
Kung Papaano Lilinangin ang Pagkakaibigan
Ikaw ba ay naghahanap ng tunay ng mga kaibigan? Baka hindi ka na kailangang maghanap pa sa malayo. Ang ilan sa palagian mong nakakasama ay maaaring maging mga kaibigan mo, at maaaring kailangan nila ang iyong pakikipagkaibigan. Lalo na kung tungkol sa mga kapuwa Kristiyano, isang kapantasan na ikapit ang payo ni apostol Pablo na kayo ay “magpalawak.” (2 Corinto 6:11-13) Subalit, huwag sasama ang iyong loob kung ang bawat pagtatangkang makipagkaibigan ay hindi humahantong sa matibay na pagkakabuklod. Karaniwan nang nangangailangan ng panahon upang mapaunlad ang pagkakaibigan, at hindi lahat ng ugnayan ay magiging magkakatulad. (Eclesiastes 11:1, 2, 6) Mangyari pa, upang tamasahin ang tunay na pagkakaibigan, hindi tayo dapat na maging mapag-imbot, at kailangan nating sundin ang payo ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”—Mateo 7:12.
Sino ang nangangailangan ng iyong pakikipagkaibigan? Bukod sa mga kaedad mo, kumusta naman ang mga nakababata o nakatatanda? Sa pagiging magkaibigan nina David at Jonathan, Ruth at Naomi, at nina Pablo at Timoteo ay makikita ang pagkakaiba ng edad. (Ruth 1:16, 17; 1 Corinto 4:17) Maaari ka bang makipagkaibigan sa mga balo at sa iba pang taong walang-asawa? Isaalang-alang din yaong mga baguhan sa inyong lugar. Maaaring nawalan sila ng karamihan o halos lahat ng kanilang kaibigan dahil sa kanilang paglipat ng tirahan o pagbabago ng paraan ng pamumuhay. Huwag hintaying ang iba ay lumapit pa sa iyo. Kung isa kang Kristiyano, magkaroon ng tumatagal na pagkakaibigan sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ni Pablo: “Sa pag-ibig na pangkapatid ay magkaroon ng magiliw na pagmamahal sa isa’t isa. Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.”—Roma 12:10.
Maaari nating isipin na ang pakikipagkaibigan ay isang anyo ng pagbibigay. Sinabi ni Jesus na kapag nakaugalian natin ang pagbibigay, bibigyan tayo ng mga tao. Itinuro din niya na may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. (Lucas 6:38; Gawa 20:35) Nakakatagpo ka ba ng mga tao na may iba’t ibang pinagmulan? Pinatutunayan ng internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ang mga tao buhat sa iba’t ibang kultura ay maaaring bumuo ng tunay at tumatagal na pagkakaibigan kapag nagkakaisa sila sa pagsamba sa Diyos.
Pinananatiling Matibay ang Pagkakaibigan
Nakalulungkot, kung minsan ay nagkakasamaan ng loob ang mga magkakaibigan. Ang nakapipinsalang tsismis, nasirang pagtitiwala, kawalan ng pagpapahalaga—ang mga ito ay kabilang sa mga bagay na nakasasakit kapag nagmula sa isa na iyong itinuring na tunay na kaibigan. Ano ang maaaring gawin sa gayong mga sitwasyon?
Magpakita ng mabuting halimbawa. Gawin ang lahat ng iyong makakaya upang maiwasang makasakit. Sa ilang lugar ay karaniwan na sa magkakaibigan na pagtawanan ang kamalian ng isa’t isa. Subalit ang magaspang na pakikitungo o panlilinlang ay hindi magpapatibay sa pagkakaibigan, kahit na ang mga ito ay ipinagpapalagay na “pagkakatuwaan.”—Kawikaan 26:18, 19.
Sikaping mapanatili ang pagkakaibigan. Bumabangon kung minsan ang mga di-pagkakaunawaan kapag labis ang inaasahan ng magkakaibigan buhat sa isa’t isa. Ang isang kaibigan na may sakit o abala sa isang malubhang suliranin ay baka hindi gaanong masigla na gaya ng dati. Kung gayon, sikaping maging maunawain at matulungin sa gayong mga panahon.
Lutasin kaagad at nang may kabaitan ang mga suliranin. Gawin iyon nang sarilinan hangga’t maaari. (Mateo 5:23, 24; 18:15) Tiyakin na alam ng iyong kaibigan na ibig ninyong panatilihin ang isang mabuting kaugnayan. Ang tunay na magkakaibigan ay nagpapatawaran sa isa’t isa. (Colosas 3:13) Magiging gayong uri ka ba ng kaibigan—isa na mahigit pa kaysa sa isang kapatid?
Ang pagbabasa at pag-iisip tungkol sa pakikipagkaibigan ay pasimula lamang. Kung tayo’y nalulungkot, gumawa tayo ng angkop na hakbang, at hindi magtatagal ang ating kalungkutan. Kung magsisikap tayo, magkakaroon tayo ng tunay na mga kaibigan. Sa ilan sa kanila, magkakaroon tayo ng pantanging kaugnayan. Ngunit walang maaaring humalili sa Diyos, ang pinakadakilang Kaibigan. Tanging si Jehova lamang ang makaaalam, makauunawa, at makaaalalay sa atin nang lubusan. (Awit 139:1-4, 23, 24) Isa pa, ang kaniyang Salita ay nag-aalok ng isang kamangha-manghang pag-asa para sa hinaharap—isang bagong sanlibutan na doo’y magiging posible na magkaroon ng tunay na mga kaibigan magpakailanman.—2 Pedro 3:13.
[Mga larawan sa pahina 5]
Tinamasa nina David at Jonathan ang tunay na pagkakaibigan, at tayo rin naman