Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Sekreto ng Pagpili ng Tamang Damit?
SI Mike ay marunong pumili ng mahuhusay na klaseng kasuotan—at kung papaano mabibili iyon sa murang halaga. Kung minsan ang kaniyang mga kasambahay ay nakikisuyo sa kaniya na ipamilí niya sila! Minsan sa kaniyang pamimilí, pumili siya ng mga damit para sa kaniyang nanay, may-asawang kapatid na babae, at walong-taóng-gulang na pamangking babae—sa tamang sukat at istilong gusto nila! Samantalang namimili, pumili rin siya ng isang bagong bata de banyo para sa kaniyang sarili sa halagang sangkapat ng regular na presyo nito. Para kay Mike, ito’y hindi isang mahirap na bagay kundi isang kasiyahan.
Maaaring hindi ka kasinghusay ni Mike sa pamimilí. Subalit tulad ng ibang mga kabataan, malamang na gusto mo ring magtinging pinakamaayos sa paaralan, sa trabaho, at sa paglalaro. Ang problema ay, bagaman ang isang istilo ng damit ay itinuturing ng mga kabataan na nasa moda ito’y hindi nangangahulugan na iyon na nga ang tamang isuot, ni ang pagbili ng “nasa uso” ay siyang matalinong paggamit ng iyong salapi. Kaya nga, kung sakaling pinahihintulutan ka ng iyong mga magulang na pumili ng iyong sariling damit, narito ang ilang tip sa pagpili at pagbili ng tamang damit.
Pagpili sa Tamang “Kasuotan”
Una muna, iwaksi natin ang ideya na kahit ano ay puwede kung tungkol sa pananamit. Nagkakaedad ka na, at ang pag-iisip tungkol sa pagkita ng salapi at marahil sa pagsuporta ng pamilya ang nasa unahan mo. Ang paraan ng iyong pananamit ay makaaapekto hindi lamang sa pagkuha ng trabaho kundi rin naman sa pangmalas at pakikitungo na ipakikita sa iyo ng ibang tao. Higit na mahalaga, tayong mga Kristiyano ay ‘hindi nagpapalugod sa ating sarili,’ kundi tayo’y dapat na mabahala sa kung paanong ang ating ginagawa—o isinusuot—ay makaaapekto sa iba.—Roma 15:1.
Ang Kawikaan 25:20 ay bumabanggit sa isa na “nag-alis ng kasuotan sa panahong tagginaw.” Anong di-pagkaangkop nga! Kung paanong hindi rin angkop na magsuot ng isang sunod sa usong kasuotan na hindi naman bagay sa okasyon. Ang isang artista sa tanghalan ay maingat na pumipili ng kaniyang kasuotan upang umayon sa kaniyang papel na ginagampanan. At sa tunay na buhay, ang ating ginagampanang papel ay nangangailangan ng iba’t ibang “kasuotan.” Halimbawa, pupunta ka ba sa isang panayam sa trabaho? Kung gayon ang isang disenteng kasuotan ang angkop na bihis. Papasok ka ba sa paaralan? Kung gayon ang iyong hitsura ay maaaring pangkaraniwan lamang ngunit maayos naman.
Si Millie, isa sa mga Saksi ni Jehova, ay pumasok sa isang paaralan na doo’y laganap ang karahasan. Ang pagdaramit na waring dadalo sa Kristiyanong mga pagpupulong ay magpapangyari sa kaniyang maging kapuna-puna. Kaya nagsuot siya ng mahinhing pantalon sa panahon ng klase, yamang iyon ay tinatanggap sa kanilang paaralan. Subalit dahilan sa siya’y nakikibahagi sa edukasyonal na gawain sa Bibliya pagkatapos ng klase, nagbaon siya ng damit. Pagbabago ng papel na ginagampanan, pagbabago ng bihis.
Ang mga kabataang Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng kaukulang pansin sa kanilang isinusuot sa Kristiyanong mga pagpupulong at sa kanilang gawaing pangangaral sa madla. Halimbawa, ang pantalon at sapatos na goma, na maaaring angkop sa paaralan, ay wala sa lugar sa panahon ng pormal na pagsamba; iyon ay nakababawas sa pag-aangkin ng isa bilang isang ministro ng Diyos.—Ihambing ang 2 Corinto 6:3.
Ang kahalagahan ng Pagdaramit Nang Konserbatibo
Ang pilosopya ng batang si Rudy tungkol sa pananamit ay maaaring makagulat sa iyo. Sabi niya: “Gusto ko ang uri ng pananamit na isinusuot ng mga tao noong nakalipas na 50 taon.” Napakamakaluma ba? Hindi naman. Natutuhan ni Rudy na bagaman ‘ang tanawin ng sanlibutan ay nagbabago,’ ang saligang istilo ay bihirang magbago. (1 Corinto 7:31) Ang kaniyang patakaran ay: Huwag magsuot ng masyadong nasa uso na madaling maluma! “Sa ganitong paraan, lagi kang nasa uso,” ang payo ni Rudy.
Sumasang-ayon ang mga dalubhasa. Ang kasangguni na si Amelia Fatt, halimbawa, ay nagsasabing ang mga konserbatibong tabas ay isang “mas mabuting puhunan.” Hindi ito madaling maluma sapagkat ang hitsura ay hindi masyadong espesipiko. Isa pa, karaniwan nang mas madaling ibagay ang konserbatibong istilo sa iyong iba pang mga gamit sa pagbibihis.
Ang ilang modernong istilo ay hindi angkop sa mga Kristiyano. Ang iba ay ayos naman. Ipagpalagay nang payag ang iyong mga magulang, kung makita mong ang isang nasa usong gamit ay hindi lamang bagay sa iyo kundi bagay din sa iba pang mga gamit mo sa pagbibihis, maaaring isuot mo rin iyon. Subalit mag-ingat na maging alipin ng moda! Ang fashion consultant na si Carole Jackson ay nagsasabi: “Kung ikaw ay sumusunod sa ‘kausuhan,’ kahit na kung ang kasalukuyang uso ay hindi bagay sa iyo, dinadaya mo ang iyong sarili.”
Mayroon pang ibang kapakinabangan sa pagiging konserbatibo sa pananamit. Natuklasan ng ilang babae na ito ay humahadlang sa panliligalig sa sekso sa paaralan at sa pinagtatrabahuhan. Isa pa, ang isang kabataang nananatili sa tradisyunal na mga istilo ay malamang na malasin ng iba bilang maygulang, matatag, hindi gaya ng isa na madaling madala ng bawat moda at kausuhan.
Si Tammy, halimbawa, ay isang kabataang babaing naglilingkod bilang isang pambuong-panahong ebanghelisador. Bagaman ang maiigsing damit ang kausuhan sa lugar nila, ganito ang sabi niya, “Para sa akin, ang bahagyang lampas sa tuhod ay isang komportableng haba.” Ito’y ayon sa kahinhinang Kristiyano. (1 Timoteo 2:9) Siyempre pa, nag-iiba-iba ang mga batayan ng kahinhinan sa buong daigdig. At kung alinlangan ka kung baga ang isang istilo ay angkop o hindi angkop, ipakipag-usap mo ito sa isang magulang o sa isang nakatatandang kaibigan.
Matalinong Pamimili
“Sa pamamagitan ng pantas na pamamatnubay ay makikipagdigma ka,” payo ng Bibliya sa Kawikaan 20:18. Kailangan ang pantas na pamamatnubay kahit na sa makamundong mga bagay na gaya ng pamimili. Halimbawa, nahihirapan ka bang mamili ng damit na bagay sa iyo? Makakukuha ka ng pantas na pamamatnubay sa pagpunta lamang sa isang aklatang pambayan at paggawa ng ilang pananaliksik! May mga aklat at mga artikulo na makatutulong sa iyo sa paggamit ng iba’t ibang tabas, kulay, at istilo ng pananamit na babagay sa hugis ng mukha, haba ng leeg, katawan, at iba pa.
Kumusta naman ang tungkol sa kalidad o uri ng damit na iyong binibili? Bagaman si Jesu-Kristo ay mahirap sa materyal nang siya’y nasa lupa, maliwanag na siya’y nagsuot ng damit na mataas ang uri anupa’t ang mga kawal ay nagsipagsapalaran sa kung sino ang makakakuha nito! (Juan 19:23, 24) Sa gayunding paraan, sikapin mong manatili sa mga damit na mataas ang uri, kahit na kung ang iyong pondong salapi ay limitado at kailangan mo munang mag-ipon bago ka bumili. Sa kalaunan, ang mas mahal na damit na mataas ang uri na gagamitin mo sa loob ng mga ilang taon ay maaaring mas mura kaysa panandaliang “baratilyo.”
Papaano ka magkakaroon ng kasanayan na mamili ng mahusay na uri? Subukin mong tumingin sa mas mamahaling mga tindahan na nagdadalubhasa sa mga damit na mataas ang uri. Tingnan mo at damhin mo ang mabuting pananamit. Sabi ng aklat na Elegance: “Huwag kang padala sa pangalan; ang pananamit ay dapat na tumayo sa sarili nitong paa . . . Ang mahinang klase, anuman ang pangalan, ay hindi baratilyo.” Salatin mo ang tela. Suriin mo ang kuwelyo, panloob na sapin, at mga ohales. Tingnan mo ang dobleng tahi.
Si Mike (na nabanggit sa simula) ay mahusay pumili ng mataas na uri. Kaya, alam niya na ang baratilyong bata de banyo ay isang tunay na baratilyo! Gayunman, “huwag pahikayat sa ‘mga baratilyo,’” babala ni Amelia Fatt. Ang isang buo-ang-bayad na panlamig na maisusuot na kasama ng ilang damit sa iyong bihisan ay maaaring magbigay sa iyo ng higit na paglilingkod kaysa isang “baratilyong” panlamig na wala namang katerno. Ang Kawikaan 21:5 ay nagsasabi: “Bawat nagmamadali ay sa pangangailangan lamang.” Iwasang bumili kapag ikaw ay nagmamadali. Mamili kapag ang mga tindahan ay hindi siksikan. Alamin nang patiuna kung ano ang hinahanap mo. Mientras mas marami kang nasa isip na tela, istilo, kulay, at presyong nais mo, mas malamang na ikaw ay mahila na bumili ng isang bagay na hindi mo naman talagang kailangan.
Ang mga kawani sa tindahan ay maaaring makatulong kung sasabihin mo ang iyong espisipikong mga kailangan. (Oo, nabili ni Mike ang mga damit para sa mga babaing miyembro ng kaniyang pamilya sa tulong ng isang despatsadora.) Ngunit huwag hayaang bolahin ka ng mga despatsadora na bilhin ang isang bagay na hindi mo gusto. “Pinaniniwalaan ng walang karanasan ang bawat salita, ngunit ang matalino ay tumitinging mabuti sa kaniyang paglakad.”—Kawikaan 14:15.
Magdamit at mag-ayos nang angkop kapag ikaw ay namimili. Paano mo malalaman kung ang isinusukat mong amerikana ay maganda kung ikaw ay nakasuot ng T-shirt? O paano ka makapipili kung ang bestida o damit ay bagay sa iyo kung ikaw ay nakasuot ng sapatos na goma? Sabi pa nga ng isang manunulat na kapag ikaw ay bulagsak manamit, baka “ipalagay ng mga despatsadora na ikaw ay isang tao na may limitadong panlasa at/o wala kang pera,” at ibang parokyano ang kanilang aasikasuhin.
Sa wakas, baka matuklasan mo na kadalasan “ang dalawa ay maigi kaysa isa” kapag namimili. (Eclesiastes 4:9) Ang isang kaibigan o isang magulang ay maaaring magsabi sa iyo kung ano ang hitsura ng damit sa likod, kung ito ba ay masyadong maluwag, masyadong masikip, o sa ibang paraan ay hindi mahinhin.
Ang Mas Mahalagang mga Bagay
Sa Filipos 1:10, ang mga Kristiyano ay pinapayuhan na ‘tiyakin ang lalong mahalagang mga bagay.’ Ang tunay na mahalagang mga bagay sa buhay ay nakasentro sa pagkakaroon ng kaalaman ng Diyos—hindi sa pananamit. Nakalulungkot sabihin, ang ilang kabataan ay maaaring magaling manamit subalit burarâ sa kanilang kakayahang magpahayag ng kanilang pananampalataya sa madla.
Kaya bagaman mabuti ang maging matalinong mamimili at maging presentable habang ipinahihintulot ng iyong pananalapi, ituon ang isip sa pagiging isang maygulang na Kristiyano. Matutong mamuhay sa papel na iyan, at ang pananamit para sa papel na ito ay magiging natural.
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga damit na sunod sa moda ay madaling nawawala sa uso. Ang mga istilong konserbatibo para sa iba’t ibang gawain ay waring nagtatagal