Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 19—Ika-17–ika-19 na siglo—Ang Sangkakristiyanuhan ay Nakikipagpunyagi sa Pagbabagong Pandaigdig
“Ang pilosopya at relihiyon ay hindi mapagkakasundo.”—Georg Herwegh, ika-19 na siglong makatang Aleman
“PILOSOPYA,” isang salitang hinango sa Griegong pinagmulan nito na nangangahulugang “pag-ibig sa karunungan,” ay mahirap bigyan-kahulugan. Samantalang pinag-aalinlanganan na maaaring gawin ang “isang pansansinukob at saklaw-lahat na pagpapakahulugan,” ang The New Encyclopædia Britannica ay nagbakasakali na “ang unang pagsisikap sa direksiyong ito ay maaaring bigyan-kahulugan ang pilosopya alin bilang ‘isang pagpapabanaag ng sarisaring karanasan ng tao’ o bilang ‘ang makatuwiran, nasa paraan, at sistematikong pagsasaalang-alang ng mga paksang pinakamahalaga sa tao.’”
Ang mga pagpapakahulugang ito ay maliwanag na nagpapakita kung bakit ang tunay na relihiyon at ang pilosopya ay hindi mapagkakasundo. Ang tunay na relihiyon ay batay sa paghahayag ng Diyos, hindi sa “sarisaring karanasan ng tao.” Una at mahalaga sa lahat, ito ay umiikot sa mga kapakanan ng Maylikha, hindi sa paligid na “mga paksa na pinakamahalaga sa tao.” Sa kabilang dako, ang huwad na relihiyon, gaya ng pilosopya, ay batay sa karanasan ng tao at inuuna ang mga kapakanan ng tao. Ang bagay na ito ay lalong maliwanag mula noong ika-17 siglo patuloy habang ang Sangkakristiyanuhan ay nakikipagpunyagi sa pagbabagong pandaigdig.
Tatlong Ibayong Banta
Karakaraka pagkasilang ng modernong siyensiya noong ika-17 siglo, waring hindi maiiwasan ang banggaan nito at ng relihiyon. Ang kagila-gilalas na siyentipikong mga pagsulong ay bumalot sa siyensiya ng isang sinag ng hindi maaaring magkamali at autoridad, gumagawa ng siyentismo, isang relihiyon sa ganang sarili, isang sagradong baka. Sa liwanag ng siyentipikong “mga katotohanan,” ang mga pag-aangking relihiyoso ay biglang tila naging di-tiyak at di-mapatunayan. Ang siyensiya ay bago at kapana-panabik; ang relihiyon ay waring luma at nakababagot.
Ang saloobing ito ay pinatindi pa ng Kaliwanagan, isang intelektuwal na kilusan na lumaganap sa Europa noong ika-17 at ika-18 siglo. Idiniriin ang intelektuwal at materyal na pagsulong, tinanggihan nito ang pulitikal at relihiyosong autoridad at tradisyon alang-alang sa mapanuring pangangatuwiran. Ito, gaya ng ipinalalagay, ang siyang pinagmumulan ng kaalaman at kaligayahan. “Ang pinagmulan nito,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, ay nasumpungan “sa pilosopyang Griego.”
Ang Kaliwanagan ay pangunahin nang isang palatandaang Pranses. Kabilang sa prominenteng mga lider sa Pransiya sina Voltaire at Denis Diderot. Sa Gran Britaniya ito ay nakasumpong ng mga tagapagsalita sa katauhan nina John Locke at David Hume. Nakasumpong din ng mga tagapagtaguyod sa gitna ng mga amang tagapagtatag ng E.U., kabilang sina Thomas Paine, Benjamin Franklin, at Thomas Jefferson. Sa katunayan, ang paghiwalay ng Simbahan at ng Estado na hinihiling ng Konstitusyon ng E.U. ay isang pagpapabanaag ng mga ideya ng Kaliwanagan. Ang kilalang mga miyembro sa Alemanya ay sina Christian Wolff, Immanuel Kant, at Moses Mendelssohn, lolo ng kompositor na si Felix Mendelssohn.
Si Kant, na naghihinala sa relihiyon, ay sinasabing binigyang-kahulugan ang “kaliwanagan” bilang “ang paglaya ng tao mula sa iginigiit-sa-sarili na pagtuturo.” Sa pagsasabi nito, paliwanag ni Allen W. Wood ng Cornell University, gustong tukuyin ni Kant “ang proseso kung saan ang indibiduwal na mga tao ay tumatanggap ng tibay-loob upang mag-isip para sa kanilang sarili tungkol sa moralidad, relihiyon, at pulitika, sa halip na idikta sa kanila ng mga autoridad ng pulitika, ng simbahan, o ng kasulatan ang mga opinyon nito sa kanila.”
Noong ikalawang hati ng ika-18 siglo, nagsimula ang Pagbabago sa Industriya, una muna sa Gran Britaniya. Ang pagdiriin ay inalis mula sa agrikultura tungo sa produksiyon at paggawa ng mga paninda sa tulong ng mga makina at kemikal na mga proseso. Ginulo nito ang isang lubhang agrikultural at rural na lipunan, ipinadadala ang libu-libong mga tao na magsiksikan sa mga lungsod upang magtrabaho. Mga bulsa ng kawalang-trabaho, kakulangan ng tirahan, karalitaan, at sarisaring karamdaman dahil sa trabaho ang naging resulta.
Makayanan kaya ng Sangkakristiyanuhan ang tatlong ibayong banta na ito ng siyensiya, Kaliwanagan, at industriya?
Pag-aalis sa Diyos, Nang Dahan-dahan
Sinisi ng mga taong nahikayat ng kaisipang Kaliwanagan ang relihiyon sa maraming kasamaan sa lipunan. Ang ideya na “ang lipunan ay dapat na itatag ayon sa itinalagang mga plano ng Diyos at ng likas na batas,” sabi ng The Encyclopedia of Religion, “ay pinalitan ng ideya na ang lipunan ay, o maaaring itayo sa pamamagitan ng sariling ‘pakana’ o ‘balak’ ng tao. Sa gayon isang sekular, o sosyal na pilosopyang makatao ang lumitaw na, sa dakong huli, ay siyang pagmumulan ng karamihan ng pilosopikal at sosyolohikal na mga teoriya ng modernong daigdig.”
Kasali sa mga teoriyang ito ang “relihiyong sibil” na itinaguyod ng maimpluwensiyang Pranses na pilosopo ng Kaliwanagan na si Jean-Jacques Rousseau. Ito’y nakasentro sa pagkasangkot ng lipunan at ng tao sa mga pagkabahala nito sa halip na sa Maykapal at sa kaniyang pagsamba. Ang Pranses na manunulat ng talambuhay na si Claude-Henri de Rouvroy ay nagrekomenda ng isang “Bagong Kristiyanismo,” samantalang ang batà niyang si Auguste Comte ay nagsalita naman tungkol sa isang “relihiyon ng sangkatauhan.”
Noong dakong huli ng ika-19 na siglo, nagkaroon ng Amerikanong kilusan na kilala bilang ebanghelyong panlipunan sa gitna ng mga Protestante; nahahawig ito sa mga teoriya sa Europa. Ang ideyang iyon na salig sa teolohiya ay nagsasabi na ang pangunahing tungkulin ng isang Kristiyano ay ang masangkot sa lipunan. Nakakasumpong ito ng maraming tagapagtaguyod sa gitna ng mga Protestante hanggang sa ngayon. Ang bersiyong Katoliko ay masusumpungan sa mga manggagawang-pari ng Pransiya at sa mga klero sa Latin Amerika na nagtuturo ng teolohiya ng pagpapalaya.
Ipinababanaag din ng mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ang hilig na ito, gaya ng ipinakikita ng ulat ng isang magasing Time ng 1982: “Sa mga Protestante, nagkaroon ng paglipat sa higit na pagkasangkot sa mahalagang mga suliraning pangkabuhayan at panlipunan ng mga tao . . . Para sa parami nang paraming mga misyonerong Katoliko, ang pagkilala sa kapakanan ng mahihirap ay nangangahulugan ng pagtataguyod ng malaking mga pagbabago sa mga sistema sa pulitika at ekonomiya—kahit na kung ang mga pagbabagong iyon ay pinangungunahan ng Marxistang mga kilusang rebolusyonaryo. . . . Oo, may mga misyonero na naniniwalang ang pagkakumberte ay pangunahin nang walang kaugnayan sa kanilang tunay na atas.” Ang mga misyonerong iyon ay maliwanag na sang-ayon sa sosyologong Pranses na si Émile Durkheim, na noo’y nagmungkahi: ‘Ang tunay na layon ng relihiyosong pagsamba ay ang lipunan, hindi ang Diyos.’
Maliwanag, inaalis ng Sangkakristiyanuhan ang Diyos sa relihiyon, nang dahan-dahan. Samantala, may iba pang puwersa na kumikilos sa gayunding layunin.
Pinapalitan ang Diyos ng mga Huwad na Relihiyon
Ang mga simbahan ay walang lunas sa mga suliraning likha ng Pagbabago sa Industriya. Subalit ang mga huwad na relihiyon, ang mga bunga ng mga pilosopya ng tao, ay nagsasabi na nalutas nila, at sila ay mabilis na pumasok upang punan ang dakong iyon.
Halimbawa, nasumpungan ng ibang tao ang kanilang layunin sa buhay sa paghahanap ng mga kayamanan at mga ari-arian, isang makasariling hilig na ibinuyo ng Pagbabago sa Industriya. Ang materyalismo ay naging isang relihiyon. Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay hinalinhan ng ‘Dolyar na Makapangyarihan-sa-lahat.’ Sa isang dula ni George Bernard Shaw, ito ay tinukoy ng isang tauhan na nagsabi: “Ako’y milyonaryo. Iyan ang aking relihiyon.”
Ang ibang tao naman ay bumaling sa mga kilusan sa pulitika. Inihula ng pilosopong si Friedrich Engels, nakipagtulungan kay Karl Marx, na ang sosyalismo sa dakong huli ang hahalili sa relihiyon, na ito mismo ay magtataglay ng relihiyosong mga katangian. Sa gayon, ang sosyalismo ay umunlad sa Europa, sabi ng retiradong si Propesor Robert Nisbet, “isang prominenteng elemento ang apostasya ng mga sosyalista buhat sa Judaismo o Kristiyanismo at ang kanilang pagiging kahalili.”
Ang pagkabigo ng Sangkakristiyanuhan na harapin ang pagbabago sa daigdig ay nagpahintulot ng pagkakaroon ng mga puwersa na tinutukoy ng World Christian Encyclopedia na “sekularismo, siyentipikong materyalismo, ateistikong komunismo, nasyonalismo, nazismo, fasismo, Maoismo, liberal humanism at maraming itinatag o gawa-gawang huwad na relihiyon.”
Dahilan sa ibinunga ng pilosopikal na mga huwad na relihiyong ito, wari ngang angkop ang mga salita ng Britanong makatang si John Milton: “Pawang walang kabuluhang karunungan, at huwad na pilosopya.”
Pakikipagkompromiso
Naiipit sa pagitan ng walang saysay na mga sistemang pansimbahan at ng mapanlinlang na mga huwad na relihiyon, angaw-angaw na mga tao ang naghahanap ng mas mabuting bagay. Inaakala ng iba na nasumpungan nila ito sa isang anyo ng Deismo, kilala rin bilang “natural na relihiyon.” Nakilala lalo na sa Inglatera noong ika-17 siglo, ang Deismo ay inilarawan bilang isang kompromiso na tumatanggap sa siyensiya nang hindi iniiwan ang Diyos. Ang mga Deista samakatuwid ay mga may malayang pag-iisip na nasa gitna-ng-daan na landasin.
Ganito ang paliwanag ng autor na si Wood: “Sa pangunahing kahulugan nito, ang deismo ay tumutukoy sa paniniwala sa isang Diyos at sa isang relihiyosong gawain na tanging batay sa natural na pangangatuwiran sa halip na sa sobrenatural na kapahayagan.” Subalit sa pagtanggi sa “sobrenatural na kapahayagan,” ang ibang Deista ay nagpakalabis pa upang halos lubusang tanggihan ang Bibliya. Sa ngayon ang kataga ay bihirang gamitin, bagaman ang nag-aangking Kristiyano na tumatanggi sa autoridad ng simbahan o ng Kasulatan alang-alang sa personal na opinyon o mapagpipiliang mga pilosopya sa buhay ay sa katunayan sumasang-ayon sa mga simulain nito.
Kahawig na mga Teoriya ng Ebolusyon
Ang pinakamadulang komprontasyon sa pagitan ng relihiyon at ng siyensiya ay nangyari pagkatapos mailathala noong 1859 ang Origin of Species ni Darwin, kung saan iniharap niya ang kaniyang teoriya ng ebolusyon. Sa umpisa’y binatikos ng mga lider ng relihiyon, lalo na sa Inglatera at sa Estados Unidos, ang teoriya sa matitinding salita. Subalit di nagtagal ang pagsalansang ay naglaho. Pagkamatay ni Darwin, sabi ng The Encyclopedia of Religion, “ang karamihan ng nag-iisip at matatas magsalitang mga klero ay naghinuha na ang ebolusyon ay lubusang kasuwato ng naliwanagang pagkaunawa ng kasulatan.”
Ito ay maaaring magpaliwanag kung bakit hindi kailanman inilagay ng Vaticano ang mga aklat ni Darwin sa Index of Forbidden Books nito. Ipinaliliwanag din nito ang reaksiyon ng mga nakikinig sa komperensiya ng World’s Parliament of Religions noong 1893 sa Chicago. Samantalang ang mga Budista at mga Hindu ay nakikinig, isang tagapagsalitang “Kristiyano” ang nagsabi: “Pinupunan ng teoriya ng ebolusyon ang puwang sa pinakasimula ng ating relihiyon, at kung nasisiyahan ang siyensiya sa panlahat na paraan sa teoriya nito ng ebolusyon bilang isang paraan ng paglalang, ang pagsang-ayon ay isang malamig na salita na dapat tanggapin niyaong ang gawain ay kilalanin at ibigin ang mga daan ng Diyos.” Ang pangungusap ay iniulat na pinasalubungan ng masigabong palakpak.
Ang saloobing ito ay hindi kataka-taka dahil sa popularidad noong dakong huli ng ika-19 na siglo ng napabantog na komparatibong relihiyon. Ito ay isang siyentipikong pag-aaral ng mga relihiyon sa daigdig na dinisenyo upang alamin kung paano nagkakaugnay-ugnay ang iba’t ibang relihiyon at kung paano ito nagsimula. Ang antropologong Ingles na si John Lubbock, halimbawa, ang nagpahayag sa teoriya na ang mga tao ay nagsimula bilang mga ateista at pagkatapos ay sumulong sa fetisismo, pagsamba sa kalikasan, at shamanismo bago naging monoteismo.
Gayunman, gaya ng paliwanag ng The Encyclopedia of Religion: “Ang relihiyon sa gayong pangmalas ay hindi siyang ganap na katotohanan na ipinahahayag ng diyos, kundi ang ulat ng pagkakaroon ng tao ng mga ideya tungkol sa Diyos at sa moralidad.” Kaya yaong mga tumanggap sa teoriyang ito ay hindi nahirapan na tanggapin ang Deismo, isang “relihiyong sibil,” o isang “relihiyon ng sangkatauhan” na pasulong sa hagdan ng relihiyosong ebolusyon.
Sa pangwakas na pagsusuri, saan umaakay ang gayong palagay? Noon pa mang ika-19 na siglo, ang pilosopong Ingles na si Herbert Spencer ay nagsabi na ang lipunan ay patungo sa isang pagsulong na hindi na kasuwato ng relihiyon. At noong ika-20 siglo, sinabi ni Propesor Nisbet na ang mga sosyologo ay karaniwang naniniwala na ang relihiyon ay “sumasagot sa ilang saykososyal na mga pangangailangan ng mga tao, at hanggang o malibang ang mga pangangailangan ito ay napinsala ng biyolohikal na ebolusyon ng mga uri ng tao, ang relihiyon sa isa o iba pang anyo ay mananatiling isang namamalaging katotohanan sa kultura ng tao.” (Aming ang italiko.) Kaya naman, inaalis ng mga sosyologo ang posibilidad na ang “ebolusyonaryong pagsulong” balang araw ay humantong pa nga sa walang relihiyon!
Sumidhi ang Paghanap sa Tunay na Pagsamba
Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, maliwanag na sa loob halos ng 200 taon, ang Sangkakristiyanuhan ay natatalo sa pakikipagbaka laban sa pagbabagong pandaigdig. Ang relihiyon nito ay nauwi na lamang sa isang makasanlibutang pilosopya. Angaw-angaw na tapat na mga tao ang nababahala. Sumidhi ang paghahanap sa tunay na pagsamba. Tunay na masasabi na ang repormasyon ng Sangkakristiyanuhan ay imposible. Ang kinakailangan ay ang pagsasauli ng tunay na pagsamba. Alamin ang higit pa sa aming labas ng Oktubre 22.
[Kahon sa pahina 23]
Ginigipit ng Pagbabagong Pandaigdig, ang Sangkakristiyanuhan ay Nakikipagkompromiso
ANG PAGLITAW NG MODERNONG SIYENSIYA ay nagpahina sa pananampalataya sa di-nakikita at lumikha ng pag-aalinlangan sa mga bagay na hindi “mapatunayan” ng siyensiya. Ikinompromiso ng Sangkakristiyanuhan ang katotohanan ng Bibliya sa pamamagitan ng pagpapatibay sa hindi napatunayan, ipinalalagay na siyentipikong mga teoriya na gaya ng ebolusyon at sa pagtanaw sa siyentipikong kaalaman, sa halip na sa Kaharian ng Diyos, na lunas sa lahat ng problema ng daigdig.
ANG PAGBANGON NG PULITIKAL NA MGA IDEOLOHIYA (kapitalismo, demokrasya, sosyalismo, Komunismo, at iba pa) ay lumikha ng nasyonalistikong mga labanan at ideolohikal na pag-aaway, sa gayo’y pinalalabo ang katotohanan ng Bibliya na ang Diyos, hindi ang tao, ang matuwid na Pinuno ng lupa. Ikinompromiso ng Sangkakristiyanuhan ang mga simulain ng Bibliya sa pamamagitan ng pagsuway sa Kristiyanong neutralidad at nakisangkot sa mga digmaan na ipinakipaglaban sa mga miyembro ng relihiyon ding iyon laban sa isa’t isa. Aktibo o walang tutol na sinuportahan ng Sangkakristiyanuhan ang pulitikal na mga huwad na relihiyon.
ANG MAS MATAAS NA PAMANTAYAN NG PAMUMUHAY na ginawang posible ng mga Pagbabago sa Industriya at sa Siyensiya ay nagtaguyod ng egotistikong interes-sa-sarili at nagdala ng kawalang-katarungan sa lipunan at hindi pagkakapantay-pantay sa unahan. Ang Sangkakristiyanuhan ay nakipagkompromiso sa pamamagitan ng pagpapabaya sa mga kapakanan ng Diyos sa kapakinabangan ng pakikisangkot sa mga kapakanan ng tao sa sosyal, ekonomiya, ekolohikal, o pulitikal na paraan.
[Kahon sa pahina 25]
Itaas o Ibaba?
Ang Bibliya ay nagsasabi: Ang mga tao ay nilikhang sakdal at tinuruan kung paano kasiya-siyang sasambahin ang kanilang Maylikha; subalit sila’y naghimagsik laban sa Diyos, at sa loob ng mga 6,000 taon, sila ay lumubha kapuwa sa pisikal at moral na paraan, lumayo pang lalo mula sa tunay na relihiyon na dati nilang isinagawa.
Ang biyolohikal at relihiyosong ebolusyon ay nagsasabi: Ang mga tao ay galing sa isang saunahing pasimula at mga ateista na walang relihiyon; sa loob ng angaw-angaw na mga taon, sila ay bumuti kapuwa sa pisikal at moral na paraan, palapit nang palapit sa kasakdalan sa relihiyoso, sosyal, at moral na paraan.
Batay sa inyong kaalaman tungkol sa ugali ng tao, sa kasalukuyang kalagayan ng sangkatauhan, at ang kalagayan ng relihiyon sa daigdig ngayon, aling pangmalas ang waring mas kasuwato ng mga katotohanan?
[Larawan sa pahina 24]
Ang di-napatunayang teoriya ni Darwin sa Origin of Species ay naging dahilan upang itakwil ng marami ang paniniwala sa isang Diyos ng kapahayagan
[Credit Line]
Harper’s