Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 21—1900 patuloy—Mga Laylayang Natilamsikan ng Dugo
“Walang matatag na pundasyon na itinatag sa dugo.”—Shakespeare, makata at dramatistang Ingles (1564-1616)
NATATANDAAN mo ba ang trahedya sa Jonestown, Guyana, mga 11 taon na itong buwan na ito? Mahigit na 900 miyembro ng relihiyosong pangkat na kilala bilang People’s Temple ay lansakang nagpatiwakal. Karamihan sa kanila ay nagpatiwakal nang kusa sa pamamagitan ng pag-inom ng isang inuming katas ng prutas na may halong lason.
Nakagigitla, ang mga tao ay nagtatanong: ‘Anong uri ng relihiyon ito na inihahain ang buhay ng mga miyembro nito?’ Gayunman, walang salang dugo ay itinigis sa ngalan ng relihiyon sa loob halos ng 6,000 taon. At, sa ika-20 siglo ang dugo ay ibinubo na mas madalas at sa mas maraming paraan kaysa anumang panahon sa kasaysayan. Isaalang-alang ang ilan lamang ebidensiya.
Mga Haing Tao sa Isang Huwad na Diyos
Mula noong 1914, dalawang digmaang pandaigdig at mahigit na isang daang maliliit na mga labanan ang nagbubo ng isang karagatan ng dugo. Noong nakalipas na siglo, ang manunulat na Pranses na si Guy de Maupassant ay nagsabi na “ang itlog na pinagpisaan ng mga digmaan” ay ang pagkamakabayan, na tinatawag niyang “isang uri ng relihiyon.” Sa katunayan, ang The Encyclopedia of Religion ay nagsasabi na ang pinsan ng pagkamakabayan, ang nasyonalismo ay “naging nangingibabaw na anyo ng relihiyon sa modernong daigdig, hinahalinhan ang dakong iniwan ng gumuguhong tradisyunal na mga pamantayan ng relihiyon.” (Amin ang italiko.) Dahil sa hindi pagtataguyod ng tunay na pagsamba, ang huwad na relihiyon ay lumikha ng espirituwal na kahungkagan kung saan pumasok ang nasyonalismo.
Saanman ay hindi ito mailalarawan nang mas mainam kaysa sa Alemanyang Nazi, na ang mga mamamayan noong pasimula ng Digmaang Pandaigdig II ay nag-aangking 94.4 porsiyentong Kristiyano. Sa lahat ng dako, ang Alemanya—ang dakong sinilangan ng Protestantismo at pinuri noong 1914 ni Papa Pio X bilang tahanan ng “pinakamagaling na mga Katoliko sa daigdig”—ay dapat sanang kumatawan sa pinakamagaling na maiaalok ng Sangkakristiyanuhan.
Mahalaga, nasumpungan ng Katolikong si Adolf Hitler ang mas handang pagsuporta sa gitna ng mga Protestante kaysa mga Katoliko. Ang mga distrito kung saan nakararami ang Protestante ay nagbigay sa kaniya ng 20 porsiyento ng kanilang mga boto noong eleksiyon ng 1930, ang mga distritong Katoliko ay 14 porsiyento lamang. At ang kauna-unahang ganap na nakararami sa Partido ng Nazi sa mga eleksiyon ng estado ay noong 1932 sa Oldenburg, isang distrito na 75 porsiyentong Protestante.
Maliwanag, ang “dakong iniwan ng gumuguhong tradisyunal na mga pamantayan ng relihiyon” ay mas malaki sa Protestantismo kaysa sa Katolisismo. Nauunawaan naman. Ang liberal na teolohiya at ang nakatataas na kritisismo ng Bibliya ay pangunahin nang produkto ng Protestanteng mga teologo na nagsasalita ng Aleman.
Mahalaga rin kung ano sa wakas ang nagbuklod sa pagsuporta ng mga Katoliko kay Hitler. Ang mananalaysay na Aleman na si Klaus Scholder ay nagsasabi na “dahil sa tradisyon ang Katolisismong Aleman ay may natatanging malapit na kaugnayan sa Roma.” Palibhasa’y nakikita ang Nazismo na isang bulwarte laban sa Komunismo, ang Vaticano ay hindi tutol sa paggamit ng impluwensiya nito upang palakasin ang kapangyarihan ni Hitler. “Ang mahahalagang disisyon ay higit at higit na nailipat sa Curia,” sabi ni Scholder, “at sa katunayan ang kalagayan at hinaharap ng Katolisismo sa Third Reich ay sa wakas pinagpasiyahan nang halos natatangi sa Roma.”
Ang bahaging ginampanan ng Sangkakristiyanuhan sa dalawang digmaang pandaigdig ay umakay sa malaking kawalan ng prestihiyo. Gaya ng paliwanag ng Concise Dictionary of the Christian World Mission: “Nasa harap ng mga di-Kristiyano . . . ang malinaw na katotohanan na ang mga bansa na may isang libong taon ng turong Kristiyano ay hindi nasawata ang kanilang silakbo ng damdamin at niliyaban ang buong daigdig para sa kasiyahan ng hindi kahanga-hangang mga ambisyon.”
Mangyari pa, ang mga digmaan na inudyukan ng relihiyon ay hindi na bago. Subalit kung ihahambing sa nakaraan nang ang mga bansa na may iba’t ibang relihiyon ay nakikipagdigma sa isa’t isa, nasumpungan ng ika-20 siglo ang mga bansa na may magkatulad na relihiyon na nasa mahigpit na labanan. Ang diyos ng nasyonalismo ay maliwanag na nangibabaw sa mga diyos ng relihiyon. Sa gayon, noong Digmaang Pandaigdig II, samantalang pinapatay ng mga Katoliko at mga Protestante sa Gran Britaniya at sa Estados Unidos ang mga Katoliko at mga Protestante sa Italya at Alemanya, gayundin ang ginagawa ng mga Budista sa Hapón sa kanilang mga kapatid na Budista sa timog-silangang Asia.
Gayumpaman, dahil sa sarili nitong kasuotan na nadungisan ng dugo, hindi matuwid na maituturo ng Sangkakristiyanuhan ang daliri nito sa iba. Sa pagtataguyod, pagsuporta, at kung minsan pagboto ng di-sakdal na mga pamahalaan ng tao, ang nag-aangking mga Kristiyano at mga di-Kristiyano ay dapat na managot sa dugo na ibinubo ng mga pamahalaang ito.
Subalit anong uri ng relihiyon ang maglalagay sa pamahalaan sa ibabaw ng Diyos at ihain ang mga miyembro nito bilang pulitikal na mga hain sa dambana ng diyos ng digmaan?
“Patuloy Silang Nagbububo ng Walang Salang Dugo”
Ang mga salitang iyon, sabi sa apostatang Israel mga dantaon na ang nakalipas, ay kumakapit sa lahat ng huwad na relihiyon at lalo na sa Sangkakristiyanuhan. (Awit 106:38) Huwag kaligtaan ang angaw-angaw na mga buhay na kinitil sa Holocaust, isang kalunus-lunos na pangyayari kung saan ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay hindi walang sala.—Tingnan ang Gumising! Abril 8, 1989.
Ang mga klerigong Aleman ay nanahimik din sa iba pang usapin, hindi nga lang gaanong kilala, subalit kalunos-lunos din. Noong 1927, dalawang taon pagkatapos na mabalangkas ni Hitler ang kaniyang mga kaisipan tungkol sa lahi sa Mein Kampf, ang editor at teologong Katoliko na si Joseph Mayer ay naglathala ng isang aklat na nagtataglay ng episcopal na imprimatur na nagsasabi: “Ang mga pasyenteng may sakit sa isipan, moral na mga lunatiko, at iba pang nakabababang tao ay walang karapatang magparami kung paanong wala rin silang karapatang magsunog.” Nasumpungan ng Lutheranong pastor na si Friedrich von Bodelschwingh ang pagpapabaog sa mga may kapansanan na kasuwato ng kalooban ni Jesus.
Ang saloobing ito na itinaguyod ng relihiyon ay nakatulong sa pagbubukas ng daan para sa “kautusang euthanasia” ni Hitler noong 1939, na humantong sa kamatayan ng mahigit na 100,000 mamamayang may sira sa isipan at sapilitang gawing baog ang tinatayang 400,000.a
Nito lamang 1985, 40 taon pagkatapos ng digmaan, na hayagang inamin ng mga opisyal ng Simbahang Lutherano sa Rhineland: “Hindi matatag na tinanggihan ng ating simbahan ang sapilitang pagpapabaog, ang pagpatay sa mga taong maysakit at may kapansanan, ang pagsasagawa ng malupit na medikal na mga eksperimento sa mga tao. Kami’y humihingi ng tawad sa mga biktimang nabubuhay pa at sa kanilang nabubuhay na mga kamag-anak.”
Totoo na ang kampanyang euthanasia ng gobyerno ay lubhang bumagal pagkatapos na ipahayag ng Katolikong obispo ng Münster ang matatalas na salitang pag-atake noong Agosto 3, 1941, tinatawag ang patakaran na pagpatay. Subalit bakit kumuha ng 19 na mga buwan at 60,000 mga kamatayan bago narinig ang isang pangmadlang pagtuligsa?
Pagkakasala-sa-Dugo ng Relihiyon
Karamihan ng mga relihiyon ay nagsasabing gumagalang sa buhay at interesado sila sa pagsasanggalang sa mga tao mula sa panganib. Subalit walang pagbabago bang binibigyan-babala ng mga klero ang kanilang mga kawan tungkol sa mga panganib sa katawan ng paninigarilyo; ng pag-abuso sa droga, pati na sa alak; ng pagpapasok ng dugo sa katawan; at ng pagkahandalapak sa sekso? Mas mahalaga, hinahatulan ba nila ang mga gawang ito ng laman gaya ng paghatol dito ng Bibliya, ipinaliliwanag na ang mga ito ay maaaring mag-alis ng pagsang-ayon ng Diyos sa atin?—Gawa 15:28, 29; Galacia 5:19-21.
Mangyari pa, ginagawa ito ng iba. At ang Iglesya Katolika gayundin ang maraming relihiyong Pundamentalista ay nagpapakita ng paggalang sa buhay hanggang sa punto na pagtuligsa sa aborsiyon bilang pagbububo ng walang salang dugo. Gayunman, ang batas tungkol sa aborsiyon ng Katolikong Italya ay isa sa pinakaliberal sa Europa.
Hinahatulan din ng Budismo ang aborsiyon. Subalit sa Hapón sa loob lamang ng isang taon, 618,000 ang iniulat na isinagawang aborsiyon, bagaman 70 porsiyento ng populasyon ay kaanib sa Budismo. Ito’y nagbabangon ng katanungan: Salig saan dapat nating hatulan ang isang relihiyon, sa kung ano ba ang sinasabi ng opisyal na mga lathalain nito at ng mga klerigo nito o sa kung ano ang ginagawa ng karamihan ng mga miyembro nito na may mabuting katayuan?
Isa pang halimbawa ng hindi pagbibigay-babala sa balakyot ay may kinalaman sa kronolohiya ng Bibliya at ang katuparan ng hula ng Bibliya. Ipinakikita nito kapuwa na noong 1914 ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay natatag na sa mga kamay ni Jesu-Kristo.b Bagaman ipinagdiriwang ng Sangkakristiyanuhan ang ipinalalagay na kaarawan ni Kristo tuwing Disyembre, hindi siya ipinahahayag ng mga klero bilang nagpupunong Hari ni tinanggap man kaya siya ng mga lider ng Judaismo bilang Haring-Hinirang 19 na siglo na ang nakalipas.
Ang mga klerigo, anuman ang kanilang paniniwala, na hindi nagbibigay-babala tungkol sa mga kahihinatnan ng pagsuway sa mga batas ng Diyos tungkol sa moralidad at sa hindi pagpapasakop sa nagpupunong Kaharian ng Diyos ay, sang-ayon sa Ezekiel 33:8, nagbubunton sa kanilang sarili ng pagkakasala sa dugo. Ang kanilang pananahimik ay katumbas ng pagtayo na walang ginagawa samantalang angaw-angaw sa kanilang kawan ay nagkasala-sa-dugo.
Kaya, sa pagtitilamsik sa mga laylayan nito ng walang salang dugo, tinanggihan ng huwad na relihiyon ang nagbibigay-buhay na itinigis na dugo ni Kristo Jesus. (Tingnan ang Mateo 20:28 at Efeso 1:7.) Sa kadahilanang iyan, ang dugo na titilamsik sa laylayan ng huwad na relihiyon ay malapit na—napakalapit na—ang sarili nitong dugo!—Apocalipsis 18:8.
“Ang Huwad na Relihiyon—Nililigalig ng Kahapon Nito!” ay hindi makatatakas. Hayaan mong ipaliwanag ito sa iyo ng aming susunod na labas.
[Mga talababa]
a Ito ay tila nagpapagunita sa tinatayang 300,000 hanggang 3,000,000 “mga magkukulam” na, simula noong ika-15 siglo, ay pinatay na may bendisyon ng papa.
b Tingnan ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, mga kabanatang 16-18, inilathala noong 1982 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon sa pahina 21]
“Ang relihiyon ay, sa maraming bahagi ng daigdig ngayon, naging katulong ng rebolusyon . . . Patuloy nitong ginagatungan ang pagpapatayan sa Hilagang Ireland gayundin sa subkontinente ng India at sa Pilipinas.”—The Encyclopedia of Religion
[Larawan sa pahina 20]
Ang pagkakasala sa dugo noon ng huwad na relihiyon, gaya ng inilalarawan ng inukit sa kahoy na ito noong ika-15 siglo tungkol sa lansakang pagsunog ng mga erehes, ay nahigitan sa rekord nito sa ika-20 siglong ito
[Mga larawan sa pahina 21]
Ang mga kampana ng simbahang Aleman ay tinunaw para sa mga layunin sa digmaan noong Digmaang Pandaigdig I
[Credit Line]
Bundesarchiv Koblenz