Langis—Mayroon ba Tayong Anumang Mapagpipilian?
LANGIS. Kapag ito ay natapon, tinatakpan nito ang dagat ng makintab at maitim na balok na tumatakip at pumapatay sa marami na apektado nito. Kapag ito ay sinunog, inilalabas nito ang usok na masama sa bagà, nilalanta ang mga punungkahoy, at tumutulong pa nga upang painitin ang ating planeta na tinatawag na “greenhouse effect.” Gayunman, ang daigdig ngayon ay lubhang umaasa rito. Sa katunayan, tayo ay gumagamit ng napakaraming langis anupa’t inaakala ng ilang tao na maaari tayong maubusan nito bago natin malason ang ating mga sarili nito.
Dahil sa lahat ng mga problema na dala ng langis, hindi kataka-taka na mas maraming tao ngayon ang nagtatanong kung mayroon ba tayong anumang mapagpipilian sa mga gatong maliban sa langis. Ang kotse ay isang angkop na pokus ng tanong na ito. Ang pinakamabilis-dumaming tagalaklak ng limitadong panustos na langis ng daigdig, ay siya ring numero unong tagapagparumi. Ang mga kotse ay nagbubuga ng mga 400 milyong tonelada ng carbon sa ating nakukubkob na atmospera sa bawat taon. Subalit ang gasolina bang galing sa langis ang tanging paraan upang magpatakbo ng kotse?
Hindi. May iba pang gatong. Ang mga siyentipiko ay nag-eeksperimento pa rin sa mga kotse na pinatatakbo ng enerhiya buhat sa araw at mga kotseng pinatatakbo ng kuryente. Subalit malibang magkaroon ng ilang di-inaasahang pagsulong, hindi natin makikitang hahalinhan ng gayong mga sasakyan ang mga kotseng pinatatakbo ng gasolina sa malapit na hinaharap.
Ang hidroheno ay maaaring maging isang maaasahang gatong sa kotse. Ang hidroheno ay hindi gaanong nakapagpaparumi sa hangin na gaya ng gasolina at ito rin naman ay hindi kaagad mauubos. Ito ang pinakasaganang elemento sa uniberso. Ngunit sa ngayon, ang isang praktikal na kotseng nagsusunog-hidroheno ay isa lamang posibilidad sa malayong hinaharap, kapag natutuhan na ng teknolohiya ang ideyang ito.
Gatong na Alkohol
Kumusta naman ang tungkol sa mas malapit na hinaharap? Dalawang uri ng gatong na hindi galing sa langis ang malawakang ginagamit na sa mga kotse at mga trak: ang alkohol at natural na gas. Isang purong alkohol na tinatawag na ethanol ay dinidistila buhat sa tubó. Noong 1987 pinatakbo ng ethanol ang mahigit na 90 porsiyento ng mga kotseng ipinagbili sa Brazil, bagaman nitong nakalipas na mga buwan ang bilang na iyan ay bumaba tungo sa 69 porsiyento yamang ang presyo ng langis ay bumaba. Ang ethanol ay mas malinis kaysa gasolina, at ito ay galing sa isang pinagmumulan na nadaragdagang muli. Sa tuwina’y maaari tayong magtanim ng higit na tubó, o sugar beets, o kamoteng kahoy, o mais, upang gumawa ng higit na ethanol.
Gayunman, ang isang problema ay ang laki ng lupa na kakailanganin upang tamnan ng mga pananim na gumagawa ng ethanol. Ang Estados Unidos ay kailangang magtabi ng halos 40 porsiyento ng taunang ani nito ng mais upang makagawa ng sapat na ethanol upang masapatan lamang ang 10 porsiyento ng gatong sa kotse na kailangan nito.
Isa pang problema ang gastos. Ayon sa isang tantiya, ang mga pananim na gumagawa ng ethanol ay nawawalan ng mga 30 hanggang 40 porsiyento ng kanilang potensiyal na nilalamang enerhiya samantalang ginagawang gatong. Kung idaragdag pa ang gastos sa pagsasaka at pagpoproseso, ang ilang mga eksperto ay naghihinuha na nangangailangan ng higit na enerhiya upang gumawa ng ethanol kaysa enerhiyang maibibigay mismo ng ethanol!
Ang methanol, isang alkohol na gawa mula sa natural na gas o karbón, ay hindi gaanong magastos. Samantalang ang ilang gatong ay nagbibigay lamang ng mabagal na paggawa, ang methanol ay nagbibigay sa isang kotse ng higit na enerhiya. Sa katunayan, ang mga kotseng pangkarera ay karaniwang pinatatakbo ng methanol sapagkat ito ay hindi gaanong sumasabog na gaya ng gasolina. Noong Hunyo 1989, inihayag ng presidente ng E.U. na si George Bush ang isang mungkahi ng isang panghaliling gatong para sa 500,000 kotse sa E.U. upang halinhan ng methanol sa 1995. Sinasabi ng gobyerno na sa pamamagitan nito ay labis na mababawasan ang mga duming ibinubuga ng mga kotse.
Datapuwat ang methanol ay mayroon ding kaniyang problema. Bagaman ito ay hindi gaanong nagbubuga ng carbon na gaya ng petrolyo, ito ay nagbubuga ng isa pang tagapagparumi: ang formaldehyde, pinaghihinalaang sanhi ng kanser.Isa pa, ang mga kotseng pinatatakbo ng methanol ay mas mahirap i-start sa malamig na panahon.
Natural na Gas
Karaniwang ginagamit sa pag-iinit at pagluluto sa bahay, ang natural na gas ay may malaking pakinabang bilang isang gatong sa kotse. Ito ay isang payak na halo—karamihan ay methane—at ito ay nasusunog nang malinis. Kakaunti ang inilalabas nitong carbon na gaya ng inilalabas ng gasolina at wala itong mauling na usok na gaya ng gatong na diesel. Ang mga makinang nagsusunog ng gayong malinis na gatong ay hindi nangangailangan ng gaanong mantensiyon. Ang natural na gas ay hindi rin magastos, at ito ay sagana pa.
Ang mga kotseng pinatatakbo ng gas ay ginagamit na sa Italya, sa Unyong Sobyet, New Zealand, at Canada. Subalit ang gas ay mayroon ding problema. Magastos kumbertihin ang isang kotseng nagsusunog-gasolina tungo sa isang kotseng nagsusunog-gas. Isa pa, ang gas (kahit na siksik) ay kumukuha ng malaking lugar. Ilang malalaking imbakang tangke ang kailangang iinstala sa likuran ng kotse. Magkagayon man, ang kotse ay may maikling range at kailangang muling magkarga ng gatong nang madalas.
Ang muling pagkakarga ng gatong ay nagdadala sa atin sa isang hadlang na karaniwan sa lahat ng kahaliling gatong. Sino ang gustong bumili ng isang kotseng pinatatakbo ng kahaliling-gatong kung mahirap humanap ng isang gasolinahan na nagbibili ng gatong na iyon? Sa kabilang dako, bakit naman maglalaan ang mga gasolinahan ng kahaliling gatong kung wala silang katiyakan na bibilhin ito ng mga tao? Kaya alin ang mauuna, ang mga mamimili ng gatong o ang mga nagbibili?
Ang isang lunas sa problemang ito ay nagmumungkahi na gumawa ng mga kotse na tatakbo sa dalawang klase ng gatong. May mga kotse na tumatakbo kapuwa sa natural na gas at sa gasolina, natural na gas at diesel, alkohol at gasolina, o iba’t ibang halo ng dalawang gatong sa isang tangke. Bagaman ang gayong mga kotse na pinatatakbo ng dalawang-gatong ay mas madaling kargahan muli, baka ito ay hindi magaling o mahusay ang takbo na gaya ng mga kotse na idinisenyong tumakbo sa isa lamang malinis na gatong.
Isang Natatagong Reserba ng Langis
Ang pinakamadaling paraan upang mabawasan ang ating problema sa langis ay gamitin ito nang may kahusayan. Hindi nito aalisin ang polusyon na dala ng langis, subalit maaari nitong pawiin ang mahigpit na kakulangan ng langis samantalang ginagawa ang kahaliling mga gatong. Isang senador sa E.U. ang nagsasabi na ang basta pagkakarga ng katamtamang 15 kilometro por litro sa mga kotse sa Amerika “ay makapagtitipid ng 660,000 bariles ng langis isang araw sa taóng 2000. Sa loob ng 30 taon, kasinghaba ng inaasahang buhay ng isang minahan ng langis, iyan ay aabot sa halos 7.8 libong milyong bariles. Higit pa iyan sa malamang ay masumpungan ng industriya ng langis sa Alaska.”—The New York Times, Abril 15, 1989.
Gayunman, sa Estados Unidos, kung saan malaki ang nagagawa ng kasanayan, ito ay lubhang hindi pinahahalagahan. Ang mga kotse sa E.U. ay naglalakbay na gaya halos ng lahat ng iba pang kotse sa daigdig na pinagsama. Sa gayon, ang mga Amerikano lalo na ay may pagkalaki-laki, hindi pa nagagamit na reserba ng langis sa harap nila mismo na di-nakikita—o, bagkus, sa ilalim mismo ng takip ng makina ng mga kotse at mga trak—sa hindi mahusay na mga makinang lumalaklak-ng-gas na naroroon.
Posible bang mapasulong ang kilometrahe sa bawat litro na natatakbo ng mga kotse? Oo. Sa katunayan, ang 15 kilometro sa bawat litro ay karaniwan na. Ang mga kotse ay ginawang mas mahusay dahil sa pangangailangan nang ang presyo ng langis ay biglang tumaas noong mga 1970. Mula noon, ang mga gumagawa ng kotse ay nakagawa ng mga kotseng tumatakbo ng higit na kilometrahe sa bawat litro sa paggamit ng bagong mga disenyo sa makina at mga katawan ng kotse na yari sa mas magaan at mas matibay na mga materyales, at sa hugis na mas aerodynamic. Ang Volvo ay nakagawa ng isang kotse na tumatakbo ng 30 kilometro sa bawat litro. Ang Volkswagen ay nakagawa ng isang kotse na tumatakbo ng 36 na kilometro sa bawat litro. Ang Renault ay nakagawa ng kotse na tumatakbo ng 52 kilometro sa bawat litro!
Gayunman, may panlinlang diyan. Hindi mo mabibili ang alinman sa mga kotseng ito; hindi ito ginagawa. Inaakala ng mga gumagawa ng kotse na yamang ang halaga ng langis ay bumaba noong 1986, ang mga bumibili ng kotse ngayon ay hindi na gaanong nababahala tungkol sa katipiran ng gatong. Inirereserba ng Peugeot ang kotse nito na mataas-kilometrahe—31 kilometro sa bawat litro—hanggang sa tumaas ang presyo ng langis, tinatawag itong kotseng pangkrisis.
Binabanggit ng magasing World Watch na karamihan ng mga gumagawa ng kotse sa E.U. ay wala ngang binabalak gawin na “mga kotseng pangkrisis” at hindi sila namumuhunan sa bagong teknolohiya na nakapagtitipid ng gatong. Bakit? Ang World Watch ay sumasagot: “Ipinakikita ng palagay ng nakararami na ang bahagi ng problema ay ang pagiging abala sa kita tuwing ikaapat na buwan at sa presyo ng paninda sa kapinsalaan ng paggawa ng bagong produkto.” Sa ibang salita, ang paggawa ng mapagkikitaan ngayon ay mas mahalaga kaysa pag-iwas sa krisis sa dakong huli.
Subalit ang interes-sa-sarili ay hindi natatangi sa malalaking korporasyon. Tinitiyak ng mga tagagawa ng kotse na alamin kung ano ang gusto ng kanilang mga parokyano. Alam na alam nila na sa kasalukuyan walang madaling lunas sa labis na pagdepende ng tao sa langis. Lahat ng mapagpipilian ay nagsasangkot ng kapalit. Ang kotseng hindi nagpaparumi sa hangin o umuubos ng reserbang langis ay maaaring walang lakas, enerhiya, o luho ng dating lumalaklak-gas, at ang gatong ay maaaring hindi madaling bilhin.
Ano ang palagay mo? Ang tao ba ay handang gumawa ng ganitong uri ng sakripisyo upang pawiin ang krisis na maaaring sumidhi kapag ang kanilang mga anak o ang anak ng kanilang mga anak ay nagmamaneho ng kotse? Ang pagtrato ng tao sa lupang ito, ang pamana ng kaniyang anak, ay waring nagpapahayag ng malinaw na kasagutan: “Pakialam ko.”
Sa pangwakas na pagsusuri, ang problema na tugunin ang ating mga pangangailangan para sa gatong nang hindi ipinapahamak ang planeta ay nagsasangkot ng higit pa kaysa paghanap lamang ng mga maihahalili sa langis. Kailangan natin ang mapagpipiliang mga saloobin, ang maihahalili sa kasakiman at malapitang-pananaw. Ang di-angkop na pamamahala ng tao sa mga yaman ng planeta, pati na ang mga gatong nito, ay nagdaragdag sa talaksan ng mga katibayan na nagpapatunay sa kung ano ang malaon nang sinabi ng Bibliya—na wala sa tao ang karapatan o ang kakayahang pamahalaan ang kaniyang sarili.—Jeremias 10:23.
Ngunit para sa mga estudyante ng Bibliya, ang kuwento ay hindi nagtatapos doon. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa malapit na hinaharap, ang Maylikha ay kukuha ng mas aktibong bahagi sa pamamahala sa lipunan ng tao. Walang alinlangan na ituturo niya sa atin kung paano gagamitin ang yaman ng planeta nang hindi dinudumhan ang ating sariling pugad. Para sa isang kinabukasan na may pag-asa, iyan ay higit pa kaysa pinakamahusay na mapagpipilian. Ito ang tanging mapagpipilian.—Isaias 11:6-9.
[Blurb sa pahina 15]
Kailangan natin ang mga maihahalili sa kasakiman at malapitang-pananaw