Bakit Kailangan ang Bagong Pinagmumulan ng Enerhiya?
“Kung iniisip nating problema sa ngayon ang langis, maghintay lamang tayo ng 20 taon. Malagim ang mangyayari.”—Jeremy Rifkin, Foundation of Economic Trends, Washington, D.C., Agosto 2003.
SA LOOB ng mga 20 taon—kung kailan nasa tamang gulang na si Micah upang magmaneho—sinasabi ng ulat ng International Energy Outlook 2003 (IEO2003) ng pamahalaan ng Estados Unidos na “inaasahang tataas nang 58 porsiyento” ang pagkonsumo ng enerhiya sa buong daigdig. Tinawag ng magasing New Scientist ang pagtayang ito bilang “ang pinakamalaking porsiyento ng pagtaas sa pangangailangan para sa enerhiya sa buong kasaysayan.” Ligtas kayang masasapatan ng karaniwang mga pinagmumulan ng enerhiya ang pangangailangang ito? Isaalang-alang ang seryosong mga bagay na ito.
ULING:
◼ Sa lahat ng fossil fuel, pinakasagana ang uling, na tinatayang may sapat na reserba na maaaring tumagal nang 1,000 taon. Halos 40 porsiyento ng kuryenteng kinokonsumo sa buong daigdig ay isinusuplay ng mga planta ng kuryenteng gumagamit ng uling. Ang Australia ang pinakapangunahing tagapagluwas ng uling, anupat nagsusuplay ng halos sangkatlo ng lahat ng kinakalakal na uling sa buong daigdig.
Gayunman, ganito ang sinabi sa isang opisyal na pahayag ng Worldwatch Institute: “Ang uling ang fossil fuel na may pinakamataas na antas ng karbon, anupat naglalabas ng karbon na mas marami nang 29 na porsiyento kaysa sa langis sa bawat yunit ng enerhiya, at mas marami nang 80 porsiyento kaysa sa likas na gas. Ito ang pinagmumulan ng 43 porsiyento ng inilalabas na karbon sa buong daigdig taun-taon—humigit-kumulang 2.7 bilyong tonelada.” Bukod sa epekto nito sa kapaligiran, ano naman ang maaaring ibunga ng pagsusunog ng uling sa kalusugan ng tao? Bilang halimbawa, sinasabi sa isang kamakailang ulat ng Global Environment Outlook ng United Nations: “Sa Tsina, ang usok at ang maliliit na partikula mula sa sinusunog na mga uling ay nagiging sanhi ng maagang kamatayan ng 50 000 katao at ng 400 000 bagong mga kaso ng malalang brongkitis taun-taon sa 11 malalaking lunsod nito.”
LANGIS:
◼ Araw-araw, 75 milyong bariles na ng langis ang kinokonsumo ng daigdig. Sa kabuuang reserba ng langis sa daigdig, na tinatayang mga 2 trilyong bariles ang dami, humigit-kumulang 900 bilyong bariles na ang naubos. Kung ibabatay sa bilis ng produksiyon ng langis sa kasalukuyan, ang suplay ng langis ay tinatayang tatagal pa nang 40 taon.
Gayunman, iginiit ng mga heologong sina Colin J. Campbell at Jean H. Laherrère noong 1998: “Sa loob ng susunod na dekada, ang suplay ng makukuhang langis ay hindi na makasasapat sa pangangailangan para rito.” Nagbabala nang ganito ang mga ekspertong ito sa industriya ng langis: “Mali ang karaniwang palagay na maaaring makuha mula sa ilalim ng lupa ang huling timba ng langis na kasimbilis lamang ng pagkuha ng bari-bariles ng langis na bumubukal sa mga balon sa ngayon. Sa katunayan, ang bilis ng produksiyon ng langis sa alinmang balon—o alinmang bansa—ay laging umaabot sa sukdulang antas at pagkatapos, kapag nakuha na ang mga kalahati ng langis, unti-unti nang bumabagal ang produksiyon hanggang sa wala na talagang makuha. Kaya kung ekonomiya ang pag-uusapan, hindi ikinababahala kung kailan masasaid ang langis sa daigdig: ang ikinababahala ay kung kailan magsisimulang bumaba ang produksiyon.”
Kailan inaasahang bababa ang produksiyon ng langis? Sinabi ni Joseph Riva, heologong dalubhasa sa petrolyo, na ang “isinaplanong pagpaparami ng produksiyon ng langis . . . ay kulang pa sa kalahati ng daming kinakailangan upang masapatan ang pangangailangan ng daigdig para sa langis sa 2010 ayon sa pagtantiya ng IEA [International Energy Agency].” Nagbabala ang New Scientist: “Kung hihina ang produksiyon samantalang patuloy na lumalaki ang pangangailangan para rito, malamang na biglang tataas o lubhang magpapabagu-bago ang halaga ng langis, anupat lálaki ang posibilidad na magkaroon ng kaguluhan sa ekonomiya, ng suliranin sa pagluluwas ng pagkain at iba pang mga suplay, at ng digmaan pa nga dahil sa pag-aagawan ng mga bansa sa kakaunting natitirang langis.”
Bagaman itinuturing ng ilang analista na isang suliranin ang pag-unti ng suplay ng langis, ipinapalagay naman ng iba na mas mabuti nang matapos kaagad ang pagdepende natin sa langis. Ganito ang sinabi ni Jeremiah Creedon sa kaniyang pagsulat sa Utne Reader: “Ang tanging bagay na mas malala pa kaysa sa pagkasaid ng langis ay baka ang hindi pagkasaid ng langis. Ang carbon dioxide na nililikha natin dahil sa pagsusunog ng langis ay patuloy na nagpapainit sa planeta, gayunman ang ekonomiya at kapaligiran ay patuloy at karaniwan pa ring tinatalakay bilang magkabukod na usapin.” Sa pagtawag-pansin sa mga resulta ng labis na pagdepende sa langis ng isang bansa lamang, iniulat ng Australian Broadcasting Commission: “Ang 26 na milyong sasakyan sa United Kingdom ang pinagmumulan ng sangkatlo ng kabuuang carbon dioxide sa UK (na humahantong sa pag-init ng globo) at sangkatlo ng kabuuang polusyon sa hangin sa UK (na kumikitil ng mga 10,000 katao bawat taon).”
LIKAS NA GAS:
◼ Sa susunod na mga 20 taon, “ang likas na gas ang ipinapalagay na magiging pinakamabilis umunlad at pangunahing pinagmumulan ng enerhiya sa buong daigdig,” ang sabi sa ulat ng IEO2003. Sa mga fossil fuel, ang likas na gas ang naglalabas ng pinakakaunting polusyon kapag sinunog, at sinasabing may napakaraming reserba ng likas na gas sa lupa.
Gayunman, “walang sinuman ang talagang nakaaalam kung gaano karami ang likas na gas hangga’t hindi pa ito nakukuha,” ang sabi ng Natural Gas Supply Association na nakabase sa Washington, D.C. “Ang bawat pagtantiya ay ibinatay sa iba’t ibang palagay . . . Kaya mahirap malaman ang eksaktong sagot sa tanong hinggil sa dami ng umiiral na likas na gas.”
Ang methane ang pangunahing sangkap ng likas na gas, at ang methane ay “isang gas na lubhang nagpapainit sa atmospera ng lupa. Sa katunayan, may kakayahan ang methane na ikulong ang init nang halos 21 beses na mas mabisa kaysa sa carbon dioxide,” ang sabi ng asosasyon na sinipi kanina. Gayunpaman, sinabi ng reperensiyang ito na isang malawakang pag-aaral, na isinagawa ng Environmental Protection Agency at ng Gas Research Institute, ang “sumapit sa konklusyon na bale-wala lamang ang nakapipinsalang mga epekto ng pagdami ng methane sa hangin kung ihahambing sa mas maraming bentaha ng pagbaba ng antas ng polusyon sa hangin dahil sa mas malakas na pagkonsumo sa likas na gas.”
ENERHIYA MULA SA ATOMO:
◼ “Humigit-kumulang 430 reaktor na nuklear ang nagsusuplay ng 16 na porsiyento ng kuryente sa daigdig,” ang ulat ng Australian Geographic. Bukod pa sa kasalukuyang mga reaktor na ito, sinasabi sa ulat ng IEO2003: “Pagsapit ng Pebrero 2003, 17 sa 35 reaktor na kasalukuyang itinatayo sa buong daigdig ay nasa mga bansa ng papaunlad na Asia.”
Ginagamit pa rin ang lakas nuklear sa kabila ng mga posibilidad na magkaroon ng sakuna, gaya ng nangyari noong 1986 sa Chernobyl, sa dating Unyong Sobyet. Iniulat ng New Scientist na “nagbibitak-bitak at kinakalawang na ang kasalukuyang mga reaktor sa Amerika” at noong Marso 2002, ang reaktor na Davis-Besse sa Ohio “ay muntik nang dumanas ng kapaha-pahamak na meltdown” dahil sa pangangalawang.
Dahil sa limitadong suplay at sa likas na mga panganib ng kasalukuyang pinagmumulan ng enerhiya, bumabangon ang tanong, Nakatalaga na kayang sirain ng tao ang lupa dahil sa pagsisikap nilang sapatan ang tila walang-katapusang pangangailangan sa enerhiya? Maliwanag na kailangan natin ang malinis at maaasahang mga alternatibo. May makukuha ba tayong gayong abot-kayang mga alternatibo?