Enerhiya—Bakit Mahalaga sa Buhay?
ISINILANG ang sanggol na si Micah noong Agosto 2003. Sakay ng kotseng de-gasolina, ang kaniyang ina ay isinugod sa maternity ward. Isang plantang nagsusunog ng uling (coal) ang nagsuplay ng kuryente para sa mga ilaw ng ospital kung saan siya ipinanganak. Isang central heating system na nagsusunog ng likas na gas ang nagpainit sa silid kung saan siya unang huminga. Kung nasira ang alinman sa tradisyonal na mga pinagmumulang ito ng enerhiya, baka nanganib ang buhay ng munting si Micah.
Ang mismong pag-iral ng makabagong sibilisasyon kung saan isinilang si Micah ay nakadepende sa iba’t ibang pinagmumulan ng enerhiya. Araw-araw, umaasa tayo sa mga fossil fuel sa iba’t ibang paraan—upang makapagbiyahe tayo patungo sa lugar ng trabaho, makapagluto ng ating pagkain, o para ilawan, painitin, at palamigin ang ating mga tahanan. Sinasabi ng World Resources Institute na ginagamit ang mga fossil fuel upang “masapatan ang mga 90 porsiyento ng kinakailangang enerhiya ng mga negosyo sa buong daigdig.” Ganito ang sabi ng isang ulat na inilathala ng Institute noong 2000: “Kung enerhiya ang pag-uusapan, sa langis nagmumula ang pinakamalaking suplay ng enerhiya sa buong daigdig, na nasa 40 porsiyento, na sinusundan ng uling, 26 na porsiyento at ng likas na gas, humigit-kumulang 24 na porsiyento.”a
Ganito ang sabi ng babasahing Bioscience: “Sa katamtaman, ang isang pangkaraniwang Amerikano ay gumagamit taun-taon ng 93,000 kilowatt-hour [ng enerhiya], na katumbas ng 8000 litro ng langis, para sa lahat ng gawain, kasali na ang transportasyon, pagpapainit, at pagpapalamig.” Sa Australia, Poland, Timog Aprika, at Tsina, mahigit 75 porsiyento ng kuryenteng ginagamit ay nagmumula sa mga generator na gumagamit ng panggatong na uling. Ang India ay nakadepende sa uling para sa 60 porsiyento ng suplay nito sa kuryente, samantalang ang Estados Unidos at Alemanya ay nagsusunog ng uling upang pagkunan ng kalahati ng suplay ng kanilang kuryente.
“Hindi gaanong nababatid ng marami na nakatutulong ngayon ang langis upang makapaglaan ng pagkain sa daigdig,” ang sabi ng peryodistang si Jeremiah Creedon sa artikulo na pinamagatang “Life After Oil.” “Mahalaga ang petrolyo at likas na gas sa bawat proseso ng makabagong agrikultura, mula sa paggawa ng abono hanggang sa pagluluwas ng mga ani.” (magasing Utne Reader) Subalit gaano ba katatag ang mga pinagmumulang ito ng enerhiya na siyang pinakabuhay ng makabagong lipunan? May iba pa kayang makukuhang mas malinis na alternatibo?
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon hinggil sa kasaysayan ng paggamit ng langis, tingnan ang isyu ng Gumising! ng Nobyembre 8, 2003, pahina 3-12.