Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 11/22 p. 26-27
  • Jeepney—Sasakyan sa Pilipinas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Jeepney—Sasakyan sa Pilipinas
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagsakay sa Isang Jeepney
  • Saan ba Nanggaling ang Jeepney?
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Ang Matatu—Ang Makulay na Sasakyan ng Kenya
    Gumising!—2001
  • Pagiging “Lahat ng Bagay sa Lahat ng Uri ng Tao”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
  • Linangin ang Ligtas na mga Pag-uugali sa Pagmamaneho
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 11/22 p. 26-27

Jeepney​—Sasakyan sa Pilipinas

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pilipinas

SA MGA lansangan sa Manila sa Pilipinas, ang jeepney, na may matitingkad na kulay, nagliliparang mga palawit, at marami pang nakatatawag-pansing mga palamuti, ay isang pamilyar na tanawin. Ito ay isang natatanging lunas ng Pilipino sa isang problema na binubuno ng mga bansa sa palibot​—ang transportasyon ng masa. Gayunman, sa sinuman na hindi pa nakapunta sa Pilipinas, kahit na ang salitang “jeepney” ay hindi pangkaraniwan. Ipinahihiwatig ng mga autoridad na ito ay pinagsamang mga salitang “jeep” at “jitney” (maliit na bus). Hayaan ninyong ipakilala namin sa inyo ang kaakit-akit na sasakyang ito.

Sa kaniyang aklat na Urban Mass Transportation, itinatampok ni George M. Smerk ang karaniwang problema sa sistema ng transportasyon ng masa: “Kadalasang sinasabi na ang transportasyon ng masa ay hindi naibabagay sa pangyayari, ibig sabihin na karaniwan nang ang linya ng transportasyon ay hindi maaaring baguhin upang matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng populasyon sa panahon.” Gayunman, hindi ito totoo sa jeepney. Ang jeepney ay napatunayang maaaring ibagay sa pangyayari, matipid, at madaling patakbuhin. Halinang sumakay sa isang jeepney at tingnan kung bakit.

Pagsakay sa Isang Jeepney

Habang ikaw ay nakatayo sa tropikal na init sa kahabaan ng isa sa pangunahing kalye sa Manila, malilipos ka sa galak sa wari ba’y isang ilog ng mga jeepney na maingay na dumadaloy sa magkabilang direksiyon. Kahawig ng istilong-militar na jeep, pinahaba nga lang upang makalulan ng higit na pasahero, ang bawat isa’y may pinta na mga kulay ng bahaghari, na may mga larawan, disenyo, at sawikain na nakapinta sa lahat ng panig. Ang mga mud flap na nakasabit sa likuran at sa gilid ay maaaring nagwawagayway ng mga sawikaing gaya ng “Master Mariner” o “Jeepney King.”

Karamihan ng mga jeepney ay nagagayakan din ng iba pang nagkikintabang mga bagay​—pinwheels, mga kabayong tubog sa chrome, mga palawit, at mahahabang antena (kahit na ang jeep ay walang radyo)​—pawang idinisenyo upang umakit ng mga pasahero. Maaaring may makita kang jeepney na may 12, 14, o higit pang mga salamin sa hood nito (na wala ring praktikal na layunin) at maaaring magtaka ka kung nakikita pa kaya ng tsuper ang kaniyang dinaraanan sa mga palamuting iyon. Subalit waring kaya niya naman.

Paano mo malalaman kung aling jeepney ang magdadala sa iyo sa iyong patutunguhan? Sa harap at sa gilid, ang mga ito ay may karatula na nagpapakita ng kanilang mga ruta. Subalit paano mo magagawang hintuan ka ng isa sa kumakaskas na jeepney na iyon? Hindi mahirap iyan. Kahit ikaw ay medyo hindi interesadong sumakay sa kaniyang jeepney, ang karaniwang tsuper ay maligayang hihinto at isasakay ka. Maaari mo siyang senyasan sa pamamagitan ng iyong kamay. O maaari niyang tawagin ang iyong pansin sa pagbusina sa iyo, hindi lamang basta huni ng busina kundi isa na tumutugtog ng nakahahalinang musikal na tono.

Tayo nang sumakay sa jeepney. Pagpasok mo mula sa hulihan, mapapansin mo na may isang may saping kutson na upuan sa magkabilang panig ng jeep. Ang mga pasahero ay nauupong magkakatabi, magkaharap na may maliit na gitnang daanan, ang kanilang mga tuhod ay halos nag-uuntugan. Ikaw ay yumuyuko sa pagpasok (ang bubong ay mababa), humanap ka ng bakanteng lugar, at maupo rito. Habang sumasakay ang mga taong may dala-dalahan, ang makipot na daanan sa harap mo ay baka punô ng mga kahon, manok, mga bata o mga sako ng gulay. Ang mahabang salamin sa windshield ay nagpapangyari sa tsuper na masdan ang trapiko sa likuran niya at makita rin kung sino ang sumasakay o bumababa, gayundin kung sino na ang nagbayad o hindi pa nakabayad ng kaniyang pasahe.

Magkano ba ang iyong pasahe? Bueno, masasabi nating ito ay mura. Makasasakay ka ng hanggang 4 kilometro sa Manila sa halagang 75 sentimos (4¢, U.S.). Ang pasahe ay unti-unting tumataas depende sa layo ng isasakay. Sa pagdidispley ng karatulang “God Knows Judas Not Pay,” hinihimok ng maraming tsuper ang mga pasahero na magbayad.a Maaaring nakakabit sa salamin o malapit sa salamin ang personal na altar ng tsuper at/o larawan ng babae.

Ngayon maaari ka nang maupo at masiyahan sa iyong pagsakay, samantalang sinusubaybayan kung saan ka na naroroon upang masabi mo sa tsuper kung saan mo nais bumaba. Maaaring magtaka ka kung gaano kabilis tumakbo ang sasakyan habang pinaliliku-liko ng tsuper sa makapal na trapiko, na para bang di-alintana ang bagay na halos muntik na niyang mahagip ang isa pang jeepney.

Saan ba Nanggaling ang Jeepney?

Sinasagot ito ni Saul Lockhart sa The Complete Guide to the Philippines: “Ang jeepney ay nanggaling sa mga sobrang jeep, mga labí ng Digmaang Pandaigdig II, na ginawang pampasaherong mga sasakyan.” Ang unang mga jeep ay lubhang maliliit. Mula noon, ang mga jeepney ay pinahaba at mas marami ang mailululan​—hanggang 17 pasahero ngayon.

Si Mauricio De Guia ay nagsimulang magmaneho ng jeepney mula pa noong 1948. Subalit noong 1979 binago niya ang kaniyang iskedyul na magtrabaho ng kalahating araw lamang. Sa ganitong paraan ay natustusan niya ang pito sa kaniyang sambahayan at gayundin ginugol ang mga hapon at mga Linggo sa gawain bilang isang buong-panahong ministro. Maraming iba pang tsuper ang nagkakabit ng mga larawan ng mga artistang rock o mga artista sa pelikula sa kanilang mga jeepney, subalit sabi ni Mauricio: “Inilagay ko ang mga teksto sa Bibliya sa may bubong sa loob ng aking jeepney na mababasa ng aking mga pasahero.”

Ano naman ang naging reaksiyon ng mga pasahero? Sabi niya: “Ang iba ay nagtanong kung ano ba ang relihiyon ko. Dahil dito ako ay nakapangaral sa mga tao, at sila naman ay nakinabang. Maraming pasahero sa aking jeep ang naligayahan sa kanilang nababasa, at sinabi nila, ‘Talagang maganda ang jeep mo. Mabuti sana kung ang lahat ng jeepney ay gaya nito. Sa halip na kung anu-anong kabulastugan ang idinidikit, mababasa nila ang mga salita ng Diyos doon upang pag-isipan.’”

Nakita mo ba kung ano ang gumagawa sa jeepney na isang mahusay at praktikal na sistema sa paghahatid ng mga tao? Gayunman, ang iba ay hindi sumasang-ayon, sinisisi pa nga ang jeepney sa pagpapangyari ng di-kinakailangang pagsisiksikan at polusyon, lalo na sa Manila. Gusto pa ngang makita ng iba na ito ay palitan ng ibang uri ng transportasyong pampubliko. Kaya, isang artikulo ang lumitaw sa Bulletin Today ng Manila na pinamagatang: “Jeep phaseout under study.” Gayunman, malamang na hindi mangyari ang bagay na iyon sa malapit na hinaharap. Angaw-angaw na mga tao ang umaasa sa mga jeepney hindi lamang sa kanilang pang-araw-araw na transportasyon kundi sa kanila rin namang ikinabubuhay.

[Talababa]

a Ito ay isang Ingles/Tagalog na paglalaro sa mga salita. Sa lokal na wika, ang Tagalog, ang “Judas” ay binibigkas na katulad ng salitang Ingles na “who does.”

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Sa kagandahang-loob ng Sarao Motors, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share