Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Dinosauro Nasumpungan ko ang labas ng Pebrero 8, 1990 tungkol sa mga dinosauro na kahali-halina. Malinaw ang pagpapaliwanag, mahusay ang pagpapatunay, nauunawaan kapuwa ng may kabatiran at walang kabatiran, ang mga artikulong ito ay nakabibighani. Ipinalalagay ko ang aking sarili na lubhang may kabatiran tungkol sa mga dinosauro subalit natalos ko ngayon na ang aking kaalaman ay lubhang pangkalahatan.
U. A., Pederal na Republika ng Alemanya
Sa tuwina’y naitatanong ko sa aking sarili kung ano ang nangyari sa mga dinosauro. Kahit na ako ay nasa huling taon ng high school, wala pa akong narinig na makatotohanan at kapani-paniwalang sagot na gaya niyon.
S. S., Estados Unidos
Ang aking anak na lalaki, na apat na taon lamang, ay tuwang-tuwa sa mga ilustrasyon, yamang ang pagkalaki-laking mga dinosaurong ito ay lubhang kawili-wili sa kaniya. Nasisiyahan ako sa inyong kahanga-hangang mga artikulo mula noong Nobyembre, nang ako’y magsimulang mag-aral ng Bibliya. Sayang at marami akong hindi nabasa noon!
M. G., Mexico
Bautismo Nagpapasalamat ako sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Pabautismo?” (Marso 22, 1990) Ang karanasan ni Susana sa pasimula ng artikulo ay nakaantig sa aking damdamin. Ako’y nag-alay sa Diyos nang ako’y nasa aking ikaanim na taon sa elementarya, at talagang ito ay nakatulong sa akin na manatiling malakas sa pananampalataya. Hindi ba kahanga-hanga kung lahat ng kabataang Kristiyano ay magpakita ng gayunding debosyon na gaya ng Etiopeng bating at magtanong, “Ano ang humahadlang sa akin na pabautismo?”—Gawa 8:36.
M. A., Hapón
“Greenhouse Effect” Ako po’y isang 15-anyos na mag-aaral sa high school at nais ko pong magpasalamat sa artikulo ng Enero 22, 1989, tungkol sa ozone layer at sa mga artikulo sa Setyembre 22, 1989, tungkol sa greenhouse effect. Sa paggamit sa impormasyon sa mga artikulong ito, nakasulat ako ng isang sanaysay tungkol sa paksang pangangalaga (conservation), kung saan ako’y nakakuha ng mataas na marka.
J. B., Australia
Mga Karera sa Pagmomodelo Maraming-maraming salamat sa inyong artikulo tungkol sa mga karera ng pagmomodelo. (Enero 8, 1990) Ang aking anak na babae ay isang modelong bata bago pa kami nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pinag-usapan naming dalawa ang artikulo. Totoong-totoo ito; ang epekto ng pagmomodelo sa aking anak sa gulang na iyon ay na ipinadama nito sa kaniya na siya ang numero uno, mas mabuti kaysa kaninuman. Kami kapuwa ay nagpapasalamat sa inyo sa artikulo. Ang aking anak na babae ay hindi na isang modelo, at ang Diyos na Jehova ang numero uno sa kaniyang buhay—sa halip na ang kaniyang sarili.
N. J., Canada
Mga Jeepney Ako’y isang mambabasa ng Gumising! sa loob ng sampung taon. Walang maihahambing na literatura pagdating sa pagpili ng materyal, mga larawan, at kawastuhan ng presentasyon. Matagal ko nang nais sabihin ito, subalit pagkatapos kong mabasa ang artikulo noong Nobyembre 22, 1989, na “Jeepney—Sasakyan sa Pilipinas,” hindi ko na mapigil ang aking sarili. Kawili-wiling malaman kung papaano namumuhay ang mga tao sa ibang bahagi ng lupa. Ang makatotohanang paraan ng paghaharap ng Gumising! sa materyal ay hindi lamang nagbibigay ng impormasyon kundi inihahatid din tayo sa mga dakong ito!
E. P. S., Brazil
Operasyon sa Utak Hindi ko mapigil ang aking luha nang binabasa ko ang karanasan ni Bethel sa labas ng Abril 22, 1990. Pinasasalamatan ko si Jehova na naligtasan niya ang kaniyang operasyon sa utak. Kahanga-hanga ang isang dalagitang may gayong mataas na mga tunguhing espirituwal at matibay na pananampalataya sa harap ng kamatayan. Kaedad ko si Bethel at may gayunding mga tunguhin. At bagaman sana’y huwag akong malagay sa gayong kalagayan, inaasahan kong mapagtagumpayan ng aking pananampalataya ang pagsubok na may gayunding maligayang resulta.
T. V., Italya