Ang Iba’t Ibang Hugis at Laki ng mga Dinosauro
SA LAHAT ng mga uri-ng-buhay na ngayo’y lipol na, ang mga dinosauro marahil ang labis na nagpasigla sa guniguni ng mga tao. Madalas na gunigunihin ang mga dinosauro bilang pagkalaki-laki at nakatatakot. Nang ang pangalan ay unang buuin mula sa mga salitang Griego na nangangahulugang “kakila-kilabot na bayawak,” sila’y inakalang nakasisindak ang laki sapagkat ang mga fossil ng dinosauro na kilala noon ay malalaki.
Ang ilang uri ng mga dinosauro ay napakalaki at totoong mukhang nakasisindak, marahil ay tumitimbang ng higit pa sa sampung beses ng timbang ng isang malaking elepante sa Aprika. Gayumpaman, sa nakalipas na mga dekada, nakahukay ang mga paleontologo ng mga buto ng maraming mas maliliit na mga dinosauro. Ang ilan ay sinlaki ng asno, at ang ilan ay sinliit ng isang manok! Ating pagmasdan ang ilan sa kawili-wiling mga sinaunang reptilyang ito.
Mga Reptilyang Lumilipad
Ang isang nakatatawag-pansing uri ng sinaunang reptilya ay ang pterosaur (“bayawak na may pakpak”), kabilang dito ang pterodactyl (“daliring may pakpak”). Subalit ang mga ito ay hindi mga dinosauro, at hindi rin sila mga ibon. Sila’y mga reptilyang lumilipad at inuuring kasama ng iba pang mga reptilya gaya ng mga dinosauro at mga buwaya. Ang ilan sa kanila ay may mga pakpak na 8 metro ang lapad kung nakadipa. Ang isa na natuklasan sa Texas noong 1975 ay nagpapahiwatig na ang ilan ay may mga pakpak na 15 metro ang lapad kung nakadipa. Ang mga ito marahil ang pinakamalalaking hayop na kailanma’y nagsilipad.
Samantalang ang mga pterosaur ay may mga ngipin, bungo, balakang, at mga paa sa hulihan tulad ng sa isang reptilya, wala sila ni bahagyang pagkakahawig sa mga reptilyang dinosauro. At bagaman mukha silang mga ibong may matitigas na mga pakpak na aerodynamic, sila’y lubhang kakaiba. Gaya ng mga ibon, ang mga pterosaur ay may hungkag na mga buto at ilang sunud-sunurang hugpong sa mga pakpak at bukung-bukong. Gayumpaman, ang mga pakpak ng isang ibon ay gumagamit ng mga balahibo sa halip ng isang lamad katulad ng sa mga pterosaur. At ang ikaapat na daliri ng pakpak ng pterosaur sa harap ay nakadugtong upang suportahan ang lamad ng pakpak. Sa ibon naman ang ikalawang daliri ang pangunahing suporta ng pakpak.
Ang mga “Ornithischians”
Ang mga ornithischians (“may balakang na gaya ng ibon”) ay isa sa dalawang pangunahing klase ng mga dinosauro na tinitiyak ng kayarian ng kanilang mga balakang. Yaong mga nasa kategoriyang ito ay may kayarian ng balakang na kahawig niyaong sa ibon ngunit, siyempre pa, higit na malaki. Ang ilan ay maliit sa pangkalahatang sukat, ang iba ay malalaki. Ang iguanodon ay umabot ng 9 metro ang haba. Nagpapahiwatig ng tukang tulad-pato ang itaas at ibabang panga ang mga kalansay ng ilang uri ng mga hadrosaur, na maraming ngipin. Ang mga hadrosaur sa wari ay ay dalawang paa, naglalakad o tumatakbo na gumagamit ng dalawang paa. Ang ilan sa kanila ay umabot sa 10 metro ang haba.
Ang stegosaurs ay pangkat ng mga ornithischian na may malalaki’t malapad na buto na nakakabit sa kanilang likod. Ginagamit nila sa paglalakad ang lahat ng apat na mga paa at sila’y halos 6 metro ang haba, at 2.4 metro kataas sa kanilang mga balakang. Kamakailan lamang, inakalang ang mga buto nito sa likod ay nagsilbi hindi lamang bilang proteksiyon kundi bahagi ng isang sistema upang palamigin ang kanilang mga katawan. Ang mga paa sa hulihan ay mabigat at malaki na parang elepante, samantalang ang mga paa sa harap ay mas maliliit, anupa’t ang maliit na ulo ay kinakailangang yumukong mababa sa lupa. Ang buntot ay mayroong mahahaba, mabutong mga tusok na nagmumula sa dulo.
Ang huling pangkat ng mga ornithischians—kalat na kalat sa buong lupa—ay yaong ceratopsians, o mga dinosauro na may sungay. Ang kanilang haba ay mula 1.8 metro hanggang 8 metro. Katulad ng mga rhinoceros ng Aprika, itinampok ng mga armadong “tangke” na ito ang isang malaking karagdagang bungo na bumubuo ng katutubong kalasag sa leeg. Ang tatlong-sungay na bersiyon, ang triceratops, ay pangkaraniwan sa daigdig ng dinosauro. Ang dalawang mga sungay sa itaas ng mga mata ay humahaba ng hanggang 0.9 metro. Maraming mga fossil ng triceratops ang nakuha mula sa lambak ng Red Deer River sa Alberta.
Ang “Saurischians”—Mga Higanteng Dinosauro
Isa pang pangkalahatang klase ng mga dinosauro ay kilala bilang saurischians (“may balakang ng bayawak”), nagtataglay ng mga kayarian ng balakang na gaya niyaong sa mga bayawak, bagaman, muli, higit na malaki. Angkop sa kanila ang karaniwang kaisipan tungkol sa mga dinosauro: pagkalaki-laki at nakatatakot. Kabilang sa mga ito ang apatosaurus (dati’y kilala bilang brontosaurus), isang dinosauro na kumakain ng halaman na naglalakad sa lahat ng kaniyang apat na paa. Umaabot ito ng 21 metro kahaba at tumimbang ng tinatayang 30 tonelada. Ang mga dinosauro na ito ay nahukay sa Hilagang Amerika at sa Europa.
Ang napakalaki ring diplodocus ay higit na mukhang ahas, may mahabang leeg at buntot subalit may mga paa. Ito ang pinakamahabang dinosauro na nakilala, umaabot ng mga 27 metro, bagaman tumitimbang ng kakaunti kaysa apatosaurus. Nahukay sa Hilagang Amerika, ang diplodocus ay may mga butas ng ilong sa tuktok ng ulo nito, anupa’t maaari nitong ilubog ang kaniyang ulo nang halos buong-buo.
At nariyan ang brachiosaurus. Ang isang kalansay na natagpuan sa Tanzania ay umabot sa 21 metro ang haba. Tinatayang ang ilan ay tumimbang ng higit pa sa 85 tonelada. Ang mga ito’y 12 metro ang taas, at may katawang dumadalisdis pababa tungo sa buntot, gaya ng giraffe.
Noong 1985 ang fossilized vertebrae ng pambihirang laki ay nahukay sa New Mexico, E.U.A. Pinanganlan itong seismosaurus ng curator ng New Mexico Museum of Natural History. Ang hayop ay tinatayang halos 30 metro ang haba at tumitimbang ng marahil ay isang daang tonelada!
Ang mukhang mabangis na tyrannosaurus rex (“tyrant-lizard king”) ay halos 3 metro kataas sa balakang. Kapag nakatayo, maaari itong umabot ng 6 metro kataas. Ito’y halos 12 metro kahaba. Ang ulo nito ay umaabot sa halos 1.2 metro kahaba, at ang malaking bibig nito ay nasasangkapan ng 15 centimetrong tulad balisungsong na mga ngipin. Ang mga paa nito sa hulihan ay tulad ng sa elepante, samantalang ang mga binti sa harapan ay pagkaliliit. Isang malaking tulad-bayawak buntot ay nakaangat sa likuran. Sa halip na lumakad nang tuwid, nahinuha ngayon na ang mga tyrannosaur ay tumitindig nang pahalang, tinitimbang ang kanilang katawan sa pamamagitan ng kanilang mahabang buntot.
Isang Nagbabagong Tanawin
Na umiral nang malaganap ang mga dinosauro sa buong lupa, sa isang sinaunang tanawing matagal nang naglaho, ay maliwanag mula sa ulat ng fossil. Subalit ang kataka-takang mga kinapal na ito, lakip ang di-mabilang na iba pang mga uri ng mga hayop at halaman, ay lipol na. Kung baga kailan naganap ang mga bagay na ito, ganito ang sabi ng paleontologong si D. A. Russell: “Sa kasamaang palad, ang umiiral na mga pamamaraan sa pagsukat ng haba ng mga pangyayari na naganap nang napakatagal na ay relatibong hindi tumpak.”
Ano ang nangyari sa mga dinosauro? Ano ang kahulugan ng kanilang biglang paglitaw at ng kanilang tila bigla ring pagkalipol? Nagbabangon ba ng pag-aalinlangan ang mga dinosauro sa ilang pangunahing simulain ng ebolusyon ni Darwin? Ating sisiyasatin ang mga katanungang iyan sa sumusunod na artikulo.
[Dayagram sa pahina 8, 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
9 metro
6 metro
3 metro