Pagtuklas sa ‘Dakilang mga Reptilya’ ng Nakalipas
KUNG ika’y nakatayo sa gilid ng lambak ng Red Deer River, timog ng bayan ng Drumheller sa Alberta, Canada, ika’y tumatayo sa hangganan ng dalawang magkaibang daigdig. Sa pantay-mata, sa bawat direksiyon, ay matatanaw ang walang-katapusang bukirin ng trigo sa kaparangan ng Alberta. Subalit kung titingin kang pababa sa matatarik na mga dalisdis ng tuyo at tigáng na lambak, maguguniguni ng mga bisita ang isa pang daigdig na malayung-malayo sa daigdig nila—ang daigdig ng mga dinosauro.
Sa lambak na ito, sa kaniyang matatarik na bangin ng patung-patong na mga batong sedimentary na sari-sari ang kulay, daan-daang buto ng mga dinosauro ang nahukay. Tinatawag ng ilang tao sa lugar na ito ang tigáng na bangin bilang “the badlands.” Subalit ang mga bisita, kapuwa bata’t matanda, ay namamangha habang minamasdan nila ang pamanang fossil ng ilan sa lubhang kagila-gilalas na mga hayop na kailanma’y nabuhay dito sa lupa.
Pagtuklas sa mga Dinosauro
Bago ang 1824, ang mga dinosauro ay hindi kilala ng tao. Nang taóng iyon nahukay sa Inglatera ang fossilized na mga buto ng ilang uri ng mga reptilya. Tinawag ng Britanong paleontologo na si Richard Owen ang mga hayop na ito na Dinosauria, mula sa dalawang salitang Griegong deinos at sauros, na nangangahulugang “kakila-kilabot na bayawak.” Ginagamit pa rin hanggang sa araw na ito ang pangalang iyan, at bagaman ang mga dinosauro ay mga reptilya, sila’y hindi mga bayawak.
Sapol noong 1824, natagpuan ang mga fossil ng mga dinosauro sa bawat kontinente. Ang mga ulat ng fossil, naiwan sa mga susón ng batong sedimentary, o namuong bato ng mga latak na tinangay ng tubig, ay nagpapakita na nagkaroon ng di-pangkaraniwang kasaganaan at pagkasarisari ng mga uri ng dinosauro sa isang panahon sa kasaysayan ng lupa na tinatawag na Panahon ng mga Dinosauro. Ang ilan sa mga ito ay nanirahan sa lupa, samantalang ang iba’y sa mga latian. Marahil ang ila’y nanirahan maging sa tubig, katulad na katulad ng kasalukuyang-panahong hippopotamus.
Maraming labí ng dinosauro—lakip ang ebidensiyang hindi kalansay gaya ng mga bakas ng paa—ang natuklasan sa Great Central Plain ng Hilagang Amerika. Ang mga parang sa gitnang Alberta ay nagbigay ng maraming labí ng dinosauro, lakip ang halos 500 kompletong mga kalansay. Noong mga taon ng 1920, ang mga ekspedisyon ay nakatuklas ng mga buto ng dinosauro sa Disyerto ng Gobi sa gitnang Asia. Noong mga taon ng 1940 isang ekspedisyong Sobyet sa Mongolia ang nakatuklas ng isang kalansay ng dinosauro na 12 metro ang haba.
Noong 1986 natuklasan sa Antarctica ng mga siyentipikong taga-Argentina ang mga fossil ng isang dinosaurong kumakain ng halaman. Bago iyon, tanging ang Antarctica ang pangunahing dako sa lupa na wala pang nasusumpungang mga fossil ng mga dinosauro. At bago pa iyon, isang mananaliksik na Amerikano ang nakasumpong ng mga buto ng dinosauro sa North Slope ng Alaska. Sa loob ng nakaraang isang daang taon, nahukay ang nakabaóng mga buto ng dinosauro sa napakaraming mga lugar anupa’t naging maliwanag na ang mga dinosauro ay laganap noong unang panahon.
Kailan Sila Nabuhay?
Gumanap ng mahalagang bahagi ng buhay sa lupa ang mga dinosauro noong kanilang kapanahunan. Subalit sila’y nagwakas. Ang mga susón ng bato na naglalaman ng mga fossil ng tao ay palaging lumilitaw sa ibabaw ng mga susón na iyon na naglalaman ng mga fossil ng mga dinosauro. Dahilan dito, karaniwang naghihinuha ang mga siyentipiko na ang mga tao’y huling lumitaw sa eksena sa lupa.
Tungkol dito ang aklat na Palaeontology, ni James Scott, ay nagsasabi: “Maging ang kauna-unahang uri ng Homo sapiens (tao) ay nabuhay matagal na panahon pa pagkatapos maglaho ang mga dinosauro . . . Pagkatapos ng tilting (sa pamamagitan ng paggalaw ng lupa), ang mga batong naglalaman ng mga fossil ng tao ay palaging lumilitaw sa ibabaw niyaong naglalaman ng mga buto ng dakilang mga reptilyang dinosauro at masasabi na ang huli ay kabilang sa isang mas naunang panahon kaysa mga labí ng tao.”
Sa lambak ng Red Deer River, mayroong susón ng batong sedimentary na naglalaman ng mga buto ng dinosauro. Sa ibabaw nito, mayroong susón na muradong-kayumanggi na sumusunod sa hugis ng dalisdis ng burol. Sa ibabaw ng muradong-kayumangging susón ay isang susón ng kayumangging siltstone na naglalaman ng mga fossil ng subtropikong mga pakô, nagpapahiwatig ng mainit na klima. Sa ibabaw pa nito, may ilang susón ng karbón. Sa bandang itaas pa ng dalisdis ng burol ay mas magagaspang na butil na susón ng lupa. Walang mga buto ng dinosauro saanman sa mas mataas na mga susón.
Ang aklat na A Vanished World: The Dinosaurs of Western Canada ay nagsasabi na “lahat ng 11 pangunahing uri ng dinosauro . . . ay nalipol sa interyor ng kanluran nang halos sabay-sabay.” Ito, at ang katotohanan na ang mga buto ng tao ay hindi natagpuang kasama ng mga buto ng dinosauro, ang dahilan kung bakit naghihinuha ang karamihan sa mga siyentipiko na nagwakas na ang Panahon ng mga Dinosauro bago lumitaw ang mga tao sa eksena.
Gayumpaman, dapat pansinin na may mga nagsasabi na kaya hindi natagpuang magkasama ang mga buto ng dinosauro at mga buto ng tao ay dahilan sa ang mga dinosauro ay hindi nanirahan sa mga dakong panirahan ng mga tao. Ang gayong nagkakaibang mga pangmalas ay nagpapakita na hindi sinasabi ng ulat ng mga fossil ang lahat ng impormasyon at na walang sinuman sa lupa sa ngayon na tunay na nakababatid ng lahat ng kasagutan.
Mga Katangian
Matagal nang naghinuha ang mga siyentipiko na sa silangan ng Rocky Mountains ng Hilagang Amerika, minsa’y umiral ang isang napakalaking mababaw na dagat. Ang dagat na ito ay daan-daang milya ang lawak, mula sa kasalukuyang Arctic Ocean hanggang sa Mexico. Sa mga baybayin nito ay mga kagubatang malalago at latian. Ipinahihiwatig ng mga fossil na maraming uri ng mga dinosauro ang namuhay sa ekolohikal na kalagayang ito. Ang edmontosaurus, isang dinosauro na may tukâng gaya ng isang pato na halos 9 na metro ang haba, ay maliwanag na kawan-kawan na nanginain tulad ng mga baka sa latian. Ang naingatang-mainam na mga bakas ng paa na tatlo ang daliri at ang fossilized na mga laman ng tiyan ay umakay sa mga paleontologo sa konklusyong ito.
Ipinahihiwatig ng iba pang ebidensiya na ang ilang mga dinosauro ay nagpakita ng mga ugaling sosyal. Marahil ay nagsama-sama sila bilang kawan, marahil sa mga grupo ng daan-daan o higit pa. Ang pagkatuklas sa sunud-sunod na susón ng mga pugad at mga itlog sa iisang lugar ay nagpapahiwatig na ang ilang mga dinosauro ay bumabalik sa iyo’t iyon ding mga lugar-pamugaran taun-taon. Ang mga labíng kalansay ng mga sanggol na dinosauro malapit sa mga pugad, ayon sa Scientific American, ‘ay matibay na nagpapahiwatig ng panlipunang paggawi ng mga anak at nagpapakita rin ng posibilidad ng pag-aalaga ng mga magulang sa mga batang dinosauro pagkatapos nilang mapisa sa itlog.’
Ipinakikita kung gayon ng ebidensiya ng fossil na nagkaroon ng marami at sari-saring mga dinosauro. Subalit ano bang talaga ang kanilang hitsura? Talaga bang silang lahat ay nakatatakot, pagkalaki-laking mga halimaw—“kakila-kilabot na mga bayawak”? Bakit tila bigla silang naglaho?
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Smithsonian Institution, Washington, D.C.: Photo Number 43494