Ano ang Nangyari sa mga Dinosauro?
“PALEONTOLOHIYA ang pag-aaral ng mga fossil, at ang mga fossil ay mga labí ng buhay mula sa nagdaang mga panahon.” Subalit gaya ng sinabi ng isang paleontologo, ito ay “isang siyensiyang labis na mapaghaka at punô ng kuru-kurò.” Ito ay makikita kung tungkol sa mga dinosauro. Itinatala ang ilang haka-haka sa kung ano ang nangyari sa mga ito, sinasabi ng siyentipiko ng Princeton na si G. L. Jepson:
“Ang mga autor na iba’t iba ang kahusayan ay nagsasabi na naglaho ang mga dinosauro dahil sumamâ ang klima . . . o ang pagkain. . . . Sinisi ng ibang manunulat ang sakit, mga parasito, . . . mga pagbabago sa presyon o mga sangkap ng atmospera, nakalalasong gas, alikabok mula sa bulkan, labis-labis na oksiheno mula sa mga halaman, mga bulalakaw, mga kometa, pagkatuyo ng mga gene pool dahil sa maliliit na mga mammals na kumakain ng mga itlog, . . . radyasyong kosmiko, paglipat ng rotational poles ng Lupa, mga baha, continental drift, . . . pagkatuyo ng mga latian at kapaligirang lawa, mga sunspots.”—The Riddle of the Dinosaur.
Maliwanag mula sa gayong mga haka-haka na hindi kayang sagutin ng mga siyentipiko, nang may anumang katiyakan, ang katanungang: Ano ang nangyari sa mga dinosauro?
Teoriya ng Biglang Pagkalipol
Isang mas bagong teoriya ang inilahad ng isang koponan ng ama-at-anak, sina Luis at Walter Alvarez. Nakatuklas si Walter Alvarez, sa labas ng bayan ng Gubbio sa gitnang Italya, ng isang kakaibang manipis, pulang susón ng luad na nasa pagitan ng dalawang susón ng limestone sa kayarian ng bato. Ang mababang susón ng limestone ay nagbigay ng saganang mga fossil. Ang itaas na susón ay halos walang fossils, anupa’t ang mga heologo ay naghinuha na ang buhay ay biglang naglaho at na ang manipis, pulang susón ng luad ay may kinalaman sa pagkalipol.
Isiniwalat ng pagsusuri na ang luad ay sagana sa iridium (isang metal), 30 beses higit kaysa normal na konsentrasyong masusumpungan sa mga bato. Batid nila na ang gayong kataas na mga konsentrasyon ng bihirang elementong ito ay maaari lamang magmula sa pinakapusod ng lupa o sa mga pinagmulan sa labas ng daigdig. Sila’y naghinuha na ang iridium ay idineposito sa lupa ng isang malaking asteroid na bumagsak sa lupa, na nagdulot ng biglang pagkaubos ng mga dinosauro.
Matapos matuklasan ang sagana-sa-iridium na luad sa Gubbio, nasumpungan ang katulad na mga deposito sa iba pang bahagi ng daigdig. Pinatotohanan ba nito ang teoriya tungkol sa asteroid? Ang ilang mga siyentipiko ay nag-aalinlangan. Subalit gaya ng inaamin ng aklat na The Riddle of the Dinosaur, ang teoriya ni Alvarez ay nagdagdag ng “panibagong lebadura sa pag-aaral ng pagkalipol at ebolusyon.” At inaamin ng paleontologong si Stephen Jay Gould na maaari nitong bawasan “ang halaga ng pakikipagkumpitensiya sa pagitan ng mga species.”
Nagkokomento tungkol sa bagong teoriyang ito at sa maliwanag na biglang pagkalipol ng mga dinosauro, inaamin ng isang manunulat ng siyensiya: “Maaari nitong ugain ang mga saligan ng biolohiya ng ebolusyon at pag-alinlanganan ang kasalukuyang kaisipan ng natural selection.”
Ang siyentipiko ng University of Arizona na si David Jablonski ay naghihinuha na ‘para sa maraming halaman at mga hayop, ang pagkalipol ay biglaan at sa paanuma’y katangi-tangi. Ang lansakang pagkalipol ay hindi basta sunud-sunod na epekto ng unti-unting pagkamatay. Nagkaroon ng isang di-pangkaraniwang pangyayari.’ Ganiyan din ang kaso sa mga dinosauro. Ang kanilang relatibong biglang paglitaw at pagkawala ay sumasalungat sa pangmalas ng mabagal na ebolusyon na karaniwang tinatanggap.
Paglalagay ng Petsa sa mga Dinosauro
Ang mga buto ng mga dinosauro ay regular na matatagpuan sa mas mababang susón ng lupa kaysa mga buto ng tao, inaakay ang marami upang maghinuhang kabilang sila sa isang mas maagang yugto ng panahon. Tinatawag ng mga heologo ang panahong ito bilang yugtong Mesozoic at hinahati ito sa mga yugtong Cretaceous, Jurassic, at Triassic. Ang mga balangkas ng panahon na ginamit sa mga yugtong ito ay nasa ayos na sampu-sampung milyong mga taon. Subalit naitatag na ba ito nang may anumang katiyakan?
Ang isang paraan na ginagamit upang sukatin ang edad ng mga fossils ay tinatawag na radiocarbon dating. Sinusukat ng sistemang ito ng paglalagay ng petsa ang bilis ng pagkabulok ng radioactive carbon mula sa panahon ng kamatayan ng organismo. “Kapag namatay ang isang organismo, hindi na ito maaaring tumanggap ng bagong carbon dioxide mula sa kaniyang paligid, at ang proporsiyon ng isotope ay nawawala sa paglipas ng panahon habang ito’y radyoaktibong nabubulok,” sabi ng Science and Technology Illustrated.
Gayumpaman, may ilang malulubhang suliranin sa sistemang ito. Una, kapag ang isang fossil ay ipinalalagay na halos 50,000 taón, ang antas ng radioactivity nito ay bumaba na nang napakababa anupa’t napakahirap nitong malaman. Ikalawa, maging sa mas bagu-bagong specimens, ang antas na ito ay napakababa at napakahirap nang sukatin nang tumpak. Ikatlo, maaaring sukatin ng mga siyentipiko ang kasalukuyang antas ng pagkabuo ng radioactive carbon subalit hindi nila kayang sukatin ang nilalamang carbon noong matagal nang panahon.
Kung gayon gumagamit man sila ng pamamaraang radiocarbon o iba pang mga pamamaraan sa paglalagay ng mga petsa sa fossils, gaya ng paggamit ng radyoaktibong potassium, uranium, o thorium, upang alamin ang edad ng mga bato, hindi kayang itatag ng mga siyentipiko ang orihinal na mga antas ng mga elementong iyon sa mga edad ng panahon. Kaya, ganito ang obserbasyon ng propesor ng metallurgy na si Melvin A. Cook: “Maaari lamang hulaan ng isa ang nilalaman [ng radyoaktibong mga materyales] na ito, at ang mga resultang edad na makukuha ay hindi na bubuti pa kaysa paghulang ito.” Iyan ay lalung-lalo nang totoo kung ating isasaalang-alang na ang Baha noong kaarawan ni Noe mahigit 4,300 taon na ang nakalipas ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa atmospera at sa lupa.
Ang mga heologo sa Dartmouth College na sina Charles Officer at Charles Drake ay nagdaragdag pa ng pag-aalinlangan sa pagiging tumpak ng radioactive dating. Kanilang sinasabi: “Kami’y gumawa ng konklusyon na ang iridium at iba pang kaugnay na mga elemento ay hindi biglaang idineposito . . . bagkus ay nagkaroon ng matindi at pabagu-bagong pagpasok ng mga sangkap na ito sa loob ng isang lubhang maikling geologic time interval na mula 10,000 hanggang 100,000 taon.” Kanilang iginigiit na ang pagkahiwalay at paggalaw ng mga kontinente ang sumira sa buong globo, nagdulot ng mga pagsabog ng bulkan, paghadlang sa sikat ng araw at pagdumi sa atmospera. Oo, maaaring baguhin ng gayong mapanirang mga pangyayari ang antas ng radioactivity, anupa’t pinipilipit ang mga resulta mula sa makabagong-panahong mga orasang radyoaktibo.
Ang Ulat ng Genesis at ang mga Dinosauro
Bagaman ang pamamaraan ng radioactive dating ay makabago, salig pa rin ito sa haka-haka at pala-palagay. Sa kabaligtaran, payak na inilalahad ng ulat ng Bibliya sa unang kabanata ng Genesis ang pagkakasunud-sunod ng paglalang. Nagpapahintulot ito ng posibleng libu-libong milyong mga taon upang mabuo ang lupa at maraming milenyo sa anim na mga yugto ng paglalang, o “mga araw,” upang maihanda ang lupa bilang tirahan ng tao.
Ang ilang dinosauro (at mga pterosaur) marahil ay nilikha sa ikalimang araw na nakatala sa Genesis, kung kailan sinasabi ng Bibliya na ginawa ng Diyos “ang mga lumilipad na kinapal” at “malalaking hayop sa dagat.” Marahil ang ilang uri ng dinosauro ay nilikha sa ikaanim na araw. Ang malawak na pagkakasari-sari ng mga dinosauro taglay ang kanilang pagkalakas-lakas na gana sa pagkain ay maaaring angkop lamang kung isasaalang-alang ang saganang pananim na maliwanag na umiral noong kanilang kapanahunan.—Genesis 1:20-24.
Nang matupad na ng mga dinosauro ang kanilang layunin, winakasan ng Diyos ang kanilang buhay. Subalit ang Bibliya ay walang sinasabi sa kung paano niya ito ginawa o kung kailan. Makatitiyak tayo na may layunin kung bakit nilikha ni Jehova ang mga dinosauro, bagaman hindi natin lubos na nauunawaan ang layuning iyon sa kasalukuyan. Sila’y hindi isang pagkakamali, hindi gawa ng ebolusyon. Na sila’y biglang lumitaw sa ulat ng fossil nang walang kaugnayan sa anumang mga ninunong fossil, at naglaho ring walang iniiwang kaugnay na kawing sa fossils, ay katibayan laban sa pangmalas na ang gayong mga hayop ay unti-unting nagbago sa loob ng milyun-milyong taon ng panahon. Kaya, ang ulat ng fossil ay hindi sumusuhay sa teoriya ng ebolusyon. Sa halip, ito’y kasuwato ng pangmalas ng Bibliya sa mga gawang paglikha ng Diyos.
[Blurb sa pahina 10]
Ang ulat sa fossil ng mga dinosauro ay sumusuhay hindi sa ebolusyon kundi sa paglalang