Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 7/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “8,000 KAMATAYAN ISANG ARAW”
  • PABOR SA MAG-ASAWANG SAKSI ANG PASIYA NG HUKUMAN
  • MGA DAMIT NA DAHILAN NG PAGPATAY
  • MAPANGANIB NA TRABAHO
  • ANG KARAMIHAN AY PABOR NA ALISIN ANG CELIBATO
  • MAINGAT NA PAG-AARAL TUNGKOL SA DIBORSIYO
  • ANG PINAKAMAHABANG “FIBER-OPTIC” NA KABLE SA DAIGDIG
  • MAMANTIKANG “FAST FOOD”
  • WALANG INTERES
  • WALANG LAMAN NA MGA KUMPISALAN
  • Ang Kabayaran ng Pandaraya
    Gumising!—1990
  • Ingatan ang Inyong mga Anak Mula sa Maling Paggamit ng Dugo
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1993
  • Nakakonekta Ka Na—Paano?
    Gumising!—2001
  • Nakilala sa Pamamagitan ng Ating Pag-uugali
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 7/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“8,000 KAMATAYAN ISANG ARAW”

Ang paggamit ng tabako ay patuloy na nakababagabag sa mga propesyonal sa kalusugan, na nakikini-kinita ang isang nakatatakot na hinaharap para sa mga maninigarilyo. Sa susunod na 25 taon, tinatayang 500 milyon katao ang mamamatay sa paninigarilyo, babala ng isang bagong pag-aaral ng WHO (World Health Organization). Inihuhula ng pananaliksik ng WHO na ang paninigarilyo ang magiging numero unong sanhi ng kamatayan sa daigdig sa pagsisimula ng dantaon. “Ngayon may 8,000 kamatayan isang araw dahil sa paninigarilyo, subalit kapag ang mga bata ay umabot na ng kalagitnaang edad magkakaroon ng mga 28,000 kamatayan isang araw,” sabi ng isang kinatawan ng WHO sa World Conference on Tobacco and Health sa Perth, Australia.

PABOR SA MAG-ASAWANG SAKSI ANG PASIYA NG HUKUMAN

Noong Abril 13, 1990, isang hurado sa Mataas ng Hukuman sa San Francisco, California, ang nagpahayag ng $500,000 na hatol laban sa University of California (San Francisco Hospitals and Clinics) at sa isang pangunahing seruhano sa kidney-transplant. Ang mga nagsakdal ay mga Saksi ni Jehova na ang minor de edad na anak na lalaki ay binigyan ng isang pagsasalin ng dugo​—laban sa kanilang kagustuhan—​pagkatapos ng isang matagumpay na kidney transplant mula sa kaniyang ama. (Dahil sa maka-Kasulatang mga dahilan ang mga Saksi ni Jehova ay tumatangging pasalin ng dugo, pinipili bilang kahalili nito ang walang-dugong pangangasiwa sa pangangalaga ng kanilang kalusugan.) “Tiniyak sa mga magulang mula sa pagpasok nila sa ospital, kahit na hanggang noong gabi ng pag-oopera, na hindi magkakaroon ng pagsasalin ng dugo o mga court order,” sabi sa Gumising! ng isa sa mga abugado na kumakatawan sa mag-asawa. “Gayunman, halos mula sa simula, ang ospital ay nagsagawa ng mapanlinlang at lihim na pakana na nagpapakita ng ganap na di pagpansin sa pangunahing karapatan ng pamilya.” Dahil sa paglabag nila sa kasunduan, nang hindi pinahihiwatigan ang mga magulang, ang seruhano ay gumawa ng mga hakbang upang makakuha ng isang court order ilang araw bago ang operasyon. Kaya, nasumpungan ng hurado na ang ospital ay mananagot sa paglabag sa pederal na karapatang sibil ng mga magulang at sa panlilinlang, at nasumpungan nito kapuwa ang doktor at ang ospital na mananagot sa sadyang pagsira sa pagtitiwala. “Ang hatol na ito na hingan ng bayad-pinsala ang mga doktor sa isang kaso ng pagsasalin ng dugo na kinasasangkutan ng mga Saksi ang kauna-unahan sa Estados Unidos,” sabi ng abugado.

MGA DAMIT NA DAHILAN NG PAGPATAY

Ilang tin-edyer sa lungsod ng Estados Unidos, na natutuksong bumili ng mamahalin at usong mga kasuotan upang di mapaiba sa kanilang mga kaedad, ay nagbubuwis ng kanilang buhay dahil sa mga damit. Ang mga sneaker na nagkakahalaga ng hanggang $175 at mga athletic jacket na nagkakahalaga ng hanggang $200 ay maaaring gumawa sa mga kabataang ito na mga target ng pagsalakay at pagnanakaw. Ang ibang mga biktima, na ayaw ibigay ang mga kasuotan na napakamahal ng pagkakabili nila, ay nanlalaban sa mga magnanakaw at dahil dito’y nasaksak o nabaril. Ang bilang ng mga nasawi ay dumarami. Ang The New York Times ay nagsasabi: “Hindi lamang idiniriin ng mga insidenteng iyon ang tindi ng krimen at karahasan sa lansangan na karaniwan ngayon sa buhay sa lungsod, kundi lisyang panukat rin ito ng pinakabagong uso roon.”

MAPANGANIB NA TRABAHO

Ang pagiging isang peryudista ay laging nangangailangan ng pagpapagal at mahabang oras ng trabaho. Ngayon ito ay nakamamatay rin. Noong nakaraang taon 53 peryudista ang napatay sa buong daigdig​—doble ng bilang noong 1988. Yaong lubhang nanganganib ay ang abenturosong free-lance na mga reporter at litratista. Ang mga pinuno sa negosyo ng droga at mga komander ng militar ang malamang na gumawa ng uring ito ng “pagsensura sa pamamagitan ng kamatayan,” sabi ng isang editoryal sa The New York Times. Kapag ang mga peryudista ay “pinatatahimik, ibinibilanggo o sinisensura, ang pang-unawa ay lumalabo at nawawala ang impormasyon.”

ANG KARAMIHAN AY PABOR NA ALISIN ANG CELIBATO

Isang surbey na inilathala sa Catholic Weekly ng Australia ay nagsisiwalat na hanggang 70 porsiyento ng mga Katolikong Australiano ang pabor na wakasan ang panata ng celibato na kahilingan sa kanilang mga pari. Naniniwala sila na ang mga pari ay dapat na payagang mag-asawa. Kabilang sa mga dahilan na ibinigay nila ay na ang pag-aasawa ay magbibigay sa mga pari ng higit na “kapani-paniwalang istilo ng buhay” at marahil magiging mas malapit sila sa kanilang mga miyembro sa parokya. At, sinabi pa ng ibang tinanong na ang pag-aalis sa mga tuntuning celibato ay maaaring makatulong upang akitin ang mas maraming binata sa pagkapari. (Ang katamtamang edad ng mga paring Katoliko sa Australia sa kasalukuyan ay 63.) Isang pari ang nanangis na nang siya ay nagsasanay sa pagkapari, ang kaniyang klase ay binubuo ng 25 hanggang 30 estudyante. Pagkaraan lamang ng sampung taon, ang laki ng klase ay bumaba sa 12 estudyante.

MAINGAT NA PAG-AARAL TUNGKOL SA DIBORSIYO

Ang mga diborsiyo sa Pederal na Republika ng Alemanya ay tumaas mula sa 49,300 noong 1961 tungo sa 128,700 noong 1988, ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Sinira ng kalahati ng mga diborsiyo ang mga pamilyang may mga anak, na kinabibilangan ng kabuuang 93,000 mga minor de edad. Ang mga babae na humihiling ng diborsiyo ay dalawang ulit na kasindalas ng mga lalaki, karamihan ay pagkatapos ng apat at anim na taon ng pag-aasawa. Napansin ng sosyologong si Peter Hartmann ang iba’t ibang dami ng diborsiyo. Ang mga estadong-lungsod ng Hamburg, Bremen, at Berlin ay may kapansin-pansing mataas na bilang; mas maraming diborsiyo sa mga rehiyon na matagal nang walang trabaho kaysa maunlad na mga dako. Ang ulat ay may isang sorpresa. Walang gaanong pagkakaiba sa dami ng diborsiyo sa pagitan ng mga dakong Katoliko at Protestante.

ANG PINAKAMAHABANG “FIBER-OPTIC” NA KABLE SA DAIGDIG

Ang Australia ay nag-aangking siyang may rekord ng pinakamahabang kawing ng fiber-optic na kable sa daigdig. Pinagdurugtong ng mga kable ng telekomunikasyon ang mga kabisera ng estado ng Adelaide at Perth sa Australia, isang distansiya na mahigit 2,600 kilometro, at binabagtas nito ang Nullarbor Plain, isang kilalang tigang, tulad-disyertong dako. Sinabi ng isang tagapagsalita para sa Telecom (ang sistema sa telekomunikasyon ng Australia) sa pahayagang The West Australian na ang satelayt na telekomunikasyon ay niluma na ngayon ng paggamit ng fiber-optic na kable. Ipinaliwanag ng pahayagan na “ang kable ay makapagdadala ng hanggang 8000 usapan sa telepono, gayundin karaming fax sa loob lamang ng dalawang segundo at mga komunikasyon sa video. Lahat ng ito ay inihahatid sa isang kable na may 12 hibla, bawat isang hibla ay kasingnipis lamang ng buhok ng tao.” Inaasahan ng Telecom na ang kasalukuyang kahanga-hangang kakayahan ay madagdagan pa nang apat na ulit sa kalagitnaan ng 1990’s.

MAMANTIKANG “FAST FOOD”

Sa ibang industrialisadong bansa, kung saan ang pagkaing fast-food ay nagiging paraan ng buhay, ang chicken o fish sandwiches at chicken “nuggets” ay popular dahil sa inaakala ng marami na ang mga ito ay mababa-sa-taba na mga kahalili ng tradisyunal na hamburger. Subalit ang mga pagkaing iyon kung minsan ay iniluluto sa mantikang mayaman sa taba. Isa pa, ang fast-food chicken sandwich ay karaniwang naglalaman ng maraming balat ng manok, kaya ito’y “naglalaman ng taba na katulad ng isa at kalahating pint ng sorbetes, at ang kalahating dosenang chicken ‘nuggets’ ay mas maraming taba kaysa isang hamburger,” sabi ng International Herald Tribune, na nag-uulat tungkol sa isang pag-aaral kamakailan ng Massachusetts Medical Society. Ang sobrang taba sa pagkain ay iniuugnay sa maraming insidente ng diabetes, sakit sa puso, alta presyon, atake serebral, at labis na pagtaba.

WALANG INTERES

Ang kawalang-interes sa relihiyon ay naging malaganap sa buong daigdig, lalo na sa mga bansa na dating kuta ng Sangkakristiyanuhan. Sumusulat sa pahayagang Katoliko na La Croix, ang Jesuitang si Xavier Nicolas ay nananaghoy sa lumalagong suliranin. Sabi niya na sa nilakad-lakad ng mga dantaon, nagkaroon ng maraming komprontasyon sa pagitan ng mga mananampalataya at di-mananampalataya tungkol sa ultimong mga katanungan tungkol sa Diyos, sa Kabilang buhay, at relihiyon. Gayunman, ngayon ay umiiral ang ikatlong grupo​—ang walang interes, yaong hindi pabor o laban sa relihiyon, hindi nababahala tungkol sa ultimong mga katanungan sa buhay. Naniniwala siya na hindi lubusang saklaw ng simbahan ang tunay na sekularismo ng ating panahon. Siya’y nagtatanong: ‘Paano nating masasabi na taglay natin ang mga kasagutan kung ang mga tanong ay hindi man lamang itinatanong?’

WALANG LAMAN NA MGA KUMPISALAN

“Ang ritwal ng pagkukumpisal ng kasalanan sa isang pari at pagtanggap ng kapatawaran” ay lubhang tinalikdan na, ulat ng The New York Times. “Ang pagtalikod ay nagaganap nang tahimik, kusa, nang walang sinumang humihimok nito at halos ay hindi pinag-uusapan.” Isiniwalat ng isang pag-aaral sa mga Katolikong nagsisimba na 6 na porsiyento lamang ang nangungumpisal minsan sa isang buwan at 1 porsiyento lamang ang nangungumpisal na madalas kaysa riyan, bagaman marami ang taunang nangungumpisal kung panahon ng pagsisisi sa Kuwaresma. Ang pangyayaring ito ay nakalito sa mga lider ng simbahan. Ipinalalagay ito ng iba sa kanilang di pagsang-ayon sa pagbabawal ng simbahang Katoliko sa kontrasepsiyon, lumalagong di paniniwala sa impierno, kawalan ng diwa ng kasalanan, at kalituhan sa kung ano ang tama at mali. Gayunman, ipinakikita ng pag-aaral ang karaniwang tao ay “ipinalalagay ang pagbaba ng mga kumpisal sa kanilang kakayahang maranasan ang mas mabuting kapatawaran at pakikipagkasundo sa ibang paraan,” sabi ng Times. Susog pa nito: “Parami nang paraming Katoliko ang nagtatanong kung baga ito ay nakatutulong sa tunay na espirituwal na pagbabago.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share