“Ang Lupaing Nabahagi, ang Daigdig na Nagkaisa”—Ang Salaysay ng Panama Canal
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Panama
“ANG Lupaing Nabahagi, ang Daigdig na Nagkaisa.” Sa loob ng maraming dekada, ang islogang ito ay lumitaw sa tatak ng Panama Canal. Pinagtutulay ang dalawang makapangyarihang mga karagatan, pinag-isa ng canal ang daigdig sa isang tiyak na paraan. At ito ay may mas malaking epekto sa iyong buhay kaysa natatanto mo. Marahil ang iyong kotse, kasangkapan sa bahay, o maging ang pagkain sa iyong mesa ay naglakbay sa ganiyang ruta!
Noong Agosto 15, 1989, ang ika-75 anibersaryo ng unang paglalakbay sa mahalagang canal na ito. Gayumpaman, ang mga pangarap, mga plano, at ang pagtatrabaho na nagpangyari sa 80-kilometrong paglalakbay sa katubigang ito na maging posible ay bumabalik mga siglo pa sa nakaraan.
Pagkatapos madiskubre ni Columbus ang tinatawag na Bagong Daigdig, isang panahon ng paggalugad ng mga Kastilang conquistadores ang nagpasimula. Samakatuwid, si Vasco Nuñez de Balboa ay naglakbay sa makitid na Isthmus ng Panama noong taong 1513. Pinakilos ng mga salaysay na ikinuwento ng mga lokal na naninirahan tungkol sa isang “makitid na lugar” patungo sa isa pang dagat, naghanap si Balboa hanggang kaniyang makaharap ang malawak na karagatan sa kanluran.
Ilang mga taon pagkaraan, si Ferdinand Magellan ay naglakbay sa palibot ng dulong timog ng Timog Amerika, sa mapanganib na kipot na ngayo’y nagtataglay ng kaniyang pangalan, at pumasok sa malawak na karagatang iyon. Tinawag ito ni Magellan na el pacifico, ang mapayapang dagat, sa kabaligtaran ng maligalig na Atlantiko. Ang mahaba, mapanganib na paglalakbay ay nagpasigla ng isang pagsasaliksik para sa isang mas mahusay na ruta tungo sa Pasipiko.
Noong 1534 si Haring Carlos I ng Espanya ay nagpatibay sa isang proposisyon: isang canal na mag-uugnay sa dalawang dakilang mga karagatang ito! Bagama’t siya’y nag-utos na gumawa ng mga surbey, ang proyekto ay malayo sa kakayahang teknolohikal ng kaniyang panahon. Mahigit na tatlong siglo ang lilipas bago matutupad ang pangarap.
Sa mga taon ng 1800 ang mga bagong teknolohiya ng lakas ng singaw at mga daang-bakal ay nagsimulang magbangon ng nakakikilig na mga bagong posibilidad. Pagkatapos ay dumating ang California gold rush. Ang mga naghahanap ay nakasumpong ng isang shortcut tungong California: paglalayag mula sa E.U. east coast tungo sa Panama, pagtawid sa isthmus ng naglalakad o nakasakay sa mola, at pagkatapos ay paglalayag tungo sa San Francisco! Isang daang-bakal sa kalagitnaan ng Isthmus ng Panama ang nagsimulang gumana noong 1855. Subalit, ang ideya ng isang canal ay nanatili.
Ang Magiting na Proyektong Canal ng mga Pranses
Matapos ng kaniyang tagumpay sa pagtatayo ng Suez Canal, si Konde Ferdinand de Lesseps ay gumawa ng mga hakbang upang gawing isang katunayan ang Panama Canal. Kaniyang pinangunahan ang isang komite na nangasiwa sa unang surbey at nagtamo ng isang 99-taong konsesyon mula sa Colombia, kung saan ang Isthmus ng Panama ay isang bahagi noon. Nagsimula ang gawain sa canal noong 1881. Ang mga inaasahan ay napakataas, sapagkat ang canal ay magiging kalahati lamang ng haba ng Suez, at walang kakulangan sa tubig o mahahabang disyertong buhangin na kailangang pagtagumpayan.
Subalit ang mga bagong kaaway—ang tropikong kagubatan, malalaking burol ng mga bato, hindi matatag na lupa, at, pinakamasama sa lahat, yellow fever at malaria—ay naging kalabisan na para sa mga manggagawa. Ang mga bumangong suliranin sa paggawa, mabagal na pagsulong dahil sa kakulangan ng kagamitan, at di-wastong pamamanihala sa mga pondo ay pumilit sa mga Pranses na ihinto ang kanilang proyekto matapos ang 20 taon ng paggawa, isang gugulin ng 260 milyong dolyar, at ang pagkasawi ng maraming buhay ng tao.
Pagharap Sa Hamon
Sa pagpasok ng isang bagong siglo, ang Estados Unidos ay nagsimulang magpakitang-gilas bilang isang kapangyarihang pandaigdig at di-nagtagal ay ibinaling sa Panama ang kaniyang pansin. Noong Digmaang Kastila-Amerikano ang boke-de-giyerang Oregon ay gumugol ng 68 na araw upang makapaglayag mula sa California tungo sa Florida sa pamamagitan ng Strait of Magellan! Ito ang nagpatindi sa pangangailangan ng isang mas mabuting Silangan-Kanlurang ruta. Pagkatapos, natanto ang pagiging praktikal ng isang Panama canal, binili ng Estados Unidos ang karapatan na maitayo ito.
Gayumpaman, ang mga negosasyon ng U.S. sa Colombia ay nasira. Ipinahayag ng Panama ang kasarinlan nito mula sa Colombia noong 1903 at mabilis na ipinagkaloob sa Estados Unidos ang karapatan na magtayo ng canal at magkaroon ng hurisdiksiyon sa 16 na kilometrong estribo na sumusunod sa pinagdaraanan nito.
Gayumpaman, naroon pa rin ang mga dating suliraning lumigalig sa mga Pranses—at ilang di-inaasahang mga bago—na humamon sa mga tagapagtayo habang nagpasimula muli ang gawain. Ang bawat isa’y napagtagumpayan sa tamang panahon:
Sakit: Yellow fever at malaria ay laganap sa tropikong lupaing iyon. Gayumpaman, si Koronel William Crawford Gorgas ay nagpanukala ng mahihigpit na mga hakbang pangkalinisan. Dinagdagan pa ito ng isang lubusang pakikibaka laban sa nagdadala-ng-sakit na lamok, ang mga sakit na iyon ay naalis!
Paggawa: Ang Panama ay hindi nakapaglaan ng malaking puwersa ng maraming manggagawa para sa proyektong ito. Ang solusyon? Libu-libong mga manggagawa ang kinuha sa West Indies.
Paghuhukay at mga Suliranin sa Pagtatapon: Ang matitigas na mga bato at hindi matatag na lupa ay patuloy na naging suliranin. Gayumpaman, ang pasiya na gumawa ng isang lock-type canal sa halip ng isang sea-level canal ay malaki ang ibinawas na lupang kailangang ilipat. Saan kung gayon, ilalagay ang mga hinukay na lupa? Ang pagtatayo ng mga dam upang makalikha ng mga lawa bilang bahagi ng panloob na daan ng tubig ay nag-alis ng karamihan sa mga lupa. Ang mga natira ay ginamit para sa mga breakwater, causeway, at landfill upang maalis ang mga latian. Ang landfill ay naglaan ng mga dakong industriyal at pook-tirahan.
Si John F. Stevens, isang may-karanasang railroad man, ay nasa kapangyarihan ng mga maagang araw na iyon. Ang mga kagamitan para sa paglilipat ng lupa at seksiyon ng mga daang bakal na naililipat habang sumusulong ang paggawa ay naging praktikal. Bagaman si Stevens ay nagbitiw nang maglaon, ang mga pamamaraang kaniyang pinasimulan ay patuloy na ginamit hanggang ang proyekto ay matapos.
Si Tinyente Koronel George Washington Goethals, isang inhinyero ng U.S. Army, ay inilagay sa pamamahala, itinalaga siya ng Pangulong Theodore Roosevelt. Ang karanasan ni Goethals bilang isang inhinyero ay naging mahalaga upang matapos ang proyekto. Ang canal ay nagbukas noong Agosto 15, 1914, at ang sistema ng mga kandado ay napatunayang hindi lamang matagumpay kundi matibay. Tayo’y maglakbay sa canal at magmasid nang patiuna kung paano gumagana ang sistema.
Paglalakbay sa Canal
Kabaligtaran ng maaari ninyong isipin, sa ating paglalakbay mula sa Atlantiko tungo sa dulong Pasipiko ng canal, tayo’y naglalakbay, hindi mula sa silangan tungo sa kanluran, kundi mula hilagang-kanluran tungo sa timog-silangan. (Tingnan ang mapa.) Una tayo’y daraan sa pagitan ng 4.8 kilometrong breakwaters na nagbibigay sa atin ng proteksiyon mula sa pana-panahong pagkamaunos ng Dagat Caribbean. Ang ating barko ay naghuhulog ng sinepete sa nalilimang katubigang ito, hinihintay ang pagkakataon nitong tumawid sa canal. Kapag iyon ay dumating, tayo’y papasok sa Gatun Locks. Sa tatlong mga antas, ang mga ito ay magtataas sa ating barko ng halos 26 metro sa taas ng Gatun Lake. Bawat lock chamber ay malaki: 34 metro ang luwang at 305 metro kahaba, tamang-tama na tanggapin ang halos lahat ng mga sasakyang-dagat na pangkalakal at pangmilitar.
Ganito gumagana ang mga kandado: Pumapasok ang tubig sa mga chamber sa pamamagitan ng grabedad, itinataas ang barko. Ang mga pinaaandar-ng-koryenteng lokomotib, o “mules,” ay humihila sa mga sasakyang-dagat sa tamang posisyon sa loob ng bawat chamber. Sa pagitan ng gayong mga kandado, ang mga barko ay kumikilos sa kanilang sariling mga lakas sa canal.
Tayo’y umaalis mula sa huling Gatun lock tungo sa Gatun Lake, na sa panahong ito’y mayari ay siyang pinakamalaking gawang-taong katubigan sa buong daigdig. Ito ay isang obra maestra ng pamamahala ng tubig. Ang saganang ulang tropiko ay ginamit hindi lamang para maglaan ng mismong daanang-tubig kundi upang magbigay ng lakas hydroelektriko para sa operasyon ng canal. Habang naglalayag sa Gatun Lake, nakikit natin ang maraming mga pulo. Bago binaha ang tropikong kagubatang ito, ang mga ito ay mga taluktok ng mga burol!
Kumikitid ang kanal habang tumataas na lubha ang lupa tungo sa Continental Divide. Dito sa Gaillard Cut naganap ang pinakadakilang proyekto ng paglilipat ng lupa na ginawa hanggang sa panahong iyon. Mahigit 150 milyong metro cubico ng dumi at bato ang kinailangang ilipat. Ang palagiang mga pagguho ng lupa ay nagpabagal sa pagsulong, madalas na natatabunan ang mga daang-bakal at kagamitan. Sa ngayon, ang mga manggagawa at makina ay regular na nagmamantini sa 150-metro-luwang daanang tubig.
Tayo’y dumaraan pa sa dalawang lock system—tinatawag na Pedro Miguel at Miraflores—hanggang tayo sa wakas ay nakababa na sa antas ng dagat sa Pasipikong terminal ng canal. Ang ating paglalakbay ay tapos na. Ngunit para sa mga barkong naghihintay para makatawid sa canal sa kabilang direksiyon, ang paglalakbay ay magsisimula pa lamang.
Bagama’t ang mga makabagong pamamaraan ng paglalakbay ay mabilis na sumulong sa kamakailang mga taon, ang Panama Canal ay patuloy na naglilingkod bilang isang mahalagang kawing ng pandaigdig na pangangalakal. Mahigit na 12 libong mga sasakyang-dagat ang tumatawid dito taun-taon, nagdadala ng mga 145 milyong tonelada ng kargada. Walang alinlangan na sa mga taong darating, ang canal ay patuloy na magiging isang dako na kung saan masusumpungan ng isa “ang lupaing nabahagi—ang daigdig na nagkaisa.”
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Hilagang Amerika
Gitnang Amerika
Panama Canal
Timog Amerika
[Larawan sa pahina 21]
Noong Agosto 15, 1914, ang barkong Ancon ay gumawa ng kauna-unahang pagtawid sa canal
[Credit Line]
Panama Canal Commission, Office of Public Affairs