Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 7/8 p. 23-27
  • Pagkasumpong ng Kapayapaan sa Panahon ng Digmaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkasumpong ng Kapayapaan sa Panahon ng Digmaan
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Umakay sa Pagsalakay
  • Kristiyanong Neutralidad sa Gitna ng Anarkiya
  • Malaganap na Pandarambong
  • Organisadong Pagtulong
  • “Ang Lupaing Nabahagi, ang Daigdig na Nagkaisa”—Ang Salaysay ng Panama Canal
    Gumising!—1989
  • Ang Tunay na Sombrerong Panama—Gawa sa Ecuador?
    Gumising!—2001
  • Tinawag Nila Siyang “Bible” Brown
    2014 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
  • Mga Bagay na Hindi Kayang Sirain ng Bagyong si Andrew
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 7/8 p. 23-27

Pagkasumpong ng Kapayapaan sa Panahon ng Digmaan

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Panama

ANG Panama ay totoong bata pang bansa sa mga pamantayan ng daigdig. Ang kasaysayan nito bilang isang bansa ay bumabalik noon lamang taóng 1903, nang ito’y humiwalay sa Colombia at naging independiyenteng republika.

Mula sa pasimula nito ang Panama ay may malapit na kaugnayan sa Estados Unidos dahil sa paggawa at pamamahala sa Panama Canal, na itinayo ng mga inhinyero ng E.U. mula 1904 hanggang 1914. Gayunman, sa paglipas ng mga taon, ang mapayapang kaugnayang ito sa wakas ay sumamâ tungo sa kawalan ng tiwala at pagkapoot.

Sa wakas, mga ala una ng umaga noong Disyembre 20, 1989, ang pagkapoot ay nauwi sa digmaan nang salakayin ng mga kawal ng E.U. ang Panama. Repasuhin nating sandali ang ilan sa mga kalagayan na humantong sa pagsalakay na iyon.

Kung Ano ang Umakay sa Pagsalakay

Noong 1968 ang demokratikong pamahalaan ng Panama ay ibinagsak ng isang paghihimagsik sa ilalim ng pangangasiwa ng isang opisyal ng militar, si Omar Torrijos Herrera. Idiniin ng bagong pamahalaang militar ang pambansang soberanya, at ang pinagtatalunan ay ang Canal Zone, na tuwirang pinamamahalaan ng Estados Unidos.

Noong 1977 ang kasalukuyang Panama Canal Treaty ay nilagdaan ni Heneral Torrijos at Jimmy Carter, pangulo ng Estados Unidos noong panahong iyon. Ang kasunduang ito ay gumawa ng kaayusan para sa Panama na babalikat ng ganap na pananagutan sa pangangasiwa, pamamahala, at mantensiyon ng canal sa taóng 2000.

Noong 1981 si Torrijos ay namatay sa pagbagsak ng helikopter at nang maglaon ay hinalinhan ni Heneral Manuel Antonio Noriega. Noong Pebrero 1988 si Noriega ay isinakdal sa Florida sa salang ilegal na pagbibili ng droga, at mula noon ang kaniyang kaugnayan sa Estados Unidos ay sumamâ. Nang sumunod na taon, nagkaroon ng eleksiyon sa Panama, subalit ang mga resulta ay pinawalang-bisa ng pamahalaan ni Noriega. Kaya dinagdagan ng Estados Unidos ang pagsisikap nito na mapaalis si Noriega sa pamamagitan ng diplomatiko o ekonomikong tadhanang parusa. Noong Disyembre 15, 1989, ipinahayag ng Pambansang Kapulungan ng Panama na ang Panama ay nakikipagdigma sa Estados Unidos. Kinabukasan isang marino ng E.U. ay binaril at napatay. Hindi pa natatagalan pagkatapos niyan ipinag-utos ng Pangulong Bush na gamitin ang lakas militar.

Sa wari, ang pagsalakay sa Panama ay upang protektahan ang buhay ng halos 35,000 mamamayan ng E.U. sa Panama, upang mapanatili ang katiwasayan sa canal, upang isauli ang demokrasya, at upang dakpin si Noriega at litisin siya sa mga paratang tungkol sa droga. Ang pagsalakay ang pinakamalaking operasyong militar ng E.U. sapol noong Digmaan sa Vietnam. Inilaban nito ang 26,000 kawal laban sa tinatayang 12,000-katao ng Tanggulang Hukbo ng Panama kasama ang ilang libong miyembro ng tinatawag na Batalyon ng Karangalan, mga boluntaryong sibilyan na sinanay ng rehimen ni Noriega.

Noong bandang ala una ng umaga ng Disyembre 20, 1989, ang mga maninirahan sa Panama City, Colón, at iba pang nakatira malapit sa mga target ng militar ay ginising ng mga tunog ng digmaan: putok ng baril at machine gun, sumasabog na mga bala ng kanyon at rocket-propelled na mga bomba. Ginamit din ng mga hukbo ng E.U. ang ilang makabagong sandata, pati na ang anim na $50 milyong F-117A Stealth fighters, infrared-guided missiles, mga Apache helikopter, tangke, at mga sundalong nasasangkapan ng mga salaming nakakakita sa gabi. Sa loob ng ilang oras pagkatapos ng pagsalakay, nalupig ang pinakaorganisadong paglaban, subalit ang manaka-nakang pagbaril laban sa mga Batalyon ng Karangalan ay nagpatuloy ng mga ilang araw.

Kristiyanong Neutralidad sa Gitna ng Anarkiya

Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig sa kanilang neutral na katayuan may kaugnayan sa pulitikal na mga bagay. Ano ang sinapit nila noong panahon ng pambansang kaguluhang ito? May 6,000 Saksi sa bansa, at agad-agad nang maisauli ang komunikasyon, sila ay gumawa ng isang surbey upang alamin ang mga nasawi sa kanila. Bagaman nawalan ng tahanan at mga ari-arian ang ilang pamilya, nakatutuwang malaman na walang namatay, at wala namang malubhang nasugatan.

Isang Saksi na nakatira malapit sa punong-tanggapang militar ng Panama sa Chorrillo ay nagbibida ng kaniyang kuwento: “Nasa bahay ako kasama ng aking mister nang biglang sumabog ang isang bomba malapit sa dako ng canal. Sinabi ko sa kaniya: ‘Lumabas tayo rito sapagkat ito ay bahay na yari sa kahoy at madali itong magdingas.’ Tumakbo kaming papalayo sa bahay at di-nagtagal ay nasumpungan namin ang aming sarili sa isang napakapanganib na dako kung saan ang mga sundalong Amerikano at mga taga-Panama ay mahigpit na naglalaban. Nagkubli kami sa isang gusali, at ang pagbomba ay nagpatuloy.

“Kinabukasan ay nilisan namin ang mapanganib na sona. Pinahinto namin ang isang kotse ay nakiusap kami sa tsuper na ihatid kami sa bahay ng kaibigan ng aking asawa. Pagpasok namin sa kotse, natalos ko na may nakasakay na mga lalaking kabilang sa Batalyon ng Karangalan, at silang lahat ay nasasandatahan. Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki, ‘Lumabas kayo.’ Nakabuti naman ito sa amin dahil sa kung nakasalubong namin ang mga sundalong Amerikano, malamang na barilin nila ang mga lalaking kabilang sa Batalyon ng Karangalan, at malamang na mapatay kami.

“Pumunta kami sa bahay ng isa sa mga kaibigan ng aking asawa. Sila’y mga saradong Katoliko, at ang kanilang anak ay nag-aaral ng pagkapari. Gayumpaman, nakibahagi sila sa pagdambong at kumain ng nakaw na pagkain. Kaya sinabi ko sa aking asawa: ‘Hindi ito matuwid sa akin sapagkat ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova, at hindi ako pinapayagan ng aking budhi na dumito.’ Kaya’t nakitira kami sa mga Saksi, na nangalaga sa amin.

“Ang aking asawa ay lungkot na lungkot dahil sa pagkawala ng aming bahay at ng lahat ng bagay na aming pinaghirapan. Subalit ligtas naman ang aming buhay, na siyang mahalagang bagay. Ang saloobin ng aking asawa ay nagbago, at ngayon hindi na siya salansang sa pagdalo ko sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova na gaya ng dati. Sinamahan pa nga niya ako sa isang pahayag at hangang-hanga siya sa kaayusan at kapayapaan na umiiral.”

Isa pang Saksi, na halos 80 anyos, ay nakatira sa sona ng digmaan at inilahad niya ang kaniyang karanasan: “Mga bandang ala una ng umaga, ang pamangkin ko ay kumatok sa pinto at nagsabi: ‘Nagsimula na ang digmaan!’ Nang buksan ko ang pinto, napansin ko ang lahat ay natatarantang nagbababaan. Ang lansangan ay punô ng mga taong nagtatakbuhan sa lahat ng direksiyon upang takasan ang mga bomba at putok ng baril. Subalit isinara ko lamang ang aking pinto at nagbalik ako sa higaan.

“Kinabukasan ang mga tao ay nagtatakbuhang muli sa mga lansangan, subalit ngayon ito ay hindi upang takasan ang mga bala kundi upang mandambong sa mga tindahan. Pinagbibilhan nila ako ng napakamurang pagkain, subalit tumanggi akong bilhin ito, sapagkat alam kong ito’y ninakaw. Pagkatapos nais nilang ibigay ito sa akin nang libre, subalit sinabi ko sa kanila na ayaw ko nito kahit na ito’y isang regalo. Tinanong ko sila kung anong klaseng mga Kristiyano sila na nagnanakaw ng kung ano ang hindi kanila. Ang isa sa kanila ay sumagot: ‘Pinapayagan ako ng Diyos ko na gawin ito.’ Sabi ko: ‘Marahil pinapayagan ka ng Diyos mo pero hindi ng tunay na Diyos, si Jehova.’ ”

Malaganap na Pandarambong

Halos 80 kilometro mula sa Panama City at ng Atlantikong dulo ng canal ay naroroon ang Colón, isang lungsod ng mahigit isang daang libong maninirahan. Ito man ay naging tanawin ng digmaan at maraming pandarambong pagkatapos salakayin ang estratihikong mga target militar. Isang tagapangasiwa sa isa sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova roon ang nagsasaysay ng kaniyang kuwento: “Bago mag-ala una noong Miyerkules ng umaga, ang lungsod ay nagising sa tunog ng mga bomba na bumagsak sa mga punong-tanggapang pandagat ng Tanggulang Hukbo ng Panama, mga ilang kilometro lamang sa labas ng Colón. Ang digmaan ay nagpatuloy sa buong magdamag, at kung minsan ang mga bomba ay nahuhulog na totoong malapit.

“Noong Biyernes ang lungsod ay nasa ganap na kaguluhan at kontrolado ng nasasandatahang mga bandido. Walang pamamahala o proteksiyon ng pulisya. May nagbukas ng isang shipping container na punô ng mga sandata, at maaari itong kunin ng sinuman, kahit na niyaong mga napalaya sa bilangguan. Ang mga baril ay ipinagbibili at nakadispley sa publiko sa pamilihan. Kahit na ang mga minor de edad ay makikitang nagdadala nito.

“Ang mga tao ay naghuhurumentado, at ang iba na nasa mga sasakyan ay nagpapaputok ng kanilang mga sandata sa himpapawid. Yaong mga nangangahas sa mga lansangan ay isinasapanganib ang kanilang buhay. Gayumpaman, nagpasiya akong lumabas upang alamin kung ano ang kalagayan ng aking mga kapuwa Saksi. Nang umagang iyon nakita ko ang ilan sa kanila, at kami’y nagsaayos ng mga pulong sa kinahapunan. Pagbalik ko ng bahay, kakain na lamang ako ng pananghalian nang marinig ko ang tunog ng mga helikopter. Nagpunta ako sa bintana, at nang sandaling iyon isang Amerikanong helikopter ang lilipad-lipad sa malapit at nagpaputok ng tatlong rocket sa 15-palapag na gusali, ang pinakamataas sa lungsod.

“Nangilabot ako sa takot dahil sa ito ay isang sibilyang target kung saan mahigit na isang daang pamilya ang nakatira, kasama na ang apat na pamilya ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga rocket ay tumama doon mismo sa palapag na tinitirhan nila. Sa wari ay pinaputukan ng ilang tao na hindi mga Saksi at laban sa pagsalakay ang mga helikopter mula sa loob ng gusali, at ang mga Amerikano ay gumanti. Isang makapal na ulap ng itim na usok ang pumailanlang mula sa gusali. Tinawagan ko sa telepono ang isang Saksi na nakatira roon, subalit walang sumasagot, kaya maguguniguni mo kung ano ang nadama ko. Nang maglaon, tinawagan ko ang isa pang pamilya, at sinabi nila sa akin na ang lahat ng mga Saksi ay ligtas, sa laking ginhawa ko.”

Nagkokomento tungkol sa pandarambong na naganap, isa pang Saksi sa lungsod ding iyon ang nagsabi: “Sa loob halos ng isang linggo at kalahati, walang autoridad sa lungsod, at namahala ang masasamang-loob at sinimulan ang sistematikong pandarambong. Kabilang doon sa nakikibahagi sa pandarambong ay ilan sa mga taong nagsisimba at mga taong may mga trabahong matataas-ang-sahod, gaya ng mga abugado at mga doktor. Tangay-tangay nila ang mga kalan, repridyeretor, mga kagamitan sa tunog, mga computer, at iba pang bagay. Ang opisinang pinapasukan ko ay ninakawan ng mga bagay na nagkakahalaga ng $22,000.

“Ang ilang tao ay namatay sa pandarambong mismo. Isang grupo ng mga mandarambong ang nagnanakaw sa isang container sa lugar na sa kabila lamang ng kalye mula sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Ang ilan ay namatay nang mabagsakan sila ng container, subalit ang iba ay patuloy pa rin sa pandarambong na para bang walang nangyari. Naglabu-labo sila ng away na may mga patalim at baril sa pag-aangkin sa mga nadambong. Ipinakikita nito kung ano ang maaaring mangyari kapag walang ‘nakatataas na autoridad,’ yaon ay, mga autoridad ng gobyerno, upang supilin ang mga bagay. Sa gayong mga panahon, kapag wala sa puso ng mga tao ang batas ni Jehova, basta ginagawa nila kung ano ang sabihin ng kanilang masamang hilig.”​—Roma 13:​1-4.

Organisadong Pagtulong

Nang malaman ng tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova rito sa Panama ang bilang niyaong nawalan ng kanilang mga tahanan at nangangailangan ng materyal na tulong, ipinasiya nilang mag-organisa ng tulong para sa kanila. Sa Panama City, kung saan halos kalahati ng populasyon ng bansa ay nakatira, maraming tindahan ang dinambong. Kaya ang Branch Committee ay nakipag-alam sa mga Saksing nakatira sa iba pang lugar kung saan may makukuha pang pagkain. Nais ng mga Saksi na magkaloob ng pera at pagkain, kaya’t sila’y hiniling na bumili ng maraming arina, bigas, balatong, langis, at iba pang nagtatagal na pagkain.

Isang malaking trak ang kinargahan ng ilang tonelada ng mga bagay na ito, at sa loob lamang ng ilang araw pagkatapos ng pagsalakay, ang mga ito’y makukuha at ibinigay nang libre sa mga nangangailangan. Mga sentro ng pamamahagi ay itinatag sa maraming Kingdom Hall sa lahat ng apektadong dako hanggang sa ang lahat ay napangalagaan. May ilang natirang pagkain, na ibinigay roon sa mga nawalan ng ikabubuhay dahil sa digmaan.

Ang ilan sa nawalan ng kanilang materyal na ari-arian ay atubiling humingi ng tulong, na ibang-iba sa mga mandarambong, na inudyukan ng kasakiman. Gaya ng karaniwang nangyayari kapag humampas ang malaking sakuna, mayroong laging nagsasamantala sa kalagayan para sa materyal na pakinabang.

Ang ilang taga-Panama ay optimistiko tungkol sa kinabukasan ng Panama sa ilalim ng isang bagong kaayusan ng gobyerno. Ipinalalagay naman ng iba na ang digmaan ay isang akto ng pagsalakay ng imperialismo. Samantala, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy sa pagsasabi sa tapat-pusong mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos, ang tanging pamahalaan na lulutas sa mga suliranin hindi lamang ng Panama kundi ng buong daigdig.​—Daniel 2:​44; Mateo 6:​9, 10.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

Ang dako ng Chorrillo ay nawasak sa digmaan; ang mga tindahan ay dinambong; ang mga instalasyong militar ay lubusang niwasak

[Mga larawan sa pahina 26]

Mga supermarket at tindahan na sinira ng mga mandarambong

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share