Ang Tunay na Sombrerong Panama—Gawa sa Ecuador?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ECUADOR
NADAYA ba ang mamimili? Sa isang nagmamasid, baka parang ganoon nga. Aba, nagbayad ng $300 ang taong iyon para sa isang tunay na sombrerong Panama. Subalit inilabas iyon ng tindero mula sa isang kahon na malinaw na natatakan ng “Gawa sa Ecuador”! Panghuhuwad? Hinding-hindi. Sa katunayan, ang tunay na sombrerong Panama ay talagang gawa sa Ecuador. Ngunit paano nagkaroon ng gayong maling katawagan? At bakit nagkakahalaga ng daan-daang dolyar ang gayong sombrero?
Noong kalagitnaan ng mga taóng 1800, ang mga naghahanap ng ginto na papunta sa California ay nagdaan sa Isthmus ng Panama. Doon ay bumili sila ng mga sombrerong inangkat mula sa Ecuador. Nang maglaon, ang mga sombrero ay nakilala ayon sa pangalan ng lugar na nabilhan ng mga ito sa halip na sa pinanggalingan ng mga ito. Magkagayunman, naging napakapopular ng sombrerong Panama. Halimbawa, noong 1849, ang Ecuador ay nag-eksport ng mahigit sa 220,000 ng mga ito! Pagkatapos, noong 1855, ang mga sombrerong ito ay ipinakilala ng isang lalaking Pranses na nakatira sa Panama sa pandaigdig na eksibit sa Paris. Ang mahilig-sa-usong mga Pranses ay humanga sa pinong materyal, anupat inilarawan pa ito ng ilan bilang “telang buntal.” Di-nagtagal at halos hindi man lamang iisipin ng isa na magsuot ng iba pang istilo!
Mabilis na naging popular ang sombrerong Panama noong pasimula ng ika-20 siglo nang ang isang litrato ng presidente ng Estados Unidos na si Theodore Roosevelt, suot ang isang sunod-sa-usong fino, ay lumabas sa mga pahayagan sa buong daigdig. Dumami ang mga gustong bumili ng nausong sombrero. Pinasimulan itong ipangalakal ng tanyag na mga kompanya sa buong daigdig. Sa Turkey, ipinagbawal ng mga batas ukol sa modernisasyon ang tradisyonal na fez (gorang isinusuot ng kalalakihan sa silangang Mediteraneo) noong 1925 at iniutos ang paggamit ng mga sombrerong Panama. Pagsapit ng 1944, ang sombrerong Panama ang naging pangunahing produktong pang-eksport ng Ecuador.
Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-20 siglo, ang popularidad ng mga sombrero ay nabawasan. Gayunman, taglay pa rin ng pino-ang-pagkakalala na mga sombrerong Panama mula sa Ecuador ang pang-akit nito. Sa katunayan, nagpapaligsahan ang mga eksperto sa sombrero sa buong daigdig sa pagkakaroon ng ganitong uri ng mga sombrero na may pinakamatataas na kalidad. Ang sikát na mga tao noong nagdaang mga panahon hanggang sa ating kapanahunan ay nabighani sa pagiging elegante ng sombrerong Panama. Nakapagsuot na nito sina Winston Churchill, Nikita Khrushchev, Humphrey Bogart, at Michael Jordan—kung babanggitin ang ilan.
Siyempre pa, may mumurahin at pangmaramihang mga imitasyon ng tunay na sombrerong Panama. Gayunman, ang karamihan sa mga ito ay nagkakabitak-bitak; ang iba ay hindi tinatagusan ng hangin. Kabaligtaran nito, ang tunay na sombrerong Panama ay magaan at presko, at nagtatagal ito nang habang buhay. Ang bawat isa ay nilala ng kamay kung kaya wala itong kapareho. Ang presyo ay mula sa ilang dolyar para sa magagaspang na sombrero hanggang sa mahigit na $1,000 para sa pinakapambihira, ang mga superfino ng Montecristi. Ang kalidad ay batay sa pagiging pino at pantay-pantay ng pagkakalala at gayundin sa pagiging pantay ng kulay. Ngunit lagi itong tandaan: Ang tunay na sombrerong Panama ay gawa lamang sa Ecuador.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26, 27]
Ang Paggawa ng Sombrerong Panama
Paano ba ginagawa ang sombrerong Panama? Isang halamang tulad ng palma ang pinanggagalingan ng malambot ngunit matibay na hibla na tinatawag na toquilla. Angkop ang mga kalagayan sa mga baybaying kapatagan ng Ecuador para sa pagtubo at paglago ng halamang ito. Ang mga artisano ng sombrero sa Ecuador ay itinuturing na kabilang sa pinakamagagaling na manlalala sa daigdig, at talagang napakalaki ng hirap nila sa paggawa! Maaaring gumugol sila ng anim na buwan o higit pa sa paglala ng mataas-ang-kalidad na superfino ng Montecristi. Ang bawat hibla sa sombrero ay maikli lamang. Gayunman, sa isang tunay na sombrerong Panama, halos hindi mo makita kung saan ang dulo ng isang hibla at kung saan naman nagsimula ang karugtong. Karagdagan pa, napakasinsin ng pagkakalala ng mga hibla anupat kahit tubig ay hindi makatatagos!
Ang bayan ng Montecristi ay bantog sa napakagagandang sombrero nito na nilala ng kamay. Ang mga bihasang manggagawa sa lugar ng Montecristi ay naglalala sa madaling-araw o sa dapit-hapon upang hindi maapektuhan ng init sa ekwador ang lambot ng mga hibla. Pinasisimulan nilang gawin ang pinakatuktok sa pamamagitan ng buong-ingat na paglalala ng paikut-ikot na mga hiblang pinagsanib-sanib nang napakasinsin hanggang sa magawa ang ninanais na diyametro. Pagkatapos ay inilalagay nila ang pinakatuktok sa isang hugis-silindrong bloke ng kahoy upang ang mga kamay ng artisano ay buong-husay na makapaglala nang papaikot at pababa sa gilid habang ginagawa niya ang pinakagilid ng sombrero. Pagkaraan ng maraming linggo, naglalala naman siya nang pahalang (right angle) para buuin ang paldiyas (brim) ng sombrero. Pagkatapos ng pulidong pagtabas, paghuhugas, at pagpapaputi kalakip ang sari-saring pangkatapusang proseso, gawa na ang bantog na sombrerong Panama.
[Mga larawan]
Ang mga hiblang buntal ng mga tinalupang dahon ay pinakukuluan at pinatutuyo bago ang paglalala
[Larawan sa pahina 27]
Isa si Winston Churchill sa maraming taong bantog na nakapagsuot na ng sombrerong Panama
[Credit Line]
U.S. National Archives photo