Buháy na mga Mosayko sa Montreal
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CANADA
MULA noong Hunyo 19 hanggang Oktubre 9, 2000, ang kaakit-akit na lunsod ng Montreal, Canada, ay pinagdausan ng Mosaiculture International Montreal 2000 (MIM 2000), ang unang internasyonal na pagtatanghal ng mga eskulturang yari sa bulaklak. Sa ilalim ng temang “Ang Planeta ay Isang Mosayko,” ang mga artist mula sa 14 na bansa ay inimbitahang magdisenyo at magtayo ng humigit-kumulang sa isang daang eksibit na yari sa bulaklak.
Ang two-dimensional na mga mosayko na yari sa bulaklak—na ginagamitan ng mga halaman upang makalikha ng isang larawan—ay maraming siglo nang ipinapalamuti sa mga pampublikong hardin. Gayunman, sa nagdaang 50 taon, ang mga hortikulturista (dalubhasa sa halaman) sa Tsina, Europa, at sa iba pang mga lugar ay lumikha ng mga eskulturang three-dimensional sa pamamagitan ng pagbabalot ng piling-piling mga halaman sa mga balangkas na metal. Sa pamamagitan ng pagtatambal sa dalawang uring ito ng mosayko sa isang eksibit, pinanumbalik ng mga tagapag-organisa ng MIM 2000 ang terminong “mosaiculture”—orihinal na ginamit upang ilarawan ang dinisenyong mga latag ng bulaklak sa Pransiya—at ikinapit ito kapuwa sa two-dimensional at three-dimensional na mga eskulturang yari sa bulaklak. Sa kabuuan, mga tatlong milyong halaman na piniling mabuti ang ginamit para sa MIM 2000. Upang madilig at mapanatili ang buháy na mga mosaiculture, kinailangan ang kadalubhasaan ng 68 hortikulturista at hardinero.
Ang mga mosayko ng Tsina ang lalo nang kahanga-hanga, sapagkat inilikaw ng mga nagdisenyo ang pinaghalu-halong luwad, dumi ng kabayo, at dayami ng palay sa balangkas na metal ng isang eskulturang three-dimensional. Gumamit din sila ng mumunting halamang may maliliit na ugat na nangangailangan lamang ng kaunting-kaunting lupa.
Ang bawat isa sa mga artist na lumahok sa MIM 2000 ay umasang magwawagi sa kompetisyon. Ngunit ang karamihan sa mga bumisita ay kontento nang masdan at hangaan ang malikhaing disenyo at nakatatawag-pansing kagandahan ng bawat mosayko. “Ito’y tunay na gawa ng sining,” ang komento ni Lynn Duranceau, direktor ng internasyonal na kompetisyong iyon. “Tulad ito ng isang maliit na museo. Talagang ipinagmamalaki namin ang naging resulta.”
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Itaas: Eskultura ng panda, mula sa Tsina
Gitna: Sinaunang palasyo, mula sa Thailand, kasama ng paruparo, mula sa Tsina
Ibaba: Maiilap na pato, mula sa Quebec, Canada
[Mga larawan sa pahina 25]
Itaas: Eskultura ng mga bulaklak ng larawang ipininta ni Vincent van Gogh, mula sa Canada; paboreal, mula sa Pransiya