2000—Isang Natatanging Taon?
MAYROON bang anumang natatangi tungkol sa taóng 2000? Karaniwang minamalas ito ng mga taong nakatira sa mga bansa sa Kanluran bilang ang unang taon ng ikatlong milenyo. Isinasagawa na ang detalyadong mga paghahanda upang ipagdiwang ito. Iniinstala na ang malalaking elektronikong orasan upang bilangin ang mga segundo hanggang sa pagsisimula ng bagong milenyo. Isinasaayos na ang mga sayawan para sa selebrasyon ng Bagong Taon. Ang mga T-shirt na may mga sawikain ng pagtatapos ng milenyo ay ipinagbibili sa mga tindahan sa maliliit na bayan gayundin sa malalaking tindahan sa lunsod.
Ang mga simbahan, malalaki at maliliit, ay sasali sa mga kapistahan sa buong taon. Maaga sa susunod na taon, si Papa John Paul II ay inaasahang magtutungo sa Israel upang pangunahan ang mga Romano Katoliko sa tinatawag na “ang jubileong pagdiriwang ng Simbahang Romano Katoliko para sa milenyo.” Tinatayang sa pagitan ng dalawa’t kalahating milyon at anim na milyong turista, mula sa mga deboto hanggang sa mga nag-uusyoso, ang nagbabalak pumunta sa Israel sa susunod na taon.
Bakit napakaraming tao ang nagbabalak na pumunta sa Israel? Nagsasalita para sa papa, ganito ang sabi ni Roger Cardinal Etchegaray, isang opisyal ng Vatican: “Ang taóng 2000 ay isang selebrasyong may kaugnayan kay Kristo at sa kaniyang buhay sa lupaing ito. Kaya natural lamang na pumunta rito ang Papa.” Paano nauugnay ang taóng 2000 kay Kristo? Ang taóng 2000 ay karaniwang inaakalang siyang magtatanda ng eksaktong 2,000 taon mula sa kapanganakan ni Kristo. Subalit, gayon nga ba? Makikita natin.
Ang taóng 2000 ay lalong natatangi pa nga sa mga miyembro ng ilang relihiyosong grupo. Kumbinsido sila na sa susunod na taon o patuloy, babalik si Jesus sa Bundok ng Olibo at ang digmaan ng Armagedon, na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis, ay ipakikipagbaka sa libis ng Megido. (Apocalipsis 16:14-16) Bilang paghihintay sa mga pangyayaring ito, ipinagbibili ng daan-daang residente sa Estados Unidos ang kanilang mga tahanan at ang karamihan ng kanilang mga pag-aari at sila’y lumilipat sa Israel. Para sa kapakinabangan ng sinuman na hindi maiwan ang kanilang mga tahanan, isang kilalang ebanghelista sa Estados Unidos ang iniulat na nangakong isasahimpapawid ang pagbabalik ni Jesus sa telebisyon—nang may kulay!
Sa mga lupain sa Kanluran, sumisidhi ang mga plano sa pagsalubong sa ikatlong milenyo. Gayunman, nagpapatuloy sa kanilang karaniwang gawain ang mga tao sa ibang lupain. Ang mga taong ito—ang karamihan sa populasyon ng daigdig—ay hindi naniniwala na si Jesus ng Nazaret ang Mesiyas. Ni tinatanggap man nila ang B.C.-A.D. na istilo ng pagpepetsa.a Halimbawa, maraming Muslim ang gumagamit ng kanilang sariling kalendaryo, na ayon dito ang susunod na taon ay magiging 1420—hindi 2000. Binibilang ng mga Muslim ang mga taon mula sa petsa ng pagtakas ni propeta Muhammad mula sa Mecca patungo sa Medina. Lahat-lahat, ang mga tao sa buong daigdig ay gumagamit ng mga 40 iba’t ibang kalendaryo.
Dapat bang magkaroon ng kahulugan para sa mga Kristiyano ang taóng 2000? Isa nga bang pantanging araw ang Enero 1, 2000? Ang mga tanong na ito ay sasagutin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Sa B.C.-A.D. na sistema ng pagpepetsa, ang mga pangyayaring naganap bago ang tradisyunal na panahon ng kapanganakan ni Jesus ay itinatalaga na mga taóng “B.C.” (bago si Kristo); yaon namang naganap pagkatapos ay pinanganlang mga taon “A.D.” (Anno Domini—“sa taon ng ating Panginoon.”) Gayunman, mas gustong gamitin ng ilang may-kabatirang iskolar ang sekular na katawagang “B.C.E.” (before our Common Era o bago ang ating Karaniwang Panahon) at “C.E.” (of our Common Era o ng ating Karaniwang Panahon.)