Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 11/1 p. 4-6
  • Kailan Magsisimula ang Ikatlong Milenyo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kailan Magsisimula ang Ikatlong Milenyo?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailan ba Ipinanganak si Jesus?
  • Mabibigo ba ang Kanilang mga Pag-asa sa Milenyo?
  • Napakaaga ba o Napakahuli?
    Gumising!—1999
  • 2000—Isang Natatanging Taon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Gaano Kahalaga ang Taóng 2000?
    Gumising!—1998
  • Kronolohiya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 11/1 p. 4-6

Kailan Magsisimula ang Ikatlong Milenyo?

NARINIG mo na ba ang pag-aangkin na ang ikatlong milenyo ay hindi magsisimula sa taóng 2000 kundi sa 2001? Ang pag-aangking iyan ay tama​—sa isang punto. Kung ipalalagay natin na si Jesu-Kristo ay ipinanganak sa nalalaman ngayon bilang 1 B.C.E., gaya ng dating palagay ng ilan, kung gayon ang Disyembre 31, 2000 (hindi 1999), ang magtatanda ng wakas ng ikalawang milenyo, at Enero 1, 2001, ang pasimula ng ikatlo.a Gayunman, sumasang-ayon ang halos lahat ng iskolar ngayon na si Jesu-Kristo ay hindi ipinanganak noong 1 B.C.E. Buweno, kung gayon, kailan siya ipinanganak?

Kailan ba Ipinanganak si Jesus?

Hindi isinisiwalat ng Bibliya ang eksaktong petsa ng kapanganakan ni Jesus. Gayunman, sinasabi nito na siya’y ipinanganak “noong mga araw ni Herodes na hari.” (Mateo 2:1) Naniniwala ang maraming iskolar ng Bibliya na si Herodes ay namatay noong taóng 4 B.C.E. at na si Jesus ay ipinanganak bago niyan​—marahil kasing-aga ng 5 o 6 B.C.E. Ibinabatay nila ang kanilang mga konklusyon hinggil sa kamatayan ni Herodes sa mga pag-uulat ng mananalaysay na Judio noong unang-siglo na si Flavius Josephus.b

Ayon kay Josephus, hindi pa natatagalan pagkamatay ni Haring Herodes, nagkaroon ng eklipse ng buwan. Itinuturo ng mga iskolar ng Bibliya ang isang bahagyang eklipse ng buwan noong Marso 11, 4 B.C.E., bilang patotoo na si Herodes ay namatay noong taon na iyon. Gayunman, noong taóng 1 B.C.E., nagkaroon ng isang ganap na eklipse noong Enero 8 at isang bahagyang eklipse noong Disyembre 27. Walang makapagsabi kung ang tinutukoy ni Josephus ay ang isa sa mga eklipse noong 1 B.C.E. o ang isa noong 4 B.C.E. Dahil dito, hindi natin magagamit ang pananalita ni Josephus upang matiyak ang eksaktong taon ng kamatayan ni Herodes. Kahit pa kaya nating tiyakin, hindi rin natin matitiyak kung kailan ipinanganak si Jesus kung walang karagdagang impormasyon.

Ang pinakamatibay na patotoo na taglay natin tungkol sa petsa ng kapanganakan ni Jesus ay mula sa Bibliya. Binabanggit ng kinasihang ulat na pinasimulan ng pinsan ni Jesus na si Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang karera bilang isang propeta noong ika-15 taon ng Romanong Emperador na si Tiberio Cesar. (Lucas 3:1, 2) Pinatutunayan ng sekular na kasaysayan na si Tiberio ay hinirang na emperador noong Setyembre 15, 14 C.E., kaya ang kaniyang ika-15 taon ay mula sa huling bahagi ng 28 C.E. hanggang sa huling bahagi ng 29 C.E. Sinimulan ni Juan ang kaniyang ministeryo noong panahong iyon, at maliwanag na sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo pagkaraan ng anim na buwan. (Lucas 1:24-31) Ito, pati na ang iba pang katibayan, ay maglalagay sa pasimula ng ministeryo ni Jesus sa tagsibol ng 29 C.E.c Binabanggit ng Bibliya na si Jesus ay “mga tatlumpung taóng gulang” nang simulan niya ang kaniyang ministeryo. (Lucas 3:23) Kung siya ay 30 taóng gulang noong taglagas ng 29 C.E., siya ay ipinanganak noong taglagas ng 2 B.C.E. Ngayon, kung bibilang tayo ng dalawang libong taon pasulong mula sa taglagas ng 2 B.C.E. (na inaalaalang walang sero na taon; samakatuwid, mula 2 B.C.E. hanggang sa 1 C.E. ay dalawang taon), matatalos natin na ang ikalawang milenyo ay nagwakas at ang ikatlong milenyo ay nagsimula noong taglagas ng 1999!

Mahalaga ba ito? Halimbawa, ang pasimula ba ng ikatlong milenyo ang siyang magtatanda sa pasimula ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo, na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis? Hindi. Hindi ipinahihiwatig saanman sa Bibliya ang anumang kaugnayan sa pagitan ng ikatlong milenyo at ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.

Si Jesus ay nagbabala sa kaniyang mga tagasunod laban sa pag-iisip tungkol sa mga petsa. Sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.” (Gawa 1:7) Maaga rito, isiniwalat ni Jesus na kahit na siya ay hindi nakaaalam kung kailan ilalapat ng Diyos ang kahatulan sa balakyot na sistemang ito, na magbubukas ng daan para sa Milenyong Pamamahala ni Kristo. Sinabi niya: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.”​—Mateo 24:36.

Makatuwiran bang asahan na magbabalik si Kristo eksaktong 2,000 taon mula sa petsa ng kaniyang kapanganakan bilang isang tao? Hindi, hindi nga. Tiyak na alam ni Jesus ang petsa ng kaniya mismong kapanganakan. At tiyak na alam niya kung paano magbilang ng 2,000 taon mula sa petsang iyan. Gayunman, hindi niya alam ang araw at oras ng kaniyang pagparito. Maliwanag, hindi ganiyan kasimple ang pagtiyak sa petsa ng kaniyang pagbabalik! Ang ‘panahon at kapanahunan’ ay nasa hurisdiksiyon ng Ama​—ang talaorasan na siya lamang ang nakaaalam.

Isa pa, hindi inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maghintay sa kaniya sa isang espesipikong lugar. Sinabi niya sa kanila, na huwag magtipun-tipon at maghintay, kundi mangalat sa “pinakamalayong bahagi ng lupa” at gumawa ng alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa. Hindi niya kailanman pinawalang-bisa ang utos na ito.​—Gawa 1:8; Mateo 28:19, 20.

Mabibigo ba ang Kanilang mga Pag-asa sa Milenyo?

Sa kabila nito, maraming inaasam ang ilang relihiyosong pundamentalista para sa taóng 2000. Naniniwala sila na sa susunod na mga buwan, literal na matutupad ang mga bahagi ng aklat ng Apocalipsis. Oo, nakikini-kinita nila mismo ang kanilang mga sarili na personal na nakikibahagi sa katuparan nito. Halimbawa, tinutukoy nila ang hula na nakaulat sa Apocalipsis 11:3, 7, 8, na bumabanggit tungkol sa dalawang saksi na nanghuhula sa “dakilang lunsod na sa espirituwal na diwa ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, kung saan ang kanilang Panginoon ay ipinako rin.” Nang matapos na sila sa kanilang pagpapatotoo, ang dalawang saksi ay pinatay ng isang mabagsik na mabangis na hayop na lumabas mula sa kalaliman.

Ayon sa isang ulat sa The New York Times Magazine ng Disyembre 27, 1998, ang lider ng isang relihiyosong grupo “ay nagsabi sa kaniyang mga tagasunod na siya ang isa sa dalawang saksi na siyang itinadhanang maghayag ng kapuksaan ng lupa at ng pagdating ng Panginoon​—at pagkatapos ay mapapatay ni Satanas sa mga lansangan ng Jerusalem.” Mauunawaan naman ang pagkabahala ng mga awtoridad sa Israel. Ikinatatakot nila na baka sikaping “tuparin” ng ilang ekstremista ang hula sa ganang sarili​—kahit na ito’y mangahulugan pa ng digmaan! Gayunman, hindi kailangan ng Diyos ang “tulong” ng tao upang isakatuparan ang kaniyang layunin. Lahat ng mga hula sa Bibliya ay matutupad sa itinakdang panahon mismo ng Diyos at sa paraan mismo ng Diyos.

Ang aklat ng Apocalipsis ay isinulat “sa mga tanda.” Ayon sa Apocalipsis 1:1, ibig ni Jesus na isiwalat sa “kaniyang mga alipin” (hindi sa sanlibutan sa pangkalahatan) kung ano ang kailangang maganap sa di-kalaunan. Upang maunawaan ang aklat ng Apocalipsis, kakailanganin ng mga alipin, o mga tagasunod ni Kristo, ang banal na espiritu ng Diyos, na ibinibigay ni Jehova doon sa mga nakalulugod sa kaniya. Kung ang aklat ng Apocalipsis ay uunawain nang literal, maaari itong basahin at unawain kahit ng mga taong walang pananampalataya. Kung gayon ay hindi na kailangan pa ng mga Kristiyano na manalangin para sa banal na espiritu upang maunawaan ito.​—Mateo 13:10-15.

Nakita natin ayon sa patotoo ng Bibliya, na ang ikatlong milenyo mula sa kapanganakan ni Jesus ay nagsisimula sa taglagas ng 1999 at na walang anumang natatanging kahulugan ang petsang iyan ni ang Enero 1, 2000, ni ang Enero 1, 2001. Gayunman, may isang milenyo na totoong kawili-wili sa mga Kristiyano. Kung hindi ang ikatlong milenyo, alin? Sasagutin ng huling artikulo sa seryeng ito ang tanong na iyan.

[Mga talababa]

a Tingnan ang kahon na pinamagatang “2000 o 2001?” sa pahina 5.

b Ayon sa kronolohiya ng mga iskolar na ito, ang ikatlong milenyo ay nagsimula na noong 1995 o 1996.

c Para sa higit pang detalye, pakisuyong tingnan ang Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., Tomo 1, pahina 1094-5.

[Kahon sa pahina 5]

2000 o 2001?

Upang maunawaan kung bakit sinasabi ng ilan na ang ikatlong milenyo mula sa kapanganakan ni Jesus ay darating sa Enero 1, 2001, isaalang-alang ang ilustrasyong ito. Ipagpalagay nang ikaw ay nagbabasa ng isang aklat na 200 pahina ang haba. Kapag narating mo na ang pahina 200, natapos mo nang basahin ang 199 pahina, at may isang pahina ka pang babasahin. Hindi mo matatapos ang aklat hanggang sa dumating ka sa katapusan ng pahina 200. Sa katulad na paraan, 999 na taon ng kasalukuyang milenyo ang nakalipas na sa Disyembre 31, 1999, gaya ng palagay ng karamihan, at may isang taon pa hanggang sa katapusan ng milenyo. Sa ganiyang pagbilang, ang ikatlong milenyo ay magsisimula sa Enero 1, 2001. Subalit, hindi iyan nangangahulugan na sa petsang iyan ay eksaktong 2,000 taon na ang nakalipas mula sa petsa ng kapanganakan ni Jesus; gaya ng ipinakikita ng artikulong ito.

[Kahon sa pahina 6]

Kung Paano Nagkaroon ng B.C.-A.D. na Sistema ng Pagpepetsa

Maaga noong ikaanim na siglo C.E., inatasan ni Papa John I ang isang mongheng nagngangalang Dionisio Exiguus na gumawa ng isang sistema ng pagkalkula na magpapangyari sa mga simbahan na magtakda ng isang opisyal na petsa para sa Pasko ng Pagkabuhay (Easter).

Sinimulan ni Dionisio ang paggawa. Kinalkula niya ang panahon nang paatras, bago pa ang kamatayan ni Jesus, sa inaakala niyang taon ng kapanganakan ni Jesus; pagkatapos ay binigyan niya ng bilang ang bawat taon pasulong mula sa puntong iyon. Itinalaga ni Dionisio ang panahon mula sa kapanganakan ni Jesus na “A.D.” (para sa Anno Domini​—“sa taon ng ating Panginoon.”) Bagaman ang kaniyang layunin lamang ay gumawa ng isang mapananaligang paraan ng pagkalkula sa Pasko ng Pagkabuhay sa bawat taon, hindi sinasadyang naipakilala ni Dionisio ang ideya ng pagbilang ng mga taon mula sa kapanganakan ni Kristo pasulong.

Bagaman karamihan ng mga iskolar ay sumasang-ayon na si Jesus ay hindi ipinanganak sa taon na ginamit ni Dionisio bilang saligan para sa kaniyang mga kalkulasyon, ang kaniyang sistema ng kronolohiya ay nagpangyari sa atin na hanapin ang mga pangyayari sa agos ng panahon at tingnan ang kaugnayan ng mga ito sa isa’t isa.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share