Ang Ikatlong Milenyo—Tutuparin ba Nito ang Inyong Pag-asa?
NAGSIMULA na ang countdown. Isang digital na orasan sa harap ng cultural center ng Beaubourg sa Paris, Pransiya, ang makikitaan ng natitirang bilang ng mga segundo. Ito’y magpapatuloy sa kaniyang walang-humpay na countdown hanggang sa hatinggabi ng Disyembre 31, 1999. Sa panahong iyan, isang bagay na minsan lamang nasaksihan bago ng ating Common Era ang magaganap: ang pagpasok ng isang bagong milenyo, ang ikatlong milenyo.
“2000 ang, sa isang paraan, ‘pinakadakilang inaasahang pangyayari’ sa kasaysayan ng tao kailanman,” ang sabi ng panlipunang mananaliksik na si Bernward Joerges ng Berlin, Germany. Bakit may ganiyan na lamang pananabik? Kung sa bagay, ang taóng 2000 ay wala kundi isa pang petsa sa agos ng panahon. Isa pa, ang petsa ay kinikilala tangi lamang niyaong mga sumusunod sa Kanlurang kalendaryo. Sang-ayon sa kalendaryong Islamiko, ang 2000 C.E. ay pumapatak sa Islamikong taóng 1420; sang-ayon sa kalendaryong Judio, 5760 A.M.
Subalit sa isang pakikipagpanayam sa peryodikong Dagens Nyheter, ng Sweden, ganito ang sabi ni Propesor Joerges: “Dahilan sa kolonialismo at imperialismo, ang ating kronolohiyang Gregorian, pasimula sa ipinagpapalagay na kapanganakan ni Kristo, ay malaki na ang narating sa malalaking bahagi ng daigdig.” Ang taóng 2000 kung gayon ay magiging isang pangglobong pananda ng panahon para sa malaki-laking bahagi ng sangkatauhan. Ang sabi ni Propesor Joerges: “Lahat ng tao ay mag-uugnay ng kanilang sariling talambuhay at pati na rin ang ano pa mang bagay sa pangyayaring ito.”
Gayunman, marami ang higit pa ang sumasaisip kaysa pagtatanda lamang ng panahon. “Malalawak na proyekto at mga programa na kailangang ‘tandaan’, na nagbibigay-kahulugan at nagdiriwang sa pangyayaring ito ay sinisimulan na sa lahat ng pitak ng buhay at sa lahat ng antas ng lipunan,” ang sabi ni Joerges. Isinusog pa niya na “sa buong globo, ang malalaking kapitalistang may mga proyekto at ‘show masters’ ay nangangarap at nagpapanukala ng malalaking okasyon.” Ang mga ibang manghuhula naman ay nagsasabi na “tayo’y malulunod sa baha ng mga aklat tungkol sa nakalipas na siglo. Lahat ng mass media ay mababaliw tungkol sa pagpasok ng milenyo. Isang TV station sa West Germany ang nagpaplano ng 24-na-oras na pagsasahimpapawid ng pagsikat ng araw sa buong mundo.”
Ang media ay tiyak na gagawa ng malaking pagmamakaingay tungkol sa huling sanggol na isisilang sa 1999 at sa unang isisilang naman sa 2000. Ang mga peryodista ay masasabik na hanapin ang ilan pang natitirang mga sanggol na isisilang sa ika-19 na siglo upang tanungin sila kung ano ang kanilang nadarama sa gayong haba ng buhay na tumatagal nang tatlong siglo at dalawang milenyo! May iba na nag-iisip pa man din na lahat ng alingawngaw na ito tungkol sa milenyo ay magiging isang sanhi ng isang uri ng walang-patumanggang kaligaligan ng masa. Sang-ayon sa isang nakapangingilabot na prediksiyon, pagsapit ng hatinggabi sa Noche Buenang iyan, marami ang magpapatiwakal.
Sa kabila ng ganiyang maliwanag na mga kalabisan na, kauna-unawa na sa pangyayaring iyan ay marami ang naaakit. Para sa marami sa ating daigdig na sawang-sawa na sa mga suliranin, ang bagong milenyo ay minamalas na isang hudyat ng pag-asa, isang pinto patungo sa isang lalong magandang kinabukasan. Ang iba naman ay sa siyensiya at sa teknolohiya nakatingin upang magdulot ng isang kinabukasan na kung saan tayo’y kakain ng mas maiinam na pagkain at mabubuhay nang mas mahaba, magtatrabaho nang kaunti lamang at doroon sa tahanan nang mas mahabang panahon; na kung saan mga robot ang gagawa para sa atin ng mga gawaing nakababagot; na kung saan ang kontroladong fusion ang gagamitin upang ang tubig ay magawang panggatong. Kanilang nakikini-kinita ang isang kinabukasan ng holograph TV, Picturephones, de kolor na fax machines, at mga telepono sa kagyat na pagsasalin. Sila’y nangangarap na makapanggalugad sa Buwan, Mars, o iba pang mga planeta, na nagmimina ng kanilang kayamanan.
Ngunit hindi lahat ay may ganiyang maaliwalas na pag-asa. Ang ibang mga mananaliksik ay may palagay na ang bagong milenyo ay patungo sa isang panahon ng di-makontrol na pagdami ng tao sa daigdig at pagguho ng kapaligiran. Dahil sa polusyon ng hangin ang atmospera ng mundo ay magiging isang sumúsubóng greenhouse. Ang mga buu-buong yelo ay matutunaw at aangat ang karagatan, babahaan ang mga lugar na pinagtatamnan at pinaninirahan ng tao ngunit angaw-angaw na mga ektaryang sakahan ay ikinukumberte sa mga disyerto. Kanilang nakikini-kinita ang isang pandaigdig na pagguho ng ekonomiya, kawalang-katatagan ng pulitika na yayanig sa mga gobyerno at mga lipunan, di-masupil na krimen, at pinakamasama sa lahat, isang nuklear na pagkatupok na lilipol sa buhay ng lahat ng tao.
Ang mga manghuhula ay malaon nang nagsisipanghula bagaman sila ay walang gaanong kasiguruhan kung kailan ito darating sa nalalapit na milenyo. Napakaraming mga bagay na di-inaasahan ang nasasangkot sa paghula nang may kawastuan sa hinaharap. Ang paggawa ng gayon ay inihahalintulad ng isang propesyonal na manghuhula ng hinaharap sa paglalaro ng chess: “Bago ako gumawa ng aking susunod na hakbang, tinitingnan ko ang pinakamaraming galaw sa unahan na maaaring makita ko. Pero pagkatapos na ang aking kalaban ay gumawa ng kaniyang hakbang, ang ginagawa ko ay ulitin iyon.”
Kung ano ang mangyayari sa taong 2000, panahon lamang ang makapagsasabi. Gayunman, hindi ibig sabihin na ang iyong kinabukasan ay walang kasiguruhan. Ang Bibliya’y nagbibigay ng sapat na katibayan na tayo ay malapit na sa isang dumarating na lalong mahalagang milenyo kaysa isa na magsisimula pagkatapos ng wala pang isang dekada. Ang nalalapit na Milenyong ito ay lalong higit kaysa anumang inaasahan ng tao! Ano nga bang talaga ang ibig sabihin nito! Ano ang masasangkot dito? Inaanyayahan namin kayo na isaalang-alang ang aming susunod na artikulo at alamin kung ano ang sinasabi ng Bibliya.