Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Batik Ang artikulong “Mga Batik sa Harap ng Iyong mga Mata?” (Hunyo 8, 2000) ay nakaapekto nang malaki sa aking buhay. Natanggap ko ang magasin tatlong araw lamang bago natanggal ang isang bahagi ng retina sa aking kanang mata. Ang mga sintomas na inilarawan sa artikulo ay nagbabala sa akin na kailangan akong magpatingin kaagad sa doktor. Ginamit ang laser treatment upang ayusin ang napinsala, anupat hindi nasira ang aking paningin. Salamat sa gayong praktikal na mga artikulo na napakahusay ang pagkakasaliksik.
C. V., Timog Aprika
Propaganda Katatapos ko lamang basahin ang labas ng Hunyo 22, 2000, at pinasasalamatan ko kayo dahil sa seryeng “Dapat Mo Bang Paniwalaan ang Lahat ng Iyong Naririnig?” Sa lugar na tinitirahan ko, naging kaugalian nang tuyain ang mga Romany (mga Hitano). Ginagawang biro ng mga tao kung paano diumano sila nagnanakaw. Sa tulong ng mga artikulo, natanto ko na ang mga birong iyon ay hindi nararapat, at nagpasiya akong huwag makisali rito.
K. M., Czech Republic
Paninirahan sa Ibang Bansa Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Manirahan sa Ibang Bansa?” (Hunyo 22, 2000) Regular kong binabasa ang mga seryeng ito, subalit kadalasan ay nadarama ko na pinalabis ang mga panganib na inilarawan ninyo. Noong nakaraang taon, nagbiyahe ako sa ibang bansa para sa isang pagpapalitan ng kaalaman sa pagitan ng aming paaralan at ng isa pang pamantasan. Bagaman iyon ay isang kawili-wiling karanasan, hindi iyon kapaki-pakinabang kung mamalasin sa paraang espirituwal.
M. P., Italya
Ang artikulong ito at ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magtatagumpay sa Aking Paninirahan sa Ibang Bansa?” (Hulyo 22, 2000) ay mga “pagkain sa tamang panahon” para sa akin. (Mateo 24:45) Naipasiya ko nang manirahan nang isang taon sa ibang bansa upang matutuhan ang isang banyagang wika. Kaya talagang lubos kong pinasasalamatan ang mga mungkahi at praktikal na mga payo.
I. Z., Switzerland
Easter Island Ipinahayag ng artikulong “Isang Malaking Aral Mula sa Isang Maliit na Pulo” (Hunyo 22, 2000) ang mga pangamba ng maraming tao na nababahala sa kapaligiran. Subalit nadarama ko na yaong mga nagbibigay-pansin sa mga panganib na napapaharap sa atin ay kaunti lamang. Kapag pinag-iisipan ko kung gaano kasamâ ang pangangasiwa ng mga tao sa lupang ito, napapaluha ako.
K. M., Hapon
Daylight Saving Time May kaugnayan sa artikulong “DST—Isa Bang Ideya Bago Pa Man ang Panahon Nito?” (Hulyo 8, 2000), isa nga ba talagang kapuri-puring bagay ang DST? Itinatag ng ating dakilang Maylalang ang mga kapanahunan. Sino ang may karapatang maniobrahin ito? Ang tinatawag na daylight saving time ay isang bagay na abnormal!
I. L., Alemanya
Hindi pinapurihan ni tinuligsa ng aming artikulo ang DST. Iniulat lamang namin ang kawili-wiling kasaysayan nito. Walang ibinigay na espesipikong mga tagubilin ang Diyos hinggil sa kung paano bibilangin ang panahon. Samakatuwid, ang kasalukuyang mga sistema ng pagbilang ng panahon ay pinagpasiyahan lamang ng tao at hindi itinalaga ng Diyos. Hindi binabago ng DST ang mga kapanahunan. Dahil sa mga katotohanang ito, hindi naman nagmimistulang paglabag sa alinmang simulain ng Diyos kung babaguhin natin ang ating mga orasan nang dalawang beses sa isang taon.—ED.
Ngiti Salamat sa paglalathala ninyo sa mahalagang artikulong “Ngiti—Makabubuti Ito Para sa Iyo!” (Hulyo 8, 2000) Lubos akong sumasang-ayon sa sinasabi nito. Ipinaalaala nito sa akin na mag-isip nang positibo sa lahat ng panahon upang maging tunay ang aking ngiti. Oo, tinutulungan tayo ng pagngiti na makipagkaibigan sa iba. Nakatutulong din ito sa pagpawi ng mga tensiyon.
P. C., Tsina