Mula sa Aming mga Mambabasa
Braille Binabati namin kayo sa artikulong “Louis Braille—Nagbibigay Liwanag sa mga Bilanggo ng Kadiliman.” (Setyembre 8, 2000) Ang prinsipal ng paaralan na pinagtatrabahuhan ko ay may kapansanan sa paningin. Lubha siyang humanga nang basahin ko sa kaniya ang artikulo. Isang kopya ng magasin ang inilagay sa aklatan ng paaralan.
M.A.S., Brazil
Pagbubulay-bulay Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ang Pagbubulay-bulay na Kapaki-pakinabang.” (Setyembre 8, 2000) Ngayon ay nauunawaan ko na naipagkamali ko ang pangangarap sa pagbubulay-bulay. Sa pamamagitan ng pagkakapit sa Filipos 4:8, alam ko na ngayon ang tamang paraan ng pagninilay-nilay sa aking mga suliranin. Maraming-maraming salamat!
W. P., Poland
Mga Beaver Ako’y 15 taóng gulang at nais kong pasalamatan kayo sa artikulong “Ang Orihinal na Magtotroso ay Nagtatrabaho Pa Rin.” (Setyembre 8, 2000) Nasisiyahan ako sa pagbabasa tungkol sa mga hayop at kung paano sila nabubuhay. Ngunit hindi ko alam na napakarami palang nagagawa ang mga beaver! Sa palagay ko’y kahanga-hanga ang paraan ng pangangalaga nila sa kanilang sarili at sa kani-kanilang pamilya!
S. J., Estados Unidos
Ako’y sampung taóng gulang, at binasa ko ang artikulo habang nagkakamping sa tabi ng isang sapa. Naguguniguni ko ang mga beaver doon na patuloy na gumagawa. Nasisiyahan ako sa mga artikulo tungkol sa mga hayop dahil tinutulungan ako ng mga ito na mapahalagahan ang lahat ng kamangha-manghang mga bagay na ginawa ni Jehova.
B. P., Estados Unidos
Malabong Pagkuwenta? Nais kong itawag-pansin sa inyo ang itinuturing kong isang maliit na pagkakamali sa artikulong “Ang Paghahanap Para sa Isang Sakdal na Lipunan.” (Setyembre 22, 2000) Sinabi ninyo na 26 na taon ang magugugol upang mabasa ang 200 tomo na may tig-isang libong pahina. Sa aking kalkulasyon, wala pang apat na taon ang magugugol doon.
P. I., Romania
Salamat sa iyong obserbasyon. Bagaman totoo na ang pagbabasa ng 200 tomo ng isang akdang salaysay na may tig-isang libong pahina ay gugugol lamang ng mas kaunting panahon, ang mga data na tinitipon ng Human Genome Project ay may kinalaman sa mga pagkakasunud-sunod ng DNA, na magiging mas nakakapagod at mas nakakaubos ng panahon na basahin.—ED.
Sa palagay ko’y nakagawa kayo ng isang karaniwang pagkakamali sa artikulong “Kung Ano ang Hindi Nakikita ng Basta Mata Lamang.” (Agosto 22, 2000) Doon ay tinukoy ninyo ang mga mikroskopyo na maaaring makapagpalaki nang isang milyong ulit sa mga bagay, “ang katumbas ng pagpapalaki sa isang selyo ng koreo upang maging kasinlaki ng isang maliit na bansa.” Ang isang milyong selyo ng koreo ay magkakasya sa isang hanay ng 1000 por 1000 selyo. Ipagpalagay na ang bawat gilid ng isang selyo ay 2.5 sentimetro, ito’y sasaklaw ng isang kuwadrado na mga 25 metro ang bawat gilid. Sa palagay ko’y hindi kayo makakakita ng anumang bansa na gayon kaliit!
R. C., Estados Unidos
Sa halip na gunigunihin na ang isang selyo ay magiging isang hanay ng 1,000 por 1,000 selyo, ilarawan ang isang hanay ng 1,000,000 por 1,000,000 selyo, yamang ang pagpapalaki (magnification) ay linear (isahang dimensiyon). Iyan ay magiging halos kasinlaki ng isang maliit na islang-bansa.—ED.
Kaligtasan ng Paglalakbay sa Himpapawid Isang maikling mensahe lamang upang pasalamatan kayo para sa artikulong “Ginagawang Mas Ligtas ang Paglalakbay sa Himpapawid.” (Setyembre 22, 2000) Gustung-gusto kong sumakay sa eroplano, ngunit pagkatapos basahin ang artikulong ito, natanto ko kung gaano karaming trabaho at panahon ang ginugugol sa pagsasanay sa mga piloto, taglay sa isipan ang ating kaligtasan.
E. P., Virgin Islands
Kapayatan Pagkakitang-pagkakita ko sa pamagat na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Kaya ang Payat-Payat Ko?” (Setyembre 22, 2000), nangilid sa luha ang aking mga mata. Ako’y 16 na taóng gulang at tumitimbang ng 100 libra. Yamang ang payat-payat ko, pakiramdam ko’y pangit ako at di-kaakit-akit. Nang basahin ko ang artikulo, napahalagahan ko ang praktikal na mga mungkahi na ibinigay nito. Ang konklusyon ang higit na nakaantig sa akin sapagkat tinulungan ako nito na matanto na nakikita ni Jehova ang puso.
E. L., Italya