“Sintibay ng Bato ng Gibraltar”
Umaalsang patindig mula sa mainit, asul na katubigan ng Mediterraneo sa taas na 426 metro, ang Bato ng Gibraltar ay tunay na mukhang matibay. Sa isang maaliwalas na araw, milya-milya mula sa palibot ng timog Espanya at mula sa Morocco, sa ibayo ng Mediterraneo, madaling matatanaw ng isa ang matulis na taluktok ng Gibraltar.
Ang kasaysayan ng Gibraltar ay mula pa sa mga yugto ng panahon nang ang sinaunang mga tripulante, na naniwalang ang lapad ang lupa, ay nag-akalang sa pagtawid nila sa Kipot ng Gibraltar ay hahantong sila sa dulo ng daigdig at sa kalaliman ng pagkalipol. Minalas din ito bilang isa sa Mga Haligi ni Hercules, ang isa ay ang Jebel Musa sa Ceuta, sa baybaying Aprika sa kabilang ibayo ng kipot. Ayon sa alamat hinati ng Griegong bayaning si Hercules ang mga bundok.
Utang ng lunsod ng Gibraltar ang pag-iral nito sa mga Arabong nagmula sa Hilagang Aprika noong ikawalong siglo C.E. at siyang sa bandang huli’y nagtatag ng lunsod noong 1160. Ang pangalang Gibraltar ay nagmumula sa pangalang Arabo na Djabal-Tarik, o Bundok ng Tarik. Si Ṭāriq ibn Ziyād ay isang pinunong Arabo na gumapi sa huling haring Gothic noong 711 C.E.
Nasakop ng mga Kastila ang Gibraltar noong 1462, upang maiwala lamang ito sa mga Britano noong 1704. Hanggang sa araw na ito, ito ay nananatiling isa sa pinakahuling himpilan ng dating Imperyong Britano. Subalit ang Bato ng Gibraltar ay patuloy na sagisag ng isang bagay na matibay at pangmatagalan.
Dalawang mga kongregasyon (Ingles at Kastila) ng 120 mga Saksi ni Jehova sa Gibraltar ang nag-aalok ng pangako ng pamumuno ng Kaharian ng Diyos sa mga taga-Gibraltar, isang pangakong higit na matibay kaysa sa Bato!—Tito 1:1, 2; Hebreo 6:17-19.