Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Isang Bantayog sa Espiritu ng Pagtutulungan”
MALAPIT sa pinakatimugang dulo ng Espanya ay naroroon ang isang dambuhalang batong apog na kilala bilang ang Bato ng Gibraltar. Sa loob ng daan-daang taon, ang batong ito ay isang piping saksi sa pulitikal na kontrobersiya at pandaigdig na pagtatalo. Subalit, kamakailan lamang ang Bato ng Gibraltar ay naging tanawin para sa isang katunayan ng pagtutulungan at pagkakaisa na bihirang makikita sa daigdig sa ngayon.
Tatlong kilometro lamang mula sa Bato ay naroroon ang bayan ng La Línea, Espanya. Doon ang pagtatayo ng isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ang nagbuklod sa daan-daang boluntaryong manggagawa na nasasabik magbigay ng kanilang panahon at lakas. Habang sila’y nagpapagal upang maitayo ang isang angkop na dako ng pagsamba sa Maylikha, ang Diyos na Jehova, kahit ang maringal na tanawin ng Bato ng Gibraltar ay kumukupas sa kahalagahan kung ihahambing sa ginagawang pagtatayo.
Ganito ang ulat na ipinadala ng mga tagapaghayag ng Kaharian sa bahaging iyan ng daigdig:
“Siyam na raang masisiglang boluntaryo ang gumagawa araw at gabi, na nagsimula noong Biyernes ng hapon, Setyembre 24, 1993. Pagsapit ng alas-siyete ng Linggo ng gabi, naikabit na ang isang bagong karatula na nagpapakilala sa gusali bilang isang Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, at ang kaakit-akit na bagong gusali ay ginagamit para sa kauna-unahang pangmadlang pagpupulong dito.
“Maraming Saksi buhat sa karatig na Gibraltar ang tumawid sa hangganan upang tulungan ang kanilang mga kapatid na Kastila. ‘Ang pulitikal na mga pagkakabaha-bahagi ay hindi nakapagpahina sa aming pandaigdig na kapatiran,’ ang paliwanag ng isa sa mga boluntaryong manggagawa, na isang taál ng Gibraltar. Susog niya: ‘Maraming taon na ang lumipas, nagsidating ang mga kaibigan buhat sa La Línea upang tulungan kaming magtayo ng aming Kingdom Hall sa Gibraltar, kaya ngayon ay maligaya kaming gumaganti ng utang-na-loob.’
“Upang punan ang kusang-loob na pagsisikap ng dalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova at ng daan-daang bihasang mga katulong buhat sa rehiyon ng Andalusia, nagpasiya ang siyudad ng La Línea na iabuloy ang kinakailangang lote. ‘Ayon sa tradisyon, laging naglalaan ang lokal na mga awtoridad na Kastila ng lupang pagtatayuan ng mga simbahang Katoliko,’ ang paliwanag ng alkalde ng La Línea nang minsang dalawin ang dakong pinagtatayuan. ‘Bakit hindi gayundin ang gawin para sa ibang grupong relihiyoso? Ako’y humahanga sa pagiging bukas-palad ng mga boluntaryo, at naniniwala akong nararapat sila sa aming pagsuporta. Kailangan natin ng higit pa ng ganitong uri ng espiritu sa nababahaging daigdig sa ngayon.’
“Tinukoy niya ang Kingdom Hall bilang ‘isang bantayog sa espiritu ng pagtutulungan.’ Sa katunayan, hindi ang arkitektura ni ang laki ng gusali ang kahanga-hanga sa lahat. Sa halip, ang labis na hinangaan ng komunidad ay ang bagay na iyon sa kabuuan ay itinayo ng mga boluntaryo at natapos sa loob lamang ng 48 oras!”
Maliwanag na ang mga Saksi ni Jehova sa La Línea at sa mga lugar sa palibot nito ay napatutunayang tapat sa mga salita ng Galacia 6:10. Doon ay pinayuhan ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya: “Tunay nga, kung gayon, habang tayo ay may panahong kaayaaya para rito, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, subalit lalo na doon sa mga kaugnay sa atin sa pananampalataya.”