Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/22 p. 8-10
  • Pandaraya sa Siyensiya—Isang Lalong Dakilang Pandaraya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pandaraya sa Siyensiya—Isang Lalong Dakilang Pandaraya
  • Gumising!—1990
  • Kaparehong Materyal
  • Nililitis ang Ebolusyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Paglalang o Ebolusyon—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Magkasuwato ba ang Ebolusyon at ang Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Ebolusyon
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/22 p. 8-10

Pandaraya sa Siyensiya​—Isang Lalong Dakilang Pandaraya

Ang pandaraya ay binibigyang-kahulugan bilang “isang gawang panlilinlang o maling pag-uulat.” Ito’y ang “sinasadyang pagpilipit ng katotohanan upang himukin ang isa na bitiwan ang isang bagay na mahalaga.”​—Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary.

“ANG ebolusyon ay isang katotohanan.” Ito ang pamantayan sa pag-amin ng pananampalataya na tumitiyak ng iyong pagtanggap sa pamayanang siyentipiko. At upang paniwalaan ng publiko, karaniwan nang sinasabi pa: ‘Ito’y madalas nang napatunayan anupa’t hindi na kailangang ulitin ang pruweba.’ Napakaalwan, lalo na dahil ang ebolusyonista ay walang namang pruwebang uulitin. Subalit, sa loob ng mga taon ay inulit-ulit ang pahayag, gaya ng isang mahiwagang bulong: “Ang ebolusyon ay isang katotohanan.”

Noong Abril nang nakaraang taon, sa isang repaso ng aklat sa magasing The New York Times Book Review, sumulat ang biyologong si Richard Dawkins: “Pinag-uusapan natin dito ang katotohanan ng ebolusyon mismo, isang katotohanang pinatunayan nang walang pag-aalinlangan.” Pagkatapos kaniyang sinabi na ang pagtalakay sa paglalang “sa mga klase ng biyolohiya ay gaya ng pagkuha ng katumbas na panahon upang talakayin ang teoriya ng lapad-na-lupa sa mga klase ng astronomiya. O kaya, gaya ng binigyang-diin ng isa, maaari mo na ring kunin ang katumbas na haba ng panahon sa mga klase ng edukasyon sa sekso upang talakayin ang teoriya ng tagak. Napakaligtas na sabihing kung ika’y makatagpo ng isang tao na nag-aangking hindi naniniwala sa ebolusyon, ang taong iyon ay ignorante, estupido o nasisiraan ng bait (o balakyot, subalit hindi ko ibig isaalang-alang iyan).”

Sumulat si Stephen Jay Gould ng isang sanaysay tungkol sa ebolusyon sa Enero 1987 labas ng magasing pansiyensiya na Discover. Taglay ang layuning manaig, sa limang-pahinang artikulong ito 12 beses niyang inihayag ang ebolusyon bilang isang katotohanan! Ang sumusunod ay halaw mula sa artikulo:

Ang ginawa ni Darwin noong siya’y nabubuhay pa ay ang “itatag ang katotohanan ng ebolusyon.” “Ang katotohanan ng ebolusyon ay tatag-na-tatag tulad ng anumang bagay sa siyensiya (sintatag ng pag-ikot ng lupa sa araw).” Sa panahon nang kamatayan ni Darwin, “tinanggap ng halos lahat ng palaisip na mga tao ang katotohanan ng ebolusyon.” Binanggit ito ni Gould bilang isang “matatag na katotohanan” at “ang katotohanan ng transmutasyon.” “Ang ebolusyon ay isa ring katotohanan ng kalikasan.” “Ang ebolusyon ay tatag-na-tatag gaya ng anumang katotohanang siyentipiko.” “Ang aming kumpiyansa sa katotohanan ng ebolusyon ay salig sa saganang mga datos.” Kaniyang binabanggit ang pagsang-ayon ng mga biyologo “tungkol sa katotohanan ng ebolusyon.” “Ang mga teologo ay hindi naligalig ng katotohanan ng ebolusyon.” “Daan-daang mga siyentipiko ang kilala ko na naniniwala sa katotohanan ng ebolusyon.”

Sa isang punto sa artikulo, sinabi ni Gould: “Ayaw kong maging gaya ng isang nakatutulig na dogmatiko na sumisigaw na ‘tangkilikin ninyo ang aming paniwala,’ subalit ang mga biyologo ay nakagawa na ng isang kasunduan . . . tungkol sa katotohanan ng ebolusyon.” Subalit, hindi ba’t iya’y gaya “ng isang nakatutulig na dogmatiko na sumisigaw na ‘tangkilikin ninyo ang aming paniwala’”?

Tinukoy ng molecular biologist na si Michael Denton ang masarap-pakinggang pananalitang ito tungkol sa pagiging totoo ng ebolusyon at pinawalang-saysay ito sa ganitong mga pananalita: “Sa ngayon ang ganiyang mga pag-aangkin ay kalokohan lamang.” Hindi lamang ito kalokohan. Ito’y pagdaraya. Ito’y nanlilinlang at gumagawa ng maling pag-uulat. Pinipilipit nito ang katotohanan upang himukin ang isa na bitiwan ang isang bagay na mahalaga. Ang mga pahayagan, radyo, TV, mga serye sa kalikasan, mga programa sa siyensiya, mga aklat-aralin mula ikalawang baitang pataas​—lahat ng ito’y ikinikintal ang katotohanan-ng-ebolusyon sa isipan ng publiko. Gayumpaman, kamakailan, iniulat ng The New York Times na nagpalabas ang Board of Education ng California ng mga tagubilin para sa mga aklat-aralin sa siyensiya na bawasan ang pagdidiin sa pagtuturo ng ebolusyon bilang isang katotohanan.​—Nobyembre 10, 1989.

Tinutularan nito ang mga taktika ng mga punong saserdote at mga Fariseo noong panahon ni Jesus. Nang bumalik ang mga punong kawal na isinugong dumakip kay Jesus na hindi siya kasama, tinanong ng mga Fariseo: “ ‘Bakit hindi ninyo siya dinala?’ Sumagot ang mga punong kawal: ‘Kailan ma’y walang taong nagsalita nang gayon.’ Bilang tugon sinabi ng mga Fariseo: ‘Kayo man ba ay nangailigaw rin? Sumampalataya baga sa kaniya ang sinuman sa mga pinuno o ang sinuman sa mga Fariseo? Datapuwat ang karamihang ito na hindi nakakaalam ng Kautusan ay mga isinumpa.’” (Juan 7:​45-49) Ang kalupitan ng may-kapangyarihan: ‘Wala sa importanteng mga tao, wala sa mga taong may pinag-aralan, ang tumatanggap kay Jesus bilang Mesiyas. Mga isinumpang hangal lamang ang tumatanggap sa kaniya.’

Ginagamit sa ngayon ng mga ebolusyonista ang gayunding pangangatuwiran ng mga Fariseo: ‘Maniwala kayo na gaya namin,’ sabi nila. ‘Lahat ng may kakayahang siyentipiko ay naniniwala sa ebolusyon. Lahat ng matatalinong tao ay naniniwala rito. Yaon lamang mga walang pinag-aralan at mga ignorante ang hindi naniniwala rito.’ Sa pamamagitan ng gayong pananakot at mental na panunupil, ang mga tao ay inaakay sa kampo ng mga ebolusyonista. Wala silang alam tungkol sa mga kahinaan at kakulangan ng teoriya ng ebolusyon o tungkol sa hindi makatuwirang mga pagbabaka-sakali at imposibleng mga haka-haka nito​—gaya ng pasimula ng buhay mula sa walang-buhay na mga kemikal.a Kaya natatangay sila ng paulit-ulit na mga mantra na binibigkas ng mga propagandista ng ebolusyon. Ang teoriya ay nagiging isang doktrina, ang mga predikador nito ay nagiging hambog, at ang mga tumututol ay hinahamak. Ang mga taktika ay epektibo. Ganito ito katagumpay noong kaarawan ni Jesus; gayundin sa ngayon.

Ang limang-salitang linya na ito ng propaganda, ‘Ang ebolusyon ay isang katotohanan,’ ay maliit (maliit ang nilalaman), ay isang simpleng pangungusap (madaling sabihin), at walang puknat na inuulit (12 beses pa nga sa isang maigsing sanaysay). Kuwalipikado ito bilang isang epektibong propagandang panghikayat, at kung uulit-ulitin ito’y magiging sawikain​—at ang mga sawikaing inuulit-ulit saanman di-naglalao’y naipoprograma sa mga utak at inilalabas ng mga dila nang hindi gaanong maingat na sinusuri o pinag-aalinlanganan. Minsang ang isang teoriya ay naging sawikain ng kaisipan ng pamayanan, hindi na ito nangangailangan ng pruweba, at sinumang tumutol ay hinahamak. Kung ang gayong mga tumututol ay magharap ng makatuwirang pagpapabulaan sa katotohanan ng sawikain, sila’y labis na kayayamutan at isasailalim sa tanging magagamit na tugon, yaon nga’y, ang panlilibak.

Ang mga ebolusyonistang nagdadalubhasa sa Dakilang Kasinungalingan na ‘Ang ebolusyon ay isang katotohanan’ ay kumukuha rin ng isang pahina sa aklat ni Hitler, sapagkat doo’y sinabi niya tungkol sa mga karamihang kaniyang sinupil: “Dahil sa kanilang saunahing kamusmusan ng isip mas madali silang mabiktima ng isang malaking kasinungalingan kaysa yaong maliit, dahil sila mismo marahil ay nagsisinungaling paminsan-minsan sa maliliit na mga bagay, subalit tiyak na sila’y labis na mahihiyang gumawa ng malalaking mga pagsisinungaling.” Itinatala ng isang aklat ng tanyag na mga kasabihan ang isang ito: “Kung ika’y magsasabi ng isang malaking kasinungalingan at madalas mo itong ulitin, paniniwalaan iyon ng marami.” Ang kasinungalingang sinasabi ng mga ebolusyonista ay tunay na malaki, at tiyak na madalas itong inuulit, upang paniwalaan ng milyun-milyon.

Ito’y isang kasinungalingan na isa ring pandaraya sapagkat ito’y “isang gawang panlilinlang o maling pag-uulat,” isang “sinasadyang pagpilipit ng katotohanan upang himukin ang isa na bitiwan ang isang bagay na mahalaga.” Sa pagtuturo na ang mga ninuno ng tao ay mga hayop, na nagsimula sa isang mikrobyo na naging isang bakulaw, “ipinagpalit [ng mga ebolusyonista] ang katotohanan ng Diyos sa kasinungalingan.” Sa pamamagitan ng kasinungalingang ito, kanilang hinihimok ang marami na bitiwan ang isang bagay na mahalaga​—ang kanilang pananampalataya sa Diyos bilang kanilang Maylikha.​—Roma 1:25.

Ang pandarayang ito ay gumagawa ng napakalaking pinsala. Ang mga biktima nito ay nakadarama ng paglaya sa mga batas ng Maylikha, at nagiging mga batas sa kanilang sarili: ‘Walang tama o mali. Gawin mo ang lahat ng makalamang mga pagnanasa. Gawin mo ang gusto mo. Hindi mo kailangan ang anumang pag-usig ng budhi.’ Pumasok ka sa pagguho ng moral, walang pumipigil at lubus-lubusan. Hiwalay sa kanilang Maylikha at sa tunay na mga mabubuting asal ng Bibliya, sila’y nagdarahop sa espirituwal at nagiging “gaya ng mga hayop na walang bait na ipinanganak upang hulihin at lipulin.”​—2 Pedro 2:12.

[Talababa]

a Tingnan ang Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, kabanata 4, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Kahon sa pahina 9]

“Ang propaganda ay hindi magtatagumpay malibang isaalang-alang ang isang mahalagang simulain taglay ang matalas na pansin: kailangang maikli lamang ito at ulit-ulitin ito nang patuluyan. Dito rin, ang katiyagaan, kung paanong tulad sa maraming iba pang bagay sa mundong ito, ang una at pinakamahalagang kahilingan para sa tagumpay. . . . Ang madla . . . ay aalalahanin lamang ang mga payak na ideyang inulit ng makalibong beses. Hindi dapat ibahin ng isang pagbabago ang nilalaman ng inihaharap ng propaganda, subalit sa wakas gayundin ang sinasabi nito. Kung gayon ang sawikain ay kailangang ipaliwanag sa iba’t ibang anggulo, subalit ang wakas ng bawat kaisipan ay lagi’t laging ang sawikain mismo.”​—Mein Kampf, ni Adolf Hitler.

[Kahon sa pahina 10]

Ang Propaganda ng Dakilang Kasinungalingan

“Kung tungkol sa katotohanan ng ebolusyon mayroon itong pandaigdig na pagsang-ayon.”​—Limitations of Science, 1933.

“Ang ebolusyon bilang isang katotohanan ng kasaysayan ay pinatunayan nang walang alinlangan maaga sa mga huling dekada ng ikalabinsiyam na siglo.”​—The Biological Basis of Human Freedom, 1956.

“Ang ebolusyon ng buhay ay hindi na isang teoriya. Isa itong katotohanan.”​—Julian Huxley, 1959.

“Lahat ng iginagalang na mga biyologo ay sumang-ayon na ang ebolusyon ng buhay sa lupa ay isang tatag na katotohanan.”​—Biology for You, 1963.

“Ang sinumang lantad sa ebidensiyang sumusuporta sa ebolusyon ay dapat na kilalanin ito bilang isang katotohanan sa kasaysayan.”​—Ang Times-Picayune ng New Orleans, 1964.

“Sa ngayon, ang teoriya ng ebolusyon ay isang katotohanang tinatanggap ng lahat maliban sa maliit na grupo ng mga pundamentalista.”​—James D. Watson, 1965.

“Ang ebolusyon ay mayroon na, sa ngayon, ng katayuan ng pagiging isang katotohanan.”​—Science on Trial, 1983.

“Ang atin ngayong taglay ay isang hindi mapabubulaanang katotohanan ng ebolusyon.”​—Ashley Montagu, 1984.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share