Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 9/1 p. 3-5
  • Nililitis ang Ebolusyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nililitis ang Ebolusyon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagkakasalungatang Patotoo
  • Isang Matalinong Pagpili ba ang Ebolusyon?
  • Paniniwala Lamang Iyan
  • Pandaraya sa Siyensiya—Isang Lalong Dakilang Pandaraya
    Gumising!—1990
  • Ebolusyon
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Paglalang o Ebolusyon—Bahagi 2: Bakit Dapat Kuwestiyunin ang Ebolusyon?
    Tanong ng mga Kabataan
  • Magkasuwato ba ang Ebolusyon at ang Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 9/1 p. 3-5

Nililitis ang Ebolusyon

Ang nakatalagang mga ebolusyonista ay humihiyaw ngayon ukol sa puspusang pagsusuring-muli ng mga pinagmulan ng organismo

GUNIGUNIHIN na ikaw ay isang hurado sa paglilitis ng isang kasong kriminal. Ang nasasakdal ay nanunumpa na siya’y walang-sala, at humarap ang mga saksi upang tumestigo sa panig niya. Subalit, samantalang nakikinig sa kanilang patotoo, napapansin mo na sinasalungat ng bawat saksi ang iba pa. Pagkatapos, nang hilingin na bumalik sa hukuman ang mga testigo sa panig ng nasasakdal, nababago ang kanilang salaysay. Bilang isang hurado, pahahalagahan mo ba ang kanilang patotoo? Pawawalang-sala mo ba ang nasasakdal? Malamang na hindi, sapagkat ang anumang di-pagkakasuwato sa pagtatanggol ay nagpapahina sa kredibilidad ng nasasakdal.

Gayundin ang kalagayan kung tungkol sa teoriya ng ebolusyon. Maraming saksi ang humarap upang maglahad ng sari-saring paliwanag tungkol sa pinagmulan ng buhay, anupat ipinagtatanggol ang teoriya ng ebolusyon. Subalit tatanggapin kaya sa hukuman ang kanilang patotoo? Nagkakasundo ba yaong mga nagtataguyod ng teoriyang ito?

Nagkakasalungatang Patotoo

Papaano nagsimula ang buhay? Marahil wala nang iba pang katanungan kaysa rito ang nakapagbunsod ng higit pang haka-haka at nakapagbangon ng higit pang pagtatalo. Gayunpaman, ang kontrobersiya ay hindi lamang basta tungkol sa ebolusyon laban sa paglalang; karamihan ng pagtatalo ay nagaganap sa gitna ng mga ebolusyonista mismo. Totoong bawat detalye ng ebolusyon​—kung papaano ito naganap, saan ito nagsimula, sino o ano ang nagpasimula nito, at kung gaano katagal ang proseso​—ay mainit na pinagtatalunan.

Maraming taon nang inaangkin ng mga ebolusyonista na ang buhay ay nagsimula sa isang mainit na lawa ng organikong “sabaw.” Naniniwala ngayon ang ilan na ang bula sa karagatan ay maaaring pinanggalingan ng buhay. Ang mga geyser sa ilalim ng dagat ay isa pang iminungkahing lugar na pinagmulan ng buhay. Ipinalalagay ng ilan na ang nabubuhay na mga organismo ay nakarating dito sa pamamagitan ng mga bulalakaw na bumagsak sa lupa. O marahil, sabi ng iba, ang mga asteroid ay bumagsak sa lupa at binago ang atmospera, na nagpangyaring magkaroon ng buhay. “Ibagsak mo sa lupa ang isang malaking bakal na asteroid,” ang sabi ng isang mananaliksik, “at tiyak na maraming kawili-wiling bagay na mangyayari.”

Muli ring isinasaalang-alang ang mga kalagayan na pinagmulan ng buhay. “Ang buhay ay hindi lumitaw sa ilalim ng mapayapa, kaayaayang mga kalagayan, gaya ng minsang inakala,” ang mungkahi ng magasing Time, “kundi sa ilalim ng nakasisindak na sangkalangitan ng isang planetang sinalanta ng pagputok ng mga bulkan at pininsala ng mga kometa at mga asteroid.” Sinasabi ngayon ng ilang siyentipiko na upang lumitaw ang buhay sa gayong kaguluhan, ang buong proseso ay maaaring naganap sa isang mas maikling yugto ng panahon kaysa sa dating inaakala.

Iba-iba rin ang pananaw ng mga siyentipiko tungkol sa papel na ginagampanan ng Diyos​—“kung siya’y umiiral nga.” Sinasabi ng ilan na ang buhay ay sumulong nang hindi nakikialam ang isang Maylikha, samantalang ipinahihiwatig naman ng iba na sinimulan ng Diyos ang proseso at hinayaang magpatuloy iyon sa pamamagitan ng ebolusyon.

Pagkatapos magsimula ang buhay, papaano naganap ang ebolusyon? Kahit na tungkol dito, nagkakasalungatan ang mga salaysay. Noong 1958, isang siglo pagkatapos na ilathala ang The Origin of Species, ganito ang sabi ng ebolusyonistang si Sir Julian Huxley: “Ang dakilang tuklas ni Darwin, ang pansansinukob na simulain na matira ang matibay (natural selection), ay matatag at sa wakas pinatunayan bilang ang nag-iisang ahensiya ng pangunahing ebolusyonaryong pagbabago.” Subalit, pagkaraan ng dalawampu’t apat na taon, ganito ang isinulat ng ebolusyonistang si Michael Ruse: “Isang lumalaking bilang ng mga biologo . . . ang nag-aangkin na anumang teoriya sa ebolusyon na salig sa mga simulain ni Darwin​—lalo na ang anumang teoriya na pumapanig sa natural selection bilang ang susi sa ebolusyonaryong pagbabago​—​ay di-kompleto anupat nakaliligaw.”

Gayunpaman, ang magasing Time, samantalang sinasabi na may “maraming matitibay na katotohanan” na sumusuporta sa teoriya ng ebolusyon, ay umaamin na ang ebolusyon ay isang masalimuot na salaysay na may “maraming depekto at sagana sa nagkakasalungatang mga teoriya tungkol sa kung papaano ilalaan ang nawawalang mga piraso.” Sa halip na imungkahing tapos na ang kaso, ang ilang nakatalagang ebolusyonista ay humihiyaw ngayon ukol sa puspusang pagsusuring-muli ng mga pinagmulan ng organismo.

Sa gayon, ang argumento para sa ebolusyon​—lalo na para sa pinagmulan ng buhay ayon sa ebolusyon​—​ay hindi salig sa di-nagbabagong patotoo. Sinabi ng siyentipikong si T. H. Janabi na yaong mga nagtataguyod sa ebolusyon “ay nakabuo at tumalikod sa maraming maling mga teoriya sa nakalipas na mga taon at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin magkasundo ang mga siyentipiko ni sa isa mang teoriya.”

Kapansin-pansin, inasahan ni Charles Darwin ang gayong pagkakasalungatan. Sa pambungad ng The Origin of Species, siya ay sumulat: “Batid ko na walang anumang punto na tinalakay sa tomong ito ang mabibigyang-katuwiran ng mga katibayan, na kadalasan ay tila umaakay sa mga konklusyon na tuwirang salungat sa aking napagpasiyahan.”

Oo, ang gayong nagkakasalungatang mga patotoo ay nagbabangon ng mga tanong tungkol sa kredibilidad ng teoriya ng ebolusyon.

Isang Matalinong Pagpili ba ang Ebolusyon?

Ayon sa aklat na Milestones of History, sa pasimula pa lamang nito ang teoriya ng ebolusyon ay “nakaakit na sa maraming tao dahil ito ay waring mas totoong makasiyensiya kaysa sa teoriya ng pantanging mga paglalang.”

Isa pa, ang dogmatikong mga pangungusap ng ilang ebolusyonista ay maaaring nakababahala. Halimbawa, ipinahayag ng siyentipikong si H. S. Shelton na ang idea ng pantanging paglalang ay “totoong kakatuwa upang masusing pag-isipan.” Ganito naman ang tahasang sinabi ng biologong si Richard Dawkins: “Kung ika’y makatagpo ng isang tao na nagsasabing hindi naniniwala sa ebolusyon, ang taong iyon ay ignorante, estupido o nasisiraan ng bait.” Gayundin naman, ganito ang sabi ni Propesor René Dubos: “Karamihan sa naliwanagang mga tao ay tumatanggap ngayon bilang katotohanan na ang bawat bagay sa sansinukob​—mula sa mga bagay sa sangkalangitan hanggang sa mga tao​—​ay nabuo at patuloy na sumulong sa pamamagitan ng mga proseso ng ebolusyon.”

Buhat sa mga pangungusap na ito waring sinuman na may bahagyang talino ay madaling tatanggap sa ebolusyon. Tutal, ang paggawa niyaon ay nangangahulugan na ang isa ay “naliwanagan” sa halip na “estupido.” Gayunman, may mga lalaki at babaing matataas ang pinag-aralan na hindi nagtataguyod sa teoriya ng ebolusyon. “Nasumpungan ko ang maraming siyentipiko na may sariling pag-aalinlangan,” ang isinulat ni Francis Hitching sa kaniyang aklat na The Neck of the Giraffe, “at may ilan na nagsabi pa nga na ang teoriyang ebolusyon ni Darwin ay napatunayang hindi tunay na siyentipikong teoriya.”

Gayundin ang paniwala ni Chandra Wickramasinghe, isang kinikilalang Britanong siyentipiko. “Walang ebidensiya para sa alinman sa mga pangunahing turo ng ebolusyon ni Darwin,” ang sabi niya. “Isang puwersang panlipunan ang nangibabaw sa daigdig noong 1860, at sa palagay ko ay naging isang malaking kapinsalaan iyon para sa siyensiya buhat noon.”

Sinuri ni T. H. Janabi ang mga paliwanag na iniharap ng mga ebolusyonista. “Nasumpungan kong ang kalagayan ay talagang naiiba kaysa doon sa inakay tayong paniwalaan,” ang sabi niya. “Totoong kakaunti at hiwa-hiwalay ang mga ebidensiya upang suportahan ang gayong kasalimuot na teoriya gaya ng pinagmulan ng buhay.”

Kaya naman, yaong mga di-sumasang-ayon sa teoriya ng ebolusyon ay hindi dapat na basta na lamang ituring na “ignorante, estupido o nasisiraan ng bait.” Hinggil sa mga opinyon na humahamon sa ebolusyon, kahit ang taimtim na ebolusyonistang si George Gaylord Simpson ay umamin: “Tunay ngang isang pagkakamali na basta na lamang ipagwalang-bahala ang mga pananaw na ito o pagtawanan na lamang ang mga ito. Yaong mga nagtataguyod ng mga ito ay naging (at hanggang ngayon) mga palaisip at matatalinong estudyante.”

Paniniwala Lamang Iyan

Iniisip ng ilan na ang paniniwala sa ebolusyon ay salig sa tunay na pangyayari, samantalang ang paniniwala sa paglalang ay salig sa pananampalataya. Totoo na walang sinumang tao na nakakita sa Diyos. (Juan 1:18; ihambing ang 2 Corinto 5:7.) Gayunman, ang teoriya ng ebolusyon ay hindi isang bentaha kung tungkol sa bagay na ito, yamang iyon ay salig sa mga pangyayari na hindi kailanman nasaksihan o naulit man ng mga tao.

Halimbawa, ang mga siyentipiko ay hindi pa nakakita kailanman ng mutations (pagbabago)​—kahit yaong mga kapaki-pakinabang​—​na nagbubunga ng bagong mga anyo ng buhay; subalit sila ay nakatitiyak na ito ang eksaktong paraan ng paglitaw ng bagong mga uri. Hindi nila nasaksihan ang kusang paglitaw ng buhay; gayunma’y iginigiit nila na ganito ang pinagmulan ng buhay.

Ang gayong kawalan ng ebidensiya ay nag-udyok kay T. H. Janabi na tawagin ang teoriya ng ebolusyon bilang “isa lamang ‘paniniwala.’” Tinawag ito ng pisiko na si Fred Hoyle bilang “ang Ebanghelyo ayon kay Darwin.” Mas matindi ang sinabi ni Dr. Evan Shute tungkol dito. “Inaakala ko na mas kakaunti ang misteryong ipaliliwanag ng mga naniniwala sa literal na paglalang kaysa sa buong-pusong ebolusyonista,” ang sabi niya.

Sumasang-ayon ang ibang eksperto. “Kapag pinag-iisipan ko ang kalikasan ng tao,” ang pag-amin ng astronomong si Robert Jastrow, “ang paglitaw ng pambihirang kinapal na ito buhat sa mga kemikal na nalusaw sa isang lawa ng mainit na tubig ay waring isang himala na gaya ng salaysay ng Bibliya tungkol sa kaniyang pinagmulan.”

Kung gayon, bakit marami pa rin ang tumatanggi sa idea na ang buhay ay nilalang?

[Larawan sa pahina 3]

Ang dogmatikong mga pangungusap ng ilan ay maaaring nakababahala

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share