Pandaraya sa Siyensiya—Ang Pinakamalaking Pandaraya sa Lahat
Sabi ng mga ebolusyonista: ‘Ang ebolusyon ay isang katotohanan; ang Diyos ay kathá-kathâ lamang.’ Wala silang pruweba sa alinman, subalit ang di-matuwid na opinyon ay hindi nangangailangan ng anupamang pruweba.
PRIBADONG PAG-AARI. Huwag Pumasok. Ibig Sabihin Nito Ikaw, Diyos! Ipinapaskil ng mga ebolusyonista ang paksa ng biyolohiya at sinasabihan ang Diyos na huwag pumasok dito. ‘Lahat ng mahuhusay na mga siyentipiko ay naniniwala sa ebolusyon,’ sabi nila. Na ibig ding sabihin, sa katunayan: ‘Ang mga siyentipikong hindi naniniwala rito ay walang kakayahán; wala sila ng aming kahusayan.’ Tungkol sa Diyos, sinasabi nilang wala siyang dako sa siyentipikong kaisipan. Higit pa, maging ang kaniyang pag-iral ay hindi maaaring patunayan.
Ang magaling na pangungusap na ito na nag-aalis sa Diyos ang pinakamalaking pandaraya sa lahat.
Itinatampok sa pahina 188 ng The New Biology, nina Robert Augros at George Stanciu, ang ilan sa pahayag ng mga prominenteng siyentipikong winawalang-halaga ang Diyos: “Ang pangkaraniwang saloobin ay nagsasabing inalis ni Darwin sa biolohiya minsan at magpakailanman ang pangangailangan para sa Diyos. Sabi ni Eldredge, ‘itinuro [ni Darwin] sa atin na maaari nating maunawaan ang kasaysayan ng buhay sa purong mga terminong naturalistiko, na hindi dumudulog sa sobrenatural o sa Diyos.’ Sinabi ni Julian Huxley: ‘Inalis ng Darwinismo ang buong ideya ng Diyos bilang isang maylikha ng mga organismo mula sa kalagayan ng makabuluhang pag-uusap.’ Sulat ni Jacob: ‘Ang ideya na ang bawat uri ay bukod na dinisenyo ng isang Maylikha, ay winasak ni Darwin.’ At sumusulat si Simpson tungkol sa pasimula ng unang organismo: ‘Sa anumang kalagayan, walang dahilan upang ipagpalagay na nagkaroon ng isang himala. Hindi rin kailangang ipalagay na ang pasimula ng mga bagong pamamaraan sa pagpaparami at pagbabago ay wala kundi materyalistikong kaisipan.’ ”
‘Subalit hindi ba’t pinalalabas nito na walang Manlilikha-Disenyador ang buhay sa lupa?’ tanong mo. ‘Hindi na kailangan,’ tugon ng mga ebolusyonista. ‘Nasa pangangasiwa na iyon ng pagkakataon. Ang di-sinasadyang pagkakataon ang disenyador. Tinatawag namin itong Natural Selection.’
Subalit habang higit ang ating natututuhan, higit na disenyo ang ating nakikita. Ang maipapasok na katalinuhan at karunungan ay nakalilito. Hindi kaya labis-labis ito para pangasiwaan lamang ng bulag, di-nakapag-iisip, walang-utak na di-sinasadyang pagkakataon? Isaalang-alang lamang ang ilan sa daan-daang mga kagamitan sa kalikasan na nagpapaaninaw ng mapanlikhang karunungan—na napakadalas nang ginaya ng mga taong imbentor.
Nauna ng mga milenyo ang aerodynamics ng mga pakpak ng mga ibon sa mahinang-klaseng disenyong matatagpuan sa mga pakpak ng eruplano. Ang chambered nautilus at ang cuttlefish ay gumagamit ng mga flotation tank upang mapanatili ang buoyancy gaanuman kalalim ang kanilang nilalangoy, higit na mahusay sa nagagawa ng makabagong mga submarino. Mga dalubhasa sa jet propulsion ang oktopus at pusít. Ang mga paniki at mga dolphin ay mga eksperto sa sonar. Maraming reptilya at mga ibong-dagat ang may kani-kaniyang sangkap na ‘mga plantang nag-aalis ng asin’ upang sila’y makainom ng tubig-alat. Ang ilang mikroskopikong baktirya ay may umiikot na mga motor na maaari nilang patakbuhin nang pasulong at paurong.
Sa pamamagitan ng mahusay na disenyo ng mga pugad at ng kanilang paggamit ng tubig, ini-air-condition ng anay ang kanilang mga bahay. Ang mga kulisap, mga halamang mikroskopiko, isda, at mga punungkahoy ay gumagamit ng kanilang sariling anyo ng panlaban sa lamig. Ang bahagyang pagbabago sa temperatura ay nararamdaman ng mga sangkap na termometro ng ilang ahas, lamok, ibong mallee, at mga pabong brush. Gumagawa ng papel ang mga hornets, wasps, at yellow jackets. Ang mga sponges, fungi, baktirya, glowworms, mga kulisap, isda—lahat ay gumagawa ng malamig na liwanag, kadalasa’y may kulay. Maliwanag na taglay ng maraming ibong nandarayuhan ang mga kompas, mapa, at mga relong biyolohiko sa kanilang mga ulo. Gumagamit ng kagamitang pang-scuba at mga kampanang pang-dive ang mga water beetles at mga gagamba.a—Tingnan ang mga ilustrasyon sa pahina 15.
Upang magawa ang lahat ng ganitong disenyo at katutubong karunungan kinakailangan ang isang katalinuhang lubhang nakahihigit sa tao. (Kawikaan 30:24) Subalit ang ilan sa pinakakahanga-hangang halimbawa ay matatagpuan sa daigdig ng pagkaliit-liit na mga bagay—kung saan umasa ang mga ebolusyonista na makita ang payak na pasimula ng buhay upang simulan ang pagsulong ng ebolusyon tungo sa maliwanag na mas masalimuot na mga disenyo saanman—kasama na tayo. Payak na pasimula? Walang ganiyan! Isaalang-alang ang mga kasalimuotan na nagbabadya ng matalinong disenyo sa ubod ng liit na mga selula.
Sinasabi ng The New Biology sa pahina 30: “Ang katamtamang selula ay nagsasagawa ng daan-daang reaksiyong kemikal bawat segundo at maaaring paramihin ang sarili nito tuwing dalawampung minuto o higit pa. Subalit lahat ng ito’y nagaganap sa isang maliit na antas: mahigit na 500 baktirya ang maaaring magkasiya sa lugar na kinalalagyan ng tuldok sa dulo ng pangungusap na ito. [Ang biyologong si François] Jacob ay namamangha sa maliit na laboratoryo ng selula ng baktirya, na ‘nagsasagawa ng halos dalawang libong iba’t ibang reaksiyon taglay ang di-matutularang kahusayan, sa pinakamaliit na lugar na maaaring gunigunihin. Ang dalawang libong reaksiyong ito ay naghihiwalay at nagtatagpo na napakabilis, na hindi man lamang nagkakabuhul-buhol.’ ”
Ang The Center of Life—A Natural History of the Cell, ni L. L. Larison Cudmore, ay nagsasabi sa mga pahina 13, 14: “Ang isa lamang selula ay maaaring gumawa ng mga armas, manguha ng pagkain, tunawin ito, ilabas ang kaniyang mga dumi, maglibot, magtayo ng mga bahay, makibahagi sa tuwiran o pambihirang seksuwal na gawain. Ang mga nilikhang ito ay narito pa rin. Ang protists—mga organismong kompleto at buo, ngunit binubuo lamang ng iisang selula na taglay ang maraming talento, subalit walang mga himaymay, walang mga sangkap, walang mga puso at walang mga isip—tunay na taglay nila lahat ng mayroon tayo.”
Ang The Blind Watchmaker, ni Richard Dawkins, sa pahina 116 ay nagkokomento ng tungkol sa dami ng impormasyong nakaimbak sa isang selula: “Ang DNA ng isang buto ng lily o isang semilya ng salamander ay mayroong sapat na kakayahang iimbak ang Encyclopœdia Britannica ng mahigit sa 60 ulit. Ang ilang uri ng di-makatuwirang tinatawag na mga ‘primitive’ amoebas ay may taglay na impormasyon sa kanilang DNA na sindami niyaong nasa 1,000 Encyclopœdia Britannica.”
Ganito ang isinulat ng molecular biologist na si Michael Denton sa Evolution: A Theory in Crisis, pahina 250: “Ipinakita ng molecular biology na maging ang pinakasimple sa lahat ng mga nabubuhay na sistema sa lupa ngayon, mga selula ng baktirya, ay mga bagay na labis na masalimuot. Bagama’t ang pinakamaliit na selula ng baktirya ay lubhang napakaliit, tumitimbang nang kulang sa [isang ikatrilyong bahagi ng isang gramo], ang bawat isa sa katunayan ay isang aktuwal na micro-miniaturized na pabrikang naglalaman ng libu-libong piraso ng masalimuot na makinaryang molekular na napakaganda ang pagkadisenyo, binubuo ng isang daang libong milyong mga atomo, higit na masalimuot kaysa anumang makinang ginawa ng tao at tiyak na walang kapantay sa daigdig ng walang-buhay.
“Ipinakita rin ng molecular biology na ang pangunahing disenyo ng sistema ng selula ay pangunahin nang pare-pareho sa lahat ng nabubuhay na sistema sa lupa mula sa baktirya hanggang sa mga mammals. Sa lahat ng mga organismo ang mga papel ng DNA, mRNA at protina ay magkakatulad. Ang kahulugan ng genetic code ay katulad rin niyaong sa lahat ng selula. Ang laki, yari at component design ng sintetikong makinarya ng protina ay halos magkakatulad sa lahat ng selula. Kung tungkol sa kanilang pangunahing disenyong biyokimiko, kung gayon walang nabubuhay na sistema ang maaaring isipin na sinauna o matanda kung ikukumpara sa alinmang iba pang sistema, ni mayroon kayang bahagyang pahiwatig ng ebolusyonaryong pagkakasunud-sunod sa gitna ng lahat ng di-mapaniwalaang pagkasarisaring mga selula sa lupa.”
Kinikilala ni George Greenstein ang lahat ng katalinuhang ito na nakapaloob sa kayarian ng lupa. Sa kaniyang aklat na The Symbiotic Universe, kaniyang binabanggit ang mahiwaga at di-kapani-paniwalang serye ng mga pagkakataon na hindi kayang ipaliwanag, mga pagkakataon na kung wala ito ay magiging imposible ang buhay sa lupa. Ang mga sumusunod na mga pahayag, na lumalabas sa mga pahina 21-8, ay nagpapaaninaw ng kaniyang mga paghihirap ng loob sa mga kalagayang nagpapahiwatig ng pangangailangan para sa isang Diyos na matalino at may-layunin:
“Naniniwala akong napapaharap tayo sa isang hiwaga—isang dakila at malalim na hiwaga, at isa na pagkahala-halaga: ang hiwaga ng pagiging-natitirahan ng cosmos, ng kaangkupan ng kapaligiran.” Siya’y humahayo “upang bigyan ng detalye ang marahil ay kataka-takang pagkakasunod-sunod ng kahanga-hanga at hindi kapani-paniwalang mga aksidente na siyang nagbukas ng daan sa paglitaw ng buhay.b May talaan ng di-inaasahang mga pagkakataon, lahat ng ito ay mahalaga sa ating pag-iral.” Subalit “ang talaan ay patuloy na humahaba . . . Napakaraming mga di-inaasahang pangyayari! Mientras marami akong nababasa, lalo akong nakukumbinsi na ang gayong ‘di-inaasahang mga pangyayari’ ay malabong nagkataon lamang.” Isang nakayayanig na katotohanang kailangang harapin ng isang ebolusyonista, gaya ng kinikilala niya pagkatapos:
“Subalit habang sumisidhi ang paniniwalang ito, may iba pang bagay na tumindi rin. Maging sa ngayon mahirap ipahayag ang ‘bagay’ na ito sa mga salita. Iyo’y isang matinding biglaang pagbabago, at kung minsan halos pisikal ang katangian nito. Tiyak na ako’y mamimilipit sa hirap. Isipin lamang na ang pagiging-angkop ng cosmos para sa buhay ay maaaring maging isang hiwagang nangangailangan ng solusyon ay katawa-tawa, kakatwa sa akin. Nasumpungan kong mahirap isipin ang palagay na ito nang hindi nasusuya . . . Ni kumupas kaya ang reaksiyong ito sa paglipas ng mga taon: Kinailangan kong makipagpunyaging walang-patid laban dito nang isinusulat ko ang aklat na ito. Natitiyak kong ang ganitong reaksiyon ay nadarama rin ng lahat ng iba pang mga siyentipiko, at na ito ang may pananagutan sa malaganap na kawalan-ng-interes sa ideyang ito sa kasalukuyan. At higit pa riyan: Naniniwala na ako ngayon na ang lumilitaw bilang kawalan-ng-interes sa katunayan ay nagtatakip sa isang matinding pagkakasalungatan.”
Anong pagkakasalungatan? Pagkakasalungatan sa diwa na ang paliwanag ay maaaring nakasalalay sa isang Maylikha na may layunin. Gaya ng pagkakasabi rito ni Greenstein: “Habang sinusuri natin ang mga katibayan, ang kaisipan ay patuloy na lumilitaw na isang sobrenatural na ahensiya—o, bagkus, Ahensiya—ang maaaring kasangkot. Maaari kaya na walang anu-ano, nang hindi sinasadya, nasumpungan natin ang siyentipikong patotoo sa pag-iral ng isang Kataastaasang Persona? Ang Diyos kaya ang namagitan at niloob na ilaan ang cosmos para sa ating pakinabang?” Subalit binabawi ni Greenstein ang gayong maka-ereheng kaisipan at muling iginigiit ang kaniyang pagtanggap sa ebolusyonaryong relihiyon, sinasambit ang isa sa kanilang tulad-kredong doktrina: “Hindi isang paliwanag ang Diyos.”
Sa kaniyang aklat na The Intelligent Universe, ang astrophysicist na si Fred Hoyle, sa pahina 9, ay nagsalita tungkol sa mga yaong, gaya ni Greenstein, natatakot sa pagpasok ng Diyos sa larawan: “Ang mga siyentipikong orthodoxo ay mas nababahala sa paghadlang sa pagbabalik sa mga kalabisang relihiyoso ng nakaraan kaysa sa pagtingin sa hinaharap sa katotohanan [at ang pagkabahalang ito] ay nangibabaw sa kaisipang siyentipiko sa buong nakalipas na siglo.”
Saka niya tinalakay sa aklat ang mismong mahiwagang mga katangian ito na gumugulo kay Greenstein. “Ang gayong mga katangian,” sabi niya, “ay tila humahabi sa likas na daigdig gaya ng isang sinulid ng maliligayang aksidente. Subalit napakarami sa ganitong kakaibang mga pangyayari na nagkataon lamang at mahalaga sa buhay na tila nangangailangan ng ilang paliwanag na mananagot sa mga ito.” Kapuwa sina Hoyle at Greenstein ay nagsasabi na hindi kayang ipaliwanag ng pagkakataon ang marami sa “mga pangyayaring nagkataon lamang” na ito. Pagkatapos sabi ni Hoyle na upang panagutan ang mga ito, ‘ang pasimula ng sansinukob ay nangangailangan ng isang katalinuhan,’ isang ‘nakatataas na katalinuhan,’ ‘isang katalinuhan na nauna sa atin at na umakay sa isang sinadyang gawa ng paglalang ng mga balangkas na angkop para sa buhay.’
Hindi ibig sabihin nito na naniniwala na si Hoyle sa Diyos ng Bibliya, kundi kaniyang nauunawaan na sa likod ng sansinukob at ng lupa at ng buhay na naririto, tiyak na mayroong isang kamangha-manghang sobrenatural na katalinuhan. Bagaman kaniyang sinasabi na ang “‘Diyos’ ay isang salitang ipinagbabawal sa siyensiya,” ipinahihintulot niya na ating “bigyang-kahulugan ang isang katalinuhang nakahihigit sa atin bilang isang bathala.” Siya’y nagbabaka-sakali na “sa pamamagitan ng pre-programmed na kalagayan ng ating mga isip,” maaaring may “isang kaugnay na kawing ng katalinuhan, na umaabot pababa . . . tungo sa mga tao sa Lupa.”
“Napakaraming mga palatandaan,” aniya, “na maaaring ganito nga. Ang kabalisahan sa bawat isa sa atin ay isa sa gayong hudyat. Para bang mayroon tayong likas na pagkaunawa na mayroong tayong mahalagang bagay na kailangang isagawa. Ang kabalisahan ay dumarating sapagkat hindi pa natin natutuklasan kung ano talaga ang kalikasan.” Sa iba pang dako kaniyang sinasabi: “Lumilitaw na ang tao lamang ang may relihiyosong simbuyo . . . Kung aalisin ang magagarang palamuting tradisyonal na nakapalibot sa relihiyon, hindi ba’t ang katumbas nito ay isang tagubilin sa loob natin na kung ipahahayag nang payak ay maaaring kababasahan na gaya ng sumusunod: Ikaw ay mula sa isang bagay ‘doon sa itaas’ sa kalangitan. Hanapin mo iyon, at masusumpungan mo ang higit kaysa iyong inaasahan.”
Ang tao ay nag-aapuhap. Hindi niya nababatid na ang kaniyang inaapuhap ay ang katotohanan ng Bibliya na tayo’y nilikha sa larawan at wangis ng Diyos, nangangahulugan na tayo ay may sukat ng mga katangian ng Diyos gaya ng karunungan, pag-ibig, kapangyarihan, katarungan, layunin, at iba pang mga katangian na siyang dahilan ng napakalaking agwat sa pagitan ng mga tao at mga hayop. Ang ating mga isip ay patiunang iprinograma para sa gayong banal na mga katangian at para sa tunay na pagsamba sa Diyos. Malibang ang maraming mga katangiang ito ay nasa tamang pagkakatimbang-timbang at gagawa tayo ng isang kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin at ng kaniyang tunay na pagsamba, ang kabalisahan ay mananatili. Kapag nasapatan ang mga espirituwal na pangangailangang nilikha sa atin, ang kabalisahan ay hahalinhan ng “kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng mga pag-iisip.”—Filipos 4:7; Genesis 1:26-28.
Ipinapayo ng Gawa 17:27, 28 ang ganitong pag-aapuhap, yaon nga’y, “upang hanapin nila ang Diyos, baka sa kanilang pag-aapuhap ay tunay ngang matagpuan siya, bagaman, ang totoo, siya’y hindi malayo sa bawat isa sa atin. Sapagkat sa kaniya tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral.” Sa pamamagitan niya, ang Maylika ng sansinukob, lakip ang lupa at tayo na naririto, tayo’y nabubuhay at kumikilos at umiiral. Ang pag-aalis sa mga palamuti at mga maling doktrina ng mga relihiyong orthodoxo—mga relihiyong nagpatalikod sa milyun-milyon mula sa Diyos, lakip ang maraming mga siyentipiko—at ang pagsunod sa tunay na pagsamba sa Diyos na Jehova, tayo’y magkakamit ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa, na siyang layunin ni Jehova nang lalangin niya ang lupa noong una pa man.—Genesis 2:15; Isaias 45:18; Lucas 23:43; Juan 17:3.
Masyadong mapaniwalain ang isa na mag-iisip na ang katalinuhang ganito kalawak ay mula sa isang bulag, walang-utak na pagkakataon. Ito’y isang pananampalatayang maihahambing sa taglay ng mga paganong relihiyonista noong panahon ni propeta Isaias: “Ngunit kayong mga lumisan kay Jehova, na mga lumimot sa aking banal na bundok, na mga nangaghahanda ng dulang para sa diyos ng Suwerte at pinupuno ang saro ng alak na haluan para sa Kapalaran.” (Isaias 65:11) Ang mga ebolusyonista ay tumatanaw sa milyun-milyong “masuwerteng” mga pagkakataon upang makagawa ng tao mula sa bato, subalit hindi pa sila nakaaangat sa lupa upang maabot ang unang hakbang sa kanilang hagdan ng ebolusyon. Ang kanilang “diyos ng Suwerte” ay isang sugatang tungkod.
Nadarama ni Fred Hoyle ang isang masamang banta sa lahat ng ito: “Isang puntong bumabagabag sa akin ay ang paniniwala na ang bintana ng pagkakataon para sa tao ay maaaring napakakitid sa madaling panahon. Kailangan ang maunlad na teknolohiya upang buksan ang bintanang iyon, subalit ang maunlad na teknolohiya sa ganang sarili, kung hindi maitatag ang isang ugnayan sa pagitan natin at ng daigdig sa labas ng Lupa, maaari itong maging isang landasin tungo sa pagkalipol-sa-sarili. Kung sa ilang pagkakataon sa aklat na ito naging marahas ang aking pagsalungat sa teoriya ni Darwin, ito ay dahilan sa nadarama ko na ang isang lipunang tinuruan ng gayong teoriya ay malamang na patungo sa isang landasin ng paglipol-sa-sarili.”
Si Alice, sa kuwento ng Through the Looking-Glass, na hindi naniniwala sa kakaibang pangangatuwiran ng Puting Reyna, ay tumawa na lamang. “Walang saysay ang magsumikap,” sabi niya. “Hindi maaaring paniwalaan ng isa ang mga bagay na imposible.” Ang reyna ay tumugon: “Sa palagay ko’y kulang ka sa pagsasanay. Nang ako’y kasing-edad mo ginawa ko iyon ng kalahating oras sa isang araw. Aba kung minsan naniwala ako sa sindami ng anim na mga imposibleng bagay bago mag-almusal.”
Ang mga ebolusyonista ang mga Puting Reyna sa ngayon. Sila’y may ugaling maniwalang walang-takda sa mga imposibleng bagay.
[Mga talababa]
a Tingnan ang kabanata 12 ng Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Ang mga distansiya sa pagitan ng mga bituin; ang taginting ng mga butil na subatomiko at mga atomo upang bumuo ng carbon; equal at opposite charges ng electron at proton; pambihira at tiwaling mga katangian ng tubig; frequencies ng liwanag ng araw at absorption frequencies na kailangan sa photosynthesis; ang pagiging-hiwalay ng araw at ng lupa; ang tatlong dimensiyon ng kalawakan, walang labis, walang kulang; at iba pa.
[Blurb sa pahina 12]
Lahat ng disenyong ito at katutubong karunungan ay nangangailangan ng katalinuhan
[Blurb sa pahina 13]
Ang isang selula ng baktirya ay may isang daang libong milyong mga atomo
[Blurb sa pahina 14]
‘Ang pasimula ng sansinukob ay nangangailangan ng katalinuhan’
[Mga larawan sa pahina 15]
Jet propulsion
Pag-aalis ng asin
Paggawa ng papel
Sonar