Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 5/8 p. 5-12
  • Wala Bang Pundasyon ang Ebolusyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Wala Bang Pundasyon ang Ebolusyon?
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Mababagong Kasalimuutan​—Balakid ng Ebolusyon?
  • Ang Hindi Mababagong Kasalimuutan ng Pamumuo ng Dugo
  • “Isang Nakatatakot at Ganap na Katahimikan”
  • Ang mga Problema Tungkol sa Pasimula ng Buhay
  • Bakit Naniniwala ang Karamihan?
  • Dalawang Mahahalagang Tanong
    Gumising!—2015
  • Paano Nagsimula ang Buhay?
    Iba Pang Paksa
  • Panayam sa Isang Biyokimiko
    Gumising!—2006
  • Nililitis ang Ebolusyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 5/8 p. 5-12

Wala Bang Pundasyon ang Ebolusyon?

ANO ba ang diwa ng teoriya ng ebolusyon ni Darwin? “Taglay ang lahat ng katangian nito, sa biyolohikal na diwa, . . . ang ebolusyon ay nangangahulugan ng isang proseso na doon ang buhay ay lumitaw mula sa hindi nabubuhay na bagay at pagkaraan ay ganap na sumulong sa pamamagitan ng likas na pamamaraan.” Ipinalalagay ng ebolusyon ni Darwin na “halos lahat ng buhay, o sa paano man ang lahat ng lubhang kawili-wiling mga katangian nito, ay mula sa natural selection na kumikilos sa tinatawag na random variation.”​—Darwin’s Black Box​—The Biochemical Challenge to Evolution,a ni Michael Behe, kasamang propesor ng biyokemiko sa Lehigh University, Pennsylvania, E.U.A.

Hindi Mababagong Kasalimuutan​—Balakid ng Ebolusyon?

Nang gawin ni Darwin ang kaniyang teoriya, kaunti o walang kaalaman ang mga siyentipiko tungkol sa kagila-gilalas na kasalimuutan ng nabubuhay na selula. Isiniwalat ng makabagong biyokemiko, ang pag-aaral tungkol sa buhay sa molekular na antas, ang ilan sa mga kasalimuutang iyan. Ibinangon din nito ang matinding mga pagtutol at pag-aalinlangan tungkol sa teoriya ni Darwin.

Ang mga bahagi ng selula ay binubuo ng mga molekula. Lahat ng nabubuhay na mga kinapal ay binubuo ng mga selula. Si Propesor Behe ay Romano Katoliko at naniniwala sa ebolusyon upang ipaliwanag ang paglitaw ng mga hayop nang dakong huli. Gayunman, siya’y nagbabangon ng matinding pag-aalinlangan tungkol sa kung maipaliliwanag ba ng ebolusyon ang pag-iral ng selula. Binabanggit niya ang tungkol sa mga molekular na makina na “humihila ng karga mula sa iba’t ibang dako sa selula sa kahabaan ng ‘mga haywey’ na yari sa ibang molekula . . . Ang mga selula ay lumalangoy na gumagamit ng mga makina, kinokopya ang sarili sa tulong ng makina, tinutunaw ang pagkain sa pamamagitan ng makina. Sa maikli, kontrolado ng lubhang masalimuot na mga molekular na makina ang lahat ng proseso sa selula. Sa gayon ang mga detalye ng buhay ay ayos na ayos, at ang makinarya ng buhay ay lubhang masalimuot.”

Ngayon, sa anong sukat nangyayari ang lahat ng gawaing ito? Ang karaniwang selula ay 0.03 milimetro lamang ang lapad! Sa ganiyang napakaliit na espasyo, nangyayari ang masalimuot na mga gawain na mahalaga sa buhay. (Tingnan ang larawan sa pahina 8-9.) Hindi kataka-taka na sinasabing: “Ang mahalagang punto ay na ang selula​—ang pinakasaligan ng buhay​—ay lubhang masalimuot.”

Nangatuwiran si Behe na ang selula ay makakakilos lamang bilang isang kumpletong bagay. Kaya nga, hindi ito maaaring kumilos samantalang ito’y binubuo sa pamamagitan ng mabagal, bai-baitang na pagbabago na udyok ng ebolusyon. Ginamit niya ang halimbawa ng isang panghuli ng daga. Ang simpleng aparatong ito ay makakakilos lamang kapag ang lahat ng bahagi nito ay napagkabit-kabit. Ang bawat bahagi sa ganang sarili nito​—ang kahoy, paigkas, holding bar, trap hammer, kawit​—ay hindi isang panghuli ng daga at hindi makakakilos na gayon. Lahat ng bahagi ay sabay-sabay na kailangan at dapat na mapagkabit-kabit upang magkaroon ng gumaganang panghuli. Sa katulad na paraan, ang isang selula ay makakakilos lamang bilang gayon kung lahat ng mga bahagi nito ay napagkabit-kabit. Ginamit niya ang halimbawang ito upang ipaliwanag ang sinasabi niyang “hindi mababagong kasalimuutan.”b

Naghaharap ito ng malaking problema sa sinasabing proseso ng ebolusyon, na nagsasangkot sa paglitaw ng bai-baitang na namamana at kapaki-pakinabang na mga katangian. Batid ni Darwin na nakakaharap ng kaniyang teoriya ng bai-baitang na ebolusyon sa pamamagitan ng natural selection ang malaking hamon nang sabihin niya: “Kung mapatutunayan na ang anumang masalimuot na sangkap ay umiral, na hindi maaaring nabuo sa pamamagitan ng marami, sunud-sunod, bahagyang mga pagbabago, tiyak na babagsak ang teoriya ko.”​—Origin of Species.

Ang hindi mababagong kasalimuutan ng selula ay isang malaking balakid upang maniwala sa teoriya ni Darwin. Una muna, hindi maipaliwanag ng ebolusyon ang biglang pagbabagong-kalagayan mula sa walang buhay na bagay tungo sa nabubuhay na bagay. Pagkatapos ay sumunod naman ang problema tungkol sa unang masalimuot na selula, na bigla na lamang lumitaw bilang isang nagkakaisang yunit. Sa ibang pananalita, ang selula (o, ang panghuli ng daga) ay biglang lumitaw, nagkabit-kabit at kumilos!

Ang Hindi Mababagong Kasalimuutan ng Pamumuo ng Dugo

Ang isa pang halimbawa ng hindi mababagong kasalimuutan ay ang proseso na ipinagwawalang-bahala ng marami sa atin kapag tayo’y nahiwa​—ang pamumuo ng dugo. Karaniwan na, ang anumang likido ay agad na tatagas sa isang butas na sisidlan at magpapatuloy hanggang sa maubos ang laman ng sisidlan. Subalit, kapag nabutas o nahiwa ang ating balat, ang butas ay agad na natatakpan sa pamamagitan ng pamumuo ng dugo. Gayunman, gaya ng nalalaman ng mga doktor, “ang pamumuo ng dugo ay isang napakasalimuot, magkakaugnay na sistema na binubuo ng maraming nagtutulungang mga bahagi ng protina.” Pinakikilos ng mga ito ang proseso ng pamumuo ng dugo. Ang maselang prosesong ito ng paggaling ay “lubhang depende sa pagsasaoras at bilis ng iba’t ibang reaksiyon.” Kung hindi gayon, maaaring mamuo at tumigas ang lahat ng dugo ng isang tao, o sa kabilang dako naman, maaari siyang mamatay sa pagdurugo. Ang pagsasaoras at bilis ang mahalagang mga salik.

Ipinakikita ng pagsisiyasat sa biyokemiko na ang pamumuo ng dugo ay nagsasangkot ng maraming salik, na hindi maaaring wala ang isa upang magtagumpay ang proseso. Ganito ang tanong ni Behe: “Minsang mamuo ang dugo, ano ang nagpapahinto rito na magpatuloy hanggang sa ang lahat ng dugo . . . ay mamuo?” Ipinaliliwanag niya na “ang pagbuo, limitasyon, pagpapalakas, at pag-aalis ng pamumuo ng dugo” ay bumubuo ng isang nagkakaisang biyolohikal na sistema. Kung hindi kikilos ang anumang bahagi, kung gayo’y hindi kikilos ang sistema.

Si Russell Doolittle, ebolusyonista at propesor ng biyokemiko sa University of California, ay nagtatanong: “Paano lumitaw ang masalimuot at totoong timbang na prosesong ito? . . . Ang kabalintunaan ay, kung ang bawat protina ay umaasa sa kilos ng ibang bahagi, paano nagkaroon ng gayong sistema? Anong pakinabang mayroon ang anumang bahagi ng sistema kung wala ang lahat ng bagay?” Ginagamit ang mga pangangatuwiran sa ebolusyon, sinisikap na ipaliwanag ni Doolittle ang pinagmulan ng proseso. Subalit, binabanggit ni Propesor Behe na “kakailanganin ang pagkarami-raming suwerte upang makuha ang tamang mga piraso ng gene sa tamang mga lugar.” Ipinakikita niya na ikinukubli ng paliwanag at simpleng pananalita ni Doolittle ang maraming problema.

Sa gayon, ang isa sa malaking pagtutol sa teoriya ng ebolusyon ay ang di-malutas na hadlang ng hindi mababagong kasalimuutan. Ganito ang sabi ni Behe: “Idiniriin ko na ang natural selection, ang instrumento ng ebolusyon ni Darwin, ay gumagana lamang kung mayroong pipiliin​—isang bagay na kapaki-pakinabang ngayon na, hindi sa hinaharap.”

“Isang Nakatatakot at Ganap na Katahimikan”

Sinasabi ni Propesor Behe na pinag-aralan ng ilang siyentipiko ang “mga sistema sa matematika para sa ebolusyon o ang bagong mga pamamaraan sa matematika para sa paghahambing at pagpapakahulugan ng sequence data.” Gayunman, siya’y naghinuha: “Ipinalalagay ng matematika na ang aktuwal na ebolusyon ay isang prosesong bai-baitang at ala-suwerte; hindi (at hindi maaari) nitong patunayan ito.” (Amin ang huling pariralang nakaitaliko.) Bago nito ay sinabi niya: “Kung sasaliksikin mo ang siyentipikong literatura tungkol sa ebolusyon, at kung itutuon mo ang iyong pananaliksik sa tanong na kung paano nagkaroon ng mga molekular na makina​—ang saligan ng buhay​—masusumpungan mo ang isang nakatatakot at ganap na katahimikan. Napatigil ng kasalimuutan ng pundasyon ng buhay ang pagsisikap ng siyensiya na ipaliwanag ito; ang mga molekular na makina ay nagbangon pa ng di-malulusutang hadlang upang matanggap ng lahat ang teoriya ni Darwin.”

Ito’y nagbabangon ng sunud-sunod na mga tanong para isaalang-alang ng may prinsipyong mga siyentipiko. “Paano nagkaroon ng sentro ng reaksiyon ang potosintesis? Paano nagsimula ang kaayusan sa paghahatid sa loob ng molekula? Paano nagsimula ang cholesterol biosynthesis? Paano nasangkot ang retinal sa paningin? Paano nagkaroon ng mga phosphoprotein signaling pathway?”c Sabi pa ni Behe: “Ang mismong bagay na wala sa mga problemang ito ang pinagtuunan ng pansin, ni nalutas man, ay isang matinding pahiwatig na ang Darwinismo ay isang mahinang balangkas para maunawaan ang pinagmulan ng masalimuot na biyokemikong mga sistema.”

Kung hindi maipaliwanag ng teoriya ni Darwin ang masalimuot na molekular na pundasyon ng mga selula, paano nga ito maaaring maging kasiya-siyang paliwanag para sa pag-iral ng milyun-milyong uri ng buhay-halaman at buhay-hayop na nakatira sa lupang ito? Sa paano man, hindi nga makagawa ng bagong mga uri ng pamilya ang ebolusyon sa pamamagitan ng pagdurugtong ng mga puwang mula sa isang pamilya tungo sa isa pa.​—Genesis 1:11, 21, 24.

Ang mga Problema Tungkol sa Pasimula ng Buhay

Gaano man katotoo sa wari ang teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon sa paningin ng ilang siyentipiko, sa wakas ay makakaharap nila ang katanungang, Kahit na ipagpalagay na ang lahat ng anyo ng nabubuhay na bagay ay lumitaw sa pamamagitan ng natural selection, paano nagsimula ang buhay? Sa ibang salita, ang problema ay hindi sa matira ang matibay, kundi sa pagdating ng pinakamatibay at ng kauna-unahan! Subalit, gaya ng ipinahihiwatig ng mga sinabi ni Darwin tungkol sa ebolusyon ng mata, hindi siya nababahala sa problema ng kung paano nagsimula ang buhay. Siya’y sumulat: “Kung paanong ang isang nerbiyo ay nagiging sensitibo sa liwanag ay hindi nakababahala sa atin, hindi rin nakababahala sa atin kung paano nagsimula ang buhay.”

Ang Pranses na manunulat tungkol sa siyensiya na si Philippe Chambon ay sumulat: “Si Darwin mismo ay nagtataka kung paano pinili ng kalikasan ang lumitaw na mga anyo bago pa man ganap na kumilos ang mga ito. Walang katapusan ang talaan ng mga hiwaga sa ebolusyon. At kailangang mapakumbabang aminin ng mga biyologo ngayon, na kasama ni Propesor Jean Génermont ng University of South Paris sa Orsay, na ‘hindi kayang ipaliwanag ng huwad na teoriya ng ebolusyon ang pinagmulan ng masalimuot na mga sangkap ng katawan.’ ”

Sa liwanag ng napakaraming bagay na malayong mangyari laban sa gayong walang katapusang pagkasarisari at kasalimuutan ng mga anyo ng buhay, mahirap bang paniwalaan na ang lahat ng bagay ay nagkataon lamang na lumitaw sa tamang direksiyon? Nagtataka ka ba kung paano maliligtasan ng anumang kinapal ang labanan ng matira ang matibay samantalang binubuo pa ng mga ito ang mata? O samantalang sinasabing binubuo pa ng mga ito ang unang mga daliri sa katawan ng isang uri na mababa sa tao? Nagtataka ka ba kung paano nakaligtas ang mga selula kung ang mga ito ay umiral sa di-kumpleto at di-sapat na kalagayan?

Si Robert Naeye, isang manunulat sa magasing Astronomy at isang ebolusyonista, ay sumulat na ang buhay sa lupa ay bunga ng “isang mahabang pagkakasunud-sunod ng malayong mangyaring mga pangyayari [na] naganap sa tamang paraan upang tayo’y umiral, para bang tayo’y nanalo sa loterya ng isang milyong dolyar nang isang milyong beses na sunud-sunod.” Ang pangangatuwirang iyan ay maaaring ikapit sa bawat kinapal na umiiral ngayon. Malayung-malayong mangyari ito. Subalit, tayo’y inaasahang maniwala na sa pamamagitan ng pagkakataon, nagawa rin ng ebolusyon na lumitaw ang lalaki at babae na magkasabay upang mapanatili ang bagong uri. Upang lalo pa itong palabuin, kailangan din nating maniwala na ang lalaki’t babae ay hindi lamang sabay na lumitaw kundi lumitaw rin sa iisang lugar! Kung hindi sila magtatagpo, hindi darami ang tao!

Maliwanag, labis-labis na mapaniwalain ang taong naniniwala na ang buhay ay umiiral sa milyun-milyong pangwakas na mga anyo nito na bunga ng milyun-milyong matagumpay na pakikipagsapalaran.

Bakit Naniniwala ang Karamihan?

Bakit napakapopular ng ebolusyon at tinatanggap ng marami bilang ang tanging paliwanag para sa buhay sa lupa? Ang isang dahilan ay na ito ang karaniwang pangmalas na itinuturo sa mga paaralan at pamantasan, at sa aba mo kung mangangahas kang magpahayag ng anumang pag-aalinlangan. Ganito ang sabi ni Behe: “Natutuhan ng maraming estudyante mula sa kanilang mga aklat-aralin kung paano mamalasin ang daigdig sa pangmalas ng ebolusyon. Gayunman, hindi nila natututuhan kung paano maaaring magawa ng ebolusyon ni Darwin ang anuman sa napakasalimuot na sistema sa biyokemika na inilalarawan ng mga aklat-araling iyon.” Sabi pa niya: “Kung nais nating maunawaan kapuwa ang tagumpay ng Darwinismo bilang isang karaniwang paniniwala at ang kabiguan nito bilang subok na makatotohanang kaalaman kapag ipinaliliwanag ang tungkol sa molekula, kailangan nating suriing maingat ang mga aklat-aralin na ginagamit upang turuan ang naghahangad na mga siyentipiko.”

“Kung tatanungin ang lahat ng mga siyentipiko sa daigdig, sasabihin ng karamihan na naniniwala silang totoo ang Darwinismo. Subalit tulad ng lahat ng iba pa, binabase ng mga siyentipiko ang kanilang mga opinyon sa opinyon ng ibang tao. . . . Gayundin, at nakalulungkot nga, kadalasang pinawawalang-saysay ng mga siyentipiko ang mga pagbatikos sa takot na magbigay ito ng materyal na magagamit ng mga creationist sa pag-atake o pagdepensa. Isang kabalintunaan nga na upang mapangalagaan ang siyensiya, ipinagwawalang-bahala ang tuwirang makasiyentipikong pagbatikos sa natural selection.”d

Anong posible at maaasahang mapagpipilian mayroon sa teoriya ng ebolusyon ni Darwin? Sasagutin ng ating huling artikulo sa seryeng ito ang tanong na iyan.

[Mga talababa]

a Mula rito patuloy, tutukuyin ito bilang Darwin’s Black Box.

b Inilalarawan ng “hindi mababagong kasalimuutan” ang “isang sistemang binubuo ng ilang magkakatugma at magkatuwang na kumikilos na mga bahagi na tumutulong sa mahalagang gawain, kung saan ang pag-alis ng anumang bahagi ay nagpapangyari sa sistema na lubusang huminto sa pagkilos.” (Darwin’s Black Box) Sa gayon, ito ang pinakapayak na antas na doon makakakilos ang isang sistema.

c Ang potosintesis ay ang proseso kung saan ang mga selula ng halaman, na gumagamit ng liwanag at chlorophyll, ay gumagawa ng mga carbohydrate mula sa carbon dioxide at tubig. Tinatawag ito ng ilan na siyang pinakamahalagang kemikal na reaksiyon na nangyayari sa kalikasan. Ang biosynthesis ay ang proseso kung saan ang nabubuhay na mga selula ay gumagawa ng masalimuot na kemikal na mga halo ng elemento. Ang retinal ay kasangkot sa masalimuot na sistema ng paningin. Ang mga phosphoprotein signaling pathway ay mga mahalagang gawain ng selula.

d Ang creationism ay nagsasangkot ng paniniwala na ang lupa ay nilalang sa loob ng anim na literal na araw o, sa ilang kaso, na ang lupa ay inanyuan mga sampung libong taon lamang ang nakalipas. Ang mga Saksi ni Jehova, bagaman naniniwala sa paglalang, ay hindi mga creationist. Naniniwala silang ang ulat ng Bibliya sa Genesis ay nagsasaalang-alang sa mga kalagayan na milyun-milyong taon na ang tanda ng lupa.

[Blurb sa pahina 6]

“Kung mapatutunayan na ang anumang masalimuot na sangkap ay umiral, na hindi maaaring nabuo sa pamamagitan ng marami, sunud-sunod, bahagyang mga pagbabago, tiyak na babagsak ang teoriya ko.”

[Mga blurb sa pahina 10]

Sa loob ng selula, may “isang daigdig ng nakatataas na teknolohiya at nakalilitong kasalimuutan.”​—Evolution: A Theory in Crisis

Ang mga tagubilin sa loob ng DNA ng selula, “kung isusulat, ay pupuno sa sanlibong 600-pahinang aklat.”​—National Geographic

[Blurb sa pahina 11]

“Ipinalalagay ng matematika na ang aktuwal na ebolusyon ay isang prosesong bai-baitang at ala-suwerte; hindi (at hindi maaari) nitong patunayan ito.”

[Blurb sa pahina 12]

“Isang kabalintunaan nga na upang mapangalagaan ang siyensiya, ipinagwawalang-bahala ang tuwirang makasiyentipikong pagbatikos sa natural selection.”

[Kahon sa pahina 8]

Ang Molekula at ang Selula

Biyokemika​—“ang pag-aaral sa pinakasaligan ng buhay: ang mga molekula na bumubuo sa mga selula at mga himaymay, na nagpapangyari ng kemikal na mga reaksiyon sa pagtunaw, potosintesis, imyunidad, at higit pa.”​—Darwin’s Black Box.

Molekula​—“ang pinakamaliit na bagay na doon ang isang elemento o isang magkahalong elemento ay maaaring hatiin nang hindi binabago ang kemikal at pisikal na mga katangian nito; isang grupo ng magkakatulad o magkakaibang atomo na pinagsama ng kemikal na mga puwersa.”​—The American Heritage Dictionary of the English Language.

Selula​—ang saligang yunit ng lahat ng nabubuhay na organismo. “Ang bawat selula ay isang lubhang organisadong kayarian na siyang may pananagutan sa anyo at kilos ng isang organismo.” Ilang selula ang bumubuo ng isang taong nasa hustong gulang? Sandaang trilyon (100,000,000,000,000)! Mayroon tayong halos 155,000 selula sa bawat centimetro kuwadrado ng balat, at ang utak ng tao ay mayroong mula 10 bilyon hanggang 100 bilyong neuron. “Ang selula ang susi sa biyolohiya sapagkat dito sa selula nagaganap ang pagtitipon ng tubig, asin, macromolecule, at mga lamad na siyang pinagmumulan ng nabubuhay na selula.”​—Biology.

[Kahon sa pahina 9]

Ang “Walang Katulad na Kasalimuutan” ng Selula

“Upang maunawaan ang katotohanan ng buhay gaya ng pagkakasiwalat dito ng molekular na biyolohiya, dapat nating palakihin ang isang selula nang sanlibong milyong ulit hanggang sa ito’y maging dalawampung kilometro sa diyametro at nakakahawig ng isang dambuhalang airship na ang laki ay sasaklaw ng isang malaking lunsod na gaya ng London o New York. Ang makikita natin ay isang bagay na walang katulad ang kasalimuutan at bumabagay na disenyo. Sa ibabaw ng selula ay makikita natin ang milyun-milyong butas, parang maliliit na bintana sa tagiliran ng bapor ng isang pagkalaki-laking space ship, na nagbubukas at nagsasara upang padaluyin paloob at palabas ang tuluy-tuloy na daloy ng mga materyal. Kung papasukin natin ang isa sa mga butas na ito ay masusumpungan natin ang ating mga sarili sa isang daigdig ng pinakamahusay na teknolohiya at nakalilitong kasalimuutan. Makikita natin ang walang katapusang lubhang organisadong mga pasilyo at mga padaluyan na nagsasanga sa lahat ng direksiyon palayo mula sa perimetro ng selula, ang ilan ay nagpupunta sa sentrong dako ng memorya sa mga nukleo at ang iba naman ay nagpupunta sa lugar kung saan ito binubuo at pinoproseso. Ang nukleo mismo ay magiging isang pagkalaki-laking bilog na silid na mahigit na isang kilometro sa diyametro, katulad ng isang simburyo na yari sa magagaang na materyales kung saan nakikita natin sa loob, na lahat ay maayos na sama-samang nakasalansan, ang milya-milyang nakalikaw na mga kawing ng mga molekula ng DNA. Napakaraming produkto at hilaw na materyales ang paroo’t paritong maglalakbay sa kahabaan ng sarisaring padaluyan sa maayos na paraan sa lahat ng iba’t ibang lugar kung saan ito binubuo sa panlabas na bahagi ng selula.

“Magugulat tayo sa antas ng pagkontrol sa kilos ng napakaraming bagay sa kahabaan ng naparaming tila ba walang katapusang mga padaluyan, nang sabay-sabay. Makikita natin sa paligid natin, saanman tayo tumingin, ang lahat ng uri ng makinang tulad-robot. Makikita natin na ang pinakapayak na gawain ng mga bahagi ng selula, ang mga molekula ng protina, ay kagila-gilalas, masalimuot na mga pirasong molekular na makina, bawat isa’y binubuo ng halos tatlong libong atomo na nakaayos sa lubhang organisadong 3-D na hugis. Lalo pa tayong mamamangha habang pinagmamasdan natin ang pambihira at makabuluhang mga gawain ng kakatwang molekular na mga makinang ito, lalo na kung matatanto natin na, sa kabila ng lahat ng ating natipong kaalaman tungkol sa physics at kimika, ang atas na pagdisenyo ng isang molekular na makinang iyon​—alalaong baga’y ang isang kumikilos na molekula ng protina​—ay lubusang wala sa ating kakayahan sa kasalukuyan at malamang na hindi natin matatamo hanggang sa pasimula ng susunod na siglo. Gayunman ang buhay ng selula ay depende sa magkakaugnay na gawain ng libu-libo, sampu-sampu, at marahil ay daan-daang libo ng iba’t ibang mga molekula ng protina.”​—Evolution: A Theory in Crisis.

[Kahon sa pahina 10]

Mga Katotohanan at Alamat

“Para sa isang tao na malayang nagsasaliksik sa matalinong layunin, ang maliwanag na konklusyon ay na maraming sistema sa biyokemika ay dinisenyo. Ang mga ito’y dinisenyo hindi ng mga batas ng kalikasan, hindi ng pagkakataon at pangangailangan; bagkus, ang mga ito’y nakaplano na. . . . Ang buhay sa lupa sa pinakamahalagang antas nito, sa pinakamahalagang bahagi nito, ay produkto ng matalinong paggawa.”​—Darwin’s Black Box.

“Walang alinlangan na pagkatapos ng isang dantaon ng puspusang pagsisikap ay bigo ang mga biyologo na patunayan [ang teoriya ng ebolusyon ni Darwin] sa anumang mahalagang diwa. Nananatili pa rin ang katotohanan na ang kalikasan ay hindi pa napatutunayang isang sunud-sunod na magkakaugnay na mga bagay na iginigiit ng teoriya ni Darwin, ni naging kapani-paniwala man ang ideya na ang buhay ay nagkataon lamang na umiral.”​—Evolution: A Theory in Crisis.

“Ang impluwensiya ng teoriya ng ebolusyon sa mga larangang malayung-malayo sa biyolohiya ay isa sa kagila-gilalas na halimbawa sa kasaysayan ng kung paano maaaring hubugin ng isang kuru-kuro na wala pang makatotohanang siyentipikong katibayan ang pag-iisip ng buong lipunan at mangibabaw sa pangmalas ng isang panahon.”​—Evolution: A Theory in Crisis.

“Anumang siyensiya noon . . . na hindi isinasali ang posibilidad ng disenyo o paglalang anupat ang priori ay hindi na nagiging pagsaliksik sa katotohanan, at nagiging lingkod (o alipin) na lamang ng nakalilitong pilosopikal na doktrina, alalaong baga, ang naturalismo.”​—Origins Research.

“Isang alamat . . . ang bagay na nalutas ni Charles Darwin ang problema ng pinagmulan ng biyolohikal na kasalimuutan. Isang alamat na mayroon tayong mabuti-buti o bahagyang pagkaunawa tungkol sa pinagmulan ng buhay, o na ang wastong mga paliwanag ay tumutukoy lamang sa tinatawag na likas na mga dahilan. Tiyak, ang mga ito at ang iba pang mga alamat ng pilosopikal na naturalismo ay may isang katayuan. Hindi ito pinupulaan sa harap ng mga taong kagalang-galang. Subalit hindi rin naman natin dapat na tanggapin ang mga ito nang hindi sinusuri.”​—Origins Research.

“Hindi hayagang inaamin ng maraming siyentipiko na walang paliwanag ang siyensiya para sa pasimula ng buhay. . . . Hindi kailanman naisip ni Darwin ang napakalaking kasalimuutan na umiiral kahit na sa pinakasaligang antas ng buhay.”​—Darwin’s Black Box.

“Ang molekular na ebolusyon ay hindi nakasalig sa siyentipikong awtoridad. . . . Iginigiit na nangyari nga ang ebolusyon, subalit totoong wala namang suporta kahit isa mang nauugnay na mga eksperimento o mga pagtantiya. Yamang walang nakaaalam ng molekular na ebolusyon sa pamamagitan ng tuwirang karanasan, at yamang walang awtoridad na mapagsasaligan ng mga ipinahahayag na kaalaman, masasabi lamang na . . . ang sinasabi ni Darwin na molekular na ebolusyon ay isang walang kabuluhang paghahambog lamang.”​—Darwin’s Black Box.

[Kahon sa pahina 12]

Ebolusyon​—“Isang Laro ng Pagkakataon”

Ang teoriya ng ebolusyon ay tiyak na isang pangarap ng isang mapagsapalaran. Bakit? Sapagkat ayon sa ebolusyonista, ito’y nagwawagi kahit napakalaki ng pagkakataon na ito’y hindi mangyari.

Si Robert Naeye ay sumulat: “Sapagkat ang ebolusyon ay pangunahin nang isang laro ng pagkakataon, anumang tila maliit na nakaraang pangyayari ay maaaring naganap nang bahagyang naiiba, sa gayo’y pinuputol ang ating proseso ng ebolusyon bago lumitaw ang tao.” Ngunit hindi, dapat tayong maniwala na ang bawat pakikipagsapalaran ay nagtatagumpay, nang milyun-milyong beses. Ganito ang inamin ni Naeye: “Ang mahabang serye ng nakaharap na mga problema tungkol sa proseso ng ebolusyon ay nagbibigay-linaw na ang paglitaw ng matalinong buhay ay mas mahirap kaysa dating inaakala ng mga siyentipiko. Malamang na may higit pang mga balakid na hindi pa nakakaharap ng mga siyentipiko.”

[Dayagram sa pahina 8, 9]

Simpleng Larawan ng Isang Selula

Mga Ribosome

Mga kayarian kung saan ginagawa ang protina

Cytoplasm

Ang dako sa pagitan ng nukleo at ng lamad ng selula

Endoplasmic reticulum

Mga pilas ng lamad na nag-iimbak o naghahatid ng mga protinang ginawa ng mga ribosome na nakakabit sa mga ito

Nukleo

Ito ang sentro ng kontrol na nag-uutos sa mga gawain ng selula

Nucleolus

Dito ginagawa ang mga ribosome

Mga Chromosome

Naglalaman ito ng DNA ng selula, ang henetikong plano nito

Vacuole

Nag-iimbak ng tubig, asin, protina, at carbohydrate

Lysosome

Nag-iimbak ng mga enzyme para sa pagtunaw

Golgi body

Isang grupo ng mga supot na lamad na bumabalot at namamahagi ng mga protina na ginawa ng selula

Cell membrane

Ang takip na kumokontrol sa pumapasok at lumalabas sa selula

Centriole

Mahalaga sa paggawa ng selula

Mitochondrion

Ito ang sentrong gawaan ng ATP, ang mga molekula na nagtutustos ng enerhiya sa selula

[Larawan sa pahina 7]

Ang hiwa-hiwalay na mga piraso ay hindi nagiging isang panghuli ng daga​—dapat itong mabuo upang maging gayon

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share