Ang “Walrus” at ang Kalakalan ng Droga
MAHIRAP mag-isip ng dalawang malalaking hayop na mas kakaiba kaysa walrus at elepante. Ngunit ang napakalalaki, matatamlay na seals na nakahilata sa niyebe ng Dagat Bering ay may suliraning katulad ng pagala-gala’t naghahari-hariang mga palaboy ng madamóng bansang Aprika: Ang pinakamahalagang pag-aari nila ay kadalasang nangangahulugan ng kanilang di-napapanahong kamatayan. Kapuwa sila may mga pangil.
Marahil higit kaysa elepante, ang walrus ay nabubuhay sa pamamagitan ng kanilang mga pangil. Kapag sumisisid sila sa sapin ng dagat upang humanap ng pagkain, sumasadsad ito sa pamamagitan ng mga pangil nito at sinisipsip ng mga labi nito ang mga kabya at mga talaba. Kung gusto naman nitong umakyat upang magpainit sa ibabaw ng nakalutang na yelo, ginagamit nito ang kaniyang pangil bilang pangawit upang mahatak mula sa tubig ang 900- hanggang 1,400-kilong timbang nito. Gagamitin ng isang inang walrus ang kaniyang mga pangil upang labanan hanggang kamatayan ang sinumang maninila na nagbabanta sa kaniyang anak.
Ngunit nakalulungkot naman para sa walrus, ang mga pangil nito ay hinahangad din ng mga tao. Walang katapusan ang pagnanasa ng tao sa garing. At ang 3- o 4-metrong walrus na nagbibilad sa araw sa artiko ay hindi mahirap tamaan ng isang tao na may ripleng semiautomatic. Kaya karaniwan lamang sa ilang mga taga-Alaska na umali-aligid sa Dagat Bering sakay ng kanilang bangka, walang-habag na patayin ang mga hayop saanman nila matagpuan ito, at umuwi na ang bangka ay punung-punô ng mga ulo ng walrus na may pangil, tinagpas ng nabibitbit na lagaring de kuryente.
Hanggang dito ay masasabi nating ang kuwento ay napakapamilyar, ngunit sa ngayon ito ay may kakaibang pagbabago: mga droga. Ang mga kabataang Eskimong taga-Alaska, sa wari, ay gumagamit ng mga pangil ng walrus upang tustusan ang kanilang pagkasugapa sa droga. At gaya ng puna ng magasing Newsweek: “Nakababalisa ang kamurahan ng palitan.” Isang pantanging kinatawan ng U.S. Fish and Wildlife Service ang nagsabi sa magasing ito na ang mga negosyante sa black-market ay makabibili ng isang pares ng pangil ng walrus—na singhalaga ng $800—kapalit ng anim na sigarilyong marijuana.
Higit na proteksiyon ang ibinibigay ng batas sa mga nanghuhuli kaysa mga hinuhuli. Pinahihintulutan nito ang mga katutubong Eskimo na manghuli ng walrus dahil sa pagkaing naibibigay nito sa kanila. Mangyari pa, puwede rin nilang itabi ang mga pangil nito bilang kakambal-na-produkto upang gamitin sa katutubong gawang-kamay. Tila makatarungan naman ang batas, subalit ito ay isang kublihan para sa mga walang konsiyensiya. Ang ilan sa mga di-katutubong negosyante ng garing ay nakipamahay na sa mga babaing Eskimo upang masabi na ang tininggal na mga pangil ng walrus ay natatakan na para sa katutubong mga produkto.
Habang nagpapatuloy ang walang-habag na pagpatay, lumalago naman ang pagkabahala. Yaong legal na nangangaso ng walrus at yaong mga gumagamit ng garing sa kanilang gawang-kamay na produkto ay nakadarama na ang kanilang hanapbuhay ay nasa peligro. Ang matatandang mga Eskimo ay nanghihilakbot sa paglago ng salot ng pagkasugapa sa droga sa gitna ng kanilang mga kabataan. At ang walrus? Mayroon pang mga 250,000 ng mga ito sa Pasipiko, kaya sila ay hindi pa itinuturing na nanganganib malipol. Subalit ang daan-daan sa kanilang walang-ulong mga bangkay ay inaanod sa tabing-dagat. Napakarami ang napadpad sa mga baybay-dagat ng Siberia anupa’t hinimok ng Unyong Sobyet ang Estados Unidos na itigil na ang pagpatay. Subalit hanggang kailan magiging ligtas ang walrus mula sa pagkalipol kung ang mga pangil nito ay nangangahulugan ng salapi para sa mga sakim at mga droga para sa mga talipandas?
[Picture Credit Line sa pahina 31]
H. Armstrong Roberts