Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Ito Nangyayari sa Aking Katawan?
ADOLESENS—ito’y maaaring maging kapana-panabik na yugto ng iyong buhay. Unti-unti kang nagbabago mula sa pagiging bata tungo sa pagiging adulto!
Gayumpaman, marahil, hindi patiunang ipinakipag-usap sa iyo ng iyong mga magulang kung ano ang dapat mong asahan. At kahit na iyon ay tinalakay na nila, ang katunayan ng kasibulanggulang ay maaaring higit kaysa iyong inasahan. Maaaring magtaka ka kung may malubhang diperensiya sa iyo dahilan sa mga bagay-bagay na nangyayari sa iyo. Subalit, malamang, ang kabaligtaran ang totoo!
Ang Siklo ng Pagreregla—Sumpa o Pagpapala?
Mga dalawang taon pagkaraang magsimula ang kasibulanggulang, nararanasan ng isang batang babae ang isang napakahalagang pagsulong—ang pasimula ng siklo ng pagreregla. Ngunit, kung walang sapat na paghahanda, ang napakahalagang pangyayaring ito ay maaaring maging nakasisindak, nakabibigla.a “Ako’y talagang takot na takot,” sulat ng isang batang babae na nagngangalang Paula. “Mga tatlong buwan na ang nakaraan, dinudugo ako nang mga ilang araw sa isang buwan. Ibig bang sabihin nito na ako ay may kanser? . . . Ako’y balisang-balisa habang iniisip ko ang pagdurugong ito anupa’t ako’y umiiyak at nanginginig.”
Ang aklat na Adolescents and Youth ay nag-uulat na ang ibang mga batang babae ay nakadarama pa nga ng kahihiyan at pag-uusig-ng-budhi kapag nagsisimula ang kanilang siklo. Hindi kataka-taka, kung gayon, na inililihim ng maraming batang babae ang pangyayaring ito. Sabi ng isang batang babae: “Nahihiya akong sabihin iyon sa aking ina. Hinding-hindi niya ipinakipag-usap sa akin iyon at ako’y takot-na-takot.”
Ito’y hindi isang bagay na dapat ikahiya, ang siklo ng pagreregla ay katibayan na mayroon ka nang kakayahang mag-anak. Ang iyong katawan ay handa na ngayon at may kakayahan nang maglihi at magluwal ng isang sanggol. Oh, mga ilan taon pa bago ka maging tunay na handa para maging isang magulang. Ngunit narito ka, nasa bingit ka ng pagdadalaga. Ito ba’y isang bagay na dapat ikahiya? Hindi naman!
Bukod dito, ito ay isang bagay na nararanasan sa buong sansinukob ng mga kababaihan. Tinutukoy ng Bibliya ang siklo ng pagreregla bilang ang “kaugalian ng mga babae.” (Genesis 31:35) At kabaligtaran sa opinyon ng ilan, ito ay hindi isang sumpa.b Gayumpaman, marahil, maaaring mabawasan ang ilan sa iyong mga pangamba kung mauunawaan mo nang mas mabuti kung bakit at paano nagaganap ang siklong ito.
Ang “Buwanang Himala”
Ang salitang “menstruation” (regla) ay mula sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay “monthly” (buwanan). Minsan sa isang buwan ang iyong katawan ay may kakayahang maglihi. Una, ang pagtaas ng antas ng hormone ng iyong katawan ang naghuhudyat sa iyong matris, o bahay-bata. Inihahanda nito ang kaniyang sarili na tumanggap at mag-alaga ng isang pertilisadong itlog; ang sapin nito ay nagiging sagana sa dugo at mga sustansiya. Sa tabi nito ay dalawang hugis-almendras na mga sangkap na kilala bilang mga obaryo, bawat isa’y naglalaman ng libu-libong maliliit na itlog. Ang bawat itlog ay posibleng maging isang sanggol, nangangailangan lamang pertilisahin ng isang punlay (sperm) ng lalaki. Minsan sa isang buwan, may nahihinog na itlog at lumalabas mula sa obaryo.
Kinukuha ngayon ng marahang “mga daliri” ang itlog at ipinapasok ito sa isa sa mga Fallopian tube. Ang munting itlog ay nagpapasimula na sa apat-hanggang-anim-na-araw na paglalakbay patungo sa matris. Kung ang isang babae ay hindi magbuntis sa panahong ito, ang munting itlog ay nadudurog. Ang sagana-sa-dugong sapin ng matris ay nadudurog din. Ang matris ay lumiliit at dahan-dahang inilalabas ang saping ito sa pamamagitan ng kanal sa puwerto.
Sa pagitan ng dalawa hanggang pitong araw (nagkakaiba-iba ito sa bawat babae) ang daloy ng regla. At pagkatapos ay nauulit ang pamamaraan, buwan-buwan, hanggang sa menopos.c Napakahusay ang pagkakalarawan dito ng isang manunulat bilang isang “buwanang himala”! Ito’y isang pamamaraan na nagtataglay ng di-mapagkakamaliang lagda ng isang Dakilang Disenyador. Isa pa itong dahilan para bumulalas, katulad ng salmista: “Pupurihin kita sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan”!—Awit 139:14.
Paghanap ng Tulong
Gayunman, ang siklo ng pagreregla ay naghaharap sa iyo ng ilang praktikal na kabalisahan. Halimbawa, maraming kabataang babae ang nag-aalala, ‘Paano kung datnan ako habang nasa eskuwelahan?’ Kung ganoon, maaaring matagusan ang iyong damit at maaari kang mapahiya. Gayumpaman, tinitiyak sa atin ng tagapagturo sa sekso na si Lynda Madaras, na “karamihan sa mga batang babae ay hindi gaanong dinurugo sa simula upang ito’y tumagos sa kanilang damit.” Gayumpaman, nanaisin mo pa ring maging lubhang handa.
Maraming aklat ang nagbibigay ng mabubuting payong pangmedisina. Ngunit bakit hindi mo sabihin ang iyong mga pagkabalisa sa iyong ina? Walang alinlangang makapagbibigay siya ng ilang praktikal na mga mungkahi. “Para ko nang kaibigan ang aking ina,” ang sabi ng isang dalagita. “Nagkaroon kami ng mahahalagang pag-uusap, at sinasagot niya ang aking mga tanong.”
Sabihin pa, ang ilang mga ina ay nahihirapan na ipakipag-usap ang napakapersonal na mga bagay. Ngunit kung magalang mo siyang lalapitan at ipaáalám na iyon ay talagang mahalaga sa iyo, maaaring mapagtagumpayan niya ang pag-aatubili niyang makipag-usap. Kung ito ay mabigo, bakit hindi magtapat sa isang maygulang na babaing Kristiyano na iyong kapalagayang-loob?
Bagaman ang karamihan ng mga babae ay nakapagpapatuloy sa kanilang pang-araw-araw na gawain sa panahon ng kanilang pagreregla, ang aklat na Changing Bodies, Changing Lives ay nagpapaalala sa atin na ang ilang kababaihan ay nakakaranas ng “sakit ng ulo, sakit ng likod, problema sa balat, pagbabagu-bago ng kondisyon, panlulumo, pulikat, pagduwal, at pananatili ng tubig.” Ang mga simpleng aspirin ay nakapagpapaginhawa ng ganitong mga sintomas. (Maaaring tiyakin ng iyong doktor kung kakailanganin ang mas matapang na gamot.) At kung posible, maaari mong iwasan ang di-kinakailangang kaigtingan sa panahong iyon sa pamamagitan ng pagsasaplano ng iyong mga gawain sa panahon ng iyong siklo.
Mga Pagpapalabas sa Gabi
Maraming suliranin din naman na napapaharap sa mga kabataang lalaki habang ang kanilang sistema sa pag-aanak ay gumugulang. Halimbawa, ang iyong sangkap sa sekso ay gumagawa ng likido na tinatawag na semen. Ito’y naglalaman ng milyun-milyong mga ubod-liit na punlay, bawat isa’y may kakayahang pertilisahin ang selulang itlog ng babae at makabuo ng sanggol sa panahon ng pagtatalik.
Yamang wala ka namang asawa, ang punlay ay basta patuloy na dumarami. Ang ilan ay unti-unting kinukuha ng iyong katawan. Ngunit sa pana-panahon, ang ilan ay ilalabas sa gabi habang ikaw ay natutulog. Ito ay karaniwang tinatawag na wet dream. Gayunman, ang mas angkop na pangalan nito, ay paglalabas sa gabi (nocturnal emission) yamang ito’y lumalabas sa ganang sarili, mayroon man o walang kalakip na erotikong panaginip.
Ang unang paglalabas sa gabi ng isang batang lalaki ay maaaring nakababalisa. “Ang una kong paglalabas sa gabi ay nang ako’y mga labindalawa at kalahating taon,” gunita ng isang tin-edyer. “Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. . . . Nagising na lamang ako na basâ ang aking kama. Akala ko ay naihi ako sa kama o anupaman.” Gayunman, alamin mo na ang gayong paglalabas ay normal. Maging ang Bibliya ay bumabanggit sa mga ito. (Levitico 15:16,17) Ito’y palatandaan na ang iyong sistema sa pag-aanak ay gumagana at na ika’y nagbibinata na.
Sabihin pa, maaaring makatakot sa iyo na matuklasan ng iyong ina ang basang kumot. Subalit malamang na hindi naman niya ikagulat o ikabigla ang bagay na ito. Gayumpaman, makatutulong na ipakipag-usap mo ang mga bagay sa iyong ama o sa isang maygulang na adulto. Maaaring mapaginhawa nito ang anumang patuloy na pagkabalisang nararamdaman mo. Maaari ka pa ngang makaisip ng ilang paraan upang mapanatiling pribado ang bagay na ito.
Pananagumpay sa Pagkapukaw
Habang ang sistema ng pag-aanak ay nagiging ganap, kapuwa ang mga kabataang lalaki at babae ay madalas na nagiging labis na sensitibo sa seksuwal na pagkapukaw. Kapag nangyari ito sa isang lalaki, ang sangkap sa sekso ng lalaki, o ari ng lalaki, ay napupunô ng dugo, anupat ito’y tumatayo o tumitigas. “Ngunit,” paalala ng The New Teenage Body Book, “maraming pagtayo ang nangyayari nang walang kaugnayan sa sekso—at tila minsan, nang walang kadahi-dahilan! Ang pagyanig ng isang bus, masikip na kasuotan, pagkalantad sa lamig, pagkatakot, at iba pang pampasigla ay maaaring dahilan ng pagtayo.” Maaaring maramdaman din ng mga dalagita na sila’y mapukaw nang walang kadahi-dahilanan.
Ang di-ninanais na pagkapukaw sa sekso ay maaaring nakababalisa, nakakahiya. Ngunit ito ay bahagi ng paglaki at maaaring mangyari ng madalas. Pinaglalaruan ng ilang kabataan ang kanilang mga sangkap sa sekso upang magtamasa ng seksuwal na ginhawa. Ito ay mali at maaaring, sa katagalan, lumikha ng ibang suliranin.d Mas makabubuting magrelaks at alisin sa isipan ang mga bagay na ito. Di-matatagala’y lilipas din ang pagkapukaw. Habang ika’y tumatanda at ang antas ng iyong hormone ay humuhupa, makikita mo na ang kusang pagkapukaw ay dadalang.
Ang kasibulanggulang ay may katapusan din. Balang araw marahil ay tatawanan mo pa nga ang ilang bagay na bumabagabag sa iyo ngayon. Samantala, magkaroon ng kaaliwan sa katotohanang ikaw ay normal.
[Mga talababa]
a Sa isang pag-aaral, 20 porsiyento ng mga inang sinurbey ang walang nabanggit sa kanilang mga anak na babae tungkol sa pagreregla. Ang 10 porsiyento naman ay nagbigay ng katiting lamang na impormasyon.
b Totoong sinasabi ng Batas Mosaiko na ang babaing nireregla ay “marumi.” (Levitico 15:19-33) Subalit ito ay sa diwang seremonyal lamang. Maliwanag, ang mga batas na ito ay nagsisilbing tagapagturo ng paggalang sa kabanalan ng dugo. (Levitico 17:10-12) Kasabay nito, ang mga batas ay nagsilbing tagapagpaalala sa bansang Judio na ang sangkatauhan ay isinilang sa makasalanang kalagayan at nangangailangan ng isang manunubos.
c Maaaring abutin ng mga buwan o mga taon bago maging palagian ang siklo.
d Tingnan ang mga artikulo tungkol sa masturbasyon sa Setyembre 8, 1987, Nobyembre 8, 1987, at Marso 8, 1988, mga labas ng Gumising!
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga magulang ay makatutulong sa iyo na pakibagayan ang mga pagbabago ng kasibulanggulang