Tugón ng Isang Mambabasa sa Isang Artikulo ng “Gumising!”
Pamumuhay na May Sakit na “DOWN’S SYNDROME”
ANG Agosto 8, 1989 na labas ng magasing Gumising! ay may artikulo tungkol sa isang batang babaing nagngangalang Suzy na ipinanganak na may Down’s syndrome. Inilarawan ng artikulo ang dakilang pag-ibig, pagsisikap, at pagtitiyaga na ipinakita kay Suzy ng kaniyang mga magulang, kapatid na babae at lalaki. Bilang tugon sa artikulong iyon, isang babae sa Spokane, Washington, ang lumiham ng ganito sa Gumising!:
“Matapos kong basahin ang Agosto 8 na Gumising!, talagang kailangan kong sumulat sa inyo. Ibig ko kayong pasalamatan sa paglalathala ng artikulo tungkol sa munting si Suzy. Kakaiba ang nadarama ko dahil sa ako’y isang ‘magulang’ sa aking ‘sanggol’ na ina, kaya nakadama ako ng isang kaugnayan sa ina ni Suzy. Nais kong malaman ninyong lahat ang isa sa maraming mga bagay na kinakaharap ng ilan sa amin sa ngayon, at kung paano kami napalakas-loob ng gawaing inyong ginagampanan upang tulungan kaming mapagtagumpayan ang mga ito.
“Labis akong naantig ng munting si Suzy na may Down’s syndrome anupa’t ako’y napaiyak. Taglay ko ang malaking empatiya para sa gayong mga bata at mga magulang, sapagkat marami na akong nakilalang gayon. Habang binabasa ko ang mga paghihirap ni Suzy sa pamumuhay, naiyak ako para sa aking ina. Ako mismo ay isang matandang dalaga sa aking mga taon ng ika-70, at nakita ko na ang buhay ng aking ina ay halos magwawakas na ngayon.
“Una ko siyang naaalala bilang isang maganda, mapag-aruga, minamahal, at masiglang tao. Ngayon siya’y nasa mga edad 90. Dahil sa sunud-sunod na mga atake-serebral, nakita kong humina ang kaniyang pangangatawan hanggang maging isang kaawa-awang baluktot na katawan, gayunman ang mahahalagang pag-andar ng kaniyang katawan ay gumagana nang halos normal.
“Ang kaniyang unang kapansin-pansing atake ay nag-alis ng kaniyang kakayahang magbalanse ng kaniyang checkbook, gumawa ng mga listahan ng gróseri, atbp. Sa loob ng isang taon, lumalâ ang kalagayang ito at hindi na niya magawang iinit man lamang ang pagkain para sa isang merienda o maliit na pagkain.
“Pagkalipas ng isang taon at kalahati, isa na namang malubhang atake ang nag-alis ng kaniyang kakayahang kumilos, ng kaniyang kahusayan, pagsasalita, at wala na siyang kontrol sa kaniyang sarili. Naabot niya ang ‘sanggol’ na yugto ng buhay sa ikalawang pagkakataon, at nakikita ko siyang parang bata. Kailangan siyang subuan ng pagkain, lampinan na gaya ng isang sanggol, at buhatin mula sa kama tungo sa silyang-de-gulong.
“Hindi makapagsalita sa Inay sa amin upang sabihin kung ano ang kaniyang iniisip, nadarama, kung ano ang ibig niya o nais niya. Subalit natuto kaming makipagtalastasan na ginagamit ang aming mga mata, ngiti, at luha! Literal na umaaliwalas ang kaniyang mukha kapag sinasabi ko sa kaniya ang anumang bagay na kawili-wili na narinig ko sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova na aking dinadaluhan, o kapag ang mga tao roon ay nagpaabot sa kaniya ng mensahe, o marahil mayroon akong nabasang totoong kawili-wili sa Gumising! o Ang Bantayan.
“Kapag siya’y aking iiwan, kadalasang mapupunô ng mga luha ang kaniyang mga mata, at marahan siyang hahalik sa aking pisngi bilang pamamaalam. Gayunman, pagkatapos ng isang pagbisita sa kaniya aking sasabihin, ‘Mama, alas siete na, at kailangan ko nang dumalo ng pulong sa Kingdom Hall,’ siya’y ngingiti at tatango, ‘oo,’ at bibigyan ako ng isang mariing halik. Pagkatapos ay mamasdan niya ako habang ako’y naglalakad patungong pintuan at nakangiting ikakawag ang kaniyang mga daliri bilang pamamaalam gaya ng itinuro ng isa sa kaniyang apó sa tuhod na babae.
“Papalapit na ang pagdiriwang ng Halloween matapos siyang ipasok sa isang sentro sa pagpapagaling. Natagpuan ko siya sa kuwarto ng paglilibang nang dalawin ko siyang minsan. Ang mga silyang-de-gulong ay itinulak, apat sa bawat isang mahabang mesa, at nakakalat sa kanila ang lahat ng mga materyales na kailangan upang gumawa ng mga bagay-bagay para sa Halloween. Nakaupo roon si Mama na ang mukha’y parang isang apat-na-taóng-gulang na nagsasabing: ‘Ayaw kong gawin iyan, at hindi ko iyan gagawin!’
“Lumapit ako sa kaniyang likuran at sinabi: ‘Kumusta, Mama,’ at habang yumuyuko ako at hinahagkan siya sa pisngi, ngumisi ako (upang itago ang aking mga luha) at ibinulong ko sa kaniya: ‘Inilagay ka nila rito upang gumawa ng mga dekorasyon sa Halloween.’ Ipinihit niya ang kaniyang ulo at tiningala ako, nasa kaniyang mga mata ang pinakapilyang kislap, nakangiti. Pagkatapos sumimangot siya upang ipahayag ang ganap na pagtutol! At gayon ang nangyayari sa pagsapit ng bawat kapistahan. Hindi siya naniniwala sa mga kapistahang iyon, na may paganong mga pinagmulan, at heto siya, sa kaniyang limitadong kalagayan, nanghahawakang tapat sa kaniyang mga paniwala.
“Walong buwan ang nakalipas, nagkaroon na naman siya ng isang malubhang atake, nakoma siya at hindi na gumana ang kaniyang bató. Gayunman, lahat ng iba pang mahahalagang pagkilos ay mahusay pa rin. Pagkalipas ng limang araw, hindi makapaniwala ang kaniyang doktor sa pagbabagong ginawa niya. Noong una, hindi niya makilala ang sinuman sa amin. Subalit ngayon, kung minsan, tumutugon siya kapag siya’y aming hinahagkan. Aming nadarama ang marahang pagdaiti ng kaniyang mga labi sa aming mga pisngi.
“Nitong huling walong buwan ang aking ina ay naging parang isang bagong-silang na sanggol, isang buháy at humihingang tao subalit hindi maaaring mabuhay sa ganang sarili lamang niya. Ang isang sanggol paminsan-minsa’y tatangging kumain, subalit pagkaraan ng kalahating oras, sa pamamagitan ng kaniyang mga iyak, magbibigay ng hudyat na ito’y nagugutom o nangangailangan ng atensiyon. Hindi maipaalam sa amin ni Inay kung ano ang gusto o kailangan niya. Kinailangang maunawaan ng mga nars at mga miyembro ng pamilya kung bakit paminsan-minsa’y pinatatagal niya ang pagkain sa kaniyang bibig subalit hindi ito nilulunok. Sa tulong ng doktor, aming naunawaan na marahil bunga ito ng paghihintay niya na dumighay, dahilan sa nararanasan niya na bahagyang pagkalumpo, minsa’y hindi gumagana ang kaniyang mga kalamnan. Kung siya’y magmamadali at lulunok bago bumuti ang pakiramdam, siya’y mabubulunan.
“Sa pagbibigay ng mabuting pag-aaruga sa isang sanggol (isang tulad ni Suzy o ng aking ina) kailangang turuan ng isa ang kaniyang sarili. Kaypalad ni Suzy sa pagkakaroon ng gayong mapagmalasakit at maibiging pamilya! Anong inam na kami’y pinalaki ng mga magulang na nagdulot sa amin ng kasiyahan. Nang kami’y nagsisilaki, binabasahan kami ni Mama ng mga artikulo mula sa mga publikasyon ng Watch Tower tungkol sa mga tip na pangkalusugan at maraming iba pang mga paksang kawili-wili sa pamilya. Pinasigla niya kaming gamitin ang gayong mga impormasyon sa pagsulat ng mga sanaysay at magbigay ng mga pahayag sa paaralan.
“Kaya ngayon kaming mga anak ang magulang, at si Ina ang bata. Bakit ako naiyak nang mabasa ko ang tungkol kay Suzy? Bakit ko nagunita ang aking matanda nang ina kaugnay ni Suzy? Marahil ay dahil sa nakadama ako ng isang kaugnayan sa kaniyang ina. Isa pa, nakadama ako ng matinding pag-ibig at pagpapahalaga sa ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, na dahil sa kaniyang pag-ibig sa ating lahat ay gumawa ng paglalaan upang ang magiliw na munting si Suzy at ang aming ina balang araw, sa bagong sanlibutan ng Diyos sa isang paraisong lupa, ay magiging sakdal gaya ng nilayon niya para sa sangkatauhan.—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:4, 5.
“Umaasa akong sa hinaharap, sa darating na Paraiso, ang dalawang pamilya namin ay magtagpo at makasama ng iba pang gaya namin. Marahil maaari tayong lumuha ng mga luha ng kaligayahan, lakip ang buong kagalakan at pagtawa, nagpapasalamat at pumupuri sa ating Maylikha, si Jehova, at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang ating Manunubos.”—Isinulat.