Utang! Pangungutang—Pagbabayad
HALOS isang taon nang kasal sina Lois at Rick. Katulad ng maraming mga bagong mag-asawa, nais nilang magkaroon kaagad ng lahat ng bagay—at napakadali nito! Ang bayad sa TV ay $52 lamang bawat buwan, at magiging $78 lamang ito kung idaragdag ang VCR. Medyo may kahirapan nga lamang ang pagbili ng bagong muwebles—ang kabayaran ay $287 bawat buwan. Siyempre pa, hindi pa kasama rito ang mga kurtina at karpet, na itataas ang kabayaran ng $46.50 pa. Subalit nakipagtulungan naman ang kompanyang tagatustos.
Medyo naging madali ang pagbili ng kasangkapan dahil tinanggap ng tindahan ang kanilang credit card. Sa ganitong paraan ang buwanang pagbabayad ay automatiko, at hindi na nila kailangang mag-aplay para umutang. Naging mas madali pa sana kung nabayaran na ni Rick ang kaniyang kotseng pangkarera bago pa man sila ikinasal gaya ng naiplano niya, subalit hindi pa niya nagawa ito.
Ganito ang pagkasabi ni Rick: “Ang akala ko ang pag-aasawa ay magiging kasiya-siya, ngunit masyado akong nag-aalala sa aming mga utang anupa’t hindi na ito kasiya-siya.” Umayon si Lois at isinusog pa: “Napakadaling magkautang. Makabayad pa kaya kami?”
Ang simpleng katanungang ito ay nagpapahayag ng suliraning nakakaharap ng milyun-milyong mga pamilya sa karamihan ng mga bansa sa daigdig. Iilan lamang ang mga taong nakararaos na mamuhay ng walang inaalalang malalaki at kung minsa’y di-makayanan, pasaning utang.
Ang Pangungutang
Papaano nga ba nagkakautang ang isa? Simple! Ito ay paraan ng buhay. Natanggap na ng mga pamahalaan, multinasyonal na mga korporasyon, maliliit na negosyo, mga pamilya, at mga indibiduwal na ang utang ay normal lamang.
Karaniwan nang ang pagmamataas ang lumilikha ng utang. Ang utang ay lumilikha ng kahirapan. Ang kahirapan ay humahantong sa marami pang mga suliranin. Kaya paano ka mamumuhay sa isang daigdig na sanay sa pag-utang at, kasabay nito, huwag mabaon sa utang?
Marahil ang unang dapat matutunan ay ang simpleng pag-iwas sa pagbili. Ang isa ay hindi makapapasok sa pintuan ng karamihang pinansiyal na mga institusyon nang hindi nahihikayat ng mga paskil na nag-aalok ng utang. Madaling makakuha ng mga credit card. Mula sa hanay ng ganid na tagapagpautang hanggang sa iginagalang na mga institusyon ng bangko, milyun-milyong matagumpay, agresibong mga tao ang nasa negosyong pagbebenta ng salapi. Para sa kanila, ang salapi ay isang paninda—tulad na mga groseri—at ang kanilang trabaho ay ipagbili ito sa iyo. Matutong tumanggi.
Pangangasiwa ng Utang
Maraming pormulang umiiral upang ibigay ang tamang proporsiyon ng utang sa kinikita. Ngunit malaki ang pagkakaiba nito na halos wala ring katuturan ang ilan sa mga ito. Halimbawa, nadarama ng ilang mga ekonomista na maalwang maitatabi ng isang pamilya ang 30 porsiyento ng kinikita nito para sa tirahan. Ito’y hulog para sa pagkasangla o sa pag-upa. Gayumpaman, ang pormulang ito ay maaaring hindi nababagay sa mga lubhang mahihirap. Kaya ang pangkalahatang mga pormula ay kadalasang malabo. Ang buong suliranin ng pagkontrol ng utang ay mas mainam na isinasaalang-alang nang sarilinan.
Maaari namang mangutang, ngunit ito’y nangangailangan ng mabuting pagpapasiya at maingat na pangangasiwa. Halimbawa, karamihan ng mga tao ang hindi makabili ng bahay nang hindi umuutang. Hindi makatotohanang isipin na ang isang pamilya ay kailangang tumira sa isang paupahan hanggang sa makaipon sila ng sapat upang makabili ng bahay na cash. Malamang na hindi ito mangyari. Sa halip, maaaring akalain ng pamilya na ang salaping ipinambabayad nila ng upa ay magamit na pambayad sa pagkasangla ng isang bahay. Bagaman ang planong ito ay maaaring kumuha ng ilang taon, sila’y naghihinuha na ito ay mas praktikal.
Kapag ating napag-isip-isip na ang halaga ng bahay ay malamang na tumaas sa paglipas ng panahon, nangangahulugan ito na bagaman ang hulog sa pagkasangla ay mas malaki kaysa bayad sa buwanang upa, ang pamilya ay mas mapapabuti sapagkat sila naman ay magkakaroon ng ari-arian, na katumbas ng halaga ng bahay matapos ibawas ang pagkakautang dito. Ang sangla ng bahay na may makatuwirang bayad, at may maalwang hulog, ay maari namang maging isang makatuwirang utang. Ang katulad ay masasabi rin tungkol sa iba pang malalaki, mahalagang mga bilihin ng pamilya.
Ang ibang uri ng pagkakautang ay tiyak na hindi makatuwiran. Ang pangangasiwa ng utang ay nagsasangkot ng kakayahang tanggihan ito. Marahil ang pinakamainam na tuntunin dito ay: Huwag mong bilhin ang hindi mo kailangan at hindi mo kaya. Iwasan ang pabigla-biglang pagbili. Bagaman ang isang bagay ay kalahati ng dating halaga, hindi pa rin ito baratilyo para sa iyo kung hindi mo ito kaya. Huwag mangutang para sa mga bagay na luho. Huwag magbakasyon hangga’t hindi mo makakayanang bayaran ito bago ka umalis. Anuman ang iyong bibilhin ay kailangang bayaran sa malao’t madali. Kapaki-pakinabang ang mga credit card upang maiwasan ang pagdadala ng cash ngunit ito’y napakamahal kung gagamitin para umutang.
Pagbabayad ng Utang
Maaaring akalain ng ilang tao na ang payo sa pangangasiwa ng utang ay masyadong huli na para sa kanila. ‘Ako ngayon ay baon na sa utang at mga pangako. Paano ko malalabasan ito?’ Ang katotohanan ay na hindi pa huli para magpasimula.
Ang unang hakbang ay ang pagtatatag ng isang mabuting ugnayan sa isang marangal na bangko. Kung ika’y uutang, malamang na ito ang makapagbibigay sa iyo ng pinakamabuting halaga ng interes. Kung hindi ka pautangin ng iyong bangko, maaaring ginagawan ka nito ng pabor. Tandaan, ito’y nasa kalakalan ng pagpapahiram ng salapi at ang pagpapahiram nito sa iyo ay kung ito’y waring makatuwiran lamang.
Ikalawa, kailangang simulan mo ang pagbabayad ng mga utang sa organisadong paraan. Sa isang papel, planuhin mo ang inaasahan mong personal na cash na darating sa susunod na 24 na buwan. Maging makatotohanan. Isama ang lahat ng maliliit na kita na inaasahan mo. Pagkatapos ilista mo ang lahat ng dapat bayaran. Maglagay ng palugit para sa mga bagay na hindi mo maisip ngayon. Ilista ang mga pagkakautang ayon sa kung ano ang dapat mauna. Pagkatapos ay mainam na baha-bahagiin at ilaan ang iyong salapi sa paraan na magkakaroon ng kaukulang kabayaran ang bawat utang. Magtakda ng petsa ng pagbabayad sa bawat pagkakautang.
Kaugnay ng planong ito, isaalang-alang kung saan ka makatitipid. Ang pagbabawas ng utang ay karaniwan nang nangangailangan ng sakripisyo. Maaari bang mabawasan ang kuwenta ng groseri sa pamamagitan ng pamimili ng baratilyo? Anong mas murang kahalili ang puwedeng gamitin sa pagpaplano ng pagkain? Maaari bang paikliin ang mga bakasyon? Ang pamantayan ba ng iyong pamumuhay ay maaaring bawasan? Maaari bang dalangan ang pagkakaroon ng mga luhong bagay? Minsan ay kailangan lamang na huwag maawa sa sarili. Ang ilang mga gastos ay maaaring ilipat mula sa hanay ng “mga pangangailangan” tungo sa hanay ng “mga luho.”
Kapag nailista mo na ang isang plano, ipakipag-usap ito sa opisyal na tagapag-pautang ng iyong bangko. Hahangaan niya pagka nakita niyang seryoso ka. Baka ipakita niya sa iyo kung paano pasusulungin ang plano. Puwedeng imungkahi pa niya ang isang debt consolidation loan. Kung gayon, siguruhing isaalang-alang ang halaga ng interes at haba ng panahon kung kailan ang consolidated debt na ito ay mababayaran. Ngunit huwag matukso na gamitin ang debt consolidation upang umutang nang higit pa.
Makipagtalastasan!
Anumang programa sa pagbabawas ng utang ay nangangailangan ng pakikipagtalastasan upang ito’y maging matagumpay. Dalawin o tawagan sa telepono ang bawat tao na iyong pinagkakautangan. Kung inaakala mong makatutulong, ipakita mo sa kanila ang iyong plano. Kausapin mo sila. Tandaan, gusto nilang malaman kung ano ang iyong ginagawa. Pabatiran mo sila. Ang isang bagay na hindi mapapayagan ng isang nagpapautang ay ang pagsasawalang-kibo. Ang pagsasawalang-kibo ay madaling ipinalalagay na pagwawalang-bahala o pagtangging magbayad. Maraming nagpapautang ang nagsimulang maghabla upang makapaningil dahil lamang sa walang nag-abalang magpaliwanag kung ano ang nangyayari.
Dapat mo bang pag-isipan ang pagkabangkarote? Sa ibang lupain, ang lahat ng tao ay may karapatan sa benepisyo ng gayong mga paglalaan ng batas, subalit hindi ito dapat ipagwalang-bahala. Ang utang ay isang pangako. Nasasangkot dito ang moral na pananagutan. Ang pagkabangkarote ay may sunud-sunod na epekto na lumilikha ng problema para sa iba. Mananatili itong isang dungis sa iyong rekord.
Wala namang mali sa lumang ideya na “magbayad pag-alis mo.” Sa katunayan, hangga’t maaari, ang pinakamatalinong landasin ay na huwag nang mangutang pa sa simula pa lamang. Ang pangungutang ay maaaring maging nakamamatay na kumunoy na magbabaon sa iyo. Hinayaan nina Rick at Lois na sila ay lamunin nito. May mga pagbabagong kailangan nilang gawin, ngunit unti-unti silang makakaahon sa kanilang mga pagkakautang.
Kung ika’y natabunan ng isang literal na gumuhong lupa, gagamitin mo ang lahat ng pagkilos na magagawa mo upang ika’y makaahon mula rito. Maaaring ito’y mabagal, ngunit ito’y umuubra! Tandaan, gaano man katagal o kahirap ang paggawa nito, ang pagbabayad ng utang ay sulit na sulit.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pagkabaon sa utang ay gaya ng pagkalubog sa kumunoy