Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 2/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ULAT NG PANDAIGDIG NA KALUSUGAN
  • ITINATAGUYOD NG PAPA SI GALILEO
  • PAGGAWA NG MGA PASIYA
  • AIDS MULA SA SUPLAY NG DUGO
  • PINASISIGLA ANG NATURAL NA PAGSASAKA
  • BANTA NG “ICE”
  • MGA PAGKABAHALA SA PAGLULUTO SA “MICROWAVE”
  • “AEROSOL” NA HINDI-UMUUBOS-OZONE
  • “EARTHQUAKE SYNDROME”
  • IMBENTARYO NG PANGGLOBONG KAGUBATAN
  • Ang Pagkakasalungatan ni Galileo at ng Simbahan
    Gumising!—2003
  • “Gayunman ay Gumagalaw Ito!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Galileo
    Gumising!—2015
  • Sino ang Nasa Panganib?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 2/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

ULAT NG PANDAIGDIG NA KALUSUGAN

Beinte porsiyento ng populasyon ng daigdig​—halos isang libong milyon katao​—ang dumaranas ng malubhang mga suliranin sa kalusugan, sang-ayon sa Ulat Tungkol sa Pandaigdig na Kalusugan na inilabas ng WHO (World Health Organization). Ang pinakagrabe ay ang mga sakit ng bata, mga impeksiyon sa palahingahan, mga sakit sa pagtatae, mga sakit na naililipat sa seksuwal na paraan (pati na ang AIDS), tuberkulosis, schistosomiasis, at malaria. Ang pinakamatinding suliranin sa kalusugan ay sinasabing nasa mga bansa sa sub-Saharan Aprika, kung saan 160 milyong mga tao ang may sakit na AIDS, mga sakit na dala ng parasito, malaria, at iba pang karamdaman; at sa gawing timugan at silangang Asia, kung saan 40 porsiyento ng populasyon, halos 500 milyon katao, ang nagdurusa dahil sa sakit at malnutrisyon. Marami ang nagkakasakit dala ng karukhaan na nagbubunga naman ng higit pang kahirapan at karamdaman. Ang taunang gastos sa kalusugan sa mas mahihirap na bansa sa katamtaman ay wala pang $5 sa bawat tao. Sang-ayon kay Dr. Hiroshi Nakajima, panlahat na patnugot ng WHO, kung daragdagan ito ng $2 lamang sa bawat tao ay magkakaroon ng imyunisasyon at matagumpay na paggamot sa karamihan ng mga karamdaman.

ITINATAGUYOD NG PAPA SI GALILEO

“Kinilala ni Papa John Paul II na ang Iglesya Katolika Romana ay ‘walang-ingat’ sa pagkondena kay Galileo na nagsabing ang lupa ay hindi siyang sentro ng uniberso,” ulat ng The Christian Century. Si Galileo ay kinondena ng simbahan noong 1633 dahil sa pagtataguyod sa Copernicanong palagay na ang araw, sa halip na ang lupa, ang sentro ng uniberso. Huli na, noong 1979, isang komisyon ang inatasan ng papa upang imbestigahin ang kaso. Ang panimulang ulat nito, noong 1984, ay nagsabi na si Galileo ay may kamaliang kinondena. Nagsasalita sa Pisa, ang dakong sinilangan ng siyentipiko at lugar ng kanilang tanyag na mga eksperimento tungkol sa grabidad, kinilala ng papa ang gawa ni Galileo bilang “isang mahalagang yugto sa metodolohiya ng pananaliksik . . . at sa landas na tungo sa pag-unawa sa daigdig ng kalikasan.”

PAGGAWA NG MGA PASIYA

Kailan ka gumagawa ng iyong pinakamagaling na mga pasiya​—kapag ikaw ay nakatayo o kapag ikaw ay nakaupo? Sang-ayon sa isang pag-aaral ng University of Southern California, “ang mga taong nasa ilalim ng panggigipit ay halos 20% mas mabilis na nakagagawa ng mahihirap na pasiya kapag sila ay nakatayo sa halip na nakaupo,” ulat ng magasing American Health. Ang pag-aaral ay nagsasangkot ng isang serye ng mga tanong na inilalabas sa isang computer monitor, na ang mga kalahok ay tumutugon nang nakaupo at pagkatapos ay nang nakatayo. Ang pinakamagaling na mga resulta ay yaong ibinigay nang nakatayo. Yaong mas matatanda at laging nakaupo ay sumulong nang husto nang sila’y gumagawa ng mga pasiya habang nakatayo. Hindi ito kataka-taka, yamang ang tibok ng puso ay bumibilis ng halos sampung tibok sa isang minuto kapag ikaw ay nakatayo, pinasisigla ang “mga dako sa utak na kumukontrol sa pangganyak.” Ang pagtayo at pag-uunat nang palagian sa panahon ng pagtatrabaho ay inirerekomenda sa mga manggagawa sa opisina na laging nakaupo.

AIDS MULA SA SUPLAY NG DUGO

Kasindami ng 40 porsiyento ng Sobyet na mga biktima ng AIDS ang nakuha ang virus sa pamamagitan ng nahawaang dugo, ulat ng The Toronto Star. Tinatawag ang sitwasyon na “lubhang nakatatakot,” ganito ang sabi ni Valentin Pokrovsky, hepe ng Soviet Academy of Medical Sciences: “Mayroon tayong napakataas na porsiyento ng mga kaso ng virus ng AIDS na naililipat sa pamamagitan ng dugo sa panahon ng operasyon.” Sa timugang mga lungsod ng Elista at Volgograd, ang biglang paglitaw ng AIDS ay natunton sa nahawaang mga karayom ng heringgilya na ginagamit sa mga ospital. Hindi kukulangin sa 81 mga bata ang nahawaan ng virus doon.

PINASISIGLA ANG NATURAL NA PAGSASAKA

“Nasumpungan ng National Academy of Sciences na ang mga magsasakang gumagamit ng kaunti o hindi gumagamit ng mga kemikal sa mga pananim ay maaaring maging produktibo na gaya niyaong mga gumagamit ng mga pestisidyo at sintetikong mga abono,” ulat ng The New York Times. “Ang pag-aaral na isinagawa ng nakatataas na lupon ng mga siyentipiko ng bansa ay marahil ang siyang pinakamahalagang pagpapatunay sa tagumpay ng mga gawaing pang-agrikultura na gumagamit ng biyolohikal na mga interaction sa halip ng mga kemikal.” Kamakailan lamang, ang mga magsasaka ay tinuruan na saganang gumamit ng kemikal na mga abono at pestisidyo upang magkaroon ng pinakamaraming ani, at ang natural na pagsasaka ay itinuturing na nakabababa. Subalit habang ang mga insekto at mga panirang damo ay nagkaroon ng resistansiya sa mga kemikal, ang mga magsasaka ay lalo pang gumamit ng mga kemikal, sa gayo’y dinaragdagan ang panganib sa kalusugan ng tao. Ipinakikita ng pag-aaral na sa pamamagitan ng pag-iiba-iba ng pananim at sa paggamit ng iba’t ibang sistema ng pagtatanim at paghahayupan, kadalasan nang napararami ng mga magsasaka ang kanilang ani at nababawasan ang gastos, at naiingatan pa ang kapaligiran. Gayunman, ang natural na mga gawain ay nangailangan ng higit na trabaho.

BANTA NG “ICE”

“Samantalang nakikipaglaban ang E.U. sa crack cocaine,” sabi ng magasing Time, “isang mas nakangingiking droga ang lumitaw: ang ‘ice.’ ” Tulad ng crack, ang ice ay hindi isang bagong droga. Ito ang nahihitit na bersiyon ng cristal na methamphetamine, kilala sapol noong mga taóng 1960 bilang speed. Gaya ng crack, ito ay nakasusugapa at nagdadala rin ng matinding panlulumo, labis-labis na paghihinala, at mga kombulsiyon. Ngunit samantalang ang pagkalango sa crack ay tumatagal ng wala pang 30 minuto, ang pagkalango naman sa ice ay tumatagal ng mga walong oras o higit pa. Isa na itong pangunahing problema sa droga sa Hawaii, ang ice ay “pumapasok na sa ibayo ng E.U.,” sabi ng Time.

MGA PAGKABAHALA SA PAGLULUTO SA “MICROWAVE”

Ang mga pagkaing inilalagay sa mga microwave oven ay binobomba ng matinding-enerhiyang mga rayos na bumabago sa mga molekula ng tubig ng pagkain tungo sa singaw, mabilis na iniinit ang pagkain. Nabawasan ng mas mahusay na mga pamantayan at disenyong pangkaligtasan ang panganib ng pagtagas ng radyasyon. “Gayunman ang mga microwave oven ay nagbabadya ng mga suliraning pangkaligtasan na hindi ginagawa ng karaniwang mga oven,” sabi ng isang artikulo sa The New York Times. Ang isang problema ay kung ang pagluluto baga ay laging lubusan upang patayin ang nakapipinsalang mga organismo na maaaring masumpungan sa mga pagkain, gaya ng trichinae sa karne ng baboy at salmonellae sa mga manok. Bahagi ng problema ay na hindi pantay na iniinit ng mga microwave oven ang mga pagkain, na ang ibang bahagi ay hilaw samantalang ang iba namang bahagi ay sunog, at na ang hangin sa loob ng oven ay maaaring masyadong malamig upang patayin ang mga organismo sa ibabaw ng pagkain. Ang isa pang problema ay kung baga ligtas na gamitin ang mga plastik sa gayong mga oven, yamang ang plasticizer na ginagamit sa ilang mga pambalot ay maaaring mapunta sa pagkain, lalo na kung ang plastik ay nakasayad dito. Sinasabing ang karamihan ng problema ay malulutas kung maingat na susundin ang mga tuntunin sa pagluluto.

“AEROSOL” NA HINDI-UMUUBOS-OZONE

Isang imbentor sa Tasmania, estadong isla ng Australia, ang nakagawa ng isang aparatong aerosol na hindi gumagamit ng mga chlorofluocarbon o mga hydrocarbon, na kapuwa nakapipinsala sa ozone layer ng lupa. Ang kaniyang aerosol ay gumagamit sa halip ng nitroheno, na bumubuo ng apat na ikalimang bahagi ng atmospera. Bukod sa madaling makuha, ang halagang nasasangkot sa paggawa ng nitroheno ay mababa, at ang gas ay walang pinsalang nagbabalik sa atmospera pagkagamit. Ang nitroheno ay dating ipinasiyang hindi isang propellant sapagkat ang pagpapasok ng sapat na dami ng gas sa isang lata ng aerosol ay mangangailangan ng magastos na pagpapatibay sa lata. Napagtagumpayan ito ng imbentor, ulat ng pahayagang The Australian, sa paggamit ng isang maliit na silindro ng gas na nakakabit sa isang pantanging idinisenyong balbula sa loob ng lata. Ang disenyo ay may isa lamang kumikilos na parte, hindi masusunog o sasabog, at sinasabing nakatutugon sa lahat ng mga pamantayan para sa aerosol sa daigdig. Ito’y inaasahan sa pamilihan maaga sa susunod na taon.

“EARTHQUAKE SYNDROME”

Ang mga lindol ay nagdudulot ng kaigtingan kapuwa sa mga tao at mga hayop. Noong nakaraang tag-araw, nang libu-libong malalakas at mahihinang pagyanig ay yumanig sa Itō, Hapón, maraming tao ang nagreklamo tungkol sa mga sakit sa panunaw, diarrhea, at, sa partikular, insomia o di pagkatulog. Ang mga doktor ay “bantulot na magreseta ng ganap na dosis ng mga trangkilayser, sa takot na ang kanilang mga pasyente ay baka hindi magising sakaling muling mangyari ang sunud-sunod na pagyanig,” sabi ng The Daily Yomiuri. Ang mga ospital ng hayop sa Itō ay nag-ulat na ang mga alagang hayop doon ay dumaranas din ng “earthquake syndrome”: nanunuyong mga balahibo, pagkalagas ng buhok, pangangati, pagsusuka, kawalan ng gana sa pagkain, walang sigla, at lagnat​—pawang mga sintomas ng kaigtingan.

IMBENTARYO NG PANGGLOBONG KAGUBATAN

Gaano kalaki sa mundo ang nananatiling kagubatan, hindi pinakikialaman ng tao? Humigit-kumulang sangkatlo ng lupain ng planeta​—halos 48.07 milyong kilometro kuwadrado​—sabi ng tagasuri ng patakaran ng kapaligiran na si J. Michael McCloskey at ng heograpong si Heather Spalding, na nagsaliksik sa bagay na ito sa loob ng 18 buwan. Pinag-aaralan nang matagal at panayan ang mga tsart ng nabigasyon na kinunan sa himpapawid, “hindi nila pinansin ang mga rehiyon na nagpapakita ng mga kalsada, pamayanan, gusali, paliparan, riles ng tren, linya ng tubo, linya ng kuryente, prinsa, imbakan ng tubig at mga balon ng langis,” sabi ng Science News. Kanila rin namang “tinakdaan ang kanilang talaan sa malawak na mga sukat ng lupa kasama na ang hindi kukulanging 1 milyong acres.” Nangunguna sa talaan, na may ganap na kagubatan, ay ang Antarctica. Pagkatapos ay ang Hilagang Amerika (37.5 porsiyento); ang Unyong Sobyet (33.6 porsiyento); Australiasia, kabilang na ang timog-kanlurang mga isla sa Pasipiko (27.9 porsiyento); Aprika (27.5 porsiyento); Timog Amerika (20.8 porsiyento); Asia (13.6 porsiyento); at Europa (2.8 porsiyento). Wala pang 20 porsiyento ng mga dakong kagubatan ng daigdig ang legal na protektado mula sa pagsasamantala.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share