Dati’y Delingkuwente, Ngayo’y Misyonero
Agosto 6, 1950 noon. Ako’y nakatayong kasama ng aking ina sa Yankee Stadium, New York City. Dinadaluhan namin ang isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Kami ni inay ay hindi pa mga Saksi ni Jehova. Hangang-hanga akong nagmamasid sa paligid sa karamihan ng tao, mahigit na isang daang libo sa stadium at sa paligid, subalit walang nagtutulakan, walang nanlalait o nag-aaway, walang nagagalit. Nagunita ko pang sinabi ko sa aking nanay: “Hindi ito kapani-paniwala. Ang mga organisasyong inaniban ko at ang mga lugar na napuntahan ko ay karaniwang may mga awayan. Inay, ito ang katotohanan!” Pinisil lamang niya nang mahigpit ang aking kamay at ngumiti, sapagkat alam na alam niya ang aking nakalipas na tanging ina lamang ang nakababatid. Hayaan mong gunitain ko ang nakaraan.
Ako’y isinilang sa Metropolis, isang maliit na bayan sa bambang ng Ilog Ohio sa gawing timog ng Illinois. Ang taon ay 1930, at bagsak ang ekonomiya ng daigdig noon na tinatawag na Great Depression. Ika-9 ako sa 11 mga anak. Ako’y pinalaki sa relihiyong Lutherano. Tuwing hapon si inay ay nauupo at binabasahan ako mula sa Bibliya, at talagang siyang-siya ako sa mga sesyong iyon. Itinuro niya sa akin ang kasulatan sa Juan 3:16, na nagsasabing: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan,” at sinabi niya sa akin na huwag kong kalilimutan ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Madalas kong maalaala ang tekstong iyon at uulitin ko sa sarili kapag ako’y nag-iisa, subalit hindi ko maunawaan kung paano tayo iniibig ng Diyos at kung ano ang magiging kahulugan nito sa aking buhay. Nagunita ko pa ang pagtatanong sa iba’t ibang tao na mahilig sa relihiyon, at binigyan nila ako ng sarisaring kasagutan, gaya ng: “Binibigyan tayo ng Diyos ng mga punungkahoy at mga bulaklak”; “Binibigyan tayo ng Diyos ng buhay”; “Binibigyan tayo ng Diyos ng mga hayop, ng magagandang bituin, at ng ulan upang tumubo ang mga bagay-bagay.” Pagkatapos ay mag-iisip ako: ‘Ngunit lahat ng mga bagay na iyon ay narito na bago pa isinilang si Jesus. Ang teksto ay nangangako ng buhay na walang hanggan, subalit ang aking kapatid na lalaki at babae ay namatay.’ Kapag itinatanong ko iyon, ako’y sinasabihang: “Oh, darating iyan pagkamatay mo.” Kaya, palibhasa’y bata pa, nalito ako at maaga sa buhay ay nawalan na ako ng interes sa relihiyon at sa Sunday school.
Nang ako’y sampung taóng gulang, ako’y isang delingkuwente at miyembro ng isang gang sa kalye, kung minsan ay pinamumunuan pa ito. Lagi akong nasasabit sa gusot sa mga may kapangyarihan. Kapag makikita ni itay ang kotse ng pulis sa aming kalye, ipalalagay niya na magtatanong sila tungkol sa akin at sasabihin niya: “Tawagin mo si Robert. Narito na ang pulis.” Ang aking mga magulang ay labis na nagdusa dahil sa aking pagkadelingkuwente, at ang aking ama ay magsusumamo sa akin na ihinto ko na ang pakikisama sa gang o barkada na sinasamahan ko. Gayon na lamang ang sama ng loob ni itay at sasabihin niya sa akin: “Napakarami ng problemang idinulot mo sa amin, at ito’y dahil lamang sa iyong mga barkada.” Kataka-taka, gayunman, sasabihin ni Nanay kay Tatay: “Magbabago rin iyan. Tingnan mo, si Robert ay magiging isang ministro balang araw.”
Binabago Ako ng Katotohanan ng Diyos
Pagkatapos ay may nangyari na nakaapekto nang malaki sa aking buhay. Ang kapatid kong si Evelyn ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong 1948. Gayunman, noong panahong iyon ang nalalaman ko lamang tungkol sa mga Saksi ay ang kanilang neutral na katayuan tungkol sa pambansa at pulitikal na mga usapin. Masyado akong mahilig sa nasyonalismo at ayaw kong masangkot ang aking kapatid na babae sa mga taong ito. Walang tigil ko siyang sinalansang. Gayumpaman, nakilala niya ang katotohanan ng kung ano ang kaniyang natututuhan at hindi siya nakinig sa akin. Hanggang sa araw na ito siya at ang karamihan ng kaniyang mga anak at mga apo ay tapat na naglilingkod sa Diyos na Jehova. Ngayon ay pinasasalamatan ko siya at ang Diyos dahil sa kaniyang pagtitiyaga sapagkat isang araw naulinigan ko siyang ipinakikipag-usap ang Bibliya sa kaniyang guro sa Bibliya samantalang ako’y nasa kusina. Nalaman ko ang tungkol sa darating na lupang Paraiso at ang posibilidad ng pamumuhay magpakailanman dito. Ang Juan 3:16 ay nagbalik sa aking isipan, at naisip ko: ‘Ito ang pag-ibig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Jesus.’ Pagkatapos niyan, linggu-linggo ay nakikinig ako mula sa kusina. Di-nagtagal ay inanyayahan nila akong maupo na kasama nila sa pag-aaral. Sa gayon ay nakilala ko ang maibigin, tunay na Diyos, si Jehova.
Dumalo rin at nakipag-aral ang aking mga magulang, at pagkaraang lumipat sa Ypsilanti, Michigan, nagpatuloy sila sa pag-aaral ng Bibliya. Hindi nagluwat, nakisama ako sa kanila roon. Noong 1950 ako’y nagtungo sa aking unang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, isang internasyonal na kombensiyon sa Yankee Stadium, New York City. Ang isang linggong-haba na pagpapakita ng tunay na pag-ibig ay kumumbinsi sa akin na ito ang uri ng mga taong nais kong maging matalik na mga kasama sa nalalabing panahon ng buhay ko. Sa kombensiyong iyon ginawa ko ang aking pag-aalay na maglingkod kay Jehova, ang tunay na Diyos.
Pagbabalik namin sa Michigan mula sa kombensiyon, nagkaroon kami ng kagalakan na dalawin ang Watchtower Bible School of Gilead, isang paaralan upang sanayin ang mga ministro na maglingkod bilang mga misyonero sa ibang bansa. Noong panahong iyon ang paaralan ay nasa magandang dako sa lalawigan na malapit sa South Lansing, New York. Sa pagdalaw na iyon, naging tunguhin ko ang maging isang misyonero.
Noong Setyembre 10, 1950, ako’y nabautismuhan kasama ng dalawa pa sa isang maliit na sapa sa isang bukirin. Ako noon ay 19 anyos. Ang aking mga kasama ay nagbabago, at nang makita ko ang marami sa aking dating mga kasama, tinanong nila ako kung ano ang nangyari. Ang iba ay nagsabi na ako ay nasisiraan. Ngunit, ang totoo, ngayon lamang ako nakadama ng katinuan ng isip sa buong buhay ko! Ang tatay ko ay gulat na gulat at maligayang-maligaya.
Noong 1951 pinakasalan ko si Earline Merlau Olson. Ang kaniyang pinagmulan ay lubhang kakaiba sa akin, yamang siya ay pinalaki ng mga magulang na lubusang naaalay sa Diyos. Ginugol niya ang mga bakasyon sa klase sa gawaing buong-panahong pangangaral at inaasahan niyang palawakin pa ang kaniyang paglilingkuran sa larangan ng pagmimisyonero.
Pagtaguyod sa mga Tunguhin sa Kabila ng mga Kahirapan
Dahil sa aking paninindigan sa Kristiyanong neutralidad, minsan pa ako ay nasangkot sa mga may kapangyarihan, at sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, ako’y nakulong—dahil sa pagiging isang Kristiyano! Noong araw at gabi na ako ay nasa piitan, kitang-kita ko ang maibiging pangangalaga ng Diyos. Sinabi ng isa sa mga preso, maliwanag na ang amo sa selda, sa iba na nais niyang magdaos ng isang huwad na paglilitis at gawin akong isang biktima. Ano ang dapat kong gawin? Balikan ko ang aking dating pag-uugali noon bilang isang kabataang delingkuwente o magtiwala sa Diyos? Nagsumamo ako kay Jehova na tulungan ako na manatiling tapat at bigyan ako ng karunungan at lakas. Agad-agad isa pang preso ang tumulong sa akin. Sinabi niya sa iba na siya ang gamiting biktima at, pisikal na inilagay niya ako sa likuran niya, ang sabi niya: “Daraan muna kayo sa akin bago ninyo siya makuha.” Maigting na mga sandali ang lumipas. Pagkatapos sinabi ng amo sa selda: “Kalimutan na natin ito. Hindi na importante ito.” Nagpasalamat ako sa Diyos! Inilakad ng abugado na ako ay makalaya kinabukasan, subalit ang legal na mga pamamaraan ay nagpatuloy sa loob ng tatlong taon hanggang sa wakas ako ay nalibre sa paglilingkod militar bilang isang ministro.
Noong Mayo 1, 1955, sinimulan naming mag-asawa ang aming karera bilang buong-panahong mga mangangaral, o mga payunir. Kami’y nagpayunir ng dalawang taon sa kongregasyon sa Ypsilanti, Michigan. Pagkatapos kami ay inanyayahang maglingkod bilang mga ministrong espesyal payunir simula noong Mayo 1, 1957, sa Burlington, Vermont, gumugugol ng higit pang panahon sa pangangaral. Sa loob ng dalawang taon doon, kami’y nakibahagi sa pagtatatag-muli ng kongregasyon. Ang aming unang Kingdom Hall ay nasa sentro mismo ng bayan! Noong Linggo ang pahayag pangmadla ay “Komunismo o Kristiyanismo—Alin?” Yamang may mga banta upang hadlangan ang aming pulong, nagtungo ako sa pulisya upang alamin kung maaari ba naming asahan ang kanilang proteksiyon kung kinakailangan. Tiniyak nila sa akin na pangangasiwaan nila ang kalagayan. Mga 20 minuto bago magsimula ang pulong, isang kotseng punô ng mga lalaki ang pumarada sa harap ng Kingdom Hall. Sa loob lamang ng ilang minuto ay dumating ang mga pulis at nakipag-usap sa kanila, at sila’y umalis. Nagkaroon kami ng isang mapayapa, dinaluhang-mainam na pulong.
Mga Misyonero sa Wakas!
Kami’y inanyayahan ng Samahang Watchtower na maging bahagi ng mga kawani nito sa punong tanggapan sa New York City, simula Mayo 1, 1959. Habang inihahanda namin ang mga bagay-bagay upang umalis, isa pang sulat ang dumating na nag-aanyaya sa amin na daluhan ang Gilead School upang sanayin bilang mga misyonero, simula Setyembre 1959. Dalawang dakilang mga pagpapala sa loob ng isang taon! Sa wakas, nasa unahan namin ang aming tunguhin na maging mga misyonero. Ang aming banal na paglilingkod ay patuloy na lumalawak!
Noong Pebrero 1960, pagkatapos ng halos anim na buwang pag-aaral at pagsasanay, kami’y nagtapos sa ika-34 na klase ng Gilead. Kami’y ipinadala sa Bogotá, Colombia, kung saan kami ay dumating noong Marso 1, 1960.
Ang aming unang hamon ay ang matuto ng Kastila. Ang maling gamit ko ng mga salita ay isang pinagmumulan ng katatawanan. Nagunita ko pa nang ako’y nagtatrabaho sa Rooming Department noong aming unang pandistritong kombensiyon at hiniling ko ang mga kapatid na pahiramin kami ng mga kutson (colchones), ngunit ang ginamit kong salita ay cochinos (baboy). May kabaitang tinanong nila ako: “Saan mo gagamitin ang mga ito?” Sabi ko: “Para matulugan ng mga kapatid.” Pagkatapos ng tawanan, nakuha namin ang mga kutson.
Samantalang nasisiyahan sa mga lalang ng Diyos sa likas na kagandahan ng mataas na bundok Andes na natatakpan ng niyebe, ng mga kagubatan, at ng mga kapatagan, marami kaming di-malilimot na mga karanasan. Ang isa ay samantalang dinadalaw namin ang mga espesyal payunir sa Villavicencio, kung saan nagsisimula ang llanos (kapatagan). Sa bayan ng San Martín, nakipagkita kami sa isang pangkat ng mga Saksi mula Granada. Ito ang kauna-unahang pagkakataon para sa mga tao ng San Martín na marinig ang mensahe ng Kaharian. Samantalang ang aking misis ay nakikipag-usap sa isang babae sa kaniyang tahanan, isang batang lalaki ang lumapit sa aking asawa at tinanong siya kung ano ang kaniyang ginagawa. Nang sabihin sa kaniya ng aking asawa, umalis ang bata subalit siya ay bumalik at sinabi sa aking misis na isang parokyano sa isang botika sa kabila ng kalsada ang nais makipag-usap sa kaniya. May kagalakang pinakinggan ng lalaki ang mensahe at kumuha ng lahat ng literatura sa Bibliya na taglay niya. Nang ialok ng aking asawa sa lalaki na padalhan siya sa pamamagitan ng koreo ng mga magasing Bantayan at Gumising!, sinabi sa kaniya ng lalaki: “Napakalayo ng tirahan ko anupa’t walang paglilingkod ng koreo roon. Ako ang kumukuha ng mga sulat ko rito sa San Martín, at minsan lamang sa isang taon ako kung pumunta rito upang kunin ang mga panustos.” Kalooban ng Diyos, na noong taóng iyon siya ay dumating noong panahon ng aming pagdalaw.
Nasiyahan kami nang husto sa pagsasabi ng katotohanan ng Salita ng Diyos sa mga tao sa Colombia sa loob ng 16 na taon, naglalakbay sa lahat ng uri ng transportasyong masasakyan: piragua (bangka), eruplano, bus, kotse, kabayo, at burro. Saanman kami magpunta, nasusumpungan namin ang palakaibigang mga tao na naliligayahang ipakipag-usap ang katotohanan ng Bibliya at makilala at talagang maunawaan ang pag-ibig ni Jehova at ng kaniyang mahal na Anak.
Banal na Paglilingkod Minsan Pa sa Estados Unidos
Noong 1976, dahil sa personal na mga pananagutan, kailangan naming bumalik sa Estados Unidos, kung saan naipagpatuloy namin ang aming banal na paglilingkod bilang mga payunir. Pagkatapos, noong 1980, ako ay nasa katayuan na dumalaw sa mga kongregasyon sa isang sirkito bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kaya, ako’y naatasang maglingkod sa larangan ng mga nagsasalita ng Kastila. Kami’y tuwang-tuwang gumawa na kasama ng ating masigla, maibigin, espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae sa mga sirkito sa iba’t ibang bahagi ng Estados Unidos.
Noong ako’y bata pa, sinabi sa akin ng nanay ko: “Huwag mong kalilimutan ang pag-ibig ng Diyos!” Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagtulong sa akin, sa pamamagitan ng kaniyang makalupang organisayon, na maunawaan ang kaniyang pag-ibig at kung ano ang kahulugan nito para sa sangkatauhan, gayundin sa pagtulong sa akin na magbago, sa pamamagitan ng kaniyang Salita at espiritu, mula sa isang delingkuwente tungo sa isang tao na kalugud-lugod sa kaniya para sa banal na paglilingkod. Ibinuhos niya ang kaniyang mga pagpapala, ginagawang posible na maabot ko ang aking mga tunguhin. Para sa aming saganang mga pribilehiyo sa banal na paglilingkod sa Diyos at sa isang buhay na umaapaw sa kaligayahan, kaming mag-asawa ay nagpapasalamat kay Jehova, sa kaniyang Anak at sa kaniyang tapat na organisasyon.—Gaya ng inilahad ni Robert D. Reed.
[Larawan sa pahina 17]
Sina Robert at Earline Reed
[Larawan sa pahina 18]
Araw ng paglalaba sa Colombia ng aking asawa, si Earline