Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/8 p. 20-21
  • Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa mga Anghel

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa mga Anghel
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Umiiral ba Sila?
  • Ano ang Hitsura Nila?
  • Mayroon ba Silang Personalidad?
  • Dapat ba Silang Sambahin?
  • Mga Anghel—Apektado ba Nila ang Buhay Mo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Sino o Ano ang mga Anghel?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Kung Paano Ka Matutulungan ng mga Anghel
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Mga Anghel—“Mga Espiritung Ukol sa Pangmadlang Paglilingkod”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/8 p. 20-21

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa mga Anghel

“Mga 3,000 iskolar sa relihiyon ang nagtipon sa loob ng apat na araw sa New York noong nakaraang linggo upang pakinggan ang mahigit na 500 report tungkol sa mga paksa na mula sa papel ng pagpapatawa sa mga sermon hanggang sa kahalagahan ng ritwal sa mga Pentecostal. Walang sinuman ang bumanggit tungkol sa mga anghel.”​—Daily News, Disyembre 26, 1982.

NGAYON, pagkalipas ng walong taon, kaunti pa rin ang sinasabi ng mga klero tungkol sa mga anghel. Bakit? Maaari kayang ang makalangit na mga mensaherong ito ay ipinalalagay na bahagi lamang ng sinaunang alamat? O talaga bang umiiral sila? Kung gayon, ano ang dapat mong malaman tungkol sa kanila?

Umiiral ba Sila?

Ang mga anghel ay hindi basta “mga kapangyarihan” o “mga pagkilos ng sansinukob,” gaya ng sabi ng ilang pilosopo. Ang mga ito ay tunay upang sila’y banggitin ng daan-daang ulit sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa orihinal na mga wika ng Bibliya, ang mga salitang isinaling “anghel” (Hebreo, mal·’akhʹ; Griego, agʹge·los) ay literal na nangangahulugang “isa na nagdadala ng mensahe” o basta “mensahero.” Ang mga salitang ito ay lumilitaw ng halos 400 beses sa buong Bibliya, kung minsan ay tumutukoy sa tao, subalit karaniwang tumutukoy sa espiritung mga mensahero.

Ang anghel na nagpakita sa baog na asawa ni Manoa na naghayag ng paglilihi niya sa kaniyang anak, si Samson, ay tunay sa kaniya. Gayundin ang tatlong anghel na nagpakita kay Abraham at sa kaniyang asawang si Sarah, at ang dalawa na humanap kay Lot, at ang isa na naupo sa ilalim ng isang malaking punungkahoy at nakipag-usap kay Gideon. (Genesis 18:​1-15; 19:​1-5; Hukom 6:​11-22; 13:​3-21) Noong panahon ng pagsilang ni Jesus, isang anghel ang biglang lumitaw sa isang pangkat ng mga pastol sa gitna ng isang nakasisilaw, kumikislap na liwanag.​—Lucas 2:​8, 9.

Ang mga anghel na iyon ay tunay. Hindi sila guniguni lamang o isang panlahat na puwersa. Tinutupad nila ang isang ibinigay na layunin bilang mga mensahero buhat sa Diyos, at ang mga ulat ay may kawastuang inirekord sa Bibliya para sa ating pakinabang sa ngayon. (2 Timoteo 3:16) Sa gayon isinisiwalat ng Bibliya ang mahalagang mga detalye tungkol sa mga anghel na dapat mong malaman, ang ilan ay salungat sa tradisyonal na mga ideya.

Ano ang Hitsura Nila?

Marahil ay inilalarawan mo ang mga anghel na magagandang babae o bilang malulusog, tulad-sanggol na mga nilikha na may mga pakpak, magiliw na nakangiti na nakasuot ng puting damit, tumutugtog ng munting mga alpa, at lilipad-lipad sa himpapawid. Kung gayon, dapat mong malaman na ang mga ito ay maling pagkaunawa na hango sa paganong mga ideya, gaya ng mitolohiyang Griego. O ang mga ideyang ito ay pinagtibay pagkatapos makompleto ang pagsulat sa Bibliya. Sa makasagisag na mga pangitain sa Bibliya, ang espiritung mga nilalang na gaya ng mga serapin at mga kerubin ay may mga pakpak.​—Isaias 6:​2; Ezekiel 10:​5; Apocalipsis 14:6.

Inilalarawan ng Salita ng Diyos ang mga anghel bilang lubhang makapangyarihang mga espiritu, at ang espiritu ay hindi nakikita. (1 Hari 22:​21; Awit 34:​7; 91:11) Isang “anghel ni Jehova” ang pumatay sa 185,000 mga taga-Asiria sa kampo ng kaaway ng Israel sa loob lamang ng isang gabi! (Isaias 37:36) Kapag ang mga anghel ay nagpapakita sa mga tao, sila’y laging nagpapakita bilang nadaramtang mga lalaki, hindi bilang mga babae o mga bata at hindi sa anyong mababa sa tao.

Saan galing ang makapangyarihang espiritung mga nilalang na ito? Ang Bibliya ay nagsasabi na “sa pamamagitan niya [ni Jesus] nilikha ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa ibabaw ng lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na di-nakikita.” (Colosas 1:16) Hindi lamang nilikha ng Diyos na Jehova, sa pamamagitan ng kaniyang panganay na Anak, ang mga anghel matagal nang panahon bago pa ang tao kundi ginawa rin niya silang isang mas mataas na anyo ng buhay kaysa tao.​—Job 38:​4, 7; 2 Pedro 2:11.

Mayroon ba Silang Personalidad?

Ang mga anghel, gaya ng tao, ay may damdamin. Pagkatapos masaksihan ang paglalang sa lupa, tayo’y sinabihan na ang mga anghel ay “nagsiawit na magkakasama,” at “naghiyawan sa kagalakan.” (Job 38:7) Isinisiwalat din ng Bibliya na “may tuwa sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.” (Lucas 15:10) Tunay, walang panglahat na “kapangyarihan” ang makararanas ng labis na kagalakang inilalarawan sa mga talatang iyon.

Ang mga anghel ay mayroon ding mga limitasyon. Ang ilang katotohanan tungkol kay Kristo at sa hinaharap ay isiniwalat sa mga propetang tao subalit hindi sa mga anghel. Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na “ang mga bagay na ito ay ninanasang mamasdan ng mga anghel.” (1 Pedro 1:​10-12) Kung tungkol sa eksaktong petsa na pinili ng Diyos para sa pagparito ng Panginoon, sinabi ni Jesus: “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit kahit ang Anak man, kundi ang Ama lamang.”​—Mateo 24:36.

Gayundin, ang mga pangalan ng dalawang anghel, sina Miguel at Gabriel, ay lumilitaw sa Bibliya. (Daniel 12:​1; Lucas 1:26) Hindi ba’t ito’y nakadaragdag sa katibayan ng kanilang personalidad? Bilang mga indibiduwal, hindi sila iprinograma, tulad ng isang computer o isang robot, na kumilos sa isang tiyak na paraan. Bagkus, ang mga anghel ay pinagkalooban ng kapangyarihang mangatuwiran at may kalayaang gumawa ng personal na pasiya sa moral. Kaya, bilang may kalayaang magpasiya, pinili ng ibang anghel na maghimagsik laban sa Diyos at naging Satanas at ang kaniyang mga demonyo.​—Genesis 6:​1-4; Judas 6; Apocalipsis 12:​7-9.

Dapat ba Silang Sambahin?

Bagaman kinikilala natin ang pag-iral ng mga anghel bilang isang katotohanan, hindi pabula, dapat nating iwasan ang kalabisan. Ang ibang relihiyosong mga organisasyon ay nagbigay ng labis-labis na kabantugan sa mga anghel, bagaman ang pagsamba sa mga anghel ay hinahatulan sa Bibliya. (Colosas 2:​18; Apocalipsis 22:​8, 9) Binago ng Iglesya Katolika sina Miguel at Gabriel tungo sa mga bagay na sinasamba. At sa mga simbahan ng Eastern Orthodox, ang mga anghel ay lubhang mahalaga sa litanya. Anong laking kabaligtaran sa babalang ibinigay ng anghel ni Jehova nang si apostol Juan ay nagpatirapa sa kaniyang paa: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako’y kapuwa mo alipin.”​—Apocalipsis 19:10.

Bakit ba napakaraming kalituhan tungkol sa mga anghel? Si Satanas, na nagkukunwang “isang anghel ng liwanag,” “ay binulag ang pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.” (2 Corinto 4:​4; 11:14) Kaya, hindi ba makatuwirang asahan na marami sa ngayon ang nanghahawakan sa kani-kanilang mga opinyon tungkol sa pag-iral at kalikasan ng mga anghel sa halip na tanggapin ang sinasabi ng Salita ng Diyos? Oo, bagaman kaunti ang sinasabi ngayon ng mga klerigo tungkol sa mga anghel, taglay natin ang garantiya ng Diyos sa pamamagitan ng ulat ng Bibliya na sila nga ay umiiral at nagsasagawa ng isang marangal na paglilingkuran bilang mga mensahero ni Jehova.​—Hebreo 1:​7, 14; 6:18.

[Larawan sa pahina 20]

Ang mga anghel na inilalarawan bilang mga tulad-sanggol na mga nilikha na may mga pakpak ay mula sa paganong mga ideya

[Credit Line]

Cupid a Captive ni François Rouchex, c. 1754

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share