Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ANG ATING MARUMING PLANETA
  • MULING PAGSIGLA NG RELIHIYON NG MGA SOBYET
  • NAKAMAMATAY NA PAGKASUGAPA
  • ANG HULING DALAI LAMA?
  • KALUGIHAN NG NANALO SA LOTERYA
  • MARIJUANA AT MEMORYA
  • KLERONG HOMOSEKSUWAL
  • 2,500-TAÓNG PALAISIPAN
  • DI-NAIIBIGANG BARYA
  • MGA NASAWI SA DIGMAAN
  • PINAKAMALIIT SA DILANG MALIIT
  • KARAHASAN SA VIDEO
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2000
  • Bahagi 8—c. 563 B.C.E. patuloy—Isang Kaliwanagan na Nangako ng Pagpapalaya
    Gumising!—1989
  • ‘Ang Lahat ay Humihitit ng Marijuana—Bakit Ako’y Hindi Puede?’
    Gumising!—1986
  • ‘Makasira Kaya sa Aking Kalusugan ang Paghitit ng Marijuana?’
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

ANG ATING MARUMING PLANETA

“Napakagrabe na ng pag-abuso sa kapaligiran anupa’t ito ngayon ay makikita na mula sa malayong kalawakan,” ulat ng The Toronto Star. Ang mga larawang kuha ng mga astronot mula sa malayong kalawakan ay nagpapakita na “ang planeta ay natatakpan ng alikabok mula sa lumalawak na mga disyerto, ang pagkalalaking mga lawa ay naglalaho at ang mga huwaran ng lagay ng panahon ay binabago ng polusyon.” Ang init mula sa mga pagawaan ng bakal, usok mula sa malalaking lungsod, at usok mula sa nasusunog na mga gubat ay binanggit bilang mga halimbawa ng pinsala sa kapaligiran na dala ng tao. Ayon kay Dick Underwood, isang kasangguni sa U.S. National Aeronautics and Space Administration, ang mabilis na paglaganap ng mga disyerto ay naghaharap “ng pinakamalaking panganib,” yamang maaaring walang paraan upang ihinto ito. Nagpapahayag ng kaniyang pagkabalisa, sabi niya: “Ang lupa ay isa lamang maliit na planeta, subalit ito lamang ang ating planeta.”

MULING PAGSIGLA NG RELIHIYON NG MGA SOBYET

Sang-ayon kay Presidente Mikhail Gorbachev, “ang Unyong Sobyet ay nagkasala dahil sa malaon nang pagtanggi sa relihiyon at ngayon kailangan nito ng moral na lakas,” sabi ng The New York Times. Sinipi siya nito na nagsasabi: “Ang mga pamantayang moral na ibinibigay at isinasama ng relihiyon sa mga dantaon ay makatutulong din sa gawaing pagbabago sa ating bansa. Sa katunayan, nangyayari na ito.” Isang report sa The Wall Street Journal ay sumasang-ayon: “Kahit na sa gitna ng mga taong hindi gaanong relihiyoso, nauuso ngayon ang magdalamhati sa pagguho ng moral ng bansa at tanggihan ang palagay na Marxista-Leninista tungkol sa relihiyon bilang opyo ng bayan.” Bagaman ang pagbabago, sabi pa ng Journal, “ang nagpasimula sa muling pagsigla ng relihiyon, kulang na kulang ang suplay ng Aklat ng mga Aklat.” Ang Sobyet na mga tagapaglathala ng aklat, na kontrolado pa rin “ng isang gobyerno na opisyal na nangangaral ng ateismo,” ay hindi pa rin nag-iimprenta ng mga Bibliya upang matugunan ang pangangailangan. Ang mga kopyang black-market, kung masusumpungan, ay nagkakahalaga ng $100 ang bawat isa, at iniulat din ang pagnanakaw ng mga Bibliya.

NAKAMAMATAY NA PAGKASUGAPA

“Sa bawat 13 segundo, may namamatay sa isang sakit na dala-ng-tabako,” ulat ng UN Chronicle. “Ang mababang tantiya ng kabuuang kamatayan dahil sa tabako ay 2.5 milyon katao sa bawat taon.” Sa karamihan ng mga bansa, ang bilang ng mga babaing naninigarilyo ay mabilis na dumarami. Karagdagan pa sa panganib ng kanser sa bagà at iba pang mga karamdaman sa palahingahan, ang mga babaing maninigarilyo na gumagamit ng kontraseptib na mga gamot ay mas nanganganib na dumanas ng atake sa puso at atake serebral. Isinasapanganib din ng mga babaing nagdadalang-tao ang kalusugan ng kanilang anak.

ANG HULING DALAI LAMA?

Ang Dalai Lama ng Tibet, na nagwagi ng 1989 Nobel Peace Prize, ay nagsasabing nais na niyang magbitiw at hayaang magkaroon ng isang inihalal ng tao na punong ministro na kukuha ng kaniyang tungkulin. Sang-ayon sa doktrina ng Budista sa Tibet, ang kasalukuyang Dalai Lama ang ika-14 na inkarnasyon ni Chen-re-zi, ang nabubuhay na Buddha, patron ng Tibet. Ang isang Dalai Lama ay itinuturing na relihiyoso at pulitikal na soberano ng Tibet mula noong ika-17 siglo. Bakit iminumungkahi ang isang pagbabago ngayon? Inaakala ni Lodi Gyari, ang ministrong panlabas ng Dalai Lama, na ito’y upang pilitin ang mga taga-Tibet na umasa sa hinaharap. “Ang Budismo ay nagtuturo na ang lahat ng bagay ay hindi permanente at na ang lahat ay mamamatay, pati na ang Dalai Lama,” sabi niya. “Kaya dapat naming iplano iyan.” Subalit tinututulan ng mga lider na taga-Tibet, na mga taong tapon na kasama ni Dalai Lama sa India, ang ideyang iyon. Ang Tibet ay nasa ilalim ng pamamahala ng Komunistang Intsik mula noong 1950. Si Dalai Lama ay tumakas tungong India noong 1959 pagkatapos mabigo ang paghihimagsik laban sa pamamahalang Intsik.

KALUGIHAN NG NANALO SA LOTERYA

“Mabibili ko ang anumang ibig ko kailanma’t maibigan ko ito,” sabi ni Jean-Guy Laviguer, na nanalo ng $7.6 milyon na jackpot sa loterya sa Canada noong 1986, “ngunit bukod diyan ay hindi rin ako maligaya na gaya ng iba.” Ang dating walang trabahong taga-Montreal ay nagsabing ang pagiging isang milyonaryo ay “hindi nagpabago sa akin, subalit binago nito ang lahat sa paligid ko.” Ngayon siya ay tinalikdan ng pamilya at dating mga kaibigan sapagkat, gaya ng sabi niya, “Hindi ko sila binigyan ng sapat na pera.”

MARIJUANA AT MEMORYA

Nasumpungan ng mga mananaliksik na “ang mga tin-edyer na nag-aabuso sa marijuana ay maaaring magkaproblema sa kanilang panandaliang memorya nang hanggang anim na linggo pagkatapos nilang humintong humitit ng droga,” sabi ng magasing Science News. Napapansing ang mga tin-edyer na nag-abuso sa marijuana ay “kadalasang nahihirapang tandaan ang mga tuntunin at sundan ang mga pag-uusap” samantalang nasa programa ng paggamot sa droga, inihambing sila ng mga mananaliksik doon sa mga gumamit ng ibang droga at doon sa mga hindi nag-abuso sa droga. Ang “mga lalaki at babaing nag-abuso sa marijuana ay nahirapan sa mga atas na ginagamit ang panandaliang memorya” kaysa dalawang grupo, sabi ng report, at pagkalipas ng anim na linggo, “bagaman ang kanilang memorya ay bahagyang sumulong, mahina pa rin ito kung ihahambing sa dalawang grupo.”

KLERONG HOMOSEKSUWAL

“Panahon nang may tahasang magsabi nito,” sulat ng klerigong si Andrew Greeley sa National Catholic Reporter. “Ang mga lider ng simbahan ay maysala sa isa pang kahangalan, isa na sumisira sa lahat ng kinakatawan ng pagkaparing Katoliko.” Ano ba ito? “Ipinapahintulot ng liderato ng simbahan ang dobleng pamantayan tungkol sa hindi pag-aasawa ng mga pari at, dahil sa katangahan at karuwagan, ipinahihintulot nito ang pagkapari sa pangkalahatan, marahil balang araw ang karamihan, ay bakla,” sabi ni Greeley. Bagaman kinikilala na “maraming pari, obispo, papa at mga santo pa nga noong una ay malamang na mga homoseksuwal kaysa heteroseksuwal sa kanilang hilig,” naniniwala siya na ang kasalukuyang patakaran ng simbahan tungkol sa seksuwalidad ng mga pari ay nagpapangyari sa nakararaming mga klero na maging homoseksuwal, lalo pang pinipinsala “ang nadumhan nang larawan ng pagkapari.” Susog pa ni Greeley: “Lumilitaw na maraming homoseksuwal na mga pari na inordina sa nakalipas na dalawang dekada ay seksuwal na aktibo at na ang ilan sa kanila ay mga pedophiles [mas gusto nilang makatalik ang mga bata ].”

2,500-TAÓNG PALAISIPAN

Papaano dinilig ni Haring Nabukodonosor ang maalamat na Hanging Gardens ng Babilonya? Iyan ang nais malaman ni Presidente Saddam Hussein ng Iraq, sabi ng New York Post. Gayon na lang ang pagnanais niya anupa’t siya’y nag-aalok ng gantimpalang $1.5 milyon sa sinumang makatuklas ng pinakamapaniniwalaang sistema sa pagdidilig sa maalamat na pitong-antas na baitang-baitang na hardin. Gayunman, hindi maaaring gamitin ang modernong teknolohiya sa sistema, yaon lamang maaaring ginamit noong ikaanim na siglo B.C.E. Nais gayahin ng pamahalaan ng Iraq ang mga hardin, na maaaring 110 metro ang taas. Ang paligsahan ay bukas lamang sa mga taga-Iraq.

DI-NAIIBIGANG BARYA

Ang penny (1 sentimo, U.S.) ay nagiging di-popular habang parami nang paraming negosyante ang nagpapaskil ng karatulang kababasahan ng: “Hindi tumatanggap ng penny.” Maraming penny ang itinatanpon na lang. Isang pagawaan na nagreresiklo sa Florida ang may sabi na ito ay nakasusumpong ng $1,000 halaga ng mga penny sa bawat linggo na kasama ng mga basura. Iniuulat ng Kagawaran ng Pananalapi ng E.U. na mahigit 6,000,000,000 penny ang naglalaho taun-taon.

MGA NASAWI SA DIGMAAN

Mahigit na 4.5 milyon katao ang nasawi sa digmaan noong 1988, sang-ayon sa isang pag-aaral ni William Eckhardt ng Lentz Peace Research Laboratory na base-sa-E.U. “Tatlong-kapat ng mga biktima ay mga sibilyan, ang karamihan nito ay mga matatanda na at mga batang hindi kaagad makasumpong ng kanlungan at pinakamadaling tablan ng malnutrisyon,” sabi ng artikulo sa National Catholic Reporter. Labanang sibil ang nangyayari sa 18 ng 22 bansa kung saan ang mga digmaan ay dokumentado. Gayunman, ang Hilagang Ireland, El Salvador, Nicaragua, Namibia, at Timog Aprika ay hindi kasali, yamang ang mga nasawi sa mga bansang iyon ay wala pang isang libo sa isang taon. Bagong mga digmaan ang sumiklab sa Burundi at Hilagang Somalia noong 1988.

PINAKAMALIIT SA DILANG MALIIT

Isang bagong tirahan ng akuwatikong mga mikroorganismo ang natuklasan: mga virus na sumusukat ng hindi hihigit sa .2 micrometro sa diyametro. Dati, ang pinakamaliit na anyo ng buhay ay inaakalang ang mga nanoplankton, mga organismo na sumusukat mula 10 hanggang 20 micrometro sa diyametro, at ang picoplankton, na sumusukat ng wala pang 2 micrometro sa diyametro. Tinatayang mula 10 milyon hanggang 100 milyong mga virus ang umiiral sa isang mililitro ng malinis na tubig​—sampung ulit ng dami ng baktirya—​ginagawa itong “ang pinakamaraming anyo-ng-buhay sa lupa,” sabi ng Scientific American.

KARAHASAN SA VIDEO

Ang brutal na pagpatay sa apat na maliliit na batang babae sa Hapón ay naging dahilan ng isang kaguluhan doon dahil sa mararahas ng mga videotape, ulat ng magasing Asiaweek. Ang mamamatay-tao, si Miyazaki Tsutomu, ay nagsasabi na ang detalyadong karahasan at pornograpya sa video ang nag-udyok sa kaniya na gawin ang nakapangingilabot na panghahalay at pagpatay. Nasumpungan ng mga pulis ang halos 6,000 videotapes sa tahanan ni Tsutomu; ang mga ito ay nagtatampok ng tunay-sa-buhay na mga eksena ng pagpatay, ang paglapa sa mga tao, at pornograpya. Subalit pinawalang-saysay ng tagapagsalita para sa industriya ng videotape ang anumang kaugnayan sa pagitan ng mga pelikula at ng krimen na diumano ito’y “katawa-tawa.” Samantalang hinihiling ng mga magulang ang higit pang pagsugpo sa gayong mga tape, binanggit lamang ng isang opisyal ng gobyerno ang posibilidad na takdaan ang mga ito sa mga manonood na 18 taóng gulang o higit pa. Subalit gaya ng sabi ng Asiaweek: “Halos walang kaugnayan iyan sa isyu: si Miyazaki ay 26.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share