Ang Magagandang Kristal na Iyon ng Kofu
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
IKAW ba’y nabighani na ng kagandahan ng alahas o inukit na kristal? Marahil ikaw ay nabighani na nito. Subalit gaya ng karamihan sa atin, marahil ay hindi mo nalalaman kung paano ito ginagawa. Para sa higit pang impormasyon tungkol dito, halina sa Kofu, Hapón, isang lungsod sa hilagang-kanluran ng bantog na Bundok Fuji. Isa ito sa pinakamalaking sentro sa daigdig na gumagawa ng hiyas.
Una, ating puntahan ang Lapidary Research Institute, kung saan ipinaaalam sa atin ng kawani ang tungkol sa arkeolohikal na mga tuklas na nagpapahiwatig na noon unang panahon ginamit ng mga mandirigmang Hapones ang kristal na pinaka-tulis ng kanilang mga sibat. Ang ilang tulis ng sibat ay noon pang panahon ni Kristo. Nalaman din namin ang tungkol sa bahagi na ginampanan ng kristal sa relihiyon. Ang relihiyong Shinto ay nakasentro sa likas na mga bagay gaya ng araw, mga bundok, punungkahoy, at mga bato. Anumang bagay na hindi pangkaraniwan ay isang kandidato para sa pagsamba. Kaya nang matuklasan ang mga kristal, ang mga ito’y iningatan sa mga dambana roon.
Noong panahong umiiral ang feudalismo sa Hapón, ang mga kristal ay bihirang bilhin o ipagbili. Subalit noong 1867 nagsimulang maghari si Emperador Meiji at mula noon ang sistemang feudal ay nagwakas. Dahil sa pagbabagong ito, malayang minina at ipinagbili ng mga tao ang mga kristal. Ang industriya ng kristal sa Kofu ay isinilang.
Ano ba ang mga Kristal?
Si Propesor Kenro Tsunoda ng Yamanashi University ay sumasagot: “Ang salitang ‘kristal’ ay maaaring tumukoy sa anumang bagay na buo at matigas na may regular, inuulit na kaayusan ng mga atomo. Ang mga brilyante, snowflakes, at maging ang karaniwang asin ay kristalin sa kayarian.”
Saan galing ang mga kristal? Si Propesor Tsunoda ay sumasagot: “Ang mga kristal na quartz ay yari sa silicon at oksiheno, ang dalawang pinakasaganang elemento sa ibabaw na balat ng lupa. Pagkatapos ng paglalang sa lupa, ito’y lumamig, at ang mas magaang na mga kemikal na sangkap ay lumutang sa ibabaw ng lupa. Habang ito ay tumitigas, isang manipis, mabatong ibabaw na balat ng lupa ang nabuo. Gayunman, ang granitikong magma (nilusaw na bato) mula sa ilalim ng lupa ay kung minsan lumalabas sa ibabaw na balat na ito. Ang resulta: isang bulkan. At kung minsan naman ang magma ay uusli lamang upang maging mga bunton ng bato sa ilalim ng ibabaw na balat ng lupa.” Sa nakalipas na mga siglo, ang patuloy na pagtaas at mabagal na paglamig ng mainit na magma ay nagpapangyari sa halo ng tamang-tamang mga elemento, temperatura, at presyon upang mabuo ang malinaw na mga kristal ng quartz.
“Anuman ang kanilang laki o hugis,” sabi pa ng propesor, “ang mga kristal na ito ay laging may anim na panig. Ang makinis, patag na ibabaw nito ay nagtatagpo sa 60 digring anggulo at nagtatagpo sa isang punto sa itaas. Mangyari pa, ang mga ito ay hindi kasintigas ng brilyante, na nabubuo sa ilalim ng mas matinding init at presyon. Subalit ang katigasan nito ay umaabot sa pito sa Moh’s scale na sukatan ng katigasan, kung ihahambing sa siyam para sa mga sapiro at rubi. At ang mga ito ay maaaring napakalaki.”
Mula sa Mineral Tungo sa mga Obra-maestra
Si Mr. Momose, ang may-ari ng isa sa mas malaking pagawaan sa Kofu, ay may kabaitang sumang-ayon na ipakita sa amin kung paanong ang mga kristal ay kinukuha sa kanilang magaspang na anyo at ginagawang magagandang hiyas. “Noong nakalipas na mga taon,” sabi ni Mr. Momose, “karamihan ng mga kristal na ginagamit dito ay minimina sa Hapón. Ngayon, sa mga kadahilanang pangkabuhayan, wala nang pagmiminang ginagawa sa Hapón. Mga 480 tonelada ng kristal ang inaangkat taun-taon, karamihan mula sa Brazil, ang ibang bato ay galing sa Aprika, Kanlurang Alemanya, at Estados Unidos.”
Ang mga bato ay pinipiraso ng isang Carborundong panghiwa, gaya ng paghiwa mo sa tinapay. Saka naman binabakas ng isang kapatas sa bato kung saan niya tatabasin ang bawat hiyas. Para mas madali ang pagputol, idinidikit ng artesano ang mga hiyas sa isang mahabang patpat. Pagkatapos, nakaupo sa isang umiikot na mesa, may kasanayang pinakikinis niya ang mga tapyas sa pamamagitan ng kamay. Maaari siyang gumamit ng habilog, maningning, esmeralda, o iba pang magagandang tapyas na bato. Pagkatapos, ang mga bato ay pinakikintab sa isang umiikot na mesa. Ang bawat bato ay naging isang obra-maestra!
Ang halaga at kagandahan ay lalo pang pinagaganda kapag ang mga batong ito ay nailagay sa eleganteng enggaste ng isang mag-aalahas. Dinalaw namin ang isang lokal na mag-aalahas at nakita namin ang kamangha-manghang displey ng mga hiyas. Napansin namin na pagkasarisari ng mga bagay na maaaring gawin mula sa kristal: mga alpiler, himelo, mga pabigat ng papel, tie tacks, mga palawit. Sa dingding naman ay kahanga-hangang mga displey ng Bundok Fuji, makulay na mga ibon, at ang bantog na karpang Hapones.
Ginagamit ng mga mag-aalahas ang ginto, platinum, white gold, o pilak sa animo’y walang katapusang paraan upang eenggaste ang likas na kagandahan ng mga hiyas. At ang pagsasama ng mga kristal sa mahahalagang bato, gaya ng brilyante, ay lubhang nakadaragdag sa kaningningan at halaga nito. Subalit ang mumunting kristal ng quartz sa hindi gaanong magandang enggaste ay nagsisilbi ngayon bilang mga oscillator sa mga relo, television, radyo, at iba pang elektronikong mga aparato. At sino ang nakakaalam kung anong gamit sa hinaharap ang masusumpungan dito? Gayunman, pansamantala, kontento na kami na masdan na may paghanga ang maningning na kagandahan nito.
[Picture Credit Lines sa pahina 23]
Yamanashi Jewelry Museum
The Shakado Museum of Jomon Culture