Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 9/22 p. 16-17
  • “Nakakita Na ba Kayo ng Bolivianita?”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Nakakita Na ba Kayo ng Bolivianita?”
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Bagong Labas
  • Kapana-panabik na Paglalakbay
  • Yungib ng mga Kristal
  • Ang Magagandang Kristal na Iyon ng Kofu
    Gumising!—1990
  • Mga Kristal na Tulad ng mga Sinag ng Buwan
    Gumising!—2003
  • Kristal
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Pantanal—Isang Kawili-wiling Kanlungan ng mga Hayop
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 9/22 p. 16-17

“Nakakita Na ba Kayo ng Bolivianita?”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BOLIVIA

PUMASOK kami sa isang napakasikip na silid, at hindi namin inaasahang makasusumpong kami ng anumang bagay na pambihira sa kagandahan. Tiningnan kami ng isang kabataang alahero mula sa kaniyang mesang gamit na gamit at natatakpan ng mga kagamitan at drowing. Sinabi namin sa kaniya na naghahanap kami ng alahas.

Palakaibigan siya, at nang sabihin namin sa kaniya na sinubukan na rin namin mismo na gumawa ng alahas, nagningning ang mga mata niya sa pananabik. Ipinaliwanag niya ang kaniyang kasanayan at ipinakita sa amin ang ilan sa mga alahas na ginawa niya. Magaling siyang alahero. Pagkatapos ay tinanong niya kami, “Nakakita na ba kayo ng bolivianita?”

Bagong Labas

Napansin niyang nag-isip kami, kaya inalis niya ang mga kalat sa mahabang mesa. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang inilatag ang itim na telang pelus, at nakita namin sa kauna-unahang pagkakataon ang tinabas na mga hiyas na bolivianite​—matingkad na purpura sa unang tingin. Subalit nang itapat namin ang isa sa mga ito sa liwanag at titigan ito, nakita namin ang kinang na kulay-ginto. Iyan ang natatanging kagandahan ng bolivianite, marikit na kombinasyon ng purpurang amatista at ng matingkad na kulay-kahel at dilaw na citrine sa iisang bato.

Ang bolivianite (bolivianita, sa Kastila) ay isang tatak ng ametrine. Una itong inilabas sa publiko para ipagbili noong 1989. Nang mabalitaan namin na ang Bolivia, kung saan kami nakatira, ang sinasabing tanging pinagmumulan ng saganang natural na ametrine sa buong mundo, gusto naming makita kung saan nagmumula ang bibihira subalit abot-kayang bato na ito.

Kapana-panabik na Paglalakbay

Talagang kapana-panabik ang pamamasyal sa minahan. Sa Puerto Suárez, malapit sa hangganan ng Bolivia at Brazil, lumulan kami sa isang maliit na bangkang de-motor upang maglakbay nang 150 kilometro sa hilaga pasalunga sa Ilog Paraguay at binagtas namin ang Pantanal. Hangang-hanga kami sa buhay-iláng​—mga tagak at jabiru sa himpapawid, mga buwaya sa tubig, at mga otter na naglalaro sa tabing-ilog.

Dumating kami makalipas ang anim na oras na paglalakbay, at pagkatapos ay sumakay kami sa trak na four-wheel-drive patungo sa minahan. Mga 120 katao ang nagtatrabaho roon. Dalawang inhinyero ang mabait na nagkusang ilibot kami sa minahan. Ang minahan ay may lawak na mga sampung kilometro kuwadrado at maraming hukay, ang ilan ay halos 60 metro ang lalim. Ipinaliwanag ng mga inhinyero na gumagamit sila ng tradisyonal na mga pamamaraan sa pagmimina tulad ng pagbabarena at pagpapasabog, subalit kapag umabot na sila sa deposito ng mamahaling mga bato, manu-mano na nilang kinukuha ang mga kristal. Ipinadadala nila ang magkakahalo at di-pa-natatabas na mga bato sa plantang nagpoproseso, kung saan 18 porsiyento ng mga ito ay ginagawang mga hiyas. Ang natitira pa ay ginagawang mga butil ng kuwintas, espero, at prisma. Ang ilang piraso ay ginagawang eskultura, at ang iba pang tipak ay ipinagbibili sa orihinal na anyo nito bilang palamuti.

Yungib ng mga Kristal

Nagsuot kami ng guwantes at hard hat bago pumasok sa minahan. Gamit ang mga flashlight, bumaba kami sa mga hagdang kahoy na may anim na baytang, palusong sa isang butas na mga 20 metro ang lalim. Pagdating namin sa dulo ng paikot na tunel, napatulala kami. Tumambad sa amin ang isang yungib na may sukat na kuwatro por tres por uno metro at ang dingding ay puno ng mga kristal na kulay-purpura at ginto. Plano ng may-ari ng minahan na hindi na ito galawin at panatilihin na lamang ang likas na hitsura nito. Isa ito sa pinakamagagandang tanawin na nakita namin.

Hindi pa lubusang nauunawaan kung paano nagkakaroon ng dalawang kulay ang iisang kristal. Lumilitaw na samantalang nabubuo ang mga kwarts na kristal, nagkakaroon ng ilang pagbabago sa kalagayan, temperatura, radyasyon, o presyon ng solidong materya ng Lupa. Ang mga bato ay mahusay na tinatabas at pinakikintab ng mga eksperto sa pagkilatis ng hiyas upang lumitaw ang dalawang kulay sa bawat hiyas.

Hindi namin malilimot ang paglalakbay na ito. Lalo naming napahahalagahan ang kagandahan ng bolivianite kapag naaalaala namin ang liblib na minahang iyon at ang pagsisikap na kailangan upang makuha, matabas, at mapakintab ang mga hiyas.​—Awit 104:24.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Sinusuri ng minero ang isang kristal

[Larawan sa pahina 16, 17]

Yungib na puno ng kristal

[Larawan sa pahina 16, 17]

Pagkuha ng kristal

[Larawan sa pahina 17]

Tinabas na hiyas na “bolivianite”

[Picture Credit Line sa pahina 16]

All photos except cavern: Minerales y Metales del Oriente, S.R.L.

[Picture Credit Line sa pahina 17]

Gems: Minerales y Metales del Oriente, S.R.L.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share