Ang Pantanal—Isang Kawili-wiling Kanlungan ng mga Hayop
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
NAGALIT ang turista nang sabihan siya ni Jerônimo na huwag niyang itapon ang lata ng serbesa sa ilog. “Sa iyo ba ang ilog na ito?” ang tanong niya. “Hindi,” ang sagot ni Jerônimo, “atin ito. Ngunit kung patuloy kang magtatapon ng basura rito, di-magtatagal at walang sinuman sa atin ang makapangingisda rito.”
Isinisiwalat nito ang isa lamang paraan kung paanong ang Pantanal—isang malawak na dako na nasasakupan ng Brazil, Bolivia, at Paraguay—ay nanganganib ngayon. Ang salitang Portuges na pântano ay nangangahulugang “latian o lusak.” Subalit ang Pantanal ay hindi patag, kaya hindi naiipon ang tubig nito. Sa halip, ito’y dahan-dahan at tahimik na dumadaloy, anupat iniiwan ang matabang kapatagan na natatakpan ng sari-saring damo. Gusto mo bang makaalam ng higit pa tungkol sa malawak na rehiyong ito? Sumama ka sa akin habang naglalakbay akong kasama ng isang pangkat ng mga turista tungo sa isa sa pinakakawili-wiling ekolohikal na kanlungan ng mga hayop.
Mga Aligeytor at Anaconda!
Pag-alis sa São Paulo, pumakanluran kami sakay ng isang bus patungo sa Corumbá, mga 1,200 kilometro ang layo. Pagpasok namin sa rehiyon ng Pantanal, napakalaking mga ibon ang nagliparan sa itaas namin, na para bang sinasalubong kami. Naroon ang jabiru (tuiuiú), na ang nakabukang pakpak ay may sukat na dos punto seis metro. Halos nangangailangan ito ng isang paliparan upang makalipad! “Ang mabilis na kampay ng mga pakpak ay lumilikha ng pumapagaspas na tunog dahil sa pagtama nito sa hangin,” ang sulat ni Haroldo Palo, Jr., na gumugol ng dalawang taon sa Pantanal. “Sa panahon ng pagpapares at mga ritwal sa pag-aasawa [ng jabirus],” sabi pa niya, “magkasamang pumapailanglang ang dalawa o tatlong lalaking ibon . . . , na nagpapasikat ng kahanga-hangang mga pagbulusok na makikita mula sa malayo.”
Dumating na ang panahon na walang ulan, at mababaw ang tubig. Kaya naman, madaling silain ng mga ibon ang mga isda. Tingnan mo! Isang jabiru at isang kandangaok (heron) ang nangingisdang kasama ng mga aligeytor! Pinagpipistahan ng mga aligeytor ang mabalasik na mga isdang piranha. Gaya ng maaaring nalalaman mo, ang mga piranha ay may napakatatalim na ngipin at naaakit sa nagdurugong biktima. Bagaman tiyak na hindi natin gugustuhing mapalapit sa isa nito, ang mga aligeytor ay waring nagwawalang-bahala—at ligtas mula—sa anumang panganib.
Pagkatapos tawirin ang ilog sakay ng isang bangka, sumakay naman kami patungo sa isang rantso. Walang anu-ano, huminto ang aming tsuper at itinuro ang isang napakalaking ahas na tumatawid sa maalikabok na daan. “Iyan ay isang anaconda,” ang sabi niya. “Makabubuting litratuhan ninyo kaagad. Hindi ninyo madalas na makita ang mga ito nang malapitan!” Ang pagkakita lamang dito ay nagpatindig na ng aking balahibo, sapagkat ang anaconda—na umaabot ng hanggang 9 na metro ang haba—ay isa sa pinakamalaki sa lahat ng ahas. Natalos ko na mabilis din pala ang anaconda, yamang agad itong naglaho sa palumpong. Mabuti naman. Ang totoo, kung hindi lumayo ang anaconda, tiyak na malabo rin ang kuha kong litrato dahil sa nanginginig ang mga kamay ko!
Ang Buhay ng Pantaneiro
Ang Pantanal ay tahanan ng maraming kawan ng baka. Ang pangangalaga sa mga ito ay trabaho ng isang pantaneiro. Siya sa katunayan ay isang koboy at magsasaka, isang inapo ng mga Indian, Aprikano, at Kastila na nanirahan dito noon. Pinaaamo ng pantaneiro ang mga kabayo at mga kawan ng baka mula sa magkabilang dulo ng rantso. Nakikita namin ang ilang kawan, bawat isa’y binubuo ng mga isang libong baka. Ang bawat kawan ay inaakay ng anim na lalaki. Ang kusinero ay nangunguna, kasunod ng isang tagapag-alaga ng kawan na may trumpetang gawa sa sungay ng toro. Nasa likuran ang marami pang mga koboy. Ang isa ay ang may-ari ng kawan, at pinaliligiran ng iba pa ang mga hayop na nahuhuli at naliligaw.
Si Jerônimo, na nabanggit sa pasimula, ay isang pantaneiro. Bagaman mas nakapapagod, siya ang nagsagwan para sa amin sa kahabaan ng Ilog Abobral sa halip na gumamit ng isang bangkang de motor sapagkat maaaring makatakot sa mga ibon ang tunog ng motor. Ipinababanaag ng mapitagang tono ng kaniyang boses ang kaniyang pag-ibig at interes sa kaniyang tahanan, ang Pantanal. “Tingnan ninyo! Doon sa pampang ng ilog—isang aligeytor na nagbibilad,” sabi ni Jerônimo. Sa gawi pa roon, itinuro niya ang lungga ng isang pares ng mga otter. “Iyan ang kanilang tahanan,” aniya. “Lagi ko silang nakikita riyan.” Sa pana-panahon, pinupuno ni Jerônimo ang kaniyang tasa ng tubig mula sa ilog upang pawiin ang kaniyang uhaw. “Hindi ba marumi ang tubig?” ang tanong namin. “Hindi pa,” ang sagot niya. “Maaari rin kayong uminom kung gusto ninyo.” Hindi kami lubusang kumbinsido.
May optimistikong pangmalas sa buhay ang pantaneiro. Kaunti ang kaniyang mga ninanais, at libangan niya ang kaniyang trabaho. Umaalis siya ng bahay sa pagbubukang-liwayway at umuuwi sa gabi, anupat kumikita ng pinakamababang pasahod (mga $100 sa isang buwan) kasama na ang tirahan at pagkain—at makakakain siya ng karne hanggang gusto niya. “Sa aking bukid,” sabi ng isang magsasaka, “ang pantaneiro ay kumakain ng anumang gusto niya at gaano man karami ang gusto niya. Hindi siya isang alipin. Kung hindi siya kontento, maaari niyang sabihin: ‘Boss, ibigay mo na sa akin ang sahod ko. Aalis na ako.’”
Isang Zoo na Walang mga Hawla
Ang otel sa bukid kung saan kami tumira ay tahanan din ng maraming ibon at mga hayop, gaya ng mga macaw, loro, parakeet, jabiru, jaguar, capybara, at pulang usa. Isang inapo mula sa tribo ng Guaná Indian na ang pamilya’y tumira na sa Pantanal sa loob ng 100 taon ang nagsabi sa amin: “Pinakakain namin ang mga ibon dito. Marami sa kanila ay kinumpiska ng mga pulis sa kagubatan mula sa pinaghihinalaang ilegal na mga mangangaso.” Sinabi ng kaniyang asawang babae na noong una’y mayroon lamang silang 18 parakeet, subalit ngayon ay mayroon na silang mga 100 nito. “Ang aming layunin ay ibalik ang mga ito sa kanilang sariling tirahan,” aniya.
Sa zoo na ito na walang mga hawla, nilitratuhan namin ang mga macaw na mapayapang kumakain na kasama ng mga baboy at mga manok. Tuwang-tuwa ang mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig sa napakaraming ibon at hayop at sa tanawin ng Pantanal. At talagang kagila-gilalas ang mga paglubog ng araw! Isang araw, isang kabataang turistang Hapón ang humanga sa kawan ng mga ibon na nagbabalik sa kanilang dapuan paglubog ng araw. Pagkatapos ang babala mula sa nagtatrabaho sa bukid—“Binibini, mag-ingat po kayo. May mga jaguar dito!”—ay nagpangyari sa kaniya na tumakbo patungo sa kaniyang silid. Gayunman, kinabukasan, napagtagumpayan na niya ang kaniyang pagkatakot at pinakain niya ng mga biskuwit ang mga macaw. Nilitratuhan pa nga namin siyang tinutuka ng ibon ang biskuwit sa kaniyang bibig. Wala na ang kaniyang takot!
Isang umaga bago sumikat ang araw, lumabas kami upang masdan ang mga bituin. Parang maaabot at mahihipo namin ang mga ito. Isang di-mailarawang tanawin! Dito sa Pantanal, halos “marinig” namin ang katahimikan. Kami’y naudyukan ng mga tanawin at mga tunog na magpasalamat sa Maylalang dahil sa malaparaisong tanawin na ito. Ganito ang sabi ng isang polder ng anunsiyo: “Kung balang araw ay may magtanong sa iyo kung umiiral ba ang paraiso, masasabi mo: ‘Walang alinlangan, ang Pantanal ay isang bahagi nito.’”
Nilapastangan ang Isang Ekolohikal na Kanlungan ng mga Hayop
Sa nakalipas na 20 taon, itinalaga ng pamahayagan ang maraming espasyo nito upang talakayin ang nalalapit na panganib sa Pantanal. Sa kaniyang aklat na Pantanal, isinulat ni Haroldo Palo, Jr., ang tungkol sa iba’t ibang paraan na doo’y nadudumhan ang ekosistema ng Pantanal. Sa maikli, kabilang dito ang sumusunod.
◼ Nabanlikan ng pinong buhangin at lupa ang mga ilog. “Nito lamang nakalipas na mga taon, ang Ilog Taquari ay lubhang nabanlikan ng pinong buhangin at lupa anupat imposibleng lumayag malapit sa wawa nito, sa gayo’y ibinubukod . . . yaong mga nakatira sa mga pampang nito. Gayundin ang nangyayari sa iba pang ilog na dumadaloy sa lunas ng Pantanal.”
◼ Ang siklo ng tagtuyot. “Ikinatatakot ko na kung . . . may siklo kami ng tagtuyot na 15 o 20 taon, gaya ng nangyari kamakailan, magkakaroon ng kapaha-pahamak na resulta sa buhay-halaman at buhay-hayop ng rehiyon.”
◼ Mga pamatay-halaman at asoge. “Ang de-makinang pagsasaka na isinasagawa sa labas ng Pantanal ay gumagamit ng mga pamatay-halaman na tumatagos sa tubig sa ilalim ng lupa at sa wakas ay lumalason sa mga ilog na dumadaloy sa malapit. O ang mga ito’y dinadala ng tubig sa ibabaw kasama ang lupa, anupat ang mga ilog ay nababanlikan ng mga buhangin at lupa. Sa Poconé Pantanal, isa pang malaking panganib ang pagmimina ng ginto, na dinudumhan ang tubig sa pamamagitan ng asoge.”
◼ Pangangaso. “Bagaman ipinagbabawal ng batas, walang kontrol na isinasagawa ito sa kalakhang bahagi ng Pantanal. Maliban sa ilang naturuang magsasaka na nangangalaga sa kanilang likas na yaman at sa iba pa na ipinagsasanggalang ang mga ito alang-alang sa mga kapakanang pangkabuhayan sa pagpapaunlad ng turismo, ang buhay-hayop at ang tanawin ay nasa kapangyarihan ng mga oportunista.”
Pagbabalik sa Siksikang Lunsod
Anong laking pagkakaiba ang napansin namin sa aming pagbabalik sa São Paulo! Sa halip na dilaw na ipês, purpurang ipês, at pulang salvia, tumambad sa amin ang isang kagubatan ng nagtataasang gusali. Sa halip na malinis at malinaw na mga ilog na sagana sa mga isda, ang mga ilog ay naging mga imburnal. Sa halip na magagandang awit ng mga ibon, ang nakabibinging ugong ng libu-libong trak at kotse at ng kanilang mga busina. Sa halip na maaliwalas na bughaw na kalangitan, nakikita namin ang mga karatula na nagsasabing “Kalagayan ng Hangin: Masama.” Sa halip na kapayapaan sa pagitan ng tao at ng hayop, nariyan ang takot sa mga taong maninila.
Namalagi kami ng dalawang linggo sa Pantanal, napakaikling panahon upang malaman ang iba’t ibang rehiyon at ang eksotikong mga panganlan nito, gaya ng Poconé, Nhecolândia, Abobral, Nabileque, at Paiagúas—bawat isa’y may kani-kaniyang katangian. Subalit ito’y isang di-malilimot na karanasan. Ang buhay-halaman at buhay-hayop ay parang balsamo sa mata, musika sa tainga, at pampakalma sa puso.
[Mga mapa sa pahina 15]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Paraguay
Bolivia
Brazil
ANG PANTANAL
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Larawan sa pahina 16]
Isang dilaw na swallowtail
[Larawan sa pahina 16, 17]
Isang jaguar
[Larawan sa pahina 17]
Malaking puting mga kandangaok
[Credit Line]
Georges El Sayegh
[Larawan sa pahina 17]
Isang anaconda at isang aligeytor
[Credit Line]
Georges El Sayegh
[Larawan sa pahina 18]
Isang macaw
[Credit Line]
Georges El Sayegh
[Larawan sa pahina 18]
Ang anim-na-pulgadang mga piranhang ito ay may napakatatalim na ngipin
[Credit Line]
© Kjell B. Sandved/Visuals Unlimited
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Georges El Sayegh