Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 4/8 p. 25-27
  • Ang “Prostate” at ang mga Problema Nito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Prostate” at ang mga Problema Nito
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagbababalang mga Palatandaan
  • Mga Problema sa Prostate
  • Paggamot
  • Ang Pamantayang Moral ng Bibliya ay Isang Proteksiyon
  • Pagharap sa mga Problema sa Prostate
    Gumising!—2000
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2000
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 4/8 p. 25-27

Ang “Prostate” at ang mga Problema Nito

MAYROON ka bang problema sa prostate? Kung ikaw ay lalaki at mahigit nang 40 anyos, maaaring maranasan mo ito. Tinatayang mahigit na kalahati ng mga lalaki sa Hilagang Amerika na mahigit 60 anyos ay lumalaki ang prostate at halos 95 porsiyento niyaong umaabot sa mga edad na 80 ay pahihirapan ng sakit na ito. Ngunit ano ba itong glandulang ito na tinatawag na prostate? Saan ba ito, at ano ang ginagawa nito?

May hugis na parang baligtad na piramide, ang prostate ay nasa may puson sa ilalim ng pantog. Natatangi ito sa lalaki subalit nakakahawig sa uri ng himaymay ng dibdib ng babae. Sa pagsilang, halos kasinlaki ito ng isang almendra (almond). Gayunman, sa pasimula ng pagbibinata, lumalaki ito na gaya ng isang kastanyas.

Ang prostate ay binubuo ng maraming-kalamnang kapsula na sa loob nito ay masusumpungan ang 30 hanggang 50 parang supot (saclike) na mga glandula. Ang mga glandulang ito ay gumagawa ng prostatic fluid, na kung wala nito ang isang lalaki ay halos tiyak na magiging baog. Ang mga himaymay sa loob ng mga glandula ay nakatiklop, ipinahihintulot ang paglaki at pag-iimbak habang ginagawa ang likido. Pagka ang lalaki ay umabot na sa pagbibinata, ang mga sac ay gumagawa ng kaunting likido sa bawat araw, na karaniwang inilalabas na kasama ng ihi kung siya ay hindi seksuwal na nakipagtalik.

Hindi pa nalalaman ang lahat ng gawain ng prostate, subalit ang pangunahing layunin nito ay waring ang gumawa ng likido na bumubuhay sa angaw-angaw na mga punlay at naglalaan dito ng malalanguyan. Kaya, mahalaga ito sa pertilidad ng lalaki. Gayunman, maaari rin siyang magkaproblema rito habang siya’y nagkakaedad. Anu-ano ba ang mga palatandaan ng diperensiya sa prostate, at may magagawa ba ang mga pinahihirapan nito?

Nagbababalang mga Palatandaan

Nagdaraan sa prostate ang uretra, ang tubo na nagpapatuyo sa pantog, at dito nasasalalay ang problema. Kung ang mga sac sa loob ng glandula ng prostate ay magkaroon ng impeksiyon, mamaga, mangati, o mapunô ng likido, maaaring magpatuloy ito sa uretra at hadlangan ang paglabas ng ihi. Totoo rin ito kapag ang glandula mismo ay lumaki.

Ang maagang mga sintomas ng problemang ito ay karaniwan nang hindi halata at halos pareho rin anuman ang pangunahing sanhi. Ang pinahihirapan ay maaaring bumangon nang minsan o makalawa sa gabi upang magtungo sa banyo, isang bagay na hindi niya dating ginagawa. Unti-unti, mas madalas na siyang bumabangon. Sa kabila ng pagkadamang siya’y ihing-ihi, ang daloy ng ihi ay mahina at paudlut-udlot. Para bang siya’y naiihi bagaman kagagaling lamang niya sa banyo. Ngayon ang prostate ay nagpapahiwatig na ng kaniyang pag-iral sa isang masakit, nakaiinis, at kung minsa’y nakahihiyang paraan. Ang pag-unawa kung bakit ito gayon ay tutulong sa mga lalaki, gayundin sa kani-kanilang asawa, na lunasan ang problema.

Mga Problema sa Prostate

Iba’t ibang bagay ang maaaring pagmulan ng mga problema sa prostate, at maikling tatalakayin namin nang isa-isa ang mga ito:

Prostatitis: Ito ay pamamaga ng glandula ng prostate at maaaring makahawa o magbara. Ang baktirya, gaya niyaong galing sa isang sakit benereo na gaya ng gonorrhea o mula sa isang impeksiyon sa ibang bahagi ng katawan, ay maaaring pagmulan ng pamamaga ng glandula. Ang gayong mga impeksiyon ay nangyayari sa anumang edad pagkatapos na ang glandula ng prostate ay umabot sa hustong laki nito.

Ang nagbabarang prostatitis ay mas nakalilito. Ang kalagayang ito ay iniuugnay ng ilang doktor sa seksuwal na gawain at erotikong kaisipan. Binabanggit ni Dr. Stanley Brosman ng University of California School of Medicine ang dalawang dahilan sa problemang ito: “pagiging di-regular ng seksuwal na gawain” at “kawalang kaya ng prostate na ilabas ang likido nito sa panahon ng paglalabas ng semen.” Gayunman, kung bakit hindi inilalabas ng glandulang prostate ang likido nito ay nananatiling isang misteryo.

Paglaki: Nakapagtataka, habang ang lalaki ay tumatanda, ang glandula ng prostate ay maaaring magsimulang lumaki. Bagaman marami nang pag-aaral ang isinagawa, nalilito pa rin ang mga doktor kung bakit nangyayari ito. Sinasabi ng iba na ito ay dahilan sa mga pagbabago sa mga hormone ng katawan. Ang paglaki ay maaaring hindi problema sa ilang lalaki. Gayunman, samantalang ang bilang ng may edad na mga lalaki ay dumarami, gayundin ang bilang ng mga kaso ng paglaki ng prostate na humahantong sa mga problema sa pag-ihi.

Kanser: Ang kanser sa prostate ay kabilang sa pinakakaraniwang kanser sa mga lalaki. Ang problema rito ay na ito ay bihirang mapansin nang maaga. Ang kanser ay karaniwang unti-unting lumalaki, at karamihan ng mga lalaki ay namamatay dahil sa ibang sanhi bago pa mapatunayang nakamamatay ang kanser sa prostate. Upang makita nang maaga ang kanser sa prostate mahalaga ang regular, taunang pagpapatingin sa isang doktor, pati na ang pagpapaeksamin ng tumbong. Sa pamamagitan ng isang daliring may guwantis-na-goma, masasalat ng doktor ang bahagi ng glandula at malalaman niya kung may anumang matigas, tulad-butones na mga bukol, na maaaring mangahulugan ng kanser. Kung may masumpungang lugar na may bukol, magsasagawa pa ng higit na pagsubok, pati na ang isang biopsy, upang tiyakin kung may mga selula ng kanser.

Paggamot

Kung paanong maraming sanhi ang mga problema sa prostate, mayroon din ilang mga paraan ng paggamot.

Medisina: Kung ang prostatitis ay dahil sa isang impeksiyon, ang paggamot sa pamamagitan ng antibiotic ay karaniwang ginagamit. Maaari ring irekomenda ng doktor ang isang mahigpit na diyeta. Si Dr. Harvey Gordon ay sumusulat: “Naniniwala ako na ang nakaiinis na mga sintomas sa posterior urethritis ay totoong pinalalala ng alkohol at maaanghang na pagkain. Isa pa, may suspetsa ako na masisisi rin ang kape.”

Operasyon: Ang pagtanggal ng ilan sa glandula ng prostate ay maaaring mag-alis ng presyon sa uretra. Iba’t ibang pamamaraan sa pag-oopera ang ginagamit dito. Habang ang nerbiyos sa likuran ng prostate ay hindi napipinsala, ang isang lalaki ay mananatiling hindi baog. Gayunman, maaari siyang maging baog. Bakit? Maaaring mapinsala ng operasyon sa prostate ang sphincter muscle na karaniwang nagsasara sa pantog. Bunga nito, ang semen ngayon ay magtutungo sa pantog, kung saan ito ay sasama sa ihi.

Paggamot sa kanser: Kapag natuklasan ang kanser, may iba’t ibang anyo ng paggamot na makukuha, depende sa laki ng kanser. Walang iisang paggamot ang pinakamabuti, subalit kabilang sa makukuhang paggamot ang hormonal na paggamot, radyasyon, at laser o karaniwang operasyon. Sa pamamagitan ng operasyon ang glandula ay inaalis, na nagbubunga halos ng walang salang pagkabaog.

Pagkain: Kapansin-pansin, ipinakikita ng mga pag-aaral na isinagawa na ang prostate ang pangunahing sentro kung saan naiipon ang zinc sa katawan. Kapag ang pagkain ng lalaki ay kulang ng zinc, ang glandula ng prostate ay nawawalan ng elementong ito, at iniuugnay ito ng ilang mananaliksik sa sarisaring mga problema sa prostate. Sinasabi ng maraming lalaki na naginhawahan sila sa kanilang mga problema sa tulong ng suplementong pagkain na zinc.

Sa pagtalakay sa uring ito ng paggamot, si Dr. Monroe Greenberger, isang urologo sa New York, ay nagbibigay ng mabuting payo: “Sa lalaking sumasapit na sa edad kung kailan ang mga problema sa prostate ay malamang na magpahirap sa kaniya, mahalaga ang mahusay na pagkain . . . Bagaman ang karamihan ng halaga ng zinc, mga bitamina, at pagkain sa kalusugan ng prostate ay sinisiyasat pa at ang mga estadistika ay hindi kapani-paniwala, ang katibayan ay kapani-paniwala sa akin upang magkainteres at makinig na mainam, at sa palagay ko gayundin ang dapat na gawin ng iba. Gayunman​—at ito ay mahalaga sa lahat ng pangangalaga-sa-sarili—​huwag na huwag aasa lamang sa pagkain, mga bitamina, o mga mineral para sa mabuting kalusugan. Regular na magpatingin sa iyong doktor.”​—What Every Man Should Know About His Prostate.

Ang Pamantayang Moral ng Bibliya ay Isang Proteksiyon

Ang malusog na prostate ay waring nauugnay rin sa mataas na pamantayang moral ng Bibliya. Makabubuting pansinin ng lahat ng mga lalaki ang dalawang simulain lalo na:

Pagtatapat sa asawa: Ang Hebreo 13:​4 ay nagpapayo: “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa.” Yamang ang impeksiyon ng glandula ng prostate ay maaaring bunga ng sakit benereo, ang handalapak na gawain sa sekso ay maaaring humantong sa problema sa prostate gayundin ng iba pang problema.

Pag-iingat sa isipan: Si Jesu-Kristo ay nagpapayo sa Mateo 5:​28: “Datapuwat sinasabi ko sa inyo na bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” Ang pagsunod sa payo ni Jesus ay makatutulong sa pagkakaroon ng malusog na prostate. Papaano? Kapag ang simbuyo ng damdamin ay napukaw sa isang lalaki, ang glandula ng prostate ay naghahanda para sa pagtatalik. Si Dr. Brosman ay sumulat na ang paulit-ulit na mga pagkapukaw ng damdamin nang hindi naglalabas ng likido ay nagpapangyari ng pag-iipon ng likido sa prostate at sa lalagyan ng semen at maaaring humantong sa diperensiya sa prostate.

Ngayon, maraming lalaki ang naghahanap ng katuwaan sa sekso sa pagbabasa ng pornograpiko o nakapupukaw sa sekso na literatura o sa panonood ng imoral na mga pelikula o mga programa sa telebisyon. Anong inam nga na sundin ang payo ni apostol Pablo: “Hayaang ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal.”​—Efeso 5:​3; tingnan din ang Filipos 4:8.

Oo, ang prostate ay isa pang kababalaghan ng ating Maylikha. Kung wala ito, malamang na walang pag-aanak. Kaya dala ng paggalang sa kaniya mismong katawan at sa disenyo ng Diyos, ang bawat lalaki ay dapat na kumuha ng mga hakbang upang ingatang malusog ang kaniyang prostate.

[Mga dayagram sa pahina 26]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Pantog

Prostate

Uretra

Ibabang bituka

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share