“Dulang Pasyón” ng Oberammergau—Gaano Kalapit sa Ulat ng Bibliya?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Pederal na Republika ng Alemanya
ANG Oberammergau ay isang magandang nayon sa bundok sa Bavaria. Marami sa mga maninirahan nito ang nagpahaba ng kanilang buhok at balbas bilang paghahanda sa isang dula na lalahukan nila sa taóng ito. Ang dula ay isang tradisyong batay sa kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno noong 1633.
Noon isang salot ang nagbabanta ng malaking pinsala, at ang mga mamamayan ay sumumpa na kung sila ay maliligtas, pana-panahon nilang itatanghal ang tinatawag na Dulang Pasyón. Ang dula ay isang kaugalian na nagsimula sa Iglesya Katolika mga ilang siglong maaga, at inilalarawan nito ang paghihirap at kamatayan ni Kristo.
Ang kauna-unahan sa Oberammergau ay ginanap noong 1634. Ang ika-350 anibersaryo ay ipinagdiwang doon noong 1984, na may mga pagtatanghal na umakit ng kabuuang tagapanood na 443,000, pati na ang mga bisita buhat sa buong daigdig. Sa taóng ito ang dula ay ipalalabas mula sa Mayo hanggang sa Setyembre.
Sa kahabaan ng mga otel at mga restauran, mga tindahan ng inukit na mga kahoy at mga subenir ang nakahanay sa mga lansangan ng nayon. Oo, maraming residente ang kumikita mula sa dula.
Bakit napakarami ang nagpupunta? “Sa akin, ito ay hindi ang teatro,” sabi ng isang bisita. “Ito’y isang relihiyosong serbisyo.” Ganiyan ang pangmalas dito ng marami, bagaman ang nayon doon ang nagtatanghal ng dula, hindi ang simbahan.
Pagsasadula Para sa mga Manonood?
Dalawang klerigo ang gumawa ng mas modernong bersiyon ng dula, isinulat ito ng isa noong 1810 at binago naman ito ng isa pa pagkalipas ng kalahating siglo. Ang iskrip ay inaprobahan ng Komperensiya ng mga Obispong Aleman at “naaayon sa mga ulat ng Ebanghelyo,” sabi ng isang pinagmumulan.
Gayunman, sa nakalipas ng mga taon ikinompromiso ng mga prudyuser ang Ebanghelyo upang huwag makasakit sa damdamin ng ibang relihiyon, pati na sa mga Judio. Kaya sa isang punto, ang palakpak mula sa palko ang nagdidikta sa iskrip ngayon. Halimbawa, inalis mula sa dating iskrip ang mga sipi na naghahayag ng pagkapoot ng mga lider na Judio kay Jesus, pati na ang Mateo 21:43, kung saan sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon ng mga Judio: “Aalisin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga ng mga bunga niyan.”
Ang pangalan ng Diyos, na Jehova, ay naging biktima rin ng kompromiso, bagaman kasali sa iskrip ang mga salita ni Jesus sa Diyos: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin.” (Juan 17:6) Halimbawa, ang iskrip noong 1960 ay nagsasabi na si Isaac ay tinangkang isakripisyo “ayon sa kalooban ni Jehova.” Subalit noong 1984 ang iskrip ay kababasahan na “ayon sa kalooban ng Panginoon.”
Hindi Kasuwato ng mga Ebanghelyo
Bagaman inilalarawan ng dula ang mga pangyayaring nakapalibot sa pagdakip, paghatol, at pagpatay kay Jesus, ito’y hindi tamang-tama ayon sa ulat ng Bibliya. Halimbawa, inilalarawan ng isang bahagi ang mga pangyayaring inilarawan sa Tobias, isang Apokripang aklat na hindi kasama sa kinasihang Salita ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) At maraming beses, ang salitang “Paskua” (Passover) ay may kamaliang isinasaling “Easter” (Pasko ng Pagkabuhay.)
Isa pa, si Judas Iscariote ay inilarawan bilang isang oportunista na hinimok ng mga kaaway ni Jesus na ipagkanulo ang kaniyang Panginoon. Subalit ang totoo ay si Judas mismo ang nanguna, dahil sa kasakiman, na lumapit sa pinunong mga saserdote. (Mateo 26:14-16; ihambing ang Juan 12:4-6.) Gayundin, ang paghahambing ng Juan 13:21-30 sa Mateo 26:20-29 ay nagpapakita na si Judas ay umalis na sa silid bago sinimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon. Makatuwiran ito, sapagkat hindi gagawa si Jesus ng ‘tipan para sa isang kaharian’ sa kaniyang tagapagkanulo. (Lucas 22:29) Gayunman, sa dula ng Oberammergau, si Judas ay naroroon sa Huling Hapunan.
Pagkilala sa mga Katotohanan ng Bibliya
Makikilala ng isang estudyante ng Bibliya ang ilang katotohanan ng Bibliya, o ang mga paglabag dito, sa dula. Isang halimbawa ay ang pariralang, ‘Kung karapat-dapat na tinatamasa, ang sagradong tinapay ng bagong tipan ay nag-iingat sa kaluluwa mula sa kamatayan.’ Ito’y kasuwato ng turo ng Bibliya na ang kaluluwa ay may kamatayan. Ang isang tao na hindi ‘karapat-dapat’ na nagtatamasa ng mga pakinabang ng hain ni Jesus ay, mangyari pa, hindi iingatan ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan.—Ezekiel 18:20.
Ang tunay na pagkatao ni Jesus ay makikilala nang, kasunod ng kaniyang pagkabuhay-muli, sinabi niya kay Maria Magdalena: “Ako’y paroroon . . . sa aking Diyos at sa iyong Diyos.” (Juan 20:17) Mula rito maliwanag na si Jesus ay may Diyos. Kaya, hindi siya maaaring maging ang Diyos, gaya ng iginigiit ng turo ng Sangkakristiyanuhan na Trinidad. Kaya rito, kapag ang iskrip ay nananatili sa mga kataga sa Bibliya, sinasalungat nito ang mga turo ng simbahan.
Ginagawang posible ng dula na makilala ang Kaharian ng Diyos. Sabi ni Felipe kay Jesus: “Itatag mo ang Kaharian ng Diyos sa buong sanlibutan,” na sinagot ni Jesus: “Kung ano ang nais mo ay mangyayari sa tamang panahon.” Nang maglaon ay sinabi pa ni Jesus: “Hindi na ako iinom mula ngayon ng bunga ng ubas hanggang sa dumating ang Kaharian ng Diyos.” At nagtanong si Tomas: “Ang bawat isa ba’y magkakaroon ng kaniyang sariling pamamahalang nakaatas sa kaniya?” Isinisiwalat ng mga pag-uusap na ito na ang Kaharian ang gobyerno ng Diyos para sa lupa, hindi basta walang-hanggang buhay o isang bagay na nasa loob ng tao, gaya ng paniwala ng marami.—Tingnan ang Daniel 2:44; 7:13, 14; Lucas 22:18; Apocalipsis 5:10.
Inilalarawan ng isa sa mga pansarang mga eksena ang Mataas na Konsehong Judio na bigong nagsikap na ang bangkay ni Jesus “ay itapon sa hukay ng mga kriminal.” Ang pariralang ito ay kapansin-pansin. Itinuturing ng mga Judio na ang mga kriminal ay hindi karapat-dapat ilagay sa isang libingan kung saan sila’y aalalahanin ng Diyos, at sa halip kanilang inihahagis ang mga bangkay ng kriminal sa Libis ng Hinnom (Gehenna), kung saan isang apoy ang walang tigil na sumusunog sa basura. Sa Bibliya, binanggit ni Jesus ang lugar na ito malapit sa Jerusalem bilang isang sagisag ng ganap na pagkalipol, isang kalagayan kung saan wala nang pagkabuhay-muli ang mga patay.—Mateo 18:8, 9.
Noon lamang dakong huli, kasunod ng apostasya mula sa tunay na Kristiyanismo, na ang Gehenna ay isinama sa paganong ideya ng impiernong apoy. Pinatutunayan ng dula ng Oberammergau ang impluwensiya ng wala-sa-Bibliyang tradisyon nang sabihin nito: “Mula sa impierno ay bumangon ang lahat ng espiritu,” at sinisipi ang Panginoon na nagsasabi: “Aking ibubulid si Satanas sa impierno.” Kaya ang mga turo ng Bibliya ay hindi itinatanghal.
Hindi Nagtataguyod sa mga Turo ng Bibliya
Mula sa Mayo hanggang Setyembre, itatanghal ng mga taganayon ng Oberammergau ang lahat ng 1,700 bahagi sa anim-na-oras na drama. Gagampanan nila ang papel ng bayang Judio, mga sundalong Romano, ni Jesus, ni Judas, at ng mga apostol. At uulitin nila ang pagtatanghal ng mga isang daang beses sa walang-bubong na entablado sa lahat ng uri ng panahon.
Ang dula ay muling makaaakit ng daan-daang libong mga bisita. Subalit hihikayatin kaya sila nitong tanggapin ang binuhay-muling si Kristo at ang Kaharian ng Diyos, ang tanging pag-asa sa paglutas sa mga suliranin ng tao? Hindi, sapagkat bagaman ang Kaharian ng Diyos ay binabanggit sa dula, ito ay nananatiling malabo. At samantalang ang Diyablo ay dalawang beses na kinilala sa dula bilang ang pinuno, o “Prinsipe,” ng sanlibutang ito, kung ano ang mangyayari sa kaniya ay hindi nililiwanag. Kaya, ang dula ay hindi naaayon sa pangunahing mga turo ng Bibliya, at sinasalungat pa nga nito ang ilan sa mga ito.
Ipinakikita ng Bibliya na malapit nang alisin ni Kristo si Satanas at ang kaniyang impluwensiya, ang ugat ng lahat ng kasamaan, mula sa mga gawain ng tao. Lahat ng mga manggagawa ng masama sa lupa ay aalisin din. Saka magsisimula ang Sanlibong Taóng Paghahari ng makalangit ng Kaharian ng Diyos sa lupa. (Apocalipsis 20:4, 6) Ang pamamahalang ito ng gobyerno ng Diyos ang magbabago sa lupa tungo sa isang paraiso kung saan ang masunuring mga tao ay mabubuhay magpakailanman sa sakdal na kalusugan at kaligayahan.—Awit 37:10, 11, 29; Roma 16:20.
[Kahon sa pahina 16]
Mga Pinagmulan ng Dula ng Pasyon?
Tungkol sa mga dula ng pasyon, ang The World Book Encyclopedia ay nagkokomento:
“Ang dulang pasyon ay isang madulang pagtatanghal na inihaharap ang kamatayan at pagkabuhay-muli ng isang diyos. Isinagawa ng sinaunang mga Ehipsiyo ang mga dulang pasyon na inilaan sa diyos na si Osiris. Itinanghal naman ng sinaunang mga Griego ang kahawig na mga dula na inilaan sa diyos na si Dionysus.”
Gemeinde Oberammergau, Haag
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
Gemiende Oberammergau, Haag