Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 4/22 p. 13-14
  • Quinoa—Ang Pambihirang Halaman sa Disyerto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Quinoa—Ang Pambihirang Halaman sa Disyerto
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Pagkain na Tumutubo sa Disyerto
  • Isang Tamang-tama, Maraming-gamit na Pagkain
  • Susi sa Paglutas sa Pandaigdig na Gutom?
  • Bigas—Gusto Mo ba Itong Lutò o Hindi Lutò?
    Gumising!—1995
  • Ipinangangaral ang Kaharian sa Altiplano sa Peru
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
  • “Sila’y Kumakain ng Maraming Mais”
    Gumising!—1985
  • Disyerto
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 4/22 p. 13-14

Quinoa​—Ang Pambihirang Halaman sa Disyerto

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Bolivia

IILAN lugar ang naghaharap ng mas maraming problema sa mga magsasaka kaysa altiplano (mataas na talampas) ng Timog Amerika. Dito lalo na sa tigang na lupain sa timog, ang hindi matabang lupa ay nasusunog sa araw at nagyeyelo sa gabi. Ang presipitasyon (dami ng tubig na naiipon), na kasimbaba ng dalawampung centimetro sa isang taon, ay karaniwang dumarating bilang mapangwasak na ulan ng yelo.

Gayumpaman, ang baku-bakong lupaing ito ay umaani ng isang halaman sa disyerto na maaaring gumanap ng papel upang bawasan ang gutom sa daigdig. Ito ay tinatawag na quinoa. At ito’y mahalaga hindi lamang sa mga magsasaka rito sa Andes kundi sa mga mananaliksik sa buong daigdig. Ano nga ba itong quinoa? Paano ito ginagamit ng mga maninirahan sa Andes? At bakit balang araw ay maaari itong magkaroon ng epekto sa buong globo?

Isang Pagkain na Tumutubo sa Disyerto

Ang quinoa ay isang madahong damong-gamot na tumataas ng hanggang dalawang metro at namumunga ng saganang mga buto​—mga buto na nagsisilbing isang masustansiyang pagkain. Ito’y isang kataka-takang matibay na halaman na nabubuhay kahit na sa mabagsik na klima sa altiplano ng Timog Amerika.

Halimbawa, isang babaing taga-Bolivia na nagngangalang Felicidad ay nagsasaka sa lupa na mabato upang araruhin. Gayunman, makapagtatanim siya ng halamang quinoa sa basta paghuhukay ng mga butas sa lupa sa pamamagitan ng tulad-sibat na gamit at saka ihuhulog ang buto. Sa loob ng mga ilang buwan, at sa pinakakaunting pangangalaga, ang quinoa ay gumugulang. Sa panahong iyon ang disyerto ay nagliliyab sa kulay​—dilaw, murado, berde, at pula. May 17 uri ng quinoa, at kadalasan nang maraming uri ng quinoa ang tumutubong magkakasama.

Pagdating ng panahon ng pag-aani, ang mga halaman ay binubunot, pinatutuyo sa araw, at ginigiik sa pamamagitan ng kamay. Ngayon isa pang pambihirang katangian ng quinoa ang nahahayag. Maaari itong iimbak sa loob ng mga ilang taon nang hindi nasisira. Ang quinoa ay isa ngang kayamanan sa panahon ng mahabang tag-araw. Madaling maunawaan kung bakit ito ang pangunahing pagkain sa bahaging ito ng Bolivia. Ngunit ano naman ang pakinabang nito sa iba pang bahagi ng daigdig?

Isang Tamang-tama, Maraming-gamit na Pagkain

Nang unang galugarin ng mga Kastila ang Amerikas, natuklasan nila ang maraming pagkain na di-nagtagal ay naging paboritong pagkain sa mga mesa sa buong daigdig​—mais, cocoa, kamatis, pinya, mani, at patatas. Subalit hindi nila gaanong pinansin ang quinoa. Bagaman ito ay itinatanim sa buong Andes, hinamak ito ng mga Kastila bilang pagkain ng mga magbubukid. Bunga nito, karamihan ng mga tao ay walang kaalam-alam tungkol sa pambihirang halamang ito kundi nito lamang nakalipas na mga taon.

Oo, sa mga lupaing malayo sa disyerto ng Bolivia, nagsisimulang pahalagahan ng mga tao ang halaga ng quinoa. “Ito ang pinakabagong butil sa bayan,” sabi ng San Francisco Chronicle. “Itinuturing nang isang pangunahing pagkain sa modernong mga kainan sa Lungsod ng New York, ang quinoa ngayon ang paboritong bi-coastal menu.”

Ang dahilan ng lahat ng katuwaang ito? Natuklasan ng mga dalubhasa sa pagkain na ang quinoa ay mababa sa asukal at starch at mayaman sa hibla at unsaturated na langis. Naglalaman ito ng maraming mahahalagang mineral at bitamina. Subalit ang pangunahing panghalina para sa mga dalubhasa sa pagkain ay ang protina sa quinoa​—50 porsiyentong mas marami kaysa protinang masusumpungan sa trigo, oats, sebada, o bigas at nakahihigit sa kalidad. Naglalaman ito ng timbang na mga amino acid na kailangan natin, pati ang isa na mahalaga na tinatawag na lysine na karaniwang bihirang makita sa protina sa mga gulay at marami lamang sa karne, isda, at itlog. Iyan ang dahilan kung bakit tinatawag ng ilang eksperto ang quinoa na isang tamang-tamang pagkain.

Ang isa pang pambihirang katangian ng quinoa ay ang maraming-gamit nito. Ang quinoa ay may natatangi, tulad-nuwes na lasa. Maaari mo itong gamitin sa almusal bilang cereal. Maaari mo itong ihain na malamig na kasama ng ensalada, mainit na kasama ng karne, o bilang isang matamis. Ang mga tao sa Andes lalo na ay nakatuklas ng maraming paraan upang kanin ang quinoa.

“Hinding-hindi ako nagbibiyahe nang walang quinoa,” sabi ng dating naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Andes. “Dapat akong magbiyahe na kaunti lamang ang dala, yamang, gaya ng iba pa, ako ay nagbibisikleta. Lagi akong may dalang isang bag ng tostadong arinang quinoa. Kung hahaluan ng tubig, ito’y nagbibigay ng masustansiyang inumin.”

Nagugunita ni Rosa, isang babaing taga-Bolivia na lumaki sa isang nayon sa altiplano, ang iba pang gamit ng mga buto ng quinoa. “Si nanay ay gumagawa ng tinapay at biskuwit mula sa arina ng quinoa na giniling niya sa gilingang bato, at kadalasang basta inihahain niya ang nilagang quinoa na may itlog.” Nang maglaon, lumipat si Rosa sa lungsod at nagtrabaho ng mga ilang taon bilang isang kusinera sa isang mayamang pamilya. Ipinakilala niya sa kanila ang isang pagkain na nagustuhan nila: sopas na quinoa! “Magtadtad ka lamang ng ilang sibuyas, carrots, malalapad na balatong, at kalabasa,” aniya, “pagkatapos pakuluan mo ito kasama ang hinugasang buong butil ng quinoa sa sabaw ng karne hanggang sa ang mga butil ng quinoa ay pumutok.a Maaaring lagyan ng asin pagkaluto.”

Ano ang paboritong luto ng quinoa ng mga anak ni Rosa? “Tortillas!” sigaw ng batang lalaki. “Ah, oo,” sagot ni Rosa, “madali itong gawin. Basta lutuin mo ang hinugasang butil ng quinoa gaya ng normal na pagsasaing mo subalit nang walang asin. Ang quinoa ay maaaring haluin hanggang lumapot. Batihan ng isang itlog, lagyan ng kaunting gatas, at kaunting arina. Ngayon maaari mong lagyan ng kaunting asin at cinnamon. Saka prituhin ang timplada gaya ng pagprito mo sa pancakes, isang kutsarang punô sa bawat panahon​—ang sarap!”

Susi sa Paglutas sa Pandaigdig na Gutom?

Naniniwala ang mga organisasyong tumutulong upang lutasin ang gutom na ang quinoa ay gaganap ng isang malaking papel sa pagbawas ng pandaigdig na gutom. Ang butil ay malakas at maaaring itanim sa masamang kapaligiran nang walang magastos na kagamitan sa pagsasaka. Sa pamamagitan ng crossbreeding, ang mga mananaliksik ay nakagawa ng pambihirang malalakas na uri ng quinoa na nakakayanan ang matinding mga kalagayan na gaya ng mga ulan ng yelo at hamog na nagyelo. Isa pa, ito ay masustansiya at masarap at maaaring iluto sa sarisaring paraan.

Kung baga malulunasan nga nang kaunti ng quinoa ang suliranin ng pandaigdig na gutom, panahon lamang ang makapagsasabi. Samantala, baka gusto mong malaman kung makabibili ka ng quinoa sa inyong lugar. Taglay ang kaunting imahinasyon at pag-eeksperimento, maaaring dagdagan mo ang listahan mo ng masustansiyang pagkaing mula sa quinoa​—ang pambihirang halaman sa disyerto.

[Talababa]

a Ang quinoa na ipinagbibili sa mga pakete ay karaniwang nahugasan na sa pabrika upang alisin ang mapait na mga ipa. Kaya ang oras ng pagluluto ay iba-iba ayon sa uri ng quinoa, kung paano ito prinoseso, at ang taas kung saan ito iniluluto.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share