Ang Kaguhuan ng Maya—Mapanglaw na mga Tanod ng Nagdaang Panahon
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Guatemala
MULA sa mainit, medyo tigáng na kapatagan ng Yucatán ng Mexico hanggang sa mayabong, laging luntiang kagubatan ng Guatemala at Belize hanggang sa mainit na mga libis ng El Salvador at Honduras sa Sentral Amerika ay masusumpungan ang di-pantay na mosaik ng bahagyang naisauling kaguhuan ng Maya. Tulad ng mapanglaw na mga tanod, ipinakikita nito ang nagdaang panahon ng nagtataasang mga templo at kahanga-hangang mga palasyo na may kahusayang idinisenyo at pinalamutian. Dati’y kababalaghan ng kanilang daigdig at ngayo’y isang kahali-halinang arkeolohikal na palaisipan, ang mga ito’y tagapagpaalaala ng isang karilagan na naglaho na magpakailanman.
Ano ang gumagawa sa sibilisasyon ng Maya, na mga 2,000 taóng mas maaga, na lubhang natatangi? Sa kabila ng ganap na kawalan ng mga sasakyang may gulong, mga kagamitang metal, mga hayop na tagabuhat, at arkong kalang (keystone arch), at ang problema ng unti-unting nanghihimasok na gubat, ang mga Maya ay nagtagumpay sa paggawa ng pinakadakilang pre-Columbiana Indian na sibilisasyon na kailanma’y natuklasan sa kontinente ng Hilagang Amerika. “Nakita nito ang kasakdalan ng isang sistema ng pagsulat—ang tanging tunay na sistema ng pagsulat na kailanma’y nagawa sa Amerikas—at ilang kapansin-pansing pagsulong sa matematika at astronomiya,” sabi ng magasing Smithsonian. “Ang mga taong ito ay nakaisip ng kapaki-pakinabang na ideya ng sero at mayroon silang kalendaryo na nagpangyari sa kanila na gumawa ng eksaktong mga pagkalkula sa mga siklo ng planeta at ng makalangit na mga bagay.”
Ang Panahong Klasiko
Sinikap ng mga Maya na sukatin at itala ang panahon, at ang kanilang pinakadakilang mga nagawa ay sa larangang ito. Noong kanilang panahong Klasiko, mula 250 C.E. hanggang 900 C.E., matagumpay nilang nasukat ang tropikal na taon at may kawastuang inihula ang mga eklipse ng araw at ng buwan at ang mga pag-ikot ng Venus sa araw.
Ang mga rekord ay iningatan ng mga iskolar at mga eskribang Maya sa papel na yari sa panloob na balat ng kahoy ng ligaw na punong igos na pinukpok at pinahiran ng apog. Ang kanilang pagsulat, isang pinagsamang ponetikong mga sagisag na kumakatawan sa mga yunit ng tunog at mga larawan o sagisag na kumakatawan sa mga salita, ay isa sa limang pangunahing sistema ng pagsulat na nagawa ng tao. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na ang pagkatuklas ng mga Maya sa posisyon ng mga bilang at ng sero ay maituturing na “isa sa pinakamatalinong nagawa ng isip ng tao.” Binabanggit ng kasaysayan ang dalawa pang sibilisasyon na nakagawa ng matematikal na ideya ng bilang na sero, ang Hindu at ang Arabe.
Bagaman ang mga ito ay kahanga-hangang mga nagawa, ang arkeologong si Michael D. Coe, sa kaniyang aklat na The Maya, ay nagbibigay ng punto-de-vista: “Subalit ang isa ay hindi dapat magpakalabis. Ang siyensiya sa modernong diwa ay wala roon. Sa dako nito masusumpungan natin, gaya niyaong sa mga sibilisasyon sa Mesopotamia, ang isang kombinasyon ng may kawastuang astronomikal na impormasyon sa kung ano ang matatawag lamang na numerolohiya, na ginawa ng mga pari para sa relihiyosong mga layunin.”
Tinatayang may pinakamaraming bilang ng populasyon ng 3,000,000, ang mga Maya, sa mga 40 lungsod ng mahigit na 20,000 mamamayan sa bawat isa, ay nagtayo ng kahanga-hangang mga piramide at mga templo. Bagaman wala silang mga sasakyang de gulong, inihatid nila ang napakaraming bato para sa mga gusaling ito at tinabas ang mga bloke ng bato sa pamamagitan ng mas matitigas na bato, magaspang na mga baging, bubog mula sa bulkan, at iba pang natural na mga materyales. Di-gaya ng bilugang mga arkong kalang ng arkitekturang Romano, ang kanilang makinis ang pagkakagawang mga gusali ay gumamit ng arkong corbel—ginagawa sa pamamagitan ng sunud-sunod na pagsasanib at pag-uusli ng mga suson ng masonerya sa magkabilang dulo ng isang bukasan na nalalatagan ng bato sa tuktok. Ang mga dingding ng gusali ay napalalamutiang mabuti ng mga eskultura at mga hieroglyph. Isa pa, ang panahong Klasiko ay kilala sa paggawa ng maraming-kulay na mga banga at sa pagtatayo ng mga stela, nakatayong malalaking tipak ng mga batong inukit, kung saan nakatala ang mahahalagang pangyayari.
Mga “Stela” ng Maya
Mula’t sapol, sinikap ng tao na itala ang kanilang pangalan at mga kabayanihan ng kaniyang angkan sa di-nasisirang materyales, ng luwad at bato, gaya ng makikita sa kilalang Nabonidus Chronicle ng sinaunang Babilonya at sa Rosetta Stone ng sinauang Ehipto. Ang mga Maya ay walang pinag-iba. Hindi kukulangin sa isang libong mga haliging bato, o mga stela, na iba’t iba ang hugis at laki, na may katamtamang taas ng mula dalawa’t kalahati hanggang tatlong metro, ang natuklasan. Ang mga stela na ito ay nakilala ngayong mga monumentong nagpaparangal sa mga pinunong Maya—itinatala ang kanilang mga panahon ng paghahari at kasaysayan. Ang 86 na stela na nasumpungan sa Tigal, Guatemala, ay nagbibigay ng impresyon na pagkalaki-laking mga lapida. Mga 21 lamang nito ang nililok, karaniwang nagpapakita ng isang nagagayakang tao na nakaharap sa kaliwa na mababaw ang pagkakaukit, may hawak na setro at niyuyurakan ang mga bihag.
Isa sa mga hiwaga na nagpahirap sa mga Mayanista ay ang interpretasyon ng hieroglyphic na pagsulat ng mga Maya na kilala bilang glyphs. Gaano karami ang nababasa? “Sa palagay ko nababasa namin ang halos 75 porsiyento ng mga glyph sa mga monumento ngayon,” sabi ng iskolar sa Maya na si David Stuart. “At mula rito wari bang ang mga Maya ay karaniwang interesado sa pagtatala ng linya ng kanilang mga pinuno, kung kailan sila nanungkulan, gaano karaming bihag ang kanilang kinuha sa digmaan, at kung kailan nila isinagawa ang ritwal na mga seremonya at mga handog na pagbububo ng dugo.”
Tatlong mahahalagang pagsulong, na sunud-sunod, ang tumulong sa pagbasa. Una, noong 1958, pinatunayan ng epigrapong si Heinrich Berlin na ang mga monumento ay naglalaman ng “Emblem Glyphs” na alin sa nagpapakilala sa mga lungsod ng Maya kung saan natagpuan ang mga monumento o mga dinastiyang Maya na nagpuno sa kanila.
Ang ikalawang pagsulong ay nangyari noong 1959 nang matuklasan ng Mayanistang si Tatiana Proskouriakoff ang kaugnayang ng 35 may petsang mga bato (monolith) sa Piedras Negras—sadyang itinayo sa pitong pangkat—at ang bagay na wala sa pitong pangkat ang singkad ng panahon na sumasaklaw ng mahigit na isang katamtamang haba ng buhay. Ang bawat pangkat ay nagtatala ng tunay-sa-buhay na mga pangyayari sa isang ganap na panahon ng paghahari. Sa wakas, napatunayang ang mga hieroglyph ay kumakatawan sa isang sistema ng pagsulat na may ponetikong mga sagisag at kayariang panggramatika.
Marahil saanman sa mga dako ng Maya ay hindi masusumpungan ang artistikong mga stela na gaya niyaong magagandang kaguhuan ng Copán sa gawing kanluran ng Honduras. Sa paligid ng eleganteng sentrong ito ng Maya ang maraming mahusay ang pagkakalilok na mga bato ng maberdeng batong-bulkan na tinatawag na trachyte—malambot kapag tinitibag subalit unti-unting tumitigas kapag nalantad sa mga elemento. Nakahihigit sa uri sa mga batong-apog (limestone) ng Tikal, mas maraming kapahayagan ng paglilok ang magagawa rito, gaya ng makikita sa tres-dimensiyonal na epektong nagawa nito.
Sa ilan, ang pinakamahusay na glyphs na umiiral ay yaong nasumpungan sa kakatuwang Quiriguá—isang maliit, tahimik na sentrong Maya na mga 50 kilometro sa hilaga ng Copán sa bansa ng mga saging ng Guatemala, dating kagubatan (rain forest). Bagaman ang gusaling templo ay hindi kahanga-hanga, ang 12 batong-buhangin na mga stela ay ibang kuwento naman. Ang Stela “E,” na tumitimbang ng 65 tonelada, ang pinakamalaking monumentong Maya; ito ay 11 metro ang taas, 1.5 metro ang lapad, at 1.3 metro ang kapal.
Klasikong Tikal
Sa kaloob-looban ng gubat Petén sa gawing hilaga ng Guatemala ay naroon ang Tikal, ang pinakamalaking Klasikong Mayang sentro na natuklasan. Ang sentro ng 130 kilometro kuwadradong lungsod na ito ay sumasaklaw ng halos 16 na kilometro kuwadrado, kung saan masusumpungan ang mahigit 3,000 sarisaring gusali mula sa hamak na mga tirahan hanggang sa matataas, tulad-ziggurat na mga templo. Ang pinakamataas, ang Templo IV, ang mataas na Templo ng Dalawang-Ulong Ahas, ay 65 metro ang taas. Ang pinakasentro ng Tikal ay isang ektaryang Great Plaza, na ang Templo I, ang Templo ng Dambuhalang Jaguar, sa silangan at ang Templo II, ang Templo ng mga Maskara, sa gawing kanluran.
Ano ang layunin ng mga templong ito? Bagaman hindi pa rin tiyak ang tungkol sa bagay na ito, ang arkeologong Maya na si Edwin M. Shookb ay nagsabi sa Gumising!: “Ito’y mga templo sa relihiyosong diwa, at ang mga ito’y itinayo sa layuning iyon. Ikalawa, ang mga ito’y ginamit upang parangalan ang isang indibiduwal sa paglalagay ng kaniyang bangkay sa gayong pinagpipitagang dako. Halimbawa, ang Westminster Abbey ay hindi itinayo upang maging libingan. Subalit pinararangalan ng mga Britano ang kanilang dakilang mga tao sa paglalagay sa kanila sa Westminster Abbey. Ganiyan din sa buong sistema ng mga Maya. May mga ilang eksepsiyon.” Si Shook ang nakatuklas at nagbigay ng pangalan sa karamihan ng mga haywey ng Tikal na ipinangalan niya sa mga dating manggagalugad—sina Mendez, Maudslay, Maler, at Tozzer.
Sa magkabilang panig ng Great Plaza ay ang Hilaga at ang Sentral na mga Acropolis, ipinalalagay na mga palasyo at mga gusaling pampangasiwaan. Malapit sa Timog na Acropolis ay ang Triple Ball Court, na minsa’y umalingawngaw sa malakas na kalabog ng isang bolang goma na inilihis ng mga manlalarong nakasuot ng damit na pananggalang. Yamang ang pinaka-pundasyon ng Tikal ay butas-butas na batong-apog (limestone), kung saan madaling masala ang tubig-ulan, kinailangang ng mga Maya na gumawa ng ilang deposito ng tubig, ang ilan ay orihinal na mga tibagan ng batong-apog. Ang mga balóng ito ay tinapalan ng pantanging luwad upang hadlangan ang pagtagas. Ang Timog na Acropolis, ang Silangan at Kanlurang Plasa, ang Plasa ng Pitong Templo, ang Pamilihang Sentral, ang apat na pangunahing haywey na ginagamit sa relihiyosong mga prosesyon, at ang mga gusali ng Nawalang Daigdig—ipinanumbalik kamakailan ng mga arkeologong taga-Guatemala—ay mga palatandaan ng mga labí ng Tikal.
Ang Kamatayan ng Panahong Klasiko
Ano ang nagdala sa panahon ng Klasiko sa wakas nito? Napakaraming teoriya, subalit walang sinuman ang talagang nakaaalam. Ang nalalaman lamang ay na ang pagtatayo ng may petsang mga stela, mga palasyo, at mga gusaling pampubliko ay biglang naglaho. Ang huling stela na natagpuan sa Tikal ay may petsang 869 C.E. Nilisan ng mga mamamayan ang malalaking sentrong lungsod ng Maya at nanirahan sa maliliit, kalat-kalat, na mga nayong nagsasaka. Ang gubat, na dating nasusukol, ngayo’y sumusugod. Ang maliliit na punungkahoy ay nag-ugat sa mga sulok at mga siwang ng mga gusali at naging malalaking punungkahoy. Ang kanilang mga ugat, ngayo’y mga ilang metro ang kabilugan, ay bumitak sa mga kanto, bumasag sa mga bloke ng batong-apog, nagpahina sa mga pader, at dumurog sa corbel vaults. Napabayaan at nakalimutan, ang Tikal at ang kahawig nitong mga tanawin ay ikinubli sa daigdig sa labas upang matulog sa mahigpit na yapos ng kagubatan.
Hindi kaya maaaring nakapagbigay ng liwanag ang nasusulat na mga rekord ng mga Maya? Maaari sanang nakapagbigay ng liwanag kung hindi dahil sa kagagawan ng Kastilang mga konkistadores nito noong ika-16 na siglo. “Si Diego de Landa, unang obispo ng Yucatán, sa panimulang silakbo ng sigasig Katoliko, ay pinatindi ang misteryo sa pagsisikap na alisin ang lahat ng bakas ng kulturang Maya,” sabi ng Smithsonian. “Sinunog niya ang maraming klasikong mga manuskrito, katutubong mga aklat sa papel na yari sa balat ng kahoy (apat na manuskritong Maya na lamang ang umiiral ngayon) na maaaring magpaliwanag sa mga bagay at alisin ang maraming kalituhan.”
Kaya, ang mosaik na daigdig ng mga Maya ng bahagyang naisauling mga kaguhuan sa Sentral Amerika ay isa pa ring arkeolohikal na palaisipan sa ating daigdig. Tahimik, patuloy silang nakatayo, mapanglaw na mga tanod ng nagdaang panahon.
[Mga talababa]
a Bago dumating si Christopher Columbus (1451-1506).
b Field director ng marami sa 14-taóng pagsasauli ng Tikal na proyekto ng University of Pennsylvania noong 1956.
[Larawan sa pahina 15]
Ang El Castillo, pinakamalaki sa pitong gusaling Maya sa Chichén, Itzá, Yucatán, Mexico
[Larawan sa pahina 16]
Templong-piramide (ikapitong siglo C.E.), ang Great Plaza, Tikal, Guatemala
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang sinaunang larong bola ay nilaro sa bakurang ito sa Copán, Honduras
[Credit Line]
Instituto Hondureño de Antropologia e Historia
Isang “Chac Mool,” gawing ibaba, malamang na ginamit upang tanggapin ang mga puso ng tao; Templo ng mga Mandirigma, Chichén Itzá, Yucatán, Mexico