Ang Haida—Isang Pambihirang Bayan ng “Maulap na mga Isla”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
MGA dalawang daang taon na ang nakalipas, ang mga manggagalugad at mangangalakal na Europeo ay nasiyahan at nagulat nang una nilang makita ang mga taong Haida, ang pambihirang mga maninirahan ng bagong tuklas na pangkat ng mga isla sa kanlurang baybayin ng Canada.
Ang unang pagkikitang ito ay kapuwa marangal at palakaibigan. Makitid, tinabtab-kamay na mga bangkang yari sa kahoy na cedro na punô ng mga lalaki at mga babae, kung minsa’y nakadamit ng pinakamagaling na mga bata na yari sa balat ng seal, ay nagkulumpunan upang salubungin ang bawat barkong pangalakal. Noong minsan, ang mga nakasakay sa bangka ay umawit, at sa isang palakaibigang pagpapahayag, isang lalaki ang tumayo upang magsaboy ng mga balahibo sa tubig. (Ang agila sa ibaba ay sagisag ng pagkakaibigan at pagsalubong.) Sa isa pang okasyon, ang pinuno ay lumapit at umawit na mag-isa ng isang awit ng pagtanggap, habang ang dalawang daang tinig sa pampang ay umalinsabay sa mga koro.
Ang Haida Gwaii, o ang tahanan ng mga Haida, ay binubuo ng isang hugis-punyal na kapuluan ng 150 mga isla, mga 100 kilometro kanluran ng baybayin ng British Columbia ng Canada. Ang grupong ito ng maulap na mga isla ay pinangalan ngayong Queen Charlotte Islands, karaniwang tinatawag na Queen Charlottes. Ang mainit na agos ng karagatan mula sa Hapón, ang Japan Current, ang gumagawa sa klima ng mga isla na katamtaman. Gayunman, sa kabila ng kainamang temperatura, ang mga isla ay maaaring hampasin ng malakas na hangin at unos.
Sino ba ang mga Haida?
Kakaunti ang nalalaman tungkol sa pinagmulan ng mga Haida o tungkol sa kanilang pagdating sa Queen Charlottes, yamang walang nasusulat na rekord ng kanilang kasaysayan o kultura ang naingatan. Tulad ng maulap na mga isla mismo, ang kanilang nakalipas ay nalalambungan ng mga ulap ng panahon. Ipinalalagay ng iba na ang mga Haida ay nanggaling sa Asia na nagdaan sa Bering Strait, samantalang ang iba naman ay nagsasabi na sila ay sakay ng bangka galing sa Japan Current. Gayunman, lahat ng nalalaman namin ay isang koleksiyon ng bibigang mga tradisyon ng pinaghalong katotohanan at bungang-isip. Ayon sa isang kuwento, ang bayan ng Haida ay lumitaw mula sa isang malaking tulya, na binuksan ng isang uwak, sa Rose Point sa hilagang-silangang dulo ng Graham Island—ang pinakamalaki sa Queen Charlottes.
Ang maraming katha-katha at mga alamat na iyon ay nagbibigay ng kaunting liwanag o hindi pa nga nagpapaliwanag sa pinagmulan ng mga Haida, subalit, kapansin-pansin, sarisaring kuwento ang nagsasaysay tungkol sa isang malaking baha na umapaw sa pinakamataas na bundok, at tanging sa paggawa lamang ng isang malaking balsang yari sa troso at paglalagay dito ng mga panustos na ang sinuman ay nakaligtas. Isang matandang Haida mula sa Skidegate ang nagpatunay: “Marami sa aming bayan ang nakaaalam sa kuwentong ito ng Baha, sapagkat ito’y totoo. Talagang nangyari ito, maraming-maraming taon na ang nakalipas.”
Ang mga Haida, na may pagtitiwala, mapamaraan, at lubhang mapanlikha, ay nakapagtatag ng sagana at masalimuot na kayariang panlipunan matagal na panahon na bago noong 1774, nang dumating ang mga Europeo. Ang bansa ay nahahati sa dalawang pangunahing bahagi, ang angkan ng Agila at ang angkan ng Uwak, na tinitiyak sa pagsilang sa linya ng ina. Sa lipunang ito na ang angkan ay tinutunton sa linya ng ina, ang mga anak ay laging sa angkan ng ina. Ang mga kabiyak ay pipiliin lamang sa kabilang angkan, at ang kasunduang pagpapakasal ay kadalasang isinasaayos ng ina kapag ang kaniyang anak na lalaki o babae ay napakabata pa.
Mga Haliging Totem—Ang Kahulugan Nito
Ang mga eskudo ng pamilya o angkan, na ginagamit ang likas o katha-kathang mga kinapal bilang mga sagisag, ay ipinagmamalaking pag-aari para sa personal na pagkakakilanlan. Ang mga eskudo ng angkan ng agila ay kinabibilangan ng artistikong inukit o ipinintang mga Agila, cormorants (isang uri ng ibong-dagat), beavers, at maliliit na pating, samantalang kabilang naman sa mga eskudo ng mga angkan ng Uwak ang mga kambing sa bundok, mga balyena, grizzly bears, at bahaghari. Ang mga eskudong ito ay hindi lamang palamuti kundi isinasaysay nito ang angkan, kayamanan, at katayuan ng pamilya, gayundin ang mga pribilehiyo, awit, at mga kuwento ng angkan.
Bagaman ang inukit na mga haligi ay hindi sinasamba, ang ilan sa mga larawan ng eskudo ay may makaalamat o espirituwal na kahulugan, inilalarawan ang sobrenatural na mga ninuno na may mahikong kapangyarihan na baguhin ang kanilang sarili tungo sa mga hayop at balik uli sa pagiging tao. Sa isang yugto ng panahon na walang isang daang taon, mga mula 1840, ang pag-ukit at pagtatayo ng mga haligi ay naging napakapopular. Ngayon ang malalaking haliging ito na yari sa kahoy na cedro, na pinaputi at hinampas ng panahon upang maging pinilakang-abuhin, ay unti-unting nabubulok at bumabagsak. Ang ilang mga haligi ay 18 metro ang taas at 1.5 metro ang lapad.
Mula sa tagsibol hanggang sa taglagas, ang mga Haida ay abalang-abala sa pagtitipon at pag-iimbak ng pagkain. Mula sa dagat ay nanggagaling ang saganang isda, tulya, tamban, at damong-dagat. Nanghuhuli sila ng mga seal dahil sa nakukuha ritong taba, na ipinagpapalit sa taba na nakukuha sa isdang eulachon na hindi masusumpungan sa kanilang mga tubig sa isla. Ang taba ng eulachon ay mahalaga hanggang sa araw na ito, yamang ito’y nakadaragdag ng lasa sa lahat ng uri ng pagkain. Mga itlog ng ibon, wild berries, ground roots, at karne ng hayop na nahuhuli sa pangangaso ang nakadaragdag sa pagkasarisari ng pagkain.
Ang mga Haida ay hindi kilala bilang mga magsasaka, bagaman nang ipakilala sa kanila ang patatas mula sa kontinente, matagumpay na umani sila nito at ikinalakal nila ito pabalik sa mga bansa sa kontinente. Kung mga buwan ng taglamig, may mga salu-salo, maliligayang pagtitipon, kung kailan ang mga pamilya ay kadalasang nakasuot ng seremonyal na mga kasuotan na yari sa magagandang balat ng seal. Ang kanilang mga salu-salo ay panahon ng pagtutulungan at pagbibigayan ng regalo, isang paraan ng pagbabahagi ng kayamanan o pagkakamit ng mataas na katayuan sa pamayanan. Panahon ito ng handaan, sayawan, awitan, at kuwentuhan.
Ang mga labí ng mga nayong Haida, na nagkalat sa buong isla, ay nagpapatunay sa malaking populasyon na dating nakatira sa Queen Charlottes. Maaga noong 1800’s, may mga 7,000 mamamayan sa mga isla. Subalit sa pagdating ng mga taong puti, dumating din ang mga sakit at ang kaniyang alkohol, na humantong sa malaganap na pag-abuso sa alkohol. Ang mga nayon ay nilisan samantalang tinatakasan ng mga Haida ang hampas ng bulutong na pumapatay ng maraming tao. Noong 1885 ang kanilang bilang ay lumiit tungo sa 800 katao na lamang.
Mga Pirata ng Hilagang-kanlurang Pasipiko
Palibhasa’y napaliligiran ng tubig ang kanilang lupang-tinubuan, palagay na palagay ang loob ng mga Haida sa dagat, lalo na sa kanilang magagarang bangka. Aba, ang ilan sa mga bangkang ito ay napakalaki at mas mahaba pa nga ang mga ito kaysa mga barkong naglalayag ng sinaunang mga manggagalugad na Europeo! Ang iba’t ibang haba ng bangka ay mula 23 metro, na may kakayahang magsakay ng 40 katao at dalawang toneladang kargo, hanggang sa mas maliit na 8-metrong bangka para sa araw-araw na gamit sa tabing-dagat. Sa mas malalaking bangkang ito, ang mga Haida ay sumalakay at nakipagkalakalan nang walang kalaban sa loob ng mga dantaon, mula sa Alaska sa hilaga hanggang sa Puget Sound sa timog. Naghasik sila ng takot at sindak sa mga katutubong bansa sa kontinente, at sila’y tinaguriang mga Pirata ng hilagang-kanlurang Pasipiko.
Bagaman ang mga Haida ngayon ay may moderno, nasasangkapang-mainam na mga sasakyang pandagat, ang orihinal na pulang cedrong mga bangka ay hindi nakalimutan. Ang ilan ay ginagawa pa rin para sa pantanging mga okasyon, gaya ng Canadian World Exposition, Expo 86, na ginanap sa Vancouver, British Columbia. Ang malambot na kahoy ng malalaking puno ng pulang cedro ay magaling sa paghubog ng mga bangka. Ang haspe ng kahoy ay tuwid, madaling trabahuin, at hindi madaling mabulok.
Ano ang Nakalaan sa Kinabukasan?
Ang Haida ngayon ay dalawang nayon na lamang, ang Old Masset at Skidegate, at marami ang nagtatanong tungkol sa kinabukasan nila at ng kanilang kultura gayundin ng kanilang magandang “maulap na mga isla.” Ang pag-abuso sa alkohol at sakit ay talagang nag-iwan ng kanilang kalunus-lunos na tanda. Ang pang-akit ng buhay sa siyudad ay nagpangyari sa pag-aalisan ng nakababatang salinlahi tungo sa malalaking lungsod ng Prince Rupert at Vancouver. Ang industriya ng pagtotroso, bagaman naglalaan ng maraming trabaho sa isla, ay pumukaw ng paghihinala at pagkabahala sa gitna niyaong nakakakita na nanganganib malipol ang kanilang mahal na mga isla.
Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay isa pang negatibong impluwensiya sa paraan ng pamumuhay ng mga Haida. Ang mga misyonero ng simbahan, sa kanilang sigasig na magkumberte at mamahala, ay hindi inintindi ang napakatanda, tatag na kultura. “Hindi nila sinikap na unawain ang mga Haida—ang mga paraan ng pagpapahayag niya ng sarili, ang kaniyang mga kaisipan, ang mga bagay na pinahahalagahan niya,” sabi ng isang autoridad sa kasaysayan. Sunud-sunod, ang mga salu-salo, sayawan, mga haliging totem, at mga shaman (mga lalaking manggagamot) ay ipinagbawal ng mga misyonero. Sa panahon ng bautismo, ang pagpapalit ng pangalan ay ipinatupad. Ang itinatanging mga pangalan, na punô ng kahulugan, ay lubusang di pinansin at pinalitan ng mga apelyidong Anglo-Saxon na gaya ng Smith, Jones, at Gladstone. Sinusunod ng bagong mga pangalan ang sistema ng pagtunton sa angkan ng ama sa halip ng sistemang pagtunton sa angkan ng ina na gamit ng mga Haida. Inalis ng mga misyonero ang kanilang dating mga pamantayan subalit hindi naman ito pinalitan ng maka-Kasulatang mga pamantayan.
Gayunman, nitong nakalipas na mga taon lamang, ang mga Haida ay pinagpala sa pagdating sa kanilang mga baybayin ng ibang uri ng misyonero—mga Saksi ni Jehova. Ang kanilang mensahe ay nakaakit sa mabuting mga katangian ng mga Haida, at ito’y nagbibigay sa kanila ng isang tunay na pag-asa sa hinaharap. Habang ang mga misyonerong Kristiyanong ito ay nagbabahay-bahay sa buong kapuluan, kung minsan ay gumagamit ng mga bangkang pangisda at maliliit na eruplano upang maabot ang liblib na mga pamayanan mula sa Cape St. James hanggang sa Langara Island, nalilipos ang kanilang kagalakan sa likas na kagandahan ng Queen Charlotte Islands at sa kasiglahan at kabaitan ng mga tao.
Gaya ng mga manggagalugad dalawang daang taon na ang nakalipas, nasumpungan ng mga Saksi ni Jehova ang tunay na mga kasama sa gitna ng mga Haida, samantalang buong sigasig na dinala nila ang mabuting balita ng natatag na Kaharian ng Diyos sa bawat tahanan sa kapuluan. At maraming pamilyang Haida ang tumugon, nakikilala ang taginting ng katotohanan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, natutuhan nilang pahalagahan ang tunay na kaugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, ng tao sa tao, at ng tao sa hayop.
Nakilala nila ang pangalan ng “kataas-taasang persona,” hindi lamang bilang ang “Kapangyarihan ng Maningning na Kalangitan,” kundi bilang ang Diyos na Jehova. Natutuhan nilang pahalagahan ang kapatiran ng sangkatauhan, na ang lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus. (Gawa 10:34, 35) At oo, ang mga hayop, ibon, at isda ay pawang mga kaluluwa, kung paanong ang tao ay isang kaluluwa. Hindi sila nagtataglay ng walang-kamatayang kaluluwa o ng sobrenatural na mga kapangyarihan na ipinalalagay sa kanila ng sinaunang mga kuwentistang Haida.—Levitico 24:17, 18; Eclesiastes 3:18-21; Ezekiel 18:4, 20.
Sampung iba’t ibang uri ng balyena ang nanginginain sa sagana-sa-plankton na mga tubig. Napakaraming Steller’s sea lion sa mabatong mga buról. Kalahating milyong mga ibon-dagat ang nakatira sa matatarik na dalisdis kasama ng pambihirang mga peregrine falcon, agilang kalbo, at mga uwak. Lahat ng uri ng isda ay nagkukulumpunan sa baybaying tubig, sapa, at mga lawa. Ang itim na mga oso, walang katulad sa laki saanman sa daigdig, ay gumagala-gala sa nalalatagan-ng-damong kagubatan na naglalaman ng sanlibong-taóng-gulang na mga punungkahoy, pati na ang dambuhalang Sitka spruce, pulang cedro, at hemlock.
Ang mga nangangalaga sa kalikasan ay nababahala na ang dalisay na kagandahan at saganang kapaligiran ng Charlottes ay maging gaya ng ibang lugar na naging mistulang iláng dahil sa maling pangangasiwa ng tao. Gayunman, ang mga Haida na tumanggap sa mga pangako ng Kataas-taasang Isa, ang Diyos na Jehova, ay tumatanaw sa hinaharap na may pagtitiwala, yamang ang kaniyang mga pangako ay hindi kailanman mabibigo. (Josue 23:14) Mula sa ating Dakilang Maylikha ay ang pangako na ang buong lupa ay magiging isang paraiso sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ng Diyos. Sa panahong iyon ang namamalaging kagandahan ng “maulap na mga isla” ay hinding-hindi na muling pagbabantaan.—2 Pedro 3:13.
[Mga larawan sa pahina 25]
Kanan: Magandang tanawin ng maulap na mga isla
Dulong kanan: Mga haliging totem ng Nayong Ninstints, Anthony Island
Ibaba: Steller’s sea lion sa Cape St. James
[Mga larawan sa pahina 27]
Kaliwa: Kingdom Hall sa Queen Charlotte City
Itaas: Namumulaklak na mga palumpon