Artipisyal na Talino—Kapantay ng Isang Bulati
“MARAHIL nitong nakaraang taon ay marami na kayong narinig hinggil sa mga neural network, parallel processor, multiprocessor at iba pang komersiyal at teoretikal na pagsisikap sa paggawa ng mga computer na halos ay kasinghusay ng utak ng tao. Subalit ang hindi pa ninyo narinig ay kung ano talaga ang kahulugan ng mga pagsisikap na ito o kung ano talaga ang nagagawa ng mga bagong teknolohiya. Sinabi sa akin ng isang kaibigan na nagtatrabaho sa isang kompanya na gumagawa ng mga computer na ayon sa mga termino ng ‘biomental’ na ebolusyon, ang mga makabagong produkto ay maaaring makipagpaligsahan sa antas ng talino ng bulati. Isa lamang bulati, baka itatanong ninyo? Oo, isang bulati. Sabihin pa, ang pagsisikap na pantayan ang kakayahan ng utak ng tao ay mangangailangan . . . ng isang utak ng tao.”—Computerworld, Pebrero 27, 1989, pahina 21.
Ang utak ay nagkakaloob ng impormasyon sa pamamagitan ng mga pintig na elektro-kemikal. “Bagaman napakabagal ng mga pintig na ito—mga 30 metro bawat segundo—daig pa rin nila ang mga pintig ng kuryente na dumadaan sa mga alambreng metal, na naglalakbay ng 300 milyong metro bawat segundo.” Ang isa sa pinakakamangha-manghang computer na umiiral ngayon ay may 65,536 processor sa pagsasalansan at pagkakaloob ng impormasyon at kasinlaki ito ng isang washing machine, subalit “paramihin man ng 150,000 beses ang bilang na ito ay kaya pa rin itong isiksik ng utak sa ulo ng tao.” Ang pinakamagastos na computer ay isang kakatuwang henyo. Ang bilis nito sa pagkalkula ay kasimbilis ng pagpapasok dito ng mga numero, pero subukan ninyong pagawin ito ng isang makatuwirang disisyon at ito ay humihinto.
Ganito ang konklusyon ng artikulo sa Computerworld: “Ang punto ng buong ehersisyong ito ay ipakita lamang na ang utak ng tao ay napakahirap palitan ng anumang uri ng arkitekturang hardware o software. Kahit na sa pinakasimpleng kalagayan, ang utak pa rin ang orihinal na computer, at lahat ng iba pang modelo—anuman ang antas ng kanilang kakayahan—ay pawang mga imitasyon na kasimbagal ng paggapang ng bulati.”