Nanunumbalik Ba ang Wagas na Asal?
ANG mga bahay ay walang laman. Ayon sa mga karatula ang mga ito ay pinauupahan. Ang mga bahay na iyon sa Hamburg, Alemanya, ay minsang naging bahagi ng isa sa pinakamalalaking sentro ng prostitusyon sa daigdig. Bakit nagsara ang mga ito?
Sa katulad na dahilan kung bakit nilisan ang iba’t ibang kilalang lugar-tagpuan ng mga homoseksuwal sa San Francisco. Sa buong Estados Unidos, maraming mga club at sauna para sa mga homoseksuwal ang nangagsara nang sunud-sunod.
Ano ang pangunahing dahilan ng mga pagbabagong ito? Ang pagkalat ng AIDS, ang nakamamatay na virus na naging isa sa pinakagrabeng mga salot ng ika-20 siglo.
Kinitil na ng AIDS ang buhay ng sampu-sampung libo katao. At kung ang kasalukuyang mga pagtaya ay mapatutunayang tumpak, maaaring kitlin nito ang milyun-milyon pang buhay sa malapit na hinaharap.
Isang Panunumbalik sa Wagas na Asal?
Noong mga taon ng 1960 at ’70, nagkaroon ng ganap na pagbabago sa mga bansang Kanluranin kung tungkol sa sekso. Tinanggap na ng marami ang malayang pag-iibigan. Ang bilang ng mga isinisilang sa labas ng kaayusan ng pag-aasawa ay tumaas. Mapupunang higit na mababa ang edad niyaong mga nakikipagtalik sa sekso sa unang pagkakataon. Gumuho ang dating mga pamantayan sa buhay ng milyun-milyon, at ang bilang nila ay mabilis na lumalago.
Tungkol sa saloobing nangingibabaw noon, ang magasing L’Actualité ng Canada ay nagpahayag: “Ang seksuwal na pakikipagtalik ay naging isang uri ng larong di-nakasasakit.” Kasabay nito, dahil sa pagtaas ng bilang ng mga kilusang nakikipaglaban para sa “mga karapatan” ng mga homoseksuwal, naging bantog na usapin ang homoseksuwalidad, at gumawa ng mga pagbabago sa mga batas na dati’y nagbabawal sa mga relasyong homoseksuwal.
Pagkaraan ay lumitaw ang AIDS sa pandaigdig na eksena. Habang dumarami ang bilang ng mga namamatay sa makabagong salot na ito at walang lunas na nasumpungan, biglang nagbago ang saloobin ng mga tao tungkol sa sekso. Gaya ng paliwanag ng L’Actualité: “Dahil sa AIDS, ang mga laro ng pag-ibig ay naging labis na mapanganib.” Nagkomento ang Amerikanong peryodista na si Ellen Goodman hinggil sa pagbabago sa saloobin na ipinahihiwatig nito: “Habang—hindi kung sakali kundi habang—kumakalat ang AIDS sa populasyon, ‘hindi’ ang magiging higit na karaniwang tugon sa sekso.”
Nagbago ang mga Gawi—Hindi ang mga Asal
Ibig bang sabihin nito na nasasaksihan na natin ang isang uri ng kamalayang nagbubunga ng isang panunumbalik tungo sa wagas na asal? Gaya ng minsa’y inangkin ng media, ito ba’y isang “pagkabuhay ng pagiging konserbatibo” o ng “puritanismo”?
Nagbago ang ilang mga gawi dahilan sa matinding pangangailangan, subalit ang saligang kaisipan ay hindi masasabing sumunod sa pagbabagong ito. Halimbawa, hindi masasabing ang mga homoseksuwal na hindi na nakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha at nilimitahan ang kanilang sarili sa isang “monogamyang” ugnayan bilang panunumbalik sa wagas na asal. Isa pa, ano ang mangyayari kung matuklasan ang isang bakuna para sa AIDS? May dahilang maniwala na marami ang magsisibalik sa kanilang dating mga paggawi at na ang mga establisimyentong naglilingkod sa mga ito ay muling magbubukas.
Sa daigdig ng mga heteroseksuwal, makikita rin ang mga pagbabago sa pag-uugali, subalit hindi sa saligang kaisipan. Si Felice, isang estudyante sa University of California sa Los Angeles, E.U.A., ay nanghihinayang na hindi nakaranas ng seksuwal na kalayaang dati’y umiiral sa paaralan. Sinabi niya: “Waring nakapupukaw ito ng galit. . . . Sana’y talagang may kalayaan akong gawin ang sarili kong mga pasiya.” At ipinaliwanag ng isang peryodistang Amerikano na ang dating mga pamantayang moral ay hindi na muling lilitaw, sa pagsasabing: “Samantalang ang pagbabago tungkol sa sekso ay maaaring bumabagal, walang lahatang panunumbalik sa kasal-bago-magsiping na kaisipan ng mga taon ng 1940 at ’50.”
Bilang halimbawa, sa Canada, iniulat ng magasing Maclean’s ang sumusunod hinggil sa isang surbey sa mga estudyante sa kolehiyo na ginastusan ng pamahalaan: “Ang mga kabataan ay may makatuwirang kabatiran tungkol sa mga sakit na naisasalin sa pamamagitan ng seksuwal na pakikipagtalik, lakip ang AIDS, syphilis at gonorrhea. Subalit maliwanag na ang kaalamang iyan ay hindi sila ginawang mas maingat. Karamihan sa mga estudyanteng tinanong ay nagsabi na sila’y nakikipagtalik, ngunit umamin na sila’y pabaya sa paggawa ng isang hakbang na mag-iingat sa kanila sa sakit habang nakikipagtalik: ang paggamit ng kondom.”
Sinabi pa ng ulat: “Maraming mga autoridad sa kalusugan ang nagsasabi na sila’y nababahala na, sa kabila ng publisidad sa ligtas na pakikipagtalik, ang mensahe ay hindi nakaaapekto sa isang bahagi ng populasyon na aktibo sa seksuwal na gawain.” Sinabi ni Dr. Noni MacDonald, isang espesyalista sa Ottawa tungkol sa nakahahawang mga sakit: “Karamihan sa mga kampanya ng pagtuturo at media na pataasin ang bilang ng mga gumagamit ng kondom ay malungkot na kabiguan.”
Isinusog pa ng Maclean’s: “Nasumpungan sa surbey ng 54 na mga paaralan na tatlong-kapat ng mga estudyante ang nakaranas na ng pakikipagtalik. Halos kalahati ng mga lalaki ang nag-aangking nagkaroon ng lima o higit pang mga kapareha, sangkapat sa kanila ang nag-aangking may kabuuang 10 o higit pa. Sa mga kolehiyalang tinanong, 30 porsiyento ang nagsabing nakipagtalik na sila sa di-kukulanging limang kapareha; 12 porsiyento ang nag-aangking ginawa iyon sa di-kukulanging 10 lalaki. Gayumpaman, ang mga kondom ay hindi laganap na ginagamit. . . . Yaong mga pinakamalapit sa panganib ay ang mga hindi halos gumagamit ng mga kondom.”
May Aral bang Natutuhan?
Marami ang tumatangging matuto ng isang aral mula sa nagaganap. Ang ilang mga doktor ay nagpapayo ng pagbabago sa mga kaugalian, inirerekomenda ang pagkakaroon ng iisa lamang katalik at ang paggamit ng mga kondom upang makaiwas sa AIDS. Subalit sila’y umiiwas na hatulan ang kahalayan. Si Alan Dershowitz, isang propesor ng batas sa Harvard, ay kumakatawan sa hilig na ito nang ipayo niya na hindi dapat kuwestiyunin ng mga mananaliksik ang aspektong moral ng seksuwal na pagawi na nagdadala ng AIDS. Kaniyang sinabi: “Dapat na gumawi ang mga siyentipiko na para bang ang sakit ay nadadala sa pamamagitan ng neutral na paggawi.”
Gayumpaman, ang Pranses na magasing-pambalita na Le spectacle du monde ay nakadaramang hindi ito sapat. Sinabi nito: “Walang patakaran para sa pakikipagbaka laban sa AIDS na magkakaroon ng anumang epekto malibang kalakip nito ang isang mabilis, pangglobo, at kusang panunumbalik sa mataas na anyo ng wagas na asal. (Hindi dapat kalimutang ang kaluwagan sa sekso, prostitusyon, at pag-abuso sa droga ang pangunahing mga huwaran ng sosyal na paggawing may pananagutan sa pagkalat ng sakit na ito.) Ang panunumbalik na ito sa wagas na asal ay mangyayari lamang kung lilitaw ang isang bagong pakahulugan sa kultura. . . . Ang wagas na asal ay hindi produkto ng anumang paniniwala ng isang partido. Nakakaharap ang pinsala ng salot ng AIDS, ang mga ito’y dapat na bigyang-kahulugan bilang isang apurahang pangangailangang biyolohikal kung saan nakasalalay ang kaligtasan ng sangkatauhan.”
Dapat bang ibalik ang wagas na asal bilang isang “pangangailangang biyolohikal”? Ang pagkakapit ba ng isang sistema ng mga pamantayan ng wagas na asal ay dapat lamang gawin bilang pagsunod sa mga nangyayari? Lahat ba ng mga kodigo sa etika ay magkakatulad ang halaga? Ating tingnan kung anong mga aral ang maituturo sa atin ng kasaysayan.
[Blurb sa pahina 5]
“WALANG LAHATANG PANUNUMBALIK SA KASAL-BAGO-MAGSIPING NA KAISIPAN NG MGA TAON NG 1940 AT ’50”