Pagmamasid sa Daigdig
BAGONG BATAS SA DUGO
Noong Enero 1, 1990, ang California ay naging kauna-unahang estado sa Estados Unidos na gumawa ng isang batas na humihiling sa mga manggagamot at mga seruhano na ipagbigay-alam sa kanilang mga pasyente ang mga panganib ng mga pagsasalin ng dugo “kailanma’t may posibilidad na kakailanganin ang isang pagsasalin ng dugo bunga ng operasyon.” Sang-ayon sa bagong batas, ang pasyente ay dapat ding sabihan sa nasusulat na anyo ng kapuwa mga panganib at mga bentaha ng iba’t ibang mapagpipilian sa pagtanggap ng dugo ng iba sa isang pagsasalin. Dapat itala ng mga seruhano at mga manggagamot sa medikal rekord ng pasyente na ang pasyente ay napabatiran. Gayunman, ang mga hakbang na ito ay hindi kumakapit kapag umiiral ang tinatawag na “nagbabanta sa buhay na emergency.” Tinatawag na The Paul Gann Blood Safety Act, ang hakbang ay ipinangalan sa isang kilalang krusado para sa mga reporma sa buwis na namatay dahil sa AIDS na nakuha niya sa isang pagsasalin ng dugo. Sang-ayon sa kaniyang patalastas sa pagkamatay sa magasing Time, “inaakala ni Gann na ang mga taong sadyang nagdadala [ng AIDS] ‘ay dapat litisin sa salang pagpatay.’ ”
MAY KARAPATAN BANG PUMILI ANG MGA NARSES?
Samantalang ang mga pabor sa aborsiyon ay nagsasabing ang bawat babae ay dapat na may karapatang pumili ng aborsiyon, maraming narses sa Canada ang nakadarama na sila ay pinagkakaitan ng kanilang sariling karapatang pumili—ang kalayaang tumangging tumulong sa mga doktor sa mga aborsiyon. Sang-ayon sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada, maraming narses sa bansang iyon ang hiniling na lumagda sa mga pangungusap na nagpapahayag na ang kanilang relihiyoso at personal na mga paniwala ay hindi hahadlang sa kanila sa pagsasagawa ng anumang tungkulin na maaaring iatas sa kanila. Kung sila ay tatangging tumulong sa mga aborsiyon, “humanap na sila ng ibang trabaho,” ayon sa isang tagapagsalita para sa Ontario Hospital Association. Ang ibang bansa ay gumagawa ng mga palugit para sa budhi ng isang nars. Iminumungkahi pa nga ng Royal College of Nursing ng Britaniya ang isinasagawang pagpapayo sa mga narses na tumutulong sa mga aborsiyon, yamang ang mga narses ay maaaring magpasiyang tumigil sa pagiging nars pagkatapos makita mismo ang aborsiyon.
ISANG MASALIMUOT NA UNIBERSO
Ang pagkatuklas sa pagkalawak-lawak na mga kaayusan sa kalawakan ay maaaring pumilit sa mga siyentipiko na tasahing-muli ang kanilang mga teoriya. Ang isa sa mga kaayusang iyon, na tinutukoy na “the great wall,” ay inilalarawan bilang isang napakalaki, patag na lawak ng mga galaksi na nakakalat sa mahigit na isang libong milyong ligth-years. Ang isa pang kaayusan ay tinatawag na “the great attractor” dahil sa paghila nito sa napakaraming galaksi, pati na sa ating galaksi, patungo sa kaniya. Binabanggit ng The New York Times na ang gayong mga kaayusan, na “hindi lamang basta mga galaksi o mga bungkos nito, kundi pagkalaki-laking ‘mga kontinente ng mga galaksi,’ ” ay nagpapatunay sa mga teoriya na “ang mahahalagang bagay sa uniberso ay di-hamak na mas malaki at mas masalimuot kaysa naguniguni ng mga astronomo.” Sinabi ng isang astrophysicist sa Times na maraming teoriya ang umaasang aalis ang “great attractor.” Bakit? “Hindi namin maunawaan kung paano maaaring nabuo ang gayon kalaking kaayusan,” sabi niya.
“ATROPYA NG RELIHIYOSONG BUHAY”
Mahalaga ba ang relihiyon sa mga Italyano? Hindi ayon sa isang surbey kamakailan ng 2,008 na mga Italyano mula sa gulang na 14 hanggang 70 anyos. Sa mga kinapanayam, 61.5 porsiyento ang nagsabi na hindi o bihira silang magdasal. Tanging 0.5 porsiyento lamang ang magtutungo sa isang pari para humingi ng payo. Mga 8 porsiyento lamang ang nag-aakalang ang pananampalataya ay kinakailangan upang mapasulong ang mga ugnayan ng tao. Sang-ayon sa pahayagang Italyano na Il Corriere della Sera, “45 porsiyento [ng mga Italyano] ang nagsasabing sila’y mananampalataya, subalit hindi nila tiyak kung ano ang kanilang pinaniniwalaan.” At ang Il Giornale ay nagsasabi na ang mga pinaniniwalaan ng mga Italyano ay “isang pagtanggap lamang ng nakalipas kaysa may kabatirang pagpili.” Inilalarawan ng La Stampa ang kalagayan bilang isang “atropya ng relihiyosong buhay” sa Italya. Ano ang humalili sa gumuguhong mga relihiyon? Ang Il Corriere della Sera ay sumasagot: “Sa kanilang dako, pansamantala, ay walang laman.”
AIDS SA INDIA
Sa pasimula ng 1990, may iniulat na 41 kaso lamang ng grabeng AIDS sa India; gayunman ang bansang iyon ay maaaring siyang kauna-unahan sa Asia na dumanas ng isang matinding epidemya ng AIDS, sang-ayon sa The Toronto Star. Tinataya ng pamahalaan ng India na mga 10,000 ng 100,000 patutot sa Bombay ay nahawaan na ng nakamamatay na virus. Ang grupo lamang na iyon ay may kakayahang makahawa sa 20,000 lalaki sa isang taon. Maraming patutot ang tumatangging huminto sa kanilang trabaho kahit na pagkatapos nilang malaman na sila ay may sakit na AIDS, sinasabing wala silang ibang paraan ng pagkita ng ikabubuhay. Daan-daang propesyonal na mga nagbebenta ng dugo sa India ay nagdadala rin ng virus ng AIDS; gayunman marami ang patuloy na nagbebenta ng kanilang dugo upang kumita. Habang lumalaganap ang virus sa buong bansa, binubuod ng isang opisyal ng medisina sa Bombay ang larawan ng lungsod na iyon: “Ito ay tumitiktak na bomba.”
BUKOD NA MGA SUBWEY
Ang bagong sistema ng subwey sa Cairo, Ehipto, ay lubhang pinapurihan dahil sa kalinisan, kahusayan, at kaligtasan nito. Gayunman, ang mga babae sa Cairo ay humiling ng isang pagpapabuti. Isang kotse sa bawat tren ay inilaan para sa babaing mga pasahero lamang. Ang bagong patakaran ay itinaguyod ni Thuraya Labna, peministang miyembro ng parlamento ng Ehipto, na nagsasabing ang mga babaing Ehipsiyo ay nangangailangan ng isang ligtas na paraan ng paggamit sa transportasyon ng publiko nang hindi dumaranas ng seksuwal na panliligalig na palasak sa Cairo. Bagaman ang plano ay tumanggap ng ilang pagpuna (halimbawa, ang kotse sa subwey para sa mga babae ay tinutuya bilang isang ‘harem na kotse’), iniulat na ito ay nagtagumpay sa tunguhin nito na pangalagaan ang mga babae.
ANG PINAKADUKHA SA DI LANG DUKHA
Noong Pebrero 1990, mga kinatawan mula sa 42 pinakamahirap na mga bansa sa daigdig ang nagtipon noong isang dulo-ng-sanlinggo sa Bangladesh upang gumawa ng bagong mga paraan upang kumbinsihin ang mas mayayamang bansa ng daigdig na mga 500 milyon katao ang apurahang nangangailangan ng tulong. Gayunding komperensiya ang ginanap noong 1981, subalit isa man sa mahahalagang tunguhin nito ay hindi natugunan. Sa katunayan, ang The New York Times ay nag-uulat na “ang 1980’s ay nagdala ng higit pang karukhaan, humihinang edukasyon, lumulubhang kalusugan at pangkalahatang pagbaba ng pamantayan ng buhay.” Ang katamtamang kita ng bawat tao sa 42 bansa ay $200 (U.S.) lamang sa isang taon. Dalawampu’t-walo sa mga bansa ay nasa Aprika, siyam ay nasa Asia, apat ay mga bansang pulo sa mga karagatan sa Pasipiko at India, at ang isa ay nasa Dagat Caribbean sa Amerikas.
ALKOHOL AT MGA BABAE
Malaon nang napansin na ang alkohol ay may higit na tama sa mga babae kaysa mga lalaki. Ang isang popular na paliwanag ay na ang mga lalaki ay tumitimbang ng higit, kaya mas maraming alkohol ang matatanggap nila. Subalit natuklasan ngayon ng mga siyentipikong Italyano at Amerikano na ang katawan ng babae ay gumagawa ng isang enzyme na tinatawag na alcohol dehydrogenase na 30 porsiyentong mas kaunti kaysa ginagawa ng katawan ng lalaki. Samantalang ang alkohol ay nasa tiyan pa, pinaghihiwa-hiwalay na ito ng enzyme bago pa ito pumasok sa daluyan ng dugo at magtungo sa utak, atay, at iba pang sangkap ng katawan. Ang alkoholikong mga lalaki ay patuloy na gumagawa ng halos kalahati ng kanilang normal na antas ng enzyme, samantalang ang mga alkoholikong babae ay halos walang ginagawang enzyme.
PROBLEMA SA INIINOM NA TUBIG
“Ang pagpapanatiling malinis sa iniinom na tubig ay isang problema sa Europa at sa ibayo pa roon,” ulat ng The German Tribune. Ayon sa pahayagang Aleman na Deutsches Allgemeines Sonntagsblatt, ang German Gas at ang Water Boards Association ay tumataya na sa 6,300 waterworks sa Pederal na Republika ng Alemanya, sa pagitan ng 10 at 20 porsiyento ang hindi makatugon sa pamantayang Europeo para sa iniinom na tubig. Ipinahihintulot ng pamahalaan ang paggamit ng halos 1,400 pestisidyo, na naglalaman ng mga 240 kemikal na elemento. Sa paano man, 40 sa mga elementong iyon ang nasumpungan sa iniinom na tubig ng bansa, sa tubig sa ilalim ng lupa nito, higit pa nga, sa tubig-ulan nito. Isa pa, ang iniinom na tubig sa Alemanya ay dumaranas pa rin ng naantalang mga epekto mula sa Digmaang Pandaigdig II. Sa isang maliit na bayan, ang dako ng dating pagawaan ng kagamitang-digma, anim na balon ang isinara; ang mga ito ay nadumhan ng mga latak ng paggawa ng TNT.
MASAHOL PA SA LABIS NA KATABAAN
Isang karaniwang kaalaman na ang paghinto sa paninigarilyo ay maaaring pagmulan ng kasunod na pagtaba at na ang labis na katabaan ay isang panganib sa kalusugan. Subalit ang dalawang bagay na iyon ay hindi nagtataguyod sa katuwiran ng ilang maninigarilyo na mas mabuti sa kalusugan ang patuloy na manigarilyo at manatiling payat kaysa huminto ng paninigarilyo at tumaba. Ayon sa Economist ng Britaniya, sinuri ng isang dalubhasa sa estadistika at isang epidemiologo ang impormasyon mula sa isang malawak na pag-aaral ng mahigit na 7,000 lalaking Britano. Ang mga mananaliksik ay naghinuha na bagaman totoong mapanganib ang maging labis ang katabaan, ang paninigarilyo ng 20 sigarilyo sa isang araw ay mas mapanganib. Sabi ng The Economist: “Nasumpungang mas mabuti pa ang labis na katabaan kaysa paninigarilyo (hindi dahil sa hindi gaanong masama ang labis na katabaan, kundi dahilan sa ang paninigarilyo ay talagang kakila-kilabot).”
SAKIT SA IKA-20 SIGLO
Ang makabagong-panahong polusyon ay nagdulot ng isang pambihirang bagong sakit. Tinutukoy na ekolohikal na karamdaman, sobrang pagkasensitibo sa kapaligiran, o ang sakit ng ika-20 siglo, ito ay iniulat na nagpapahirap sa 30,000 katao sa Ontario, Canada, lamang. Ang mga pinahihirapan ay sobra ang pagkasensitibo sa napakaraming gawang-taong mga kemikal at tagapagparumi, mula sa usok ng sigarilyo hanggang sa tinta sa isang inimprentang pahina. Sa matinding mga kaso, ang mga pinahihirapan ng sakit ay nakukulong sa bahay na mga masasaktin, humihinga sa pamamagitan ng isang oxygen mask. Binabanggit ng The Toronto Star na ang ilang dalubhasa ay naniniwala na ang paghihirap ng ilan sa mga ito “ay isang babala na may isang bagay na lubhang nagkamali.”